Juliet
Gumising ako na para akong zombie.
Hindi ako nakatulog kagabi dahil inisip ko lang magdamag 'yung sinabi ni Niño na ayaw na niya akong makita. Ang tagal kong inisip lahat ng possible reasons kung bakit bigla niyang nasabi 'yun at naalala ko 'yung unang araw na tinuruan ako ni Pia magtahi at magburda, sinabi ni Fernan na hinihintay ako ni Niño sa hacienda Cordova pero hindi ako nakarating at hindi ko na rin naalala dahil dinala ako ni Caden sa pagamutan para tumulong.
Isa pa sa mga naisip ko ay nagsawa na siya sa akin. Gano'n naman ang mga lalaki eh, 'di ba? Kapag hindi na sila interesado sayo, i-iichupwera ka nalang. Siguro may nakita na rin siyang bago kaya nakalimutan na niya ako.
Mukhang totoo nga na para siyang delubyong dadaan sa buhay mo para lang wasakin ka at mukhang sobrang lakas ng tama sa akin ng Bagyong Niño.
Pagkatapos kong mag-almusal, saktong dumating si Heneral Guillermo at kinamusta ako. Niyaya niya akong maglakad-lakad sa hacienda at pumayag naman ako kasi wala naman akong gagawin.
Cinareer ko na rin ang pagkakaroon ng sakit kuno kaya hindi ako pumunta sa pagamutan ngayon. Partly true naman na masama ang pakiramdam ko... or true talaga as in 100% na masama ang pakiramdam ko dahil sa nalaman ko kahapon.
Sana pala hindi ko na pinabasa nang hindi ko na rin nalaman.
"Binibini?" Tawag ni Heneral Guillermo.
OMG! Kasama ko nga pala 'to. Teka, may sinabi o tinanong ba siya sa akin? Waaah, hindi ko narinig!
Binigyan ko siya ng may-sinabi-ka-ba look at bahagya lang siyang ngumiti.
"Malinaw sa aking nakatuon kay Niño ang atensyon mo ngayon, binibini." Saad niya.
What?! 'Yun ba 'yung sinabi niya kanina? Gano'n ba ako ka-obvious? Ghad!
"Hayaan mo akong punan ang mga pagkukulang niya, pinapangako kong hindi ko hahayaang lumuha ka sa piling ko." Lapit niya sa akin kaya napaatras agad ako.
What?! Ano 'yon, lalagyan niya ng tape mata ko para hindi na ako umiyak? Medyo creepy rin 'tong lalaking 'to.
"Nais kitang pakasalan, Juliet."
Biglang bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa kaba at pagkabigla. Lord! Ano pong isasagot ko huhu.
Napatingin ako sandali sa brown niyang buhok bago ituon ang tingin sa lapag dahil ayaw kong magtama ang mga tingin namin. Ang awkward!
"Huwag kang mag-alala, binibini. Hindi kita minamadali. Sabihin mo lang sa akin kung handa ka na at maghihintay ako sa iyong magiging tugon." Sabi niya pero hindi ko pa rin siya tinitignan.
"S-Sige... papasok na rin ako. Paalam." Nakayukong sagot ko at nagmadali na maglakad pabalik.
Gusto ko sanang tumanggi na on the spot kaya lang anong ira-rason ko?
Balak ko sanang panindigan 'yung boyfriend ko si Fernan kaya lang nabasa nga pala niya 'yung letter ni Niño at wala naman na akong reason na tumanggi sa kaniya kasi alam na rin niyang ayaw na sa akin ni Niño.
¤¤¤
Ayaw ka na nga niyang makita, Juliet! Bakit ba iniisip mo pa rin siya?
Argh! Nababaliw na talaga ako!
Inumpog-umpog ko ang ulo ko sa unan ko nang biglang may kumatok.
"Nasa baba na naman si Heneral Guillermo. Pauwiin ko na naman ba?" Rinig kong sabi ni Caden mula sa labas ng kwarto.
Pumunta ako sa may pintuan at binuksan 'yun. Nag thumbs-up ako kay Caden at sinenyasan naman niya 'yung tagapagsilbi na pauwiin na nga si Heneral Guillermo.
Ghad! Isa pa 'yan sa sakit ng ulo ko nitong mga nakaraang araw.
