webnovel

Tibok ng Puso

"Lolo! Lola!" Humahangos na sigaw ni Amihan. Hawak ng isang kamay niya ang laylayan ng kanyang saya, ang isa naman ay may ikinakaway na isang parsela, tumatakbo ito patungo sa kanilang bahay.

Malayo pa lamang ay naririnig na ni Lolo Salvador ang sigaw ni Amihan. Nagtataka ito sa asal ng apo kaya sumilip ito sa bintana. Nang malapit na ito sa may hagdan ay lumabas na ito ng pintuan upang salubungin ang apo. Sumunod sa kanya si Miguel na tila tuwang-tuwang makita si Amihan.

Di alintana ang mga panauhin sa sala, humihingal na iniabot ni Amihan ang parsela sa lolo sa may pintuan. "Lolo, sabi sa akin ni Mang Cardo, yung kartero, may parsela daw mula kay Tiyo Marcelo sa Europa. Kaya dinaanan na namin nila Clara upang kuhanin. Eto po, o."

Nang maiabot ang parsela, saka pa lamang namalayan ni Amihan na naroroon si Miguel, katabi ng kanyang lolo. Nanlaki ang mga mata nito. Dahil sa pagod sa pagtakbo, mamula-mula ang pisngi ni Amihan, subalit nang makita na naroroon ang binata lalong tumindi ang kulay sa pisngi nito.

"Bakit ka naririto?"

Hindi siya sinagot kaagad ni Miguel bagkus, iniabot sa kanya ang isang panyo saka nagwika, "Punasan mo muna ang mga pawis sa mukha at leeg mo." Napakipot ang tingin ni Lolo Salvador kay Miguel ngunit hindi niya pinahalata iyon.

Tinanggap naman ni Amihan ang panyo ngunit masama pa rin ang tingin niya sa lalaki. "Hmp. Salamat."

Hindi naman naalis ang matamis na ngiti ni Miguel na tila nakapinta na ito sa kanyang mukha.

Iniwan na muna ni Lolo Salvador ang dalawa upang mag-usap. Hindi niya alam kung anong idadahilan sa mga panauhin. Wala sa pinakamagandang anyo ang apo niya ngayon dahil tila isa siyang batang paslit na maghapong naglaro sa ilalim ng sikat ng araw. Nahihiyang pumasok sa loob ng bahay si Lolo Salvador at iniabot ang parsela kay Lola Azon upang itabi.

"Ipagpaumanhin niyo po ang asal ng aking apong si Amihan. Talagang parang bata pa iyan kung kumilos." Si Lola Azon na ang humingi ng dispensa nang makitang tikom na ang bibig ng asawa at tiim ang bagang. Marahil ay ibig nitong magalit sa inasal ng apo.

Pumasok si Amihan sa loob ng bahay. Sumunod naman si Miguel na parang tuta. Napataas ang kilay ng ina ni Miguel. Bakit parang isang maamong tupa ang aking anak? Hindi kaya kapag nagkatuluyan sila ay mas dominante pa ang babaeng ito kaysa sa aking anak?

Napatingin si Miguel sa ina. Alam niya ang iniisip nito. Kaya umiling-iling ito sa kanya bilang pagpapahiwatig na huwag niyang pag-isipan ng masama ang dalaga.

Matapos ang mga pagpapakilala at nararapat na pagbati sa pagitan ni Amihan at mga panauhin, nagpaalam ito upang magpalit ng suot na basing-basa sa pawis.

Habang nasa silid si Amihan, hinila ni Doña Elena si Miguel sa balkonahe ng bahay.

"Iyan ba ang sinasabi mong pakakasalan mo?" Nagdududang tanong ng ina. Tiningnan niyang mabuti ang mukha ng anak, naghahanap ng kahit katiting na pahiwatig na nawalan na ito ng gana sa dalaga.

"Napakaganda niya, hindi ba, Mama? Mamula-mula ang kanyang mga pisngi at mga labi. Nakakatuwa ang kanyang mga kilos. Pakiwari ko masaya siyang kasama at hindi ka mababagot sa kanya." Nangingislap ang mga mata ni Miguel. Nakapinta pa rin sa mukha niya ang dating ngiti.

Nakaramdam ng pagkabigo si Doña Elena. Tila hindi magbabago ang isip ng kanyang anak. Hindi kaya nagayuma siya ni Amihan?

"Anak, sigurado ka na ba sa kanya? Siya ba naman ay may pagtingin sa iyo? Hindi kaya dehado ka sa kanya?" Hinimas ng ina ang bisig ni Miguel. Baka naman matauhan ang anak kapag naramdaman niya ang mapagmahal na himas ng ina.

"Balang araw mamahalin niya rin ako, Mama. Magtiyatiyaga akong maghintay. Alam kong hindi ako mabibigo." Desidido na talaga si Miguel kay Amihan. Walang ibang babae ang nag-iwan sa kanya ng ganoon katinding damdamin.

"Bahala ka. Ikaw naman ang makikisama sa kanya. Ang sa akin lamang ay baka maubos ang pasensya mo sa kanya. Isip bata siya. Baka sa huli ay alagain pa yan," pabuntonghiningang sabi ng ina. Hindi na sila nagtagal sa balkonahe. Sabay silang bumalik sa salas.

Naroroon na si Amihan na nakapagpalit na ng damit. Amoy sampagita ito. Kausap na siya ni Don Miguel at Mariano Ponce at tila maganda ang kanilang pinag-uusapan. Napapatango ang dalawang lalaki sa mga sinasabi ni Amihan. Malugod na nakikinig lamang ang dalawang matanda sa kanila.

Napansin nilang nasa loob na ng sala ang mag-ina. Tinawag ni Don Miguel si Doña Elena. "Mahal, halika sa tabi ko. Nakakatuwa itong si Amihan." Kita sa mukha ng asawa ang saya kaya walang nagawa si Doña Elena na ngumiti at umupo sa tabi ng asawa.

"Siyanga ba? Ano naman ang pinag-uusapan ninyo?" Nagtatakang tanong ng babae. Ano namang kawili-wiling bagay ang ibinabahagi ng dalaga upang maging interesado ang kanyang asawa at bayaw?

"May mga pangarap pala si Amihan na kakaiba. Nais niya raw tumulong sa pag-unlad ng bayan, sa magandang edukasyon ng mga kabataan, sa pagbabago sa kalagayan ng mga mahihirap. Wala pa akong nakilalang kabataan na nag-iisip ng ganito para sa kanyang bayan." Kita sa mukha ni Don Miguel na hindi siya makapaniwala sa mga sinabi sa kanya ni Amihan.

Napangiti lamang si Doña Elena. Malalim din kung mag-isip si Amihan kahit asal-bata ito. Marahil ay makabubuti ito sa kanyang anak. Magkatulad silang mag-isip gawa ng kanyang mga natanggap na edukasyon sa Pilipinas at pagbiyahe niya sa ibang bansa.

Simula sa mga sandaling iyon, nagbago na ang pag-iisip ng mga panauhin kay Amihan. Sa kanilang isipan sumasang-ayon na sila kay Miguel at nagugustuhan na nila si Amihan. Matalino ito at parang matanda kung mag-isip.

"Ano kaya kung pabayaan muna nating mag-usap ang dalawang?" mungkahi ni Mariano Ponce. Nakikita niya sa mga kilos ng kapatid at hipag na nasiyahan sila kay Amihan. Ngunit sa dalawang matandang kaharap ay tila may pag-aatubili pa sila na ipakasal ang apo kay Miguel.

Dahil sa tinuran ng tiyuhin, ipinagpaalam ni Miguel si Amihan sa mga kaharