webnovel

Enchanted in Hell (Tagalog)

Pipiliin niya bang ikulong ang sarili sa lugar kung saan naniniwala siyang may kaligayang naghihintay sa kaniya? Paano kung ang kaligayahang hinahanap niya ay mula sa taong mas masahol pa sa isang demonyo?

Teacher_Anny · Urbain
Pas assez d’évaluations
54 Chs

Armando Ledesma

Nagkamalay na si Armando at nang nagdilat siya ng mga mata, ang asawa niyang nakayukyok sa kanyang kama ang bumungad sa kanya. Hinawakan niya ang buhok nito at hinimas iyon bago siya napangiti. Napakasuwerte niya sa asawa dahil kahit kulang na ang oras na ibinibigay niya para dito, ramdam na ramdam niya pa rin ang pagsuporta nito at kahit pa nga pansin niyang pagod na ito, hindi man lang niya narinig ang pagrereklamo rito.

Hindi lingid kay Caridad ang sakit na nararamdaman niya. Tunay ngang tumatanda na siya at malapit nang paglipasan ng panahon. Nanlalabo na ang kaniyang mga mata. Hindi niya na nagagawa ang mga bagay na nagagawa niya noong kabataan niya. Kaya naman nag-aalala na siya nang malaki sa negosyo.

Mahabang panahon na ang nilaan niya sa negosyo. Binuhos niya na ang buong oras upang palaguin iyon. Ngayong may kinahaharap na problema ang hotel branch nila sa Manila ay mas lalong nadagdagan ang kaniyang pag-aalala. Lubha niyang kailangan ang tulong ng anak na si Theo subalit ano ang maitutulong nito sa kaniya kung hindi pa rin ito lubusang nakakalimot sa nangyari dito noon?

Nagising si Caridad. Ngumiti siya nang nakitang gising na ang asawa na si Armando. Bente kuwatro oras din itong natulog kaya nag-alala siya nang sobra.

"Kumusta Mahal? Nagugutom ka ba? Mayroong tinapay rito." Kinuha ni Caridad ang tinapay na nakalagay sa brown na supot. Nilabas niya rin ang gatas na binili niya noong natutulog pa ang asawa. "Kainin mo ito." Binuksan niya ang balot ng tinapay at inabot iyon kay Armando.

"Ang hotel? Nakapagsabi ka ba na hindi tayo makakarating doon?" tanong ni Armando dahilan upang mapahinga si Caridad nang malalim.

"Mahal, huwag mo munang isipin ang negosyo natin. Magpagaling ka na muna," sabi niya subalit hindi siya pinansin ni Armando. Luminga-linga lang ito sa paligid.

"Nasaan na ba ang doktor? Ano ang sabi nila? Hindi pa ba ako makakalabas?"

Walang nagawa si Caridad kundi ang bumuntong-hininga. "Sandali, tatawagin ko ang doktor. Hindi ko pa siya nakakausap," sabi niya bago lumabas.

Pagkalabas ni Caridad ay pumasok naman si Eduardo na kararating lamang. Nagkasalubong pa ang dalawa sa labas ng kuwarto ni Armando.

"Gising na ba siya?" tanong ni Eduardo.

"Oo," sagot ni Caridad at nagpatuloy na sa paglalakad upang tawagin ang doktor.

Pumasok si Eduardo sa loob. At hindi pa man tuluyang nakakapagpahinga mula sa mahabang oras na biyahe, binungaran na agad ng sermon si Armando.

"This is what I wanted to tell you. Armando, hindi ka na pabata! Ano pa ba kasi ang ginagawa mo sa anak mo? Bakit hindi mo pilitin si Theo nang makatulong na siya sa 'yo? Masiyado ka nang napapagod at halos hindi na kayanin ng katawan mo ang trabaho!"

"I know what I am doing!" sagot naman ni Armado sa nakakatandang kapatid.

"Siguraduhin mo lang. Huwag mong biguin ang magulang natin. Matagal nilang iningatan ang pangalan at negosyo natin. I'm afraid na bigla iyong masira lahat dahil sa sira-ulo mong anak!"

Kinuha ni Armando ang newspaper na nakita niya sa mesa. Sinimulan niya iyong basahin at nais na lamang sanang huwag nang pansinin ang nakakatandang kapatid. Iyon kasi minsan ang kinaiinis niya kay Eduardo. Masyado itong nag-aalala sa negosyo, mas higit pa sa pag-aalala niya. Habang nagkukunwari sa pagbabasa, nagawi ang paningin niya sa larawan ng dalawang kotse na nagkabanggaan. Napahawak siya sa kaniyang sintido. Nararamdaman na naman niya ang unti-unting panlalabo ng kaniyang mga mata. Hindi na niya makita ang larawang tinitingnan niya kanina.

"Armando, huwag mo nang ulitin pa ang pagkakamali na nagawa mo noon. Gawin mo na kung ano ang tama," paalala sa kaniya ni Eduardo bago siya nito tuluyang nilisan.

Wala sa sariling natupi niya ang hawak na diyaryo. Naalala niya ang nagawa niyang pagkakamali noon. Kung hindi dahil sa nakakatandang kapatid niya na si Eduardo, marahil ay nabigyan niya na ng kahihiyan ang pamilya nila. Mabuti na lang at napagtakpan siya ng kapatid dahil kung hindi ay maaari iyong ikabagsak at ikasira ng pamilya nila.

