webnovel
avataravatar

9

Anikka sighed out of relief when she finally finished making all the reports. Napasandal pa siya sa backrest ng swivel chair niya dahil sa pagod na nararamdaman. Pakiramdam niya ay namimintig na ang mga mata niya dahil sa kababasa ng mga papeles. Now all that was left to do was put the reports on his boss' table. Gusto niyang batukan ang magaling niyang amo para makaganti man lamang sa pagpapahirap nito sa kanya ngunit alam niyang malabo iyon. Isa pa, sekretarya siya nito kaya kahit pa santambak na papeles pa ang ipabasa nito sa kanya ay wala siyang magagawa kung hindi ang sundin ang utos nito. And she was a professional.

Pagkatapos magpahinga ng ilang minuto ay sininop na ni Anikka ang mga papel na natapos niya at ang mga folders na ibinigay ni Menriz. Dadalhin na niya iyon sa opisina nito nang makapagligpit na rin siya ng mga personal niyang gamit at makauwi na.

Speaking of going home, bumalik sa alaala niya ang sinabi ng Ninang niya. Hindi daw ugali ni Menriz na umuwi nang kasabay ng mga empleyado nito na ang ibig sabihin ay nagpapakalunod ito sa trabaho. Isa pang sinabi ng ina nito na kaya siya ang gustong maging sekretarya para sa anak nito ay para may manghaltak sa anak nito palayo sa lamesa nito sakaling gustuhin pa nitong magpakasubsob sa trabaho. Napakunot ang noo niya. Ang ibig bang sabihin niyon ay kasama pa sa trabaho niya ang iuwi si Menriz sa bahay nito? Paano niyang gagawin iyon? Kakaladkarin niya ito? Pero pagod siya kaya paano niyang magagawa iyon? At kahit pa siguro hindi siya pagod, hindi niya magagawang kaladkarin si Menriz. Sa laki ng bulto ng lalaking iyon, baka daig pa niya ang naghihila ng pader.

Kung hindi kaya niya maiuuwi ang anak ng Ninang niya, palalayasin kaya siya? Malamang hindi dahil hindi naman ganoon kasama ang Ninang niya. Ngunit konsensiya pa niya iyon dahil hindi niya nagawa ang ipinapakiusap nito. Naramdaman niya ang pagpitik sa sentido niya dahil sa kakaisip.

"Ah, headache!" Reklamo niya. "Bahala na nga!"

Maglalakad na lamang siyang papunta sa opisina ni Menriz dala ang mga papeles nang mamataan niya ang isang babaeng nagmamadaling maglakad patungo rin sa opisina ng boss niya. As the secretary, she tried to call the attention of the woman before she opened the door of the office but she seemed to not hear her. Tuloy tuloy itong pumasok sa opisina ni Menriz.

Hindi niya sigurado kung empleyado rin doon ang babae o hindi dahil unang araw pa lang naman niya sa trabaho. Hindi rin niya magawang basta na lamang pumasok sa opisina dahil baka importante ang sinadya nito sa boss niya kaya nagmamadali ito. At nang ilang sandali na ay mukhang hindi pa rin ito pinapalayas ni Menriz sa opisina nito ay nasiguro niyang hindi naman ito isang unwanted guest ng lalaki kaya naman tahimik na bumalik na lamang siya sa lamesa niya at hinintay na lumabas ang babae para siya naman ang maghantid ng sadya niya sa lalaki.

Hindi naman niya kailangang maghintay ng matagal dahil maya maya pa ay lumabas na ang babae. Ngunit napatayo siya nang mapansin ang mga luha sa pisngi nito.

"Miss!" tawag niya sa pansin nito ngunit mukhang hindi na naman siya nito narinig. Akmang susundan niya ito nang bumukas naman ang pinto ng opisina Menriz.

"Eunice!" tawag nito sa babaeng ni hindi man lamang lumingon. Seryoso ang anyo nito at nasapo pa ang noo nang hindi magtagumpay sa pagtawag sa babae. Kung huhulaan niya ang naganap base sa anyo nito at ng babaeng tinawag nitong Eunice, malamang na nag-away ang dalawa at hindi hinayaan ng babaeng mag-explain ang amo niya.

Aw. Sad.Mukhang break na yata ang mga ito.

Ngunit bakit hindi naman siya malungkot para sa mga ito, sa halip...

Natigil ang daloy ng isip niya nang bigla siyang lingunin nito. Mukhang saglit pa itong nagulat na makitang naroon pa siya ngunit kasunod niyon ay ang pag-aliwalas ng anyo nito. Para sa isang lalaking kaka-break lamang sa girlfriend nito, ito na yata ang pinakamabilis maka-recover.

"Iligpit mo na ang mga gamit mo at hintayin mo ako. I'll just make a short call and then we'll go home." Sabi nito sa kanya.

"Paano itong mga reports?" habol niya rito nang akmang papasok na itong muli sa opisina nito.

"Leave them there. Bukas ko na babasahin ang mga 'yan." Sabi nito. Nagtitipa na ito sa cellphone nito habang papasok sa opisina nito.

Ngali-ngaling pasukin niya ang lalaki sa opisina nito at ipakain dito ang mga reports na natapos niya nang araw na iyon. Pagkatapos nitong linawin sa kanya na kailangan nito ang mga iyon bago matapos ang shift niya, sasabihin nitong bukas pa pala nito iyon babasahin? Alam ba nitong halos magpakakuba na siya matapos lang ang mga iyon sa araw na iyon?

"Naku! Kung hindi ka lang broken hearted talaga!" gigil na sabi niya kahit alam niyang hindi naman nito iyon maririnig.

Pero broken hearted nga ba ito? Oo nga at hinabol nito ang babae ngunit parang saglit lang naman itong nabahala. Isa pa, ang babae ang umalis na umiiyak at hindi si Menriz.

Napailing-iling siya. Kung noon, dine-deadma lamang nito ang mga babaeng nagkakandarapa rito, ngayon yata marunong na rin itong magpaiyak ng mga babae? Bakit parang nainis at nabahala siya sa isiping iyon.

At bakit ba kasi niya iniisip iyon? Pakialam niya naman kung magpaiyak ito ng ilan pang babae?

Dahil ba natatakot kang paiyakin din niya?

Magtigil! Sita niya sa isang bahagi ng isip niya. Iniligpit na lamang niya ang mga gamit niya gaya ng sinabi ng lalaki.

Nagawa niya ang trabaho niya nang pasok sa allotted time nito, isasabay pa siya nito sa pag-uwi kaya maiuuwi niya ito sa ina nito. All in all, mission accomplished siya sa unang araw niya sa trabaho. Wala na siyang dapat isipin kung hindi iyon lang.