webnovel

Dear Future Boyfriend

Kayleen's diary entries about her future boyfriend, current crush, and everyday life. *Written in Filipino / Tagalog language*

AlesanaMarie · Urbain
Pas assez d’évaluations
156 Chs

Kayleen's POV

Nakangiti akong lumabas ng kwarto. Iniwan ko si Ashleen na natutulog. Baka magising ko siya sa tawa ko. Nakapatay ang lahat ng ilaw sa bahay. Tanging ang fireplace lang ang nagbibigay liwanag sa loob ng bahay.

Nagulat ako nang makita ko na nasa sala pala si Ashton. Hawak niya ang kanyang cellphone at may naglalarong tipid na ngiti sa kanyang labi. Ngayon ko lang yata nakita ang ganong expression sa mukha niya. Lalo pa na ngayon ay nagbibigay ng soft glow sa mukha niya ang apoy sa fireplace.

Tatawagin ko sana siya pero biglang nag-vibrate ang phone ko. Nakuha yata ng ilaw mula sa cellphone ko ang atensyon ni Ashton. Napatayo siya mula sa sofa nang makita ako na nakatayo di kalayuan sa kanya.

"K-Kayleen?!" parang kinakabahan na sambit nya sa pangalan ko.

Ngumiti ako sa kanya. "Nagulat ba kita?" Lumapit ako at umupo sa sofa na kinauupuan din nya.

"Bakit gising ka pa?" Napatingin ako sa hawak nyang cellphone. "Ah. May kausap ka pa."

"O-Oo." Unti-unti siyang umupo sa tabi ko. Para pa ngang di sya sure kung dapat ba siyang umupo.

"I'm sorry, naabala pa yata kita." Tumayo ako. "Balik na lang uli ako sa loob."

May mainit na kamay na humawak sa braso ko kaya di ko nagawang lumayo.

"No! Stay!"

Nakatingala sa akin si Ashton nang lingunin ko siya. Para namang nahiya na binawi niya ang kanyang kamay na nakahawak sa akin. Bigla siyang tumingin sa ibang direksyon. Umupo na ulit ako sa sofa. Huminga ako nang malalim nang lumubog ako sa inuupan ko, ang lambot talaga.

Tumingin ako sa fireplace, pumikit sandali at muling dumilat. Nakita ko ang gitara ni Ashton sa lamesa na nasa harap namin.

"Palagi mong dala ang gitara mo kahit saan ka pumunta, 'no?"

Tumikhim siya at umayos ng upo. "Importante kasi sa'kin 'yan."

Tumango ako. "Good luck sa college ha. Mamimiss ka ng kapatid mo kasi sa music school ka na papasok. Kaya palagi mo syang tawagan."

"Do you think I should go?"

"Go where?"

Yumuko siya at pinaglaruan ang cellphone niya sa kanyang kamay.

"S-Sa music school."

"Oo naman," mabilis kong sagot sa kanya.

Tumingin siya sakin. "Bakit?"

"Tulad ng sabi ni Lola, baka masayang ang talent mo kung di mo hahasain."

Kumunot saglit ang noo niya. "Malayo ang school ko."

Umayos ako ng upo paharap sa kanya. "Hindi ka ba uuwi every weekend? May kinuha raw na apartment sina Tito para sa'yo ron di ba? Para malapit ka lang sa school. Ang sarap siguro ng feeling na independent."

Sumandal siya sa sofa at diretso lang ang tingin sa apoy na naglalaro sa fireplace. Ang seryoso ng mukha niya, parang may malalim siyang iniisip. Di ko tuloy maiwasan na mapatitig. Hindi ko na namalayan kung ilang minuto ko na siyang tinititigan. Ipinilig ko ang ulo ko. Ano ba ang ginagawa ko?

"Ayaw mo ba sa magiging school mo?"

"Masyadong malayo."

"Alam mo ba, balak kong pumunta sa Paris para kumuha ng patisserie courses. Mas malayo 'yon kaysa sa school mo."