Limang araw na simula nung sinabi niyang gusto niya akong pakasalan at limang araw na rin siyang pabalik-balik dito. Buti nga nung una at pangalawang araw pagkatapos nung niyaya niya akong magpakasal eh nasa pagamutan ako pero nung 3rd hanggang ngayong 5th day after nun eh ang aga na niya lagi pumunta.
Grabe, teh! Ang daming time ng lolo niyo ah? Samantalang sila Fernan, Andong at Niño... hindi pa rin bumabalik.
Bakit nga kaya naiwan 'tong mokong na 'to rito? Heneral din naman siya ah?
"Ayos ka lang ba?" Tanong ni Caden at pinapasok ko siya sa loob ng kwarto ko at pumasok na rin ako sa loob.
Umupo ako sa upuan at pinatong ang ulo ko sa lamesa atsaka umiling-iling.
"May gusto ka bang gawin para gumaan ang pakiramdam mo? Wala akong gagawin ngayong araw kaya masasamahan kita." Sabi pa niya pero hindi ako kumibo.
"Nag-aalala na ang mga tao sa pagamutan sa'yo. Ilang araw ka na raw balisa at wala sa sarili kaya... sinabi nila sa akin na pagpahingahin ka nalang muna hanggang sa maging maayos na ang pakiramdam mo." Dagdag pa niya pero nanatili lang akong nakatitig sa letter ni Niño na nasa ibabaw ng lamesa kung saan nakapatong ang ulo ko.
"Alam kong mas mahirap gamutin ang kirot ng puso kaysa pisikal na karamdaman."
Napatingala ako kay Caden at nakitang diretso lang siyang nakatingin sa akin.
Napatingin agad ako sa letter ni Niño na nasa tapat ko at ibinalik ang tingin sa kaniya.
"Nabasa mo?" Tanong ko.
Umiling siya. "Sinabi ko naman sa'yong hindi ako ordinaryong tao. Isa sa mga pambihirang abilidad ko ay malaman ang tunay na nararamdaman ng mga mortal na kagaya mo."
"Kumain na tayo. Nagpalechon ako ng manok para umayos naman kahit papaano ang pakiramdam mo dahil sa paborito mong pagkain." Ngiti niya kaya napangiti na rin ako.
Wala talaga akong matatago sa kung ano mang nilalang 'to. Hindi ko naman sinabi sa kaniyang favorite ko ang lechon manok pero basta alam nalang niya bigla.
Hinila na niya ako patayo atsaka kami bumaba at amoy na amoy ko na agad 'yung lechon manok. Nakahain na lahat pagbaba namin at kitang-kita ko pa 'yung usok ng kanin dahil sa init nito.
"Magandang umaga, Señorita Juliet." Bati ni Manang Felicitas at nginitian ko naman siya atsaka siya lumabas ng hapag-kainan para hayaan na kami ni Caden mapag-isa.
Aware pala kasi sila na ayaw ni Caden na may nakatingin sa kaniya habang kumakain kaya kapag si Caden lang daw ang umuuwi rito, umaalis ang mga tagasilbi sa hapag-kainan kapag kakain na siya.
Umupo na kami ni Caden at kumain. Binigay naman niya agad sa akin 'yung dalawang legs ng manok na favorite part ko at pinagsandukan pa niya ako ng kanin at nagsimula na kaming kumain.
"Huwag kang mag-alala." Sabi ni Caden pagkainom ng tubig.
"Wala nang ibang magugustahan si Niño Enriquez."
Napakunot naman ang noo ko habang hawak-hawak ang drumstick.
"Paano mo naman nasabi?" Tanong ko.
"Walang sinuman ang nakakuha sa atensyon at pag-ibig ni Heneral Niño Enriquez hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan sa batang edad na 23 taong gulang." Diretsong sagot niya.
"Atsaka mas mabuti ring ganito dahil... malalagay mo siya sa kapahamakan."
"A-Anong..." Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil na-speechless talaga ako.
Anong ibig niyang sabihin?
Bumuntong hininga siya. "Kaya huwag ka na masyadong magsasabi ng kung anu-ano sa kaniya kung sakaling magka-ayos ulit kayo."
"Teka, hindi ko maintindihan. Anong ilalagay ko siya sa panganib atsaka—"
"Nagbabago na ang nakaraan, Juliet." Diretsong saad niya habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko.
Pakiramdam ko biglang nanlambot ang mga tuhod ko.
Ibig sabihin... lahat ng ikinikilos ko at mga nagbabago sa takbo ng mga pangyayari rito ay siya na ring nagiging kasaysayan sa kasalukuyan.