webnovel

4 | George y Jorgina

Those who you'll love unconditionally.

Elise Montenegro

"Lola paano niyo nalamang si Lolo na 'yun? Paano kung kapangalan niya lang pala?" Tanong ko kay Lola.

"Imposible namang makakilala ka ng dalawang tao na pareho buong pangalan 'nak, at saka mararamdaman mo naman 'yon."

Lalo lang akong naguluhan sa sinabi ni Lola.

Nung una kong nakita si Sir, wala naman akong ibang naramdaman. Parang normal lang naman lahat, ni hindi ko nga natandaan pangalan niya bukod sa Sir P.E., 'yon naman kasi tawag nilang lahat sa kanya.

At saka, imposibleng siya 'yon dahil patay na ang Xerxes Zaragosa na para sa akin.

Oo, imposible 'yon. Nagkataon lang na pareho sila ng pangalan ng soulmate ko. Pareho lang sila ng pangalan pero hindi sila parehong buhay.

"Bakit anak? Lumitaw na ba ang soulmate mark mo?" Tanong sa akin ni Lola, rinig sa speaker ng phone na excited siya. Pero nung nakita niyang malungkot ako ay agad din nalungkot ang mukha niya.

Napahinga muna ako ng malalim bago sinabing, "Wala na po siya."

Ipinakita ko pa sa screen ang pulsuhan ko kahit hindi naman ako sigurado kung makikita niya ang faded mark na pangalang nakalagay do'n. May iba raw na pinapatakpan ng tattoo o pinapaayos sa doktor 'yon pero ilegal naman 'yon dito.

Pwede siguro sa ibang bansa. Kung pwede lang magamit na pang-revive 'yung tinta ng tattoo, baka marami nang gumawa no'n.

Hindi kaagad nakapagsalita si Lola. Pero ramdam kong malungkot siya para sa akin. Isipin mo hindi lang anak niya ang nawalan ng soulmate, pati apo niya.

"Kamusta naman ang pakiramdam mo apo?"

"Mabigat na mabigat po, Lola." Pag-amin ko sa kanya. "Ang sakit po pala."

Naibaba ko ang hawak na phone at napaiyak na lang uli. Kahit anong pigil ko, lalo lang akong naiiyak.

Hindi ko na naitaas ang phone ko nang magsalita. "H-hindi k-ko man lang—" Napahikbi na lang ako at napatakip sa mukha.

"Kung pwede lang lumipad ngayon d'yan apo gagawin ko, alam kong sobrang sakit."

Hindi na ako nakapagpaalam ng maayos kay Lola, nakatulog ako kakaiyak sa isang taong hindi ko na makakasama kahit kailan.

Sana sinaksak na lang nila ako kaysa ganito 'yung nararamdaman ko.

Parang inaapi pa ako ni Oliphius dahil kapangalan niya ang teacher ko sa P.E., parang masamang joke na kahit sa ibang sitwasyon hindi pa rin kami pwedeng magkasama dahil minor de edad pa ako at teacher ko naman siya.

Pero kung papipiliin ako, mas okay pa 'yong ilegal kaysa naman ganito kasakit.

"Ang sama-sama mo sa akin diyos ng tadhana, hindi naman kita inaano d'yan."

---

Akala ko kapag lumipas ang ilang araw, magiging ayos na ako. Hindi ko naman kasi siya nakilala e, ibig sabihin walang attachment, hindi lang naman soulmates ang pwede kong makasama habang buhay. Pwede pa akong magkaroon ng pets, ng bagong kaibigan, kapitbahay na pwedeng kaibiganin. Pwede rin akong makahanap ng tulad kong namatayan ng soulmate.

Pero habang tumatagal lalo akong naiinis kay Oliphius na diyos ng tadhana, sa teacher kong kapangalan ang soulmate ko, sa sarili ko dahil masyado akong nasasaktan.

Kung ganito na pala kasakit ngayong hindi ko pa siya nakikilala, paano pa kaya 'yung naranasan ng iba? Iyong naramdaman ni Mama nung nawala pareho ang soulmate niya?

Paano siya nagpatuloy sa buhay?

Hindi ko pa rin nakukwento kina Ella ang sitwasyon ko, parati kasi silang magkasama ni Juliano tapos pakiramdam ko mahahatak lang sila ng emosyon ko pababa kaya nagkukunwari na lang ako na ayos lang.

"Sa mga hindi nakapag-BMI kahapon, pwede na kayo pumunta sa gym. Sa mga hindi na kailangan, may activity kayong sisimulan ngayon pero hindi P.E. related, pinapagawa 'to sa inyo ni Ma'am Zani kasi napapansin niya na wala raw kayong ginagawa kun'di magdaldalan sa vacant niyo."