"B-Bakit ka lalayo pa? Meron din naman dito?" 'Yun din ang sabi sakin nina Mama at Papa.

"Oo, pero gusto ko rin kasi na maexperience 'yon. Mapalibutan ng mga taong sagad ang passion pagdating sa baking. Gusto kong matutunan ang style nila pagdating sa pastries." Ngumiti ako nang malapad. Naiimagine ko na ang future ko.

Naramdaman ko ang pagtitig sa akin ni Ashton kaya nilingon ko siya.

"May nakapagsabi sakin nito dati; may alam ang bawat isa sa atin na hindi alam ng iba. Katulad na lang ng baking, doon ako magaling at ikaw naman sa music. Kung saan ka interesadong subject, doon ka mag-eexcel. Kaya mas lumakas ang loob ko na umalis at pumunta sa France para mag-aral. Gusto kong maging magaling na pastry chef." Kapag nakauwi na ako galing sa France na may ipon, magtatayo ako ng bakeshop o coffee shop. Na-eexcite na ako! "Ikaw, Ashton? Ano ba ang pangarap mo?"

Nakatingin lang siya sa akin nang matagal at hindi nagsasalita. Hindi ko mabasa ang nasa mukha niya.

"Bakit?"

Nagulat siya at umiling sa'kin.

"Hindi mo pa ba alam kung ano ang gusto mo?"

Hindi siya sumagot sa akin. Tumingin siya sa gitara niya. Naikwento sa akin ni Ashleen kung paano nakuha ni Ashton ang gitara na 'yon. Six years old pa lang daw si Ashton noong nag-umpisa siyang mag-ipon. Lahat ng pera na ibinibigay sa kanya tuwing Pasko ay inilalagay niya sa malaki niyang piggy bank. Ni ayaw niyang humingi ng tulong sa parents niya. Ganoon kasi sila pinalaki, hindi dahil mayaman sila ay pwede na nilang hingiin ang lahat. Palihim din na naglalagay ng pera doon si Ashleen para matulungan ang kapatid niya.

Noong eight birthday niya, binuksan niya ang piggy bank at bumili ng gitara pero dahil medyo maliit pa ang mga kamay niya, medyo nahirapan siyang tumugtog. Nagamit lang niya ang gitara nang maging nine years old na siya at hindi na niya iyon nabitawan pa.

Alam ng lahat na in love si Ashton sa musika. Pero ano pa kaya ang mas mahalaga sa music para kay Ashton para magdalawang isip siya? Bakit parang ayaw niyang pumasok sa music school?

"Inaalala mo ba ang kapatid mo? Ako ang bahala sa kanya." Ako at si Alex ang bahala kay Ashleen kapag namimiss niya ang kapatid niya.

"Sino naman ang bahala sa'yo?"

Napakurap ako. "Ha?"

"W-WALA! G-Gusto mo bang tugtugan kita?" Kinuha niya ang gitara mula sa mesa. Kahit matagal na niyang pag-aari ang gitara na 'yon, alagang-alaga pa rin niya. May dalawa pa siyang gitara na nakikita kong ginagamit niya rin sa mga battle of the bands.

Bigla akong natuwa. "Sige."

Pinanuod ko siya habang inaayos niya sa lap niya ang gitara niya. Ito ang unang beses na tutugtog siya para sa akin. Biglang uminit ang pisngi ko. Ito na naman ang weird feeling.

Nang mag-umpisa na siyang tumugtog nahipnotismo niya ang tenga ko. Hindi ako pamilyar sa tinutugtog niya at iba rin ito sa tinugtog niya noong kasama namin sina Steve. Habang tumatagal ang pagtitig ko sa kanya, mas nagiging weird ang pakiramdam ko. Parang ang sarap sa pakiramdam, 'yung puso ko ang saya-saya. Sigurado magiging sikat na recording star si Ashton. Kumakanta rin ba siya?

"Ano'ng title?" curious kong tanong nang matapos siya.

"W-Wala pa." Hindi siya nakatingin sa akin.