Nagpapasalamat siya na nagawan iyon ng paraan ni Eduardo. Hindi na niya hahayaan pang maulit ang pangyayaring iyon. Sisiguraduhin niyang mapapabuti ang pamilya niya at ang kanilang negosyo. Salamat kay Eduardo dahil wala siya sa posisyon niya ngayon kung hindi dahil sa naitulong nito sa kaniya.

Bumalik si Caridad sa kuwarto ng kaniyang asawa kasama ang doktor nito. Sinuri ng doktor ang kalagayan ni Armando at may unting tinanong dito. Inaalam din ng doktor kung ano pa ang sumasakit dito at doon inamin ni Armando ang totoong nararamdaman ng katawan.

Sinabi nito ang dahilan kung bakit ito nahulog sa daan. Nangyari iyon dahil sa biglaang panlalabo ng mga mata nito. Matagal na nitong nararansan ang biglaang panlalabo ng mga mata subalit ngayon lang nito sinabi iyon dahil na rin sa pagkaabala nito sa negosyo nila.

Nahulog ito sa hagdan dahil hindi nito nakita ang aapakan noong lumabo ang kaniyang paningin. At dahil sa sinabi ni Armando, suhestiyon sa kanila ng doktor na ipasuri nito ang mata sa mga espesyalista upang malaman ang kondisyon ng mga mata nito.

Tumango naman si Armando bago nagtanong, "Kailan kaya ako makakaalis dito?" tanong nito.

Sumingit naman agad si Caridad at hinawakan ang kamay ng asawa. Ayaw niyang palaging pinupwersa ng asawa ang katawan dahil lang sa negosyo nila. Isa siya sa saksi kung gaano ito kadedekado sa tungkulin. Ayaw nitong hindi nagagawa ang responsibilidad. Ganoon nito kamahal ang negosyo ng pamilya.

Subalit ang ayaw niya rin sa asawa ang masiyadong nagpapagod. Matigas ang ulo nito at hindi niya maawat. Kung ano ang desisyon nito ay kailangang masunod. Magtatalo lamang sila kung magsasalita pa siya. Kaya naman hinahayaan na lamang niya ito.

"Wala na ba talagang masakit sa 'yo?" nag-aalalang tanong niya sa asawa.

"Wala na. Ano Dok, kailan ako puwedeng lumabas?" tanong muli ni Armando sa doktor.

"Puwede na kayong lumabas mamaya, pero I suggest na huwag ninyo munang puwersahin ang sarili sa trabaho. You need more rest and I also suggest na ipatingin n'yo na agad ang mga mata ninyo."

"Okay, okay."

Nang makalabas ang doktor ay nilingon ni Armando ang kaniyang asawa. Tumingin siya rito nang nagtatatanong. "Nakita mo ba ang phone ko?" tanong niya kay Caridad. Umiling-iling naman sa kaniya si Caridad subalit hindi nakaligtas sa kaniyang mata ang paulit-ulit nitong paglunok.

"Ibigay mo sa 'kin ang phone ko," utos niya rito.

"Mahal, magpahinga ka muna," sabi nito.

"Caridad! Just give me my phone," maawtoridad na sabi niya. "Kailangan kong makausap si Mr. Lee."

Si Mr. Lee ang isa rin sa kaagapay niya sa hotel sa Baguio. Ito ang tumutulong sa kaniya kapag nasosobrahan na ang trabaho niya. Maaasahan niya naman ito dahil maganda ang educational background ng lalaki sa resume, nagtapos sa hindi pangkaraniwang paaralan, may skills at matalino pero hindi niya ibinibigay ang buong tiwala sa lalaki lalo pa't alam niyang baguhan pa lang din ito sa negosyo. Kaya sa halip na ibigay pa rito ang ilan sa mga mabibigat na trabaho, siya na lang ang gumagawa noon para mas maging maayos ang resulta.

Walang nagawa si Caridad kundi ang ibigay sa asawa ang phone nito. Palihim niya iyong kinuha sa bulsa ng asawa noong natutulog pa ito. Alam niya kasi na sa oras na magising ito ay ang negosyo nila agad ang alalahanin nito.

Kung kaya niya lang tulungan ang asawa ay gagawin niya pero ang tanging maibibigay niya lang dito ay ang kaniyang pagsuporta at ang kaniyang pagtitiwala sa bawat desisyon na sasabihin nito. Kasa-kasama niya ito palagi sa hotel subalit ang tanging maiaambag niya lang ay ang pagkalinga rito, wala talaga siyang ambag para sa negosyo dahil wala naman siyang alam doon.

Minsan nga ay naiisip niya na nakakasagabal lang siya sa asawa subalit hindi niya naman maiwasan na sumama rito dahil nag-aalala siya sa kalagayan nito. Siya ang umaawat dito kapag napansin niyang subsob na naman ito sa gawain.

Tinawagan ni Armando si Mr. Lee at pinaalala rito ang lahat ng dapat gawin. Binanggit rin nito ang deadline na dapat nilang mahabol. Kung naroon lamang siya ay aasikasuhin na niya iyon agad para maayos na ang mga papeles na dapat niyang tingnan at pirmahan.