webnovel

Kung ayaw nila sayo, pakakasalan nalang kita (3)

Éditeur: LiberReverieGroup

Hindi talaga alam ni Lu Jinnian kung anong gagawin niya para pagaanin ang loob ni Qiao Anhao, kaya biglang pumasok sa isip niya na yakapin nalang ito pero noong maiangat niya ang kanyang kamay, si Qiao Anhao na mangiyak ngiyak pa rin ay bigla nalang ngumiti at nagtatakang nagtanong, "Lu Jinnian, bakit ka nandito?"

Biglang nablangko si Lu Jinnian nang makita niyang masayang nakangiti si Qiao Anhao kaya ang kamay na ipangyayakap niya sana rito ay bigla ring natigilan. Nakatingin lang siya kay Qiao Anhao na kasalukuyang nagpupunas ng luha.

Bakit nakayanan pa nitong ngumiti habang umiiyak…Hindi kaya sobrang nasaktan ito sa ginawa ni Xu Jiamu?

Dahil sa nakita ni Lu Jinnian, muli nanamang sumikip ang kanyang dibdib pero hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam kung anong gagawin niya at kung anong dapat niyang sasabihin para paagaanin ang loob nito. Noong mga sandali ring iyon, napansin niya na nanginginig sa ginaw si Qiao Anhao dahil sa malamig na hangin na tumatama sa basang basa nitong katawan.

Noong sandali ring iyon mismo, biglang nahimamasan si Lu Jinnian kaya walang pagdadalawang isip niya itong binuhat papunta sa CR na nasa second floor at maingat na inilagay sa loob ng bathtub. Pagkabukas niya ng gripo, agad niyang indujust ang temperature ng tubig bago niya ibigay kay Qiao Anhao ang hose. "Mag'hot shower ka muna para hindi ka ginawin."

Hindi rin siya nagaksaya ng panahon at agad siyang naglakad palabas ng CR.

Pero bago siya tuluyang lumabas, hindi niya nakalimutang buksan ang heater sa loob ng CR.

Pagkatapos maligo ni Qiao Anhao, nakita niya si Lu Jinnian na may hawak na tasa ng mainit na salabat.

Pagkabigay ni Lu Jinnian ng tsaa kay Qiao Anhao, kinuha niya ang hairdryer para patuyuin ang buhok nito.

Hindi sila magkarinigan dahil masyadong malakas ang ingay na ginagawa ng hairdryer kaya hindi nalang muna sila nagusap. Noong mga oras iyon, pareho nilang naramdaman ang awra kagaya noong magkasama pa sila sa iisang bubong.

Nang sandaling humigop ni Qiao Anhao ng salabat, agad na kumalat ang init nito buo niyang katawan.

Pagkatapos siguraduhin ni Lu Jinnian na tuyo na ang buhok ni Qiao Anhao, iniayos niya ang kable ng hairdryer at ibinalik ito sa shelf na pinagkuhaan niya.

Biglang nabalot ng katahimikan ang buong kwarto at ang tanging maririnig lang ay ang tunog ng ulan mula sa labas. 

Nakatayo lang si Lu Jinnian sa harapan ni Qiao Anhao para panuurin itong humigop ng tsaa. Hindi nagtagal, unti-unti siyang kumalma at nahanap ang mga tamang salita para kamustahin ito. "Qiao Qiao, ayos ka lang ba?"

"Ayos naman ako…"

Hindi binigyan ni Qiao Anhao ng ibang ibig sabihin ang pagtatanong ni Lu Jinnian kaya nginitian niya lang ito pagkalapag niya sa lamesa ng tasa ng naubos niyang tsaa.

Bago siya biglang buhatin ni Lu Jinnian papunta sa CR, gusto niya sana itong tanungin, "Lu Jinnian, diba nasa Hong Kong ka? Wala ka bang meeting bukas? Bakit ka nandito?"

Matapos ang tuloy tuloy na pagtatanong ni Qiao Anhao na halatang gulat na gulat sa biglaan niyang pagdating, naramdaman ni Lu Jinnian na mukhang hindi naman ito malungkot….Pero hindi maalis sa isip niya na sinalubong siya nitong umiiyak habang basang basa sa ulan kaya imbes na sagutin ang mga tanong nito ay nagtanong din siya, "Saan ka ba galing? Bakit wala kang dalang payong?"

Matapat na sumagot si Qiao Anhao, "Lasing na lasing kasi si Qiao Anxia kaya sinundo ko siya. Wala akong dalang payong kaya sinugod ko ang ulan."

Pinagmasdang maigi ni Lu Jinnian si Qiao Anhao hanggang sa mapagtanto niya na masyado lang siyang nagaalala, samantalang si Qiao Anhao ay mukhang wala pang ideya sa ginawa ni Xu Jiamu.

Dahil doon, napanatag siya at huminga ng malalim.