"Ikaw ang nag-compose?" hindi makapaniwalang sabi ko.

Tumango siya. "Ang galing mo naman!" Binigyan ko siya ng palakpak.

Bilog na bilog ang mata ni Ashton nang tumingin siya sa akin.

"Sigurado pagkakaguluhan ka ng mga recording companies," nakangiti kong sabi sa kanya.

"Siguro pagkauwi ko galing Paris sikat na sikat ka na! Baka hindi mo na ako matugtugan ng libre!" natatawa kong biro sa kanya.

"Imposible."

"Hindi ka ba naniniwala na sisikat ka? Ang galing mo—"

Bigla niyang sinalubong ang tingin ko. "Na hindi na kita matutugtugan ng libre," seryosong sabi niya sa akin. Agad niya ring binawi ang tingin niya sa akin at inayos ang hawak niya sa gitara niya.

Nakampante ako bigla sa kanya. Di ko na matandaan kung bakit ba inisip ko noon na nakakatakot siya. Sa tingin ko naman sweet siyang bata.

Ngumiti ako. "Tatandaan ko 'yan ha."

Nakita ko siyang ngumiti. Itinaas ko ang dalawa kong paa sa sofa at niyakap ang mga binti ko. Sumandal ako at hindi ko inalis ang tingin ko kay Ashton. Hindi na maalis ang ngiti sa labi ko.

"Tugtugan mo pa ako ng isa pa."

Pinanood ko siya na tugtugan ako ng isang kanta na nasundan pa ng isa at ng isa at ng isa pa. Hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako. Nagising na lang ako na wala na ang apoy sa fireplace at lumiliwanag na sa labas.

Natutulog si Ashton sa tabi ko, nakapatong ang dalawa niyang paa sa lamesa at nakasandal ang ulo niya sa tuktok ng ulo ko. Nakasandal naman ako sa dibdib niya. Ramdam ko ang init ng katawan niya at dinig ko ang tibok ng kanyang puso. Ang kumportable sa pakiramdam, ayoko nang umalis pa. Kaso natatakot akong baka may makakita sa amin lalo na si Ashleen, baka tuksuhin na naman ako nun.

Tinatamad na lumayo ako kay Ashton. Marahan akong lumayo sa kanya para di siya magising. Nakita ko naman ang cellphone ko sa tabi ko. Tiningnan ko ang oras, five-thirty na ng umaga. Binuksan ko ang inbox, nakalimutan kong magreply kay Mr Creeper.

Nag-compose ako ng message and I hit send, inilagay ko na sa bulsa ko ang phone ko after. Nakita ko naman na nag-vibrate ang cellphone ni Ashton sa lamesa katabi ang gitara nya. May nag-text yata sa kanya. Ang aga naman mag-text ng taong 'yon.

Tumingin ako sa natutulog pa na si Ashton. Mukhang mahimbing naman ang tulog niya at hindi magigising agad. Ngumuso ako at tiningnan ulit ang cellphone niya. Hindi ko 'yon dapat na pakialamanan. Ewan ko ba sa coffee shop at naging pakialamera ako. May mali talaga sa strawberry cake at hot choco na 'yon.

Nang tumayo ako may biglang pumasok na ideya sa isip ko. Hindi ako mapakali. Ayaw akong tantanan ng pakiramdam ko na may mali sa cellphone ni Ashton. Nagumpisa iyon noon sa coffee shop, kaya siguro gusto kong tingnan. Pero ang absurd ng idea na yon. Nakakatawa.

Umiiling na in-open ko ulit ang cellphone ko. Naghanap ako ng quotes na sinend sa akin ng classmates ko bilang GM. Pumili ako ng magandang quote at finorward ko kay Mr Creeper.

Matapos kong i-hit ang send ay muling umilaw ang cellphone ni Ashton. Tinitigan ko ang ilaw na 'yon nang ilang segundo hanggang sa muli iyong mawala. Pigil ang hininga na lumipat ang tingin ko sa mukha ng nakababatang kapatid ng best friend ko. Imposible.