"Sino bang absent kahapon?" Tanong ko kay Ella.

"Si Gabbie at Leni." Mabilis na sagot niya bago nilingon ang pwesto ng kaklase namin. "Punta ka ng gym. Tatlo lang naman kayo yatang hindi naka-BMI."

Labag man sa loob kong tumayo at gumalaw ay napilitan na rin ako. Ayaw ko rin kasing makita 'yung mukha ni Sir ngayon. Pakiramdam ko maiiyak lang ako tapos malulungkot ng sobra kasi para siyang personification ng insult at joke ni Oliphius.

"Si Ms. Montenegro, si Garcia, at Sanchez lang ang pupuntang gym?" Tanong pa ni Sir.

Nang walang sumagot ay kami na lang tatlo ang pumunta ng gym. Kaklase ko si Gabbie since first year pero hindi kami masyadong nagkakausap dahil iba ang group of friends niya tapos madalas naman hindi kami nagkakasama sa groupings o activity. Si Leni naman laging absent kahit kaka-transfer niya lang this year kaya mas lalong hindi kami close.

Matiwasay naman ang pagpunta naming gym nila Gabbie.

Gusto ko na nga sana mag-cutting nung nakita kong nakabukas pala 'yung gate ng school kanina pagdaan namin. Buti na lang marunong akong magpigil ng sarili at saka nakita ko kasing nakasunod pala sa 'min si Sir, wala tuloy kaming takas.

"Pagkatapos niyo dito, puntahan niyo na lang ako sa faculty para magpasa ng index card okay?"

Tumango naman kaming tatlo kay Sir bago nagsimula.

"Ba't natanggap sila ng gano'n kapoging teacher 'no?" Tanong ni Gabbie.

"Kaya nga e, ka-distract tuloy." Sabi naman ni Leni. "Nakakahiya kamo pag nagkakatinginan kami parang nagkakaroon ako ng kasalanan." Dagdag niya pa.

Pareho kaming natawa ni Gabbie. "Siyang tunay."

"Asaan na ba 'yung timbangan?" Tanong ko na lang.

Gusto ko pa sanang makipagbiruan sa kanila kaso tuwing naaalala ko 'yung pangalan niya nawawalan ako ng gana.

Sana lumitaw na 'yung pangalan ng pangalawa kong soulmate para matapos na 'to at makalimutan ko na 'yung pangalan ni Sir. Kawawa naman siya e, naiinis ako sa kanya dahil lang sa pinangalan sa kanya ng magulang niya. Wala naman siyang ginawang masama sa 'kin.

Pagkatapos namin ng agenda sa gym ay nag-calculate na kami ng BMI at binigay na kay Sir ang kailangan niya.

Kahit sa faculty andaming pasilip-silip na estudyante kay Sir.

"Nakita niyo 'yon?" Natatawang tanong ni Leni. "Grabe dating ni Sir."

"Ta's bading pala si Sir 'no? Aruy." Komento naman ni Gabbie habang naglalakad kami paakyat sa classroom.

"Tingin niyo?" Tanong ko naman sa kanila. "Bakla kaya si Sir?" Dagdag ko pa.

"Iyong totoo?" Tanong ni Gabbie pabalik.

Tumango kaming dalawa ni Leni.

"Mukhang hindi naman, pero parang Bi? Kasi 'yung pinsan ko ganyan kagwapo tapos ganyan din kilos tapos sabi ni Tita, bisexual daw."

"Pero may asawa na 'yan si Sir talaga, nararamdaman ko." Natatawang sabi ni Leni. "Imposible namang wala pa 'no."

"Nakita niyo ba 'yung wrist ni Sir?" Tanong ko naman sa kanila.

Ngayon ko lang kasi napansin na short sleeve lang ang suot ni Sir.

"May band e, hindi namin nakita pangalan ng soulmate niya." Malungkot na sabi ni Gabbie.

"Kung gano'n kagwapo soulmate mo, hahanap ka pa ba ng iba?" Tanong ni Leni sa 'min.

"Employed tapos gwapo? Check out ko na 'yan agad." Sagot ni Gabbie.

"Ikaw Elise?" Tanong naman ni Leni sa 'kin.

Umiling ako. "Ayaw ko ng gano'n kagwapo laging tinitignan."

Nakakatakot kaya 'yung mga gwapo. Minsan maganda nga 'yung mukha tapos killer pala. At saka mas gusto ko 'yung matalino kaysa gwapo para mahawaan ako ng katalinuhan kahit konti tapos masipag.

Si Sir kasi tatamarin ka na kumilos pag araw-araw mo siyang nakikita. Tititig ka na lang sa kanya buong araw.

