webnovel

Paalam aking kabataan, paalam aking mahal (5)

Éditeur: LiberReverieGroup

Noong malapit na sila sa pintuan, muling sinilip ni Lu Jinnian ang suot ni Qiao Anhao at napatingin rin siya sakanyang suot. Bigla siyang napahinto at sinabi, "Aakyat lang ako sandali para magpalit."

Tumungo lang si Qiao Anhao. Naglakad siya ng mag-isa papunta sa may pintuan para magsapatos. Gusto niya sana talagang isuot ang kabibili niya lang na puting takong na may strap, pero nang sandaling maisuot niya na ito sa kanyang kanan paa, bigla siyang natigilan at dali-dali niya itong tinanggal. Binuksan niya ang shoe cabinet para mamili ng panibago niyang susuotin pero bandang huli, napagdesisyunan niyang magsuot nalang ng sneakers.

Kabibili niya lang ng nasabing sneakers nitong nakaraang tagsibol dahil nagbalak sila ni Xiao Anxia na mamundok. Pero may biglang nangyari at hindi na sila natuloy kaya itinago niya nalang muna sa shoe cabinet ang pares ng sapatos na nasa loob pa ng kahon at mula noon ay hindi niya na ito muling nagalaw.

Isinuot ni Qiao Anhao ang sneakers at tumayo sa harap ng salamin na nasa sahig. Muli niyang pinagmasdan ang kanyang mahaba at diretsong buhok at inutusan niya si Madam Chen na ikuha siya nito ng isang bandanang kulay itim na ipinangipit niya sakanyang buhok. Nang makuntento na siya sa kanyang itsura, kinuha niya ang kanyang bag at naglakad palabas ng bahay.

Pagkatapos magbihis ni Lu Jinnian, nakita niyang nakatayo na si Qiao Anhao sa may pintuan. Sa pagkakataong ito, ang mahaba at itim nitong buhok ay nakatali na at muli nanaman siyang natulala bago niya kunin ang susi ng kanyang sasakyan. Habang pababa ng hagdanan, pinindot niya na ang button na magbubukas sa mga lock kaya nang makarating na sila sa sasakyan, agad niyang hinila ang pintuan nito.

Alas dos pasado palang ng hapon at ito ang kasagsagan ng pagsikat ng araw. Nakasuot si Lu Jinnian ng isang pares ng Dior sunglass at simpleng puting shirt na nakatupi ang mga manggas. Hindi niya isinara ang dalawang butones na nasa kanyang kwelyo at para sa pambaba naman, nagsuot lang siya ng kulay beige na pantalon. Hindi maitatanggi na tunay ngang napakagwapo at kaakit-akit niya lalo na kapag nasisinagan siya ng araw.

Napatitig si Qiao Anhao kay Lu Jinnian ng halos limang segundo bago siya maglakad papalapit dito. Pagkalagpas niya sa bandang dibdib ni Lu Jinnian noong pumasok siya sa loob ng sasakyan, muli niyang naamoy ang wala masyadong dating na halimuon nito. Matagal na panahon na noong una niya itong naamoy at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagbabago.

Pagkabukas ni Lu Jinnian ng makina ng kanyang sasakyan, agad na nagbuga ang aircon nito ng hindi masyadong malamig na hangin samantalang ang tugtog ay biglang namatay. Hindi nagtagal, dahan-dahan ng lumabas ang sasakyan sa Mian Xiu Garden at sinundan ang kalsada.

Maraming matataas na puno ang nakatanim sa magkabilang gilid ng kalsada ng Beijing. Halos natatakpan na ng mga ito ang sinag na nanggaling sa araw at ang tanging makikita nalang ay ang mga maliliit na bilog ng liwanag na nakakalusot sa pagitan ng mga dahon. May mga pagkakataon din na may mga nadadaanan silang biglang dumidilim pero agad din namang liliwanag.

Nakakapawi ng pagod ang kasalukuyang English song na tumutugtog sa loob at kahit sinong makarinig nito ay talagang kakalma.

Tumigil sila sa isang red light at matapos ang matagal na panahong walang naguusap, muling sinilip ni Lu Jinnian ang damit ni Qiao Anhao. "Nagpaayos ka ba ng buhok kanina?"

"Hindi." Huminto ng sandali si Qiao Anhao bago muling nagpatuloy, "Nagpatulong lang ako kay Madam Chen na iunat ang buhok ko kaya kapag naligo ako, babalik nanaman ang kulot ko.

"Oh." Biglang napatigil si Lu Jinnian at napatitig sa maputing leeg ni Qiao Anhao pero muli niya ring ibinaling kaagad sa kalsada ang direksyon ng kanyang mga mata dahil nagkulay green na ang ilaw na nasa harapan niya. Inapakan niya ang accelerator at nagpatuloy sa pagmamaneho.

Halos isang minuto ng tahimik sa loob ng sasakyan nang biglang lumingon at kumurap si Qiao Anhao kay Lu Jinnian para magtanong, "Kamusta ang itsura ko?"

Dahil masyadong tutok si Lu Jinnian sa kalsada, sumilip lang siya ng sandali kay Qiao Anhao at sinabi, "Maganda." Hindi nagtagal, muli siyang nagsalita, "Pareho ang itusra mo ngayon sa itsura mo noong high school."

Halatang masaya si Qiao Anhao sa kanyang narinig dahil nang ngumiti siya, pati ang kanyang mga mata ay kumurba rin na parang dalawang crescent moon. "Matagal na panahon na ang lumipas pero naalala mo pa rin ang itsura ko noong high school? Ako nga hindi ko na maalala eh."

Hindi sumagot si Lu Jinnian. Pero sa loob-loob niya ay kanyang sinabi, 'Hindi lang noong high school. Sa tuwing ipinipikit ko ang aking mga mata, nakikita ko rin ang bata at inosente mong itsura noong middle school.'