webnovel

Chapter 17

"Hindi ka ba ulit papasok?" isang iling lamang ang ipinukol habang matamang pinagmamasdan siya na inililigpit ang aking mga pinagkain.

"Halos isang kutsara lang rin ang nakakain mo, kaya aya't sobra ka nang nangangayayat. Ano na lang sasabihin sa akin ni Yuri kapag nakita ka sa ganiyang lagay?" pangangaral pa niya. Hindi na lamang ako sumagot, datapwat ay taimtim na lumabi, tahimik na nananalanging sana, bumalik na nga siya, kaagad. Kasi habang lumilipas ang mga araw nang wala siya ay mas lalo akong nawawalan ng gana na mabuhay, hindi ko alam kung hanggang kailan na lamang ako tatagal nang ganito. Tapos ay, ending na.

"Tumawag pala ang mama at papa mo, kinakamusta ka. Alam na ring hindi ka pumapasok kahit wala pa man din akong sinasabi." pagpapaalam niya. Hindi na ako kumilos hanggang sa tuluyan na siyang nagpaalam at bumaba.

Gusto kong humingi ng paumanhin nang walang tigil sa iniaasta kong ito. Bakit ba napaka-isip bata ko para umakto pa ng ganito sa harap nila at sa sarili ko? Gusto kong magalit at sisihin ang sarili, ngunit alam kong kahit gawin iyo'y wala pa rin namang mangyayari, wala nang magbabago.

Anong gagawin ko? Tamad na tamad na talaga at pagod na pagod na akong kumilos. Totoo. Maski paghinga, pagkain at pagtulog ay kinatatamaran ko na rin. Pakiramdam ko ay nananawa na akong mabuhay. Anytime, kahit naman dati, ready na akong mamatay. Alam ko naman kasing wala akong panghihinayangan mawala, lalo pa ngayon, ubos na sila, 'yong mga taong gusto ko sanang makasama. Isa-isa na silang kinukuha sa akin palayo.

Kaya bakit pa ako mag-aabalang humanap ng panibago kung mauulit lang rin naman? Nakakapagod na, nakakasawa.

Mas okay na nga ang ganito, kahit hindi masaya, hindi rin naman sobrang nasasaktan.

Kataka-takang noong mga nakaraang araw animo'y naging usok ang bigat sa dibdib ko. Unti-unting naglaho, inililipad palayo. Ngayon, dahil nauubos na ang laman ay napalitan naman ito ng blangkong pakiramdam. Simula noong araw matapos mawalang bigla si Yuri, naubos na rin yata ang luha ko sa magdamag at isang buong araw na puro pag-iyak. Natuyo na rin ang tubig sa mga mata, naging usok na lang rin, tinangay palaho.

Sa bawat pagharap sa salamin ay ibang katauhan na ang nakikita ko, palala nang palala. Gusto kong matawa sa isiping wala na rin ang mga mata noon na emosyon, maski negatibo o positibo, katulad ng kay Levithan, siya pa talaga. Ngunit wala. Walang reaksyon ang lumabas, na parang sa sobrang peke at babaw ay bumabalik lang rin sa dating anyo sa isipan, guni-guni.

Ramdam ko rin, hindi naman ako bulag, ang unti-unting bumabagsak na katawan. Simula kasi nang maulanan ay hindi na ako tantanan ng sipon, hanggang sa ngayon, at naging sinat na.

Huwag na lang munang sana tuluyang magkasakit dahil wala pa si Yuri para magbantay at mag-alaga. Kainis.

Sa sobrang busy ng isip sa paglalakbay kung saan-saan, ang minuto ay nagiging segundo, oras na tila minuto, at ang araw na parang binubuo lamang ng ilang oras. At sa bawat pag-ikot orasan ay mas lalo lamang lumalala ang itinatakbo ng aking isip.

Bakit pa nga ba ako buhay? Hanggang kailan ako hihinga? Hindi pa ba matatapos ang lahat? Paano kung hindi ko nakilala si Yuri, si Nanay, at iba pa?

Naubusan na yata ako ng mga tanong dahil kapagka nawala sa isip ay uulit at babalikang muli, ngunit wala namang kahit na anong nasasagot. O baka ayoko lang sagutin? O baka alam ko na ang sagot pero ayoko lang tanggapin. Ewan. Nakakapagod isipin.

"Argh! Nasaan na ba-- ay tanga, bakit ko iniwan doon?!"