"Ay choosy si Elise, por que may nagkaka-crush na Kyle at Wyzwyg."

"Hindi ah!" Tanggi ko. "Ayaw ko lang ma-distract 'no."

Naunang umuwi sila Ella sa akin kasi cleaners ako ngayong araw. Sa kasamang palad, kasama ko si Kyle at mukhang kasabay niya si Sir umuwi.

"Hindi ka na kumakain ng lunch sa may acacia?" Tanong ni Kyle sa 'kin habang nag-uusog ng upuan.

"Hindi na, kasabay ko na sila Ella."

Napatango-tango naman siya. "Sabay ka na sa 'min ni Sir, isa lang naman 'yung sasakyan natin."

"Totoo sa Circle ka rin nakatira?" Tanong ko sa kanya habang sinasarado 'yung bintana.

"Oo nga, akala mo naman sa 'kin? Sinungaling?"

"Wala akong sinabi."

"Oh 'wag kayong mag-aaway." Si Lance ang nagsalita, siya 'yung nagwawalis ng sahig.

"Away naman agad? Uusap lang kami."

Iyong kabilang bintana naman ang isinarado ko.

"Kyle, una na raw si Sir umuwi."

Hindi ko na sila pinansin at sinarado na lang lahat ng bintana. Kung uuwi na si Sir at sabay kaming dalawang uuwi, ibig sabihin kaming dalawa lang ang magkasabay? Mas mabuti na rin siguro 'yon.

Natapos kaming maglinis, si Lance ang nagsarado ng pinto ng classroom. At tulad ng inaasahan, kaming dalawa lang ni Kyle ang magkasabay na umuwi. Tuwing may makakasalubong siyang estudyante lagi siyang tinutukso. Panay naman ang pagiging defensive niya kaya lalo siyang inaasar.

"Buti kaya mong hindi pansinin 'yung mga 'yon?" Tanong ni Kyle sa 'kin. "Sanay ma-issue?"

"Hindi naman." Tanggi ko. "Pag kasi pinansin mo 'yang mga 'yan lalo ka lang nilang tutuksuhin kahit hindi naman totoo."

"Eh paano kung totoo? Itatanggi mo?"

Napatigil ako sa paglalakad. "Anong itatanggi?"

Natigil din siya sa paglalakad at tumingin sa 'kin. "Na gusto mo 'yung tao?"

"Bakit ko itatanggi kung totoo?"

Nagkibit-balikat siya. "S'yempre nakakahiya 'yon 'di ba?"

"Sabagay." Sang-ayon ko sa kanya bago tumuloy sa paglalakad. Wala naman akong mapapala kung makikipagtalo pa ako sa kanya.

At saka wala pa naman akong nagugustuhang tao kaya hindi rin ako sigurado kung totoo ngang hindi ko itatanggi 'yong feelings ko kung nagkataon.

Tahimik lang uli kaming naglakad hanggang sa makasakay kami ng tricycle. Pagkababa namin gusto ko sanang itanong kung saang street siya nakatira kaso naunahan na naman niya ako ng sagot.

"Do'n ako sa Martins. Ikaw saan ka?"

"Sa Diegos." Tumuro ako sa kulay green na gate."Nakita mo 'yung green na gate na 'yon?" Tanong ko sa kanya.

Tumango naman siya at sinundan ng tingin kung saan ako tumuro. "Oo, doon ka?"

Binaba ko ang kamay ko. "Hindi. Pero do'n nakatira 'yung asong nanghahabol."

Malakas siyang natawa. "Akala ko doon ka nakatira."

Tumuro uli ako. "Do'n pa 'ko sa may dulo."

"Ah." Napatango siya. "Sige, doon na 'ko." Siya naman ang tumuro. "Do'n ako sa may silver na gate, 'yung laging may pusang itim sa labas."

"Sige, una na 'ko sa 'yo." Paalam ko sa kanya bago naglakad patalikod sa kanya.

"Sige—ay teka pala!" Pigil niya kaya napalingon ako sa kanya uli.

"Ow?"

Mata sa mata kaming nagkatitigan. "Hindi mo pa ba kinakausap si Sir?"

Naguguluhang tinignan ko siya. "Sir?"

Wala naman akong atraso sa mga lalaki naming teacher. Lagi rin akong pumapasok kaya alam kong walang problema sa grades ko. Kahit hindi perfect score ang tests ko, pasado naman parati—yata?

"Si Sir Zaragosa."

Nagsalubong ang kilay ko sa narinig. "Bakit ko kakausapin si Sir?"

Mukha siya naman ang naguluhan. "Hindi ba soulmates kayo?"