webnovel

Ang kababalaghan sa boarding house 9

May bumangga sa tabi namin.

"Uy huwag masyadong magdikit, napaghahalata na kayo dyan", nakatawa si Nica habang may kasayaw ding iba.

Umiiling-iling si Beatrice na nakangiti at ng patapos na ang awitin ay sumenyas na siya na gumilid na kami. Inihatid ko sya sa kinalulugaran nila. Pinakilala nya ako sa mga kablockmates nya.

"Siya ba yung kinukuwento mo lagi?"

"May hitsura naman pala."

"Akin na lang sya girl."

"Huwag mo nang pakawalan yan."

At marami pa akong mga narinig na komento nila habang pabalik na ako sa mga kaklase ko.

Bago mag-alas dose ay niyaya ko na ang dalawa na umuwi na kami. Maglalakad sana kami pero inisip ko na madilim at baka delikado sa lalakaran namin kaya sumakay na lang uli kami ng traysikel. Hindi ko alam kung inaantok na ako o sa epekto ng nainom kong punch. Kinapa ko ang aking pisngi at parang tumaas ang temperatura.

Pagkababa namin ng traysikel sa tapat gate na naiilawan ng streetlight, tinignan akong mabuti ni Beatrice.

"Namumula yang mukha mo Ed. Nilaklak mo siguro lahat nung punch na binigay kanina."

"Oo yata, hahaha!"

Nilock ko kaagad ang gate, sa kusina kami dumaan. Nagtaka ako kung bakit wala ang susi ng aming kwarto sa sabitan. May nakapaskil na papel sa pinto ng kwarto namin.

Ed,

Kunin mo dito sa taas ang susi ng kwarto nyo.

Sir Del

Namutla ako at napakamot ng ulo. Saktong papasok na sana sina Beatrice sa loob nang mapansin nya ang pananatili ko sa tapat ng aming pinto.

"Bakit Ed, anong problema?"

Iniabot ko ang papel sa kanya. Nanlaki ang mata nya sa nabasa. "Huwag mong sabihing aakyat ka sa taas?" Pati si Beatrice ay may pag-aalinlangan sa maaaring gagawin ko.

"Paano ako papasok sa kwarto, saan ako matutulog?" Natahimik si Beatrice, wala syang mahagilap na sagot sa mga tanong ko.

"Hintayin mo ako dyan, magbibihis lang ako.Sasamahan kita sa taas." Pumasok na sya sa loob. Naupo ako sa mahabang bangko, nagmumuni-muni habang nakatingin lang sa papel na hawak ko.

Wala pang limang minuto ay lumabas na si Beatrice. "Tara na."

Naunang syang umakyat sa taas at nakabuntot naman ako, nasasamyo ko ang amoy-rosas na pabango nya. Huminto kami sa tapat ng pinto ni Sir Del. Nagkatinginan kami ni Beatrice, inginuso ko na sya na ang kumatok sa pinto. Tatlong hindi mabibigat na katok ang nilikha nya sa pintuan, saka nya dinoble ang lakas ng katok. Nagkailaw sa loob at bumukas ang pinto. Nakita ko sa ekspresyon ng mukha ni Sir Del ang pagkabigla, ang unang rehistro na nakangisi ay agad-agad napalitan ng pag-asim ng tingin nya sa aming dalawa.

"Di ba sinabi ko ikaw Ed ang kumuha ng susi? Saka anong oras na, bakit ngayon lang kayo umuwi?" Pinakita ni Sir Del ang pagkainis nya sa aming dalawa, marahil inasahan nyang ako lang ang aakyat at kukuha ng susi sa kanya. Sa loob-loob ko na mabuti na rin ang ginawa namin para hindi ako maisahan ng matanda. Kinuha nya ang susi na nasa upuan at inihagis sa akin.

"Ikaw Beatrice dumiretso ka na sa room nyo, gabi na magkasama pa kayong dalawa! Matulog na kayo, mga istorbo!"

Blaaggg!

May kalakasan ang pagkakasara ng pinto ni Sir Del at wala man lang kaming nasabi sa tinuran nya. Dali dali kaming bumaba ng hagdanan. Palabas na sana ako papunta sa kwarto namin ng hinawakan ako sa braso ni Beatrice.

