webnovel

BLANK (Bookstore Deities 2, Taglish)

Pymi, the messenger of the bookstore deities has found a perfect target to be played and given a curse in disguise through powerful items. Arwin and Aderson Dela Vega have lived their life wasting every damn paper and putting little value on whatever they have. Now, they have angered the Goddess of papers, the scratch queen, Ppela. Taste the wrath of someone who has been disregarded, ignored, and made feel unworthy.

hanarilee · Urbain
Pas assez d’évaluations
34 Chs

Scratch 21

Diretso ang lakad ni Niccolo palabas ng gym. Inantay talaga niyang makaalis ang lahat bago humayo para hanapin ang lagi niyang hinahanap.

Lunch time ngayon, kaya maaaring lahat ng classmates niya ay nasa Burp Place- ang pinakadinadayong kainan ng mga estudyante at guro ng MCHS. Sikat ang kainang iyon dahil sa vanilla turon nilang panghimagas. Hindi nakakasawa ang tamis nito, samahan mo pa ng malamig na iced tea na mabibili mo sa halagang limang piso lang kada isa.

Anyway, ayun nga. Huminto si Nicco sa Heroes' park, kaharap lang ng kanilang classroom. Nakita na niya ang hinahanap. Kinuha niya ang isang supot mula sa kanyang bagpack. Dahan-dahan niya itong nilapitan at tinawag sa pangalan.

"Spot," tawag niya dito. May luha sa mata ng aso habang nakatingin sa kanya. Winagayway nito ang kanyang buntot, nakataas ang kanyang tainga, ngunit nakaalerto ang posisyon ng katawan.

"Spot, come here. Wag kang matakot." Nilapitan siya ni Nicco, pero tumakbo ang aso, nagtago sa likod ng puno. This dog used to be friendly. Hindi siya nangangagat. Kahit sinong estudyante ang humawak sa kanya, ay hinahayaan lang niya. Pero magmula nang siya ay saktan at masugatan pagkatapos siyang pagtatadyakan, minsan ay binabato pa ng mga tao, tinataboy sa mga karinderya, natuto siyang matakot na hawakan ng tao.

Pakiramdam niya, ang isang palaboy na aso na kagaya niya, matanda na, gusgusin pa ay nag-iisa na lang dito sa mapanganib na mundo. Bakit pa nga ba siya nandito? Hindi ganito ang buhay niya noon.

Hindi niya ginustong maging palaboy. Hindi. Pero simula nang mamatay ang kanyang amo, umalis lahat ng mga anak nito sa bahay at hindi na bumalik pa. Iniwan siyang nakatali sa labas ng gate. Walang masilungan, sa init ng araw, sa malakas na buhos ng ulan, at sa lamig ng gabi.

Ang kanyang pagkain naman ay damo at kaunting pagpag galing sa mga kapitbahay. Madalas walang ulam. Puro kanin lang na may tubig. Nakakadiri ang itsura pero walang pangit kahit sa asong gutom na gutom. Swertehan nalang talaga kapag may kasama pang mga lamang-loob ng isda o ng manok. Kapag naman wala talagang pagkain, ay itinutulog nalang niya ang gutom.

At least, kapag tulog, wala kang mararamdaman. Walang sakit. Walang gutom. Walang pag-iisa.

Sinubukan niyang humingi ng tulong sa bawat taong napapadaan. Maluha-luha ang kanyang mga mata habang siya ay tumatahol. Masakit na ang kanyang lalamunan pero sige lang. Pero walang pumapansin sa kanya.

Walang nakakaintindi sa gustong niyang sabihin. Dahil hindi naman siya tao. Iba ang lenggwahe ng mga aso sa mga tao. Siguro kung nakakapagsalita lang sana ang mga aso ay mas madali sana ang buhay. Edi sana, isang sigaw niya lang ng: "Tulong! Pakawalan niyo ako sa taling 'to!" ay okay na. Solve.

Dumating ang araw na lumaya na rin siya mula sa kanyang pagkakatali. Malaya na siya. Ewan. Nagising nalang siya na wala nang tali sa kanyang leeg. Hindi niya alam kung paano iyon nangyari. Basta ang importante, nakawala siya. Malaya na.

"Hay." Napabuntong hininga na lang si Nicco. Inilagay na muna niya ang inihandang pagkain sa lumang Tupperware na itinakas lang niya sa kanilang bahay. "Spot, kumain ka na." Dahan-dahang lumapit ang aso sa pagkain na siyang nasa harapan lang ni Nicco.

Hinimas-himas niya ang katawan ni Spot habang kumakain ito. Base sa kanyang mga nabasa sa libro, kung mailap ang aso, kailangan mo itong bigyan ng pagkain. Pakainin mo, at iparamdam ang pagmamahal dito para makuha ang loob. Sa ganoong paraan ay magiging kaibigan mo ito.