Nawawala na nga rin yata ako. Naliligaw. Ang tagal ng dulo, masyadong madilim at malamig, walang ibang tao. Kailan ba matatapos ang paglalakbay kong ito? Kailan ba ako titigil sa pag-iisip? Kung mas nakakapagod lang rin itong gawin kaysa buong araw na may inaasikaso, bakit hindi pa tigilan? Pakiramdam ko'y napakalayo na ng nilakbay ko kahit na walang ginagawa, tila ilang listahan na ang natapos bagamat hindi kumikilos.

"Ayoko na talaga."

Sobrang nakakaubos ng lakas. Sobrang nakakahina ng lahat.

Wala bang sasagip sa akin? Wala na talaga?

"Yuri, hindi ka na babalik? O babalik ka pa rin, pero matatagalan pa? Bakit naman? Pinapahirapan mo talaga ako, eh, noh?"

Ang hirap kumapit kapag ang alam mong dapat ay matagal mo nang binitawan. Kung matagal nang putol, bakit pilit pa ring umaasang maibabalik? Kung matagal nang patay, bakit iniisip pa ring maaari pang mailigtas na humingang muli? Ang tao talaga, kaya nasasaktan.

"Tsamba nga lang ba o ikaw mismo ang may pakana?"

Nakakaloko ang mga pangyayari, nakakawala ng wisyo.

Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, magpapaulit-ulit, ayoko nang isipin ang mga susunod na pwedeng mangyari.

"Sinagot mo nga ba ang ipinalangin ko? Nakakaduda."

Sa ngayon, gusto ko lang ulit humiling.

"Hindi naman kasi kita nakikita. Hindi ka rin naman sumasagot. Hindi ko rin tuloy alam kung totoo ka nga ba talaga o gawa-gawa lang ng tao para may masabing kinikilalang Diyos." nanatiling nakapako ang ang aking paningin sa kawalan, tila walang kabagayan na pagtuunan ng pansin.

"Pero gayunpaman, kung peke ka, hindi na mangyayari na insidente lamang ang ipananalangin ko ngayon, sa pangalawang pagkakataon." isang buntong hininga ang namagitan sa nag-aalangan kong puso at nawawalan ng pag-asang isip.

"Sana, sana may sumagip sa akin. Nakawala nga ako sa impyerno kung ihalintulad nila, ngunit ngayon, pakiramdam ko, nasa kawalan naman ako. Sana, sa pagkakataong 'to, hindi ko na maramdamang mag-isa. Sana maintindihan ko na ang lahat. Sana mawala na ang alinlangan sa puso ko. Kasi maski sa sarili ko'y nagagawa kong pagdudahan. Gusto ko na nga rin sanang kitlin ang sarili kung hindi lang ako natatauhan. Kaya bakit? May dahilan pa ba para mabuhay?" Walang tumugon, kahit man lang 'oo', 'sige' o 'pag-iisipan ko, abuso ka masyado, eh'. Hinintay ko, ilang minuto, hanggang sa maging oras at lumagpas pa. Pero wala talaga. Paano na kaya?

Gabi nang magising akong muli. It's almost eleven in the evening, alanganin. Sa pagpapakawala ng buntong hininga'y muli na namang bumalik ang mga guni-guni at iginugulo ng isip.

Pinilit kong maidlip at hayaang lamunin ng antok, ang kaso'y nakailang ikot at palit na ng puwesto'y walang nangyari. Naiwan lamang akong tulala sa kawalan, ayaw tigilan ng buhay na mga katanungan.

"Yuri..." Sa halip ay naisip kong bisitahin ang mga wall at timeline niya. Bawat social media account niya ay tinadtad ko ng mga mensahe na bumabagabag sa akin. Ang mga katanungan sa kaniya, mga nais ikwento, mga nangyari, lahat ng naramdaman ko. Wala akong inilihim.

"Kahit na wala ka sa tabi ko ngayon, hindi nakikita at nakakausap ng direkta, bakit pakiramdam ko inaalala mo pa rin ako tulad ng palagi mong ginagawa?" tahimik kong usal sa sarili habang tinititigan ang huling upload niya na photos.

