webnovel

Enchanted in Hell (Tagalog)

Pipiliin niya bang ikulong ang sarili sa lugar kung saan naniniwala siyang may kaligayang naghihintay sa kaniya? Paano kung ang kaligayahang hinahanap niya ay mula sa taong mas masahol pa sa isang demonyo?

Teacher_Anny · Urbain
Pas assez d’évaluations
54 Chs

Oedipus Complex

Nagdidilig ng halaman si Rina sa labas. Maaga siyang nagising para gawin iyon. Napakalawak ng labas ng mansion kaya kakain siya ng mahabang oras para matapos. Hindi naman siya nahihirapan dahil may hose naman siyang gamit.

Tumigil siya sandali at tumingala.

Maaliwalas ang kalangitan. Asul na asul. Ang mga ibon sa himpapawid ay magkakasabay sa pagpagaspas ng kanilang mga pakpak—para bang sumasayaw. Papunta ang mga ito sa iisang direksyon.

Huminga nang malalim si Rina. Pinunasan niya ang namumuong pawis sa noo. Umaga pa lang pero naliligo na siya sa pawis.

"Ang ganda talagang tingnan ng paglitaw ng araw," sabi niya. Mukha siyang baliw na kinakausap ang sarili.

Kulay kahel ang araw at nakapuwesto sa gitna ng dalawang bundok. Mayamaya lang ay tuluyan na itong lalabas mula sa pinagtataguan.

"Malulunod ang halaman niyan."

Nagbalik si Rina sa katinuan. Nakalimutan niya na umaagos pa pala ang tubig sa hose na hawak niya. Mabilis niyang sinara ang gripo at lumingon sa lalaking nakabihis ng pormal—nakasuot ng long sleeves white polo, naka-tie at slacks.

"Sino ka?" tanong ni Rina. Mabuti at nakapasok ang lalaki dahil ang alam niya ay mahigpit ang guwardiya sa labas.

"Ako nga pala si Dr. Steve, personal psychiatrist ni Theo," pormal na pagpapakilala nito.

"Ano? Psychiatrist?"

Tumango si Dr. Steve kay Rina. Galing siya sa hospital pero dumiretso na siya sa mansion para kumustahin ang pasyente niya. "Ikaw na siguro ang tinutukoy ni Mr. and Mrs. Ledesma."

Hindi maunawaan ni Rina ang sinasabi ng doktor. Pamilyar sa kaniya ang kaharap. Sigurado siya na nakita na niya ito kung saan.

"Kumusta naman si Theo nang makita ka niya?" tanong ni Dr. Steve. Tumingala siya sa langit. Sa kaniyang ideya ang pagtanggap kay Rina sa mansion. Bilang personal psychiatrist ni Theo, responsibilidad niyang tulungan ito. Kung tumatanggi itong umalis ng mansion dahil takot itong harapin ang mundo sa labas, ang 'tao' na lang ang papupuntahin niya sa pinagtataguan nito.

"Hindi mo pa pala alam ang kondisyon niya."

"Bakit? Ano ba ang nangyari sa kaniya?" takang tanong ni Rina.

"He is suffering from agoraphobia."

Nanatiling tikom si Rina. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon niya dahil unang beses pa lang niya narinig ang terminology na iyon.

Ngumiti si Dr. Steve habang tinititigan si Rina. Alam niya ang dahilan kung bakit ito natahimik bigla. "Others misunderstood it as simply fear of leaving home...but I believe that this is also his way of escaping."

Nanlaki ang mata ni Rina. Naalala niya ang pag-uusap ni Theo at ng ina nito. "Kaya pala..."

"Pero hindi lang iyon ang problema. I'm afraid na mas lumala pa ang sitwasyon niya."

Lumunok si Rina. Kinakabahan siya sa sasabihin ng doktor.

"Alagaan mo siya. Iparamdam mo ang pagsuporta mo sa kaniya," bilin ni Dr. Steve.

Pinigilan ni Dr. Steve ang sarili na magsalita pa. Hindi niya gustong masira ang tiwala ni Theo sa kaniya. Once na masira iyon, tiyak na mahihirapan siyang i-approach ito muli. Ilang buwan din niyang sinubukang kuhain ang loob ni Theo. Hindi naman nasayang ang effort niya dahil nagtitiwala at nagsasabi na ito sa kaniya ng nararamdaman.

Ililihim niya muna sa lahat ang nalaman niya base sa kuwento ni Theo.

"Alam mo ba ang kuwento ni Oedipus?" tanong ni Dr. Steve.

Tumango si Rina. Narinig na niya iyon noong nag-aaral pa siya sa first year ng nursing.

"Sa ibang bersyon ng story, bata pa lang si Oedipus ay nakatadhana na 'siya' ang papatay sa sariling ama na si Laius, ang hari ng Thebes. Pinapatay siya ng hari pero... naawa sa kaniya ang isang pastol. Napunta si Oedipus sa Corinth at pinalaki ni Haring Polybus at ng asawa nito..."