Food is pleasure. When a person comes along with the food, the dog learns to associate pleasure or positive feelings to that human till such time na hindi na sila matatakot sa taong iyon.

Kinapa ni Nicco ang bandage sa tagiliran ni Spot. "Tsk. Bakit ka ba takbo nang takbo? Wag kang masyadong makulit. Hindi pa gumagaling ang sugat mo."

Naglabas siya ng bandage, tela, at betadine mula sa kanyang bag. Sinimulan niyang i-retouch ang betadine at bandage sa sugat ng aso. Nilagyan niya rin ng pulbos laban sa galis at kuto. Gusto pa nga sana niyang dalhin na lang ito sa kanilang bahay para alagaan at paliguan. Kaya lang, hindi pa pwede. Medyo mailap pa ang aso. Baka tumakbo lang ito habang pinapaliguan.

Noong araw na nagwakas ang rematch nina Nicco, kung matatandaan niyo ay pinagsisipa ni Andy ang kawawang aso hanggang sa dumausdos ito sa semento at nasugatan ang tagiliran. Pagkatapos ng klase, papunta na sana si Nicco dun sa internet shop kung saan siya suki. Gaming is life as usual. Ang kaso, tinahulan siya ng asong iyon habang siya ay padaan. Tahol nang tahol. Ayaw siyang tigilan. Lumilikha rin ng tunog hikbi ang aso.

Nilingon niya ang aso at napansing nagdurugo ang sugat nito! Gusgusing aso na sugatan. Parang may skin allergy din ito. Marahil ay nakakain ng hipon o kahit na anong bawal na pagkain.

Hindi niya matiis. Naalala niya ang aso niyang namatay matapos masagasaan ng rumaragasang pick-up. Lasing ang nagmaneho. Bukod sa nakapatay siya ng aso, ay nakasira rin ng sasakyan ng kapitbahay.

Sinipat ni Nicco ang aso. "Hmm. Nice." Nagpagpag siya ng kamay saka nagpaalam kay Spot.

*-*-*-*-*

Alas syete na ng gabi pero tanging gym lang sa MCHS ang buhay na buhay sa oras na ito. Hindi pa tapos sa page-ensayo ang pangkat ng sabayang pagbigkas. Pagod at gutom na na silang lahat pero walang magagawa ang kanilang mga reklamo kung balak silang pauwiin ni ginoong Bonifacio, mga alas-otso siguro ng gabi.

"Oh, Inang bayan

Kariktan mo'y aking walang kapantay

Ito'y tinitingala't hinahangaan

Ngunit ang lahat ng ito'y walang saysay

Kung ang iyong mga anak ay sinupil na ng mga dayuhan

Mga dayuhang kalaban

Na sa kayamanan at kagandahan mo'y nasilaw

Kapalit ng kanilang ligaya

Binihag ka at isinadlak sa dusa--"

"BILUGAN NIYO PA! Ano ba! Hindi pwedeng ganyan!" sigaw ni sir Bonnie. Bilugan? Eh namamaos na ang karamihan sa mga estudyante. Ikaw ba naman, maghapong page-ensayo, wala na kayong ibang ginawa kung'di ang umarte at lakasan at lakihan ang boses. Buti sana kung natural na malalim ang boses ng lahat, yung tipong hinugot mula sa ilalim ng lupa, abot hanggang sa pinakailalim na bahagi ng fault lines, ganon. "FROM THE TOP!"

"Oh, Inang bayan

Kariktan mo'y aking walang kapantay—"

Biglang namatay ang lahat ng ilaw. Huminto ang makabagbag damdaming musika. Dumilim sa buong gymnasium.

"AAAAH!"

"Hala!"

"Brownout?"

"Hala kayo guys, may white lady sa likod! UWAAAH!" sigaw ng boses ni Ark kahit na wala naman talaga siyang nakikita. Anong makikita niya, eh sa dilim ng paligid, ni puting ngipin wala ka talagang maaaninag. Itim lang lahat. Yung tipo ng itim na mas itim pa sa makulimlim na kalangitan at singit.

"HOY! Sino ba yang bwisit na nananakot! Wag nga kayong ganyan!"

"Guys, sinong may flashlight? Flashlight!" may himig ng pagkataranta ang boses ni Charlotte. "Guys..." pero walang sumagot. Sa kanyang pagkadesperada, kinapa na lamang niya ang daan pababa ng entablado. Bahala na. Si Charity! Kailangan niyang magmadali!