Siguro nga nag-iimagine lang ako, o umaasa, pero hindi ko maloloko ang sarili na mayroon sa parte kong sumisigaw sa katotohanang iyon. Na kahit naroon siya, tahimik na natutulog, ay inaalala pa rin kung nakakakain ba ako ng maayos, ilang oras ang itinutulog, pumapasok at nag-aaral ba ng sapat. Ganoon kasi si Yuri, ganoon siya ka-iba sa akin.

Sana talaga, magising na siya at gumaling. Ang dami niya na ring napag-iiwanan sa klase katulad ko. Hangga't hindi siya pumapasok, hindi rin ako, para quits lang kami ng hahabulin, walang iwanan.

Tutal dati ay ayaw ko na rin naman na talagang magpatuloy, kung hindi lang dahil sa kaniya, ay wala ako ngayon. Baka matagal na akong napariwara, kung hindi siya dumating sa buhay ko. Kaya sino ako para magpatuloy na parang walang mali?

...

"No! I won't go to school anymore!" pagmamaktol ko. Nakakainis naman si Nanay, eh! Araw-araw akong pinipilit, eh ayoko nga!

"Isle, kung hindi ka papasok, anong mangyayari sa'yo niyan paglaki? Papaano kapag wala nang mag-aalaga sa'yo? Paano ka na kung hindi ka naman nakapag-aral?" napanguso ako sa tinuran niya. May point nga. Pero ayoko pa rin!

"Ayoko nga! Edi ikaw pumasok! Gusto mo 'yon 'di ba? Sa'yo na lang ang baon ko, ipapahatid na lang rin ikaw kay 'nong. Basta makikinig ka sa teacher tapos gusto ko ikaw magsabi sa akin." utos ko. Napabuntong-hininga siya ng sobrang haba. Papayag din naman pala, pinipilit pa ako.

"Señorita,"

Umangat ang kilay ko sa narinig. Siya na naman.

"Bakit ka nandito? 'Di ba sabi ko, ayoko sa'yo? Ayaw kitang kalaro, lampa ka, eh." paghalukipkip ko sa kaniyang harapan. Akala ko'y katulad nang nakaraan na matatakot siya, pero hindi. Tinawanan niya ako!

"Tara na. Pasok na tayong school. Hindi pwedeng si Nanay ang pumasok sa school kasi walang maiiwan dito sa bahay niyo. Kaya kailangan ikaw ang pumasok. Isa pa, parehas naman na tayo ng school. Sabay na lang tayo lagi pumasok, tapos umuwi. Tapos sabay rin tayong kumain at mag-aral." ang lawak ng ngiti niya. Nakakairita! Hindi 'yon nakakatuwa!

Ngunit sa huli ay napapayag niya ako. Bakit?! Hindi ko talaga gustong pumasok kung hindi niya lang ako tinakot. Argh!

"Sige, kapag hindi ka pumasok, aasarin kita. Mas matalino ako sa'yo, ganoon, kasi ako pumapasok, tapos ikaw nandito sa bahay niyo. Lagi pang nang-aaway."

...

Mga mga nagpost din sa mga timeline niya, public messages, wishing him to get well soon, that they miss him. Edi siya na marami siyang kaibigan at kakilala. Sino ba namang hindi kung guwapo na at ma-appeal, eh ubod pa ng getleman at talented? Sikat at kilala rin siya sa school gaya ni Yohan, pero mas lamang lang ang kumag na kambal niya dahil sa pagiging matinik nito sa mga babae at aktibo sa ball games. Varsity nga raw, psh, akala mo naman talaga.

Hanggang sa mapadako ako sa mga photos and albums niya. Halos lamang naming dalawa, salitan halos. May mga ilan na group pictures with his band mates and group dancers, sa family nila, pero the rest ay sa mga gala at pakulo na naming dalawa.

Bumabalik na naman, naaalala ko naman. Napahawak ako sa pisngi, ngunit napakunot sa napagtanto. Akala ko'y mali ko lamang, ngunit walang luha na umalpas sa mga mata ko. Inaasahang kong sa mga pagkakataong ito ay raragasa na naman ang mga ayaw magpapigil na mga luha. Bakit hindi ako umiiyak?

Pero ang puso ko, ang bigat, sobra, na parang gustong-gusto ko nang umiyak. At the same time ay natutuwa sa mga nakikita, ang sarap balikan ng mga alaala naming dalawa. Nagkukulitan, nag-aasaran na parang walang problema, ngunit ang totoo'y lagi kaming nag-aaway dahil sa ugali ko. Ako talaga 'yon eh.

