webnovel

Nagmahal ka na ba?

Narinig ko na ang buong kwento mula kay Aling Celia. Ang lalakeng nagngangalang Igo pala ang sumagip sa akin sa dagat. Nawalan daw ako ng malay dahil sa sobrang pagod at kakulangan ng nutrisyon. Mabuti na lamang daw ay nakapunta agad si Dra. Linette upang ako ma-eksamin.

Inalam ko din kung sinabihan ba niya sina mama sa nangyari dahil tiyak kong susugod iyon dito ng wala sa oras kung sakaling malalaman nila. Umiling naman si Aling Celia at sinabing hindi pa siya nagsasabi. Baka siguro kung hindi pa din ako gising sa mga susunod na araw ay baka ipagbibigay alam na niya ito sa aking pamilya.

Hindi bumalik si Igo mula nang umalis ito sa aking silid. Hinatiran ako ni Aling Celia ng hapunan at binantayan ako hanggang sa maubos ko ito. Kahit ba'y gusto ko nang isuka ito ay pinilit ko na lamang ubusin. Hindi pa umuwi si Aling Celia at hinintay ako hanggang sa ako makatulog.

Sa paggising ko kinabukasan ay wala na si Aling Celia sa aking silid. Napatingin ako sa kurtina na nililipad ng hangin. Maliwanag na pala.

Naalala kong muli ang aking panaginip. Ang babae sa aking panaginip. Alam ko ang hitsura niya pero pilit ko itong binura sa aking isipin pati na din ang pangalan nito. Isa siyang malaking bangungot sa pagsasama namin ni Harris. Binalaan ko na si Harris noon na hindi ko gusto ko ang naturang babae at dumating pa nga sa punto na sinabihan ko si Harris na layuan ito. Sumunod si Harris pero pagkaraan ng ilang buwan ay malungkot itong nagsabi sa akin na wala naman daw akong dapat ipagalala sa kanilang pagkakaibigan. Kahit labag sa loob ko ay hinayaan ko na lang si Harris tutal ay nagkukwento naman ito sa akin.

Oo may mga pagkakataon na sinusumpong ako ng selos dahil katrabaho niya ito. Hindi niya kasi ako maintindihan. Hindi niya maintindihan ang malakas kong kutob bilang babae. Humingi ito ng tiwala sa akin at iyon naman ang aking binigay.

Naantala ang aking pag-aalala sa nakaraan nang may kumatok sa aking pintuan at binuksan ito. Pumasok si Aling Celia kasama ang lalakeng si Igo at isang babae na aking hinala ay baka ang sinasabi nito na Dra. Linette.

"Magandang umaga Carly" bati ni Aling Celia. "Ito nga pala si Igo yung lalakeng nagligtas sayo at pamangkin ko" turo niya sa lalakeng nasa kanan nito. Matipuno ito tingnan kahit pa medyo maluwag ang suot nitong tshirt. Matangkad ito at medyo wavy ang buhok nito na mga dalawang pulgada ang haba. Mukha itong mabait dahil maamo ang mukha nito. "Ito naman si Dra. Linette" pagturo naman nito sa kanyang kaliwa. Maliit lang na babae ang doktora at hanggang balikat ang buhok.

Tumingin ako kay Igo at kay Dra. Linette at nginitian ng bahagya ang mga ito. Lumapit sa akin si Dra. Linette. "Hi Carly ako si Dra. Linette. Kamusta naman ang pakiramdam mo?" Tanong nito habang hinawakan ang aking pulsuhan at tinitignan ang ang aking mukha at dibdib. Kumuha ito ng panukat ng blood pressure at inilagay sa akin.

"Mukhang okay ka naman na Carly. Buti kahit papaano ay bumalik na ang kulay sa iyong mukha. Basta magpahinga ng mabuti at kumain ng tama para hindi na ito maulit" payo ni Doc.

"Opo Doc. Pasensya na sa abala." Tugon ko.

Tinanggal na nito ang paubos na dextrose at pagkatapos ay nagpaalam na. Sumunod sa kanya si Aling Celia at naiwan kami ni Igo sa loob ng silid.

Nakakailang ang pakiramdam dahil parehas kaming hindi nagsasalita at mukhang naghihintayan oa kung sino ang mauuna.

"Igo?" Panimula ko. Agad itong tumingin sa akin at bakas sa mukha nito ang pagtatanong ng bakit.

Kahit labag sa loob ko ay sinabi ko pa rin ang salitang "Salamat" dahil alam ko sa aking sarili na hindi ako kailangang iligtas. Sana hinayaan na lamang niya ako doon.

Ngumiti ito at kita ko ang maganda nitong ipin at ang dimple sa kanyang kaliwang pisngi. "Welcome" sagot nito.

Mayamaya ay bumalik na si Aling Celia at muli na namang lumabas si Igo sa aking silid. Mga bandang tanghalian ay bumalik ulit ang binata upang hatiran ako ng pagkain at gaya ni Aling Celia hindi ito umaalis hangga't hindi ko ubos ang aking pagkain.

Umidlip ako sandali at sa aking paggising ay sinilip ko agad ang bintana. Medyo lumililim na. Mula sa higaan ay ibinaba ko sa gilid ng kama ang kama ang aking mga paa at naghanda para sa aking paglabas.

Suot ang aking kulay pink na bestida ay lumabas ako ng bahay at nagtungo sa aking usual spot. Itinupi ko ng konti ang aking tuhod at sa ilalim nito ay inilagay ko ang aking mga kamay na nakahawak sa magkabilaan kong pulsuhan.

•••

Nakita ko na si Carly mula sa aking binta at nakapwesto na naman ito sa kanyang usual spot. Lumabas ako ng bahay at tumabi kay Carly. May isang ruler din ang pagitan ko sa kanya at itinukod ako ang aking mga kamay para suporta sa aking bigat.

Nakatitig lang ito sa kawalan na para bang kay lalim ng iniisip.

"Nagmahal ka na ba?" Tanong nito. Napaayos ako ng upo at tumingin sa kanya.

"Nagmahal ka na ba ng todo?" Tanong muli nito. Gusto kong sumagot ng Oo nagmahal na ako pero hindi ko pa naranasan ang todo na sinasabi nito.

"Bakit ganun..." nakita ko ang pagbuo at pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata.

"Ginawa ko naman ang lahat pero hindi pa din sapat..." yumuko ito at ipinatong ang ulo sa kanyang mga tuhod. Makikita mo ang paghihikbi nito at ang matahimik na pag-iyak nito. Iniangat ko ang aking mga daliri upang hawakan ang kanyang balikat pero muli kong ibinaba ang aking kamay sa buhanginan hanggang sa wala na akong naigawa kundi ikuyom ito.

Muling inangat ni Carly ang kanyang ulo at huminga ng malamim.

"Carly..." panimula ko. Tumingin ito sa aking mga mata. "Wala naman yan sa kung sapat ba o kulang ang ibinigay mong pagmamahal. Di ba ang mahalaga naman ay nagmahal ka. Yung minahal mo siya sa paraan na alam mo."

Pagkatapos ko itong sabihin ay nagsitakasan na naman ang mga luha sa kanyang mga mata at muli na naman siyang tumingin sa kawalan.

Itutuloy...

04-02-2018