Nag-aalala si Charisse kay BJ. Hindi pa masyadong magaling ang braso nito at simula nun ay hindi na ito kumakain ng maayos. At mas lalo na sa nangyari kahapon bagama't nalaman nilang nasa mabuting kalagayan naman ang mga magulang nito ay hindi pa rin ito kumakain ng maayos. Nababahala si Charisse sa kalusugan nito.
Maghahapunan na naman. Ilang minuto na rin siyang nakatayo sa harap ng kwarto ni BJ ngunit hindi niya magawang kumatok. Nag-aalangan pa rin siya kahit medyo sanay na siya sa ugali nito.
"Haaay, bahala na!" Aniyang kumatok. Ngunit walang sumasagot.
"Sir? Nandyan po ba kayo?" Tawag niya. Ngunit tahimik pa rin sa loob. "Hindi ko naman siya nakita sa labas."
"Sir Sungit? Yuhoo! Sir! Tao po!" Tawag niya na sinabayan ng malalakas na katok. "Ayan tingnan natin kung hindi ka pa sasagot." Saisip-isip niya. "Sir Sungit?"
"Bakit? Anong kailangan mo?" Bigla itong nagsalita sa likod niya na muntik na siyang mapatalon.
"Sir nakakagulat naman po kayo, bigla kayong sumusulpot kung saan saan."
"So?"
"Ay wala po. Wala po akong sinabi." Aniyang ngumiti.
"Anong kailangan mo?" Tanong ulit nito.
"Kayo po sir? Anong kailangan nyo?"
"Goodness! Ako ang nagtanong tapos ibabalik mo sa akin?" Pinandilatan niya si Charisse. Bago pa man makasagot si Charisse ay nagsalita ulit si BJ. "Will you please....leave?" Sabi nitong napahawak sa noo. "Mas lalo mong pinapasakit ang ulo ko."
"Sorry po. Kasi po, itatanong ko lang po sana kung anong gusto nyong hapunan? Tsaka po kailangan nyo po ba ng gamot sa sakit ng ulo? Ikukuha ko po kayo."
Nagpang-abot ang kilay ni BJ at napailing.
"Look, hindi ko kailangan ng gamot at mawawala lang ang sakit ng ulo ko kung wala ka dito. And you can cook anything you want."
"Ang sakit naman magsalita nito." Saisip-isip niya. "Kahit ano po?" Tanong niyang mas lalong nagpairita sa amo.
"Yes, anything! Sinabi ko na di ba?" Sagot nito na nilagpasan siya at pumasok ng kwarto.
"Sure po sir ha, kakain kayo kahit anong lulutuin ko?" Pahabol niyang sabi. Minsan kasi ayaw nito ng mga inihahanda niya at paglulutuin siya ulit.
"Bakit ang kulit mo?" Aniyang nakatayo sa nakaawang na pinto.
"Sinisuguro ko lang po sir kasi..." Biglang pintuan na lang yung kaharap niya. "Ouch, pinagsarhan ako ng pinto?" Naibulalas niya.
"Yes, and you better keep quiet! Ayoko ng maingay!" Sigaw nito mula sa loob.
"Narinig niya? Nasabi ko yun ng malakas?" Bulong niya sa sarili. Akala niya naibulong nya lang yun, tapos yun pala naririnig hanggang sa loob. "Haaay, may magagawa pa ba ako?" Saisip-isip niya. "At galit na naman siya, lage na lang. At huwag na daw akong magsalita? Haayyy."
Bumalik si Charisse sa kusina at naghanda ng hapunan. Tahimik ang buong bahay. Walang masungit na boss na nang-aaway sa kanya, walang nagpapatugtog ng malakas at nanood ng TV. Simula nang pumasok si BJ sa kwarto ay hindi na ito lumabas. Nagmumukmok.
Inakyat na lang ni Charisse ang pagkain sa kwarto ng amo. Naintindihan niya kung bakit ito nagmumukmok.
Kumatok siya ng tatlong beses. Walang sumagot. Kumatok siya ulit. "Pasok." Sa wakas ay sumagot na si BJ at parang paos yung boses. "Bagong gising o kakaiyak lang?" Gustong itanong ni Charisse ngunit pinigil niya ang sarili. Dumiretso siya sa side table nito at inilapag ang dalang pagkain. Pagkatapos ay umalis na siya kaagad.
Nagtataka si BJ. Sinundan niya ng tingin ang papalabas na si Charisse. Dati naman ay nagbibilin ito bago bumaba. "Whatever." Sabi niya sa sarili. Tumayo siya at tiningnan ang pagkain. Parang ang sarap ng tinolang manok, natatakam tuloy siya. Paano ba naman ay hapon pa kumakalam ang kanyang sikmura ngunit wala siyang ganang kumain.
Nag-aalangan si Charisse kung aakyat na ba siya para kuhanin ang pinagkainan ni BJ. "Tapos na kayang kumain yun? Sige na nga, akyatin ko na lang." Lumabas siya ng kusina para puntahan si BJ. Ngunit tanaw niya mula sa kinatatayuan na pababa na ito ng hagdan kaya agad siyang bumalik sa kusina.
Nakita ni BJ na busy si Charisse sa pagpupunas ng mga plato. Inilapag niya ang tray sa ibabaw ng mesa. Hindi pa rin lumilingon si Charisse. Di kaya siya nito napansin? Hinintay niya itong lumingon at magsalita, ngunit hindi ito nangyari. "Ano kayang problema nito?" Nagtataka niyang tanong sa sarili.