Pero hindi niya ako iniwan. Ni-minsan ay hindi niya ako sinukuan, kung hindi lang talaga dahil sa mga kagagawan ko ay hindi mangyayari ang ilang ulit naming cold war katulad nang bago mangyari ang aksidente.

Ngayon ko lang naisip kung gaano kahalaga ng bawat oras at pagkakataong inuubos natin kasama ang mga taong totoong nagpapasaya sa atin. Bumibilis ang oras, nawawala ang mga pagkabahala, nagkakakulay ang lahat, pero kahit ilang saglit lang ay nagagawang magkaroon ng bigat at halaga sa buhay natin. Memories. We cherish such along with the emotions we felt.

Hindi ko inaakalang ang taong sunod nang sunod sa akin noong mga bata kami at nangungulit dahil sa hindi ko pagpansin, ay magkakaroon ng napakalaking parte sa buhay ko. Ang batang minsang lang nangako na akala ko ay biro lamang, ay unti-unting tumutupad sa kaniyang mga binitawan.

Mas matinding emosyon, mas mahirap kalimutan, mas maraming alaala, mas mahirap pakawalan.

Kung dati'y napakadali lamang sa'king sabihin na balang araw ay kakayanin ko rin siyang mawala, ngayon ay hindi ko na alam. Malabo na nga yata. Dahil sa kaniya ko lang natutunan at natagpuan ang sarili at buhay. Ngayon, kahit na anong higit ng tadhana sa kaniya ay kusang humahabol ang aking mga kamay at paa ko para abutin at habulin siya.

Ayoko na ulit mawala, ayoko nang bumalik sa dati. Kung sa kaniya ko nakikita ang sarili'y dapat ko pa bang isuko na lang?

Nang manawa at hindi na kayanin ang naghalu-halong emosyon ay kusang lumayo ang mga kamay dito at tuluyang patayin.

Napadaing ako nang maramdaman ang kirot at pamamanhid ng ulo. Hindi rin makahinga ng ayos dahil sa bumabarang sipon. Argh, kailan ba ako naging sakitin? Kainis naman.

Mariing ipinikit ko ang mga mata saka ibinalot ang sarili sa pagkakahimbing. Bagaman bumabati na ang umaga'y hindi na ako talagang nakaramdam ng antok. Gising na gising ang diwa, kung kaya't ramdam na ramdam rin ang sakit ng ulo.

Rinig kong nagbukas ang pinto, ngunit mas piniling ibaon ang mukha sa unan dahil sa tumatamang init ng araw, nakairita.

Kanina pang dinala ni Nanay ang umagahan ko ngunit hindi pa rin ako nakatatayo at nakakabawas. Pagsasabihan niya na naman ako ngayon, sigurado, dahil hindi kumain. Lagi naman.

Bakit ba big deal kapag hindi kumakain? Kahit sa mga nakikita ko na mga posts, napanonood, naririnig. Nakakaumay na. Kakornihan lang. May isip naman ako para lumamon kung nagugutom, bakit ipinipilit? Para ring si Yuri, mananakot pa at magsasabi ng kung anu-ano para lang kumain. Ano ako, bata?

Argh, Yuri! Tantanan mo na nga muna ako, sumasakit pa ulo at katawan ko, saka mo na ako pag-isipin.

"Nagdala ako ng mga prutas, baka gusto mo."

Natinigan pa lamang boses na iyo'y awtomatikong nawala ang sakit ng ulo ko. Sinubukang kumbinsihin ang sariling nanaginip lang ako---mali---binabangungot pala, pero hindi. Gising na gising ang diwa ko, at sa isang bagsaka'y ang tila binuhat na bigat ng ulo ko'y mas lumala, triple---times ten pa pala.

"Hindi mo talaga alam ang definition ng salitang makapal ang mukha, ano?"

Mula sa tila nagmamaamong wangis ay gumuhit ang pagkabigla dito. Napayuko pa siya at napakuyom ng mga kamao.

"Ano? 'Mimesis naman' na naman? 'Please'? 'Pakiusap'? Puro ganiyan na lang sasabihin mo? Nakakairita ka na alam mo 'yon?" bagaman may inis at bahid ng pagkabugnot ang mga sinasabi'y nanatiling monotono ang boses kong madalas ay nakasigaw at iritable.

Nagulat yata siya dahil sa bilis ng kaniyang angat ng paningin sa akin ngunit napalitan agad ng pagkabahala nang tahimik na nagbababala ang sa akin.