"Ed…"

"Bakit?" Madilim sa loob ng bahay, tanging tapon ng ilaw lang ng streetlight ang nagbibigay ng kaunting liwanag sa amin.

"Galit yata si Sir sa atin."

"Sa akin lang galit iyon, ang akala nya kasi ako lang ang aakyat sa taas."

"Panu na lang Ed kung…"

"Hindi Beatrice, hindi ako papatol sa matandang iyon, hinding hindi nya ako maiisahan", hindi ko na pinatapos ang tanong niya.

"Promise?" Halos magkalapit lang ang mga mukha namin.

Isinukbit ng aking daliri sa kanyang kanang tainga ang buhok na tumatabing sa mukha ni Beatrice. "Promise."

Nagulat ako ng bigla nya akong hinila papasok sa kanilang kwarto.

"Beatrice, ano ito?" nagkaroon ng paru-paro sa tyan ko.

"Shhhh, Ed dito ka na muna matulog sa kwarto namin, wala naman sina Ate Mae at Ate Sheila, samahan mo muna kami ni Nica, maaga rin naman tayong gigising mamaya."

"Haaa, alam mo namang bawal na bawal yan, patay tayo kay Sir at baka mapalayas pa tayo dito sa boarding house", malaking tutol ko sa gustong mangyari ni Beatrice.

"Mabait ka naman di ba, gagawan mo ba ako ng masama, di ba hindi naman?"

Hindi ko alam kung sadyang malakas lang talaga ang puwersa ni Beatrice at nahila nya ako at nasa loob na kami ng kwarto nila.

"Ayan, tanggalin mo na yang sapatos mo, maglalatag lang ako ng banig at kumot sa sahig, dyan ka na mahihiga."

Hindi umayon kaagad ang mata ko sa kadiliman saka unti unti, naaninaw ko ang kabuuan ng kwarto. May nakita akong nakakumot sa pang-itaas na higaan, si Nica at nakatalukbong ito. Gusto kong lumabas ngunit may pumipigil sa loob ko na dumito na muna. Bahala na. Ang lakas ng kabog sa dibdib ko. Dahan dahan kong inalis ang sapatos ko at si Beatrice naman ay naglalatag ng higaan, pareho kaming tahimik at hindi lumilikha ng ingay.

"Ed, dyan ka na mahiga," pabulong na sabi niya sa akin na parang naging sunod-sunuran ako at agad akong tumalima sa gusto nya.

"San ka hihiga", tanong ko sa kanya.

Tinuro nya ang higaan sa baba ni Nica.

Nahiga na ako, dilat at nakatingin lang sa umaandar na ceiling fan sa kisame. Naghihintay ng susunod na mangyayari. Nagkumot ako hanggang sa beywang ko.

"Ed, okey ka lang dyan? 1230AM na, gisingin kita mamayang 4AM bago bumaba si Sir Del, tulog na tayo. Goodnight!"

"Goodnight din", nakadilat pa rin ako at hindi pumipikit. Tumagilid ako patalikod sa higaan nya. Nagmamatyag ang lahat ng mga pandama ko sa takbo ng oras. Umusal ako ng maikling dasal sa isipan ko. Pumikit ako at itinalukbong ang isang unan sa ulo ko.

Heto na nga, nagkakatotoo na yata ang tumatakbo sa isip ko. Naramdaman ko na parang may bumigat sa likuran ko, may mga paang dumantay sa nakakumot na paa ko. May hiningang wari ay humihipan sa batok ko at may brasong yumakap sa katawan ko. Tila nagkabaga ang punong tainga ko.

"Ed harap ka dito", mahinang boses, malambing at nang-aakit.

Nagkakaroon ng panic sa kaloob-looban ko. Nagdasal uli ako, pinauna ko na ang paghingi ng kapatawaran. Gusto kong magpasaklolo sa lahat ng mga apostol na nasa huling hapunan. Hala, ano na nga ba ang nangyayari sa akin?!

Dahan dahan ang pagpihit kong tagilid pakabila sa pinagmulan ng boses, tinanggal nya ang talukbong na unan sa ulo ko, may humawak sa pisngi ko, dumilat ako at nagulat. Si Beatrice…

(itutuloy)