May maliit na ray ng ilaw na naglalaro sa stage. Pinaglalaruan ni Sigmund ang kanyang maliit na flashlight. May silbi din pala itong mini flashlight na nakasabit sa kanyang ID. Mukha kasing laruan at ornament lang iyon. Display kung baga. Pero very useful pala sa mga ganitong hindi inaasahang pagkakataon.

"K-Kay sino yang flashlight? Pwedeng pahiram? Please pahiram!" Nakilala ni Sigmung ang boses. Kay Charlotte iyon. Tinunton niya kung nasaan ang kinaroroonan ni Charlotte.

"Teka, hindi matanggal sa ID ko. Dalhin mo nalang itong ID ko." Hinubad ni Sigmund ang ID at iniabot ito kay Charlotte. "Salamat! Pupuntahan ko lang si Charity, ha."

"Si Charity? Bakit?" takang tanong ni Sigmund.

"Basta! Kailangan kong magmadali." Tumakbo kaagad si Charlotte at pumunta sa audio room, kung saan nakapwesto ang mga nago-operate ng music. Sumunod si Sigmund sa kanya, kahit hirap sa dilim.

"Charity? Saan ka? Si Charlotte 'to." Walang sumasagot. Hinalughog niya ang buong lugar. Tinutukan niya ng flashlight ang ilalim ng lamesa. Doon, nakita nila si Charity, nakasiksik, nakapikit ang mga mata, may mga luha sa pisngi nito.

Hindi inaasahan ni Sigmund ang makikita. Bakit... Bakit umiiyak si Elisse? Laging nakikita ng lahat ang astig at cold side ni Charity. Sarcastic, tahimik, cool, pero stubborn siya. Para siyang yelo. Oo nga pala. Hindi naman ito imposible. Natutunaw rin ang yelo.

Ang isang yelo, gaano man katigas, may kahinaan rin. Kagaya ng tao, na kahit magsuot ng isanlibong maskara, di pa rin matitiis na hindi hubarin ang mga ito. Dahil ito ang totoong siya.

Umiiyak lang naman ang tao sa tatlong rason: kapag nalulungkot o nasasaktan, natutuwa, o natatakot.

Hindi niya alam kung ano ang nakapagpaiyak kay Elisse. Pero pakiramdam niya, parang... parang gusto niyang punasan ang mga luha nito. Yakapin at patahanin.

"Sis, okay ka lang ba? Sorry natagalan ako sa paghahanap ng flashlight."

"Tss. Okay lang." Nginitian niya ang kakambal. Hindi siya takot sa dilim. Takot siyang maiwang mag-isa sa dilim. Hangga't may kasama siya, hangga't kasama niya ang ang kanyang kakambal, magiging okay siya.

Napatingin si Charity sa likod ng kakambal. Kinabahan siya. Kaagad niyang pinunasan ang mga luha. Walang ibang nakakaalam ng kahinaan niya, kung'di ang kakambal lang niya. But here comes Sigmund. "Ba't nandito yan?"

"Ah, sa kanya tong flashlight. Buti na lang talaga may flashlight siya, kung hindi, siguradong nangapa ako papunta dito. Lowbatt pa naman ang cellphone ko. Salamat ulit, Sig."

"Walang anuman. Sa'yo na yan."

"Wag na." tanggi ni Charity.

"Okay lang. Sa'yo na yan. May lighter pa pala ako dito." Kinuha niya mula sa kanyang bulsa ang lighter na dala at pinailaw ang flashlight nito. "Ayan. Mas maliwanag na. Wag ka nang matakot Charity. Nandito lang kami."

"Tss. Sinong takot?" Ang totoo, gustong kumurba ng ngiti ng labi ni Charity. Parang may humaplos sa kanyang puso, pero pinigilan niya yon. Hindi siya sanay na maging malambot. Hindi siya sanay na maging mahina. Alam niyang independent at self-supporting siya.

"Ha? Huy bawal yan di'ba? Ba't ka nagdala niyan dito sa school?" gulat na tanong ni Charlotte.

"Nakalimutan ko kasing tanggalin sa bulsa ng short ko eh. Tsaka in case of emergency, malay mo, magamit."

*Dugsh*

May kung anong lumagabog sa loob ng audio room.

"Huhu. Ano yun?" natatakot na saad ni Charlotte.

"Wag ka mag-isip ng kung ano dyan. Nahulog lang siguro yung mic o wire. Ewan," paliwanag ni Charity.

Dahil sa paliwanag ni Elisse, hinayaan nalang nila ang ingay na iyon. Ilang segundo matapos yon ay nanumbalik rin ang kuryente kaya nagsibalikan na rin ang lahat sa practice na parang walang nangyari.

Ngunit ang lingid sa kaalaman ng tatlo, hindi lang sila ang nilalang sa loob. Mayroong nakamasid sa kanila, sa dilim.