"S-sorry..."

"Wow. So iniinis mo talaga ako?" nagtataka na ako maging sa sarili dahil maging simpleng pagsasalita niya ay nagiging parusa sa pandinig ko, parang pinapaso. Alam ko naman kasing peke, nakita ko na 'yan. Ilang beses na kaya.

Ang pinaka-kinasusuklaman ko pa naman sa lahat ay ang mga taong mapagpanggap. Allergy ako, eh, anong magagawa ko? At dapat ang dahilan ng allergy ay iniiwasan, hindi ba? O kung hindi, ako ang mamamatay, pwede rin. Pero kung siya lang rin ang dahilan, parang napakawalang kwenta naman.

"Hindi, Mimesis, nag-aalala lang ako. Ang daming classmates din natin ang nababahala dahil 'di ka pumapasok, pati si Yvan. Saka malapit na rin ang mid terms natin, baka...ano," saka siya muling napayuko matapos ang mahabang litanya. Napabuntong hininga ako saka tahimik siyang nginisihan.

"Ah, so ngayon may pakialam na rin kayo? Ay, weh? Since kelan pa? Nakakatuwa naman." sarkastikong usal ko sa dalawang huling salita, mas lalo siyang pinanghinaan, halata sa pagbagsak lalo ng kaniyang ulo.

"In-eemote-emote mo diyan? Bakit? Totoo? Umalis ka na nga. Isa kang living sore eyes, eh, sana lang aware ka." pagwasiwas ko ng kamay palayo.

Napapitlag ako sa gulat nang ibagsak niya ang dala-dala. Nagsimulang manginig ang mga kamay hanggang sa tuluyang yumugyog ang mga balikat niya. Kasabay nito ang pagbukal ng mga luha hanggang sa magtuloy-tuloy na lumandas ang mga ito sa kaniyang pisngi.

"Alam mo, Mimesis? Nakakaawa ka. Hindi lang ako, lahat kami, kaawa-awa ang paningin sa'yo. Nag-aalala kami sa'yo, gustong-gusto naming kamustahin ka at kausapin, tanungin kung okay ka lang ba, maayos ka ba, anong nararamdaman mo. Pero 'yong mga ginagawa mo ang nagtutulak sa amin palayo. Kung inaakala mong nilalayuan ka namin dahil likas na ayaw namin sa'yo, naiinggit kami, o ano, siguro 'yong iba. Pero kami? Paano naman 'yong iba na totoong nag-aalala sa'yo? Sa halip na panlambutan ng puso, ay mas lalo lamang tumitigas dahil sa mga ibinabalik mo. Hindi mo lang kami itinutulak palayo, sinasaktan mo pa kami. Hindi naman kami manika na walang puso at hindi makaramdam. Ang tao, kahit nga kurot lang kumikislot, dumadaing. Kaya sana, bago mahuli ang lahat, bago tuluyang mawala ang mga tao sa paligid mo, makilala namin ang totoong ikaw. Alam namin, alam ko na iba ang ipinakikita mo sa totoong nasa puso mo. Alam kong mabuti kang tao katulad ng sinasabi ni Yvan, naniniwala ako sa'yo. Kaya sana, sana---"

"Wala kang aasahan sa akin. Kaya pwede ka nang tumigil. Ang haba ng sinabi, wala namang sense. Mas mabuti pa ngang umalis ka na. Kaysa nagsasayang ka ng laway, i-reserve mo na lang sa iba mo pang lalandiin. Para tahimik ang buhay, wala nang drama, exit ka na."

Nagawa niya pang magpunas ng luha sa harapan ko bago hindi tumitingin na nag-iwan ng ngiti saka umalis. So ginalingan niya sa pag-practice? Nakailang ulit kaya 'yon?

Saktong pagkalabas niya ay siyang hagis ng mga kamay ko sa unang nahawakan.

Napatili ako sa inis, pinaghalong pagkairita at bugnot. Bakit ba kasi nila ako kailangang pakialamanan? May kaniya-kaniya kaming buhay. Kung ayaw nila sa akin, kung ayaw ko sa kanila, edi 'wag. Mahirap ba 'yon? Bakit kailangang may pilitan? Bakit may magbabago para sa isa? Fuck this dramatic life! Fuck those people! Fuck these all!!

All Rights Reserved

alleurophile