Huminga si Dr. Steve bago nagpatuloy. "Nang lumaki ay bumalik si Oedipus sa Thebes, nalaman niya kasi ang kapalaran na 'siya' ang papatay sa hari doon. Wala siyang kaalam-alam na ang hari na iyon ang tunay niyang ama."

Inayos ni Dr. Steve ang necktie. "Nagkita sila ng amang si Laius at nakipagtalo ito sa kaniya kaya dumating siya sa punto na napatay niya ito. Napatay niya ang sariling ama..."

Lumunok si Rina ng laway. Titig na titig siya sa doktor habang nagkukwento. Para lang siyang nakikinig sa magaling na story teller. "Tapos, anong nangyari?"

"Nagpatuloy siya at nakaharap ang Sphinx sa Thebes. Nasagutan niya ang bugtong nito kaya tuluyan siyang nakapasok sa kaharian. Naging hari siya ng Thebes at napangasawa..."

Lumunok ulit si Rina ng laway. Mas lalong nagiging kapana-panabik ang kuwento dahil sa paghinto ng doktor.

"Napangasawa niya ang sariling ina na si Jocasta at nagkaroon sila ng apat na anak."

"Hala—" Napahawak si Rina sa bibig. Kung mangyayari iyon sa panahon ngayon ay tiyak na imoral ang tingin ng lahat dito. "Nalaman ba nila na mag-ina sila?"

"Nang malaman ng reyna na anak niya ang napangasawa, nagpakamatay ito."

"Ang lungkot naman ng nangyari sa buhay nila," komento ni Rina. Inikot niya ang hose at binalik iyon sa puwesto.

Naglakad na rin si Dr. Steve papunta sa front door. "Ikaw na bahala kay Theo." Umaasa ang doktor na maliliwanagan ang pasyenteng si Theo sa totoo nitong nararamdaman. Nagpapasalamat na rin siya na babae ang nakuha ng mga magulang nito. Makakatulong si Rina nang malaki kay Theo. Sana nga lang ay makipagtulungan din ang babae.

"Teka," pigil ni Rina.

Huminto si Dr. Steve.

"Para kasing pamilyar ka sa akin." Nagpunas si Rina ng pawis sa noo. "Parang nagkita na tayo."

Ngumiti si Dr. Steve. "Oo, nagkita na talaga tayo."

Nanlaki ang mata niya, "Ha? Saan? Hindi nga?"

Tumikhim ang doktor. "Nag-aral ka sa San Pascual Medical School diba?"

Tumango siya. "Oo, bakit?"

"I was once invited in your school. Don't you remember me?"

Umiling-iling si Rina. Alam niya na nakita niya na ang lalaki pero hindi niya alam kung saan at kailan.

"You were crying that time." Tumawa ang doktor. "I don't blame you kung bakit hindi mo na matandaan iyon."

Pinatong ng doktor ang kamay sa ulo ni Rina. Napatingala siya. Ngayon niya lang napansin na napaka-tangkad pala ng lalaki.

"Maaalala mo rin ako," sabi ni Dr. Steve at tumalikod na sa kaniya.

Sinundan ni Rina ng tingin ang likod ng doktor habang naglalakad. Mas matanda ang doktor sa kaniya—mas matured mag-isip at magsalita. Tantiya niya ay nasa dalawampu't siyam o tatlumpu na ang edad nito.

Umupo si Rina sa lupa nang tuluyan nang makapasok sa loob ang doktor. Sinusubukan niyang alalahanin kung saan at kailan niya nakita ang doktor.

Binunot niya ang mga ligaw na damong malapit sa halaman na nakita niya. Maliit pa lang ang halaman na iyon kaya kailangang alagaan. Dapat matanggal ang damo sa paligid nito para hindi ito maagawan ng sustansya. Isa pa, hindi makikita ang ganda ng halaman kung matatakpan at masasapawan lamang iyon ng makakapal at malalagong damo. Posible ring hindi masinagan ng araw ang halaman na iyon dahil sa nakaharang dito.

Huminga siya nang malalim habang nakatitig sa maliit na halaman. Naalala niya si Theo sa halaman na iyon. Dapat habang bata pa o maliit pa ay maranasan na nito ang tamang pag-aalaga. Dapat natatanggap nito ang pangangailangan—sikat ng araw, tubig at pampataba para lumaki ito ng maganda, maayos, makulay at higit sa lahat ay may buhay.

Lihim siyang natawa. 'Halaman ba ang tinutukoy niya o si Theo mismo?'

Tumayo na siya at pumasok na rin sa loob. Marami pa siyang dapat gawin. Magluluto pa siya ng pagkain para sa tanghalian. Dadamihan na niya ang lulutuin kung saka-sakaling doon manananghalian ang doktor.