"Bahala ka nga." Bulong niya sa sarili at umakyat na. Dumiretso siya sa library. Sobrang tahimik ng buong bahay. Ang tahimik ng gabi. Tanging tunog lang ng mga kulisap ang maririnig at ang panaka-nakang tahol ng aso sa di kalayuan. Napaupo si BJ sa upuan sa harap ng mesa. Naalala niya ang mga magulang at mga kapatid. "Kumusta na kaya sila?" Naitanong niya sa hangin. Sumandal siya sa upuan, pinakawalan ang isang buntong hininga. Iniisip niya ang pamilya niya, ang pag-aaral at ang girlfriend niya. "Kailan kaya ito matatapos?"
Naalimpungatan si BJ sa lakas ng hangin at ulan sa labas. Sinubukan niyang tumayo ngunit nagulat siya nang muntik siyang mahulog sa upuan. Nakatulog pala siyang nakasandal sa upuan. Tumingin siya sa malaking relo sa may dingding, mag-aalas singko pa lang ng umaga. Napahimas siya sa kanyang likuran at batok. Sumasakit ito. Siguro kasi nakasandal siya buong gabi.
Lumapit siya sa may bintana at sumilip. Bagamat medyo madilim pa ay dinig niya ang lakas ng ulan at ang langitngit ng kawayan at mga puno ng kahoy sa lakas ng hangin. "May bagyo yata." Aniyang bumalik sa upuan. Masakit talaga ang likod niya at namamanhid ang batok. "Kailangan ko yatang humiga." Sabi niya sa sarili saka tumayo at lumabas ng library.
Akmang bubuksan na niya ang pinto nang mapansin niya ang papel na naka-tape dito. Nagpang-abot ang kilay niyang pinagmasdan ang papel. "Sulat?" Naibulalas niya ng mapagtanto ang nasa harapan niya. "Ano naman 'to?" Nagtatakang kinuha niya ang papel at binasa. "Sir ano pong gusto niyong breakfast?" Napangiti siya. "Seriously!? Hah!" Napailing siyang pinagmasdan ang sulat. Napalingon siya. Walang tao at tahimik pa rin sa buong bahay. Hindi siya sanay sa ganitong tahimik. Madalas ay naririnig niyang kumakanta si Charisse..... maglalaba, magluluto o maglilinis man ito ng bahay. Ngunit kahapon pa ito tahimik. "Ano kayang trip ng babaeng ito?"
Hawak hawak niya ang papel papasok ng kwarto. Naisip niyang sagutin ito kaya naghanap siya ng ballpen. Ngunit wala siyang ibang nahanap kundi ang kulay pula. Nakangiti siyang nakatitig dito. "Ito mas maganda." Aniyang nakangiti.
Nalulungkot naman si Charisse habang pinagmamasdan ang ulan at hangin sa labas. Kanina pa siya sa may bintana at nakatingin sa labas. "Bakit ngayon pa umulan? Kung kailan ang dami kong labahin!" Gigil niyang sabi. "Ay naku, pag minamalas ka nga naman. Bagyo pa yata 'to." Wika niyang nakakibit balikat. Tapos na siyang maglinis ng buong bahay at mas pinili niyang magkulong sa kwarto.
Nakapaghanda na rin siya ng tanghalian at naiakyat na rin niya. "Ay oo nga pala kailangan kong balikan ang pinagkainan ni sir Sungit. Pagkasabi ay lumabas na agad siya ng kwarto ngunit nakasalubong niya si BJ sa may hagdan bitbit ang tray. Kinuha niya ito.
"Huwag ka ng mag-iwan ng sulat. Gusto ko ng pork adobo sa dinner, iakyat mo na rin sa library ng mga alas otso." Sabi nito. Tumango lang si Charisse at tumalikod na. "Wait." Tawag nito. "What is your problem?"
Humarap si Charisse at umiling. Tumaas ang mga kilay ni BJ. "Are you mute by any chance?" Pang-aasar nito. Umiling ulit si Charisse. "And? Anong trip mo? May pasulat sulat ka pa."
Hindi nakatiis si Charisse at sumagot. "Sir akala ko po ba ayaw nyo akong magsalita? Bakit ang dami nyong tanong?"
Nagulat naman si BJ sa sagot niya. "Seriously? As in literal na hindi ka nagsasalita?" Napahawak si BJ sa mukha niya. "I can't believe this!" Bulalas nito. "Look, ayoko ng laging may nagtatatalak kasi masakit sa tenga. That's what I meant. I did not say na maging pipi ka."
"Ganun na po yun." Sagot ni Charisse na napahiya.
"Ewan ko sa'yo. Paki-upgrade nga ng utak mo." Sabi ni BJ na nag-walk out.
"Ha?" Naiwang nakatulala si Charisse. Pilit inaabsorb ng utak niya ang sinabi ni sir Sungit.
"Ano daw? I-upgrade ang utak ko? Yun ba yun?" Gusto niyang maiyak. Ang sakit pala marinig na sabihin sa pagmumukha mo na mahina ang utak mo.
Masama ang loob niyang pumasok ng kusina at naghugas ng mga plato. Pilit niyang kinakalma ang sarili. "Hindi ka pa ba nasanay?" Sabi niya sa sarili. "Dapat masanay ka na. Hindi mo alam kung hanggang kailan ka dito." Napabuntong-hininga siya. Napatingin sa labas. Nakikisama yata sa kanya ang panahon. Makulimlim. Malungkot. Umiiyak din ang langit.
"Buti pa ang panahon, dinamayan ako." Sabi niyang nakangiti. "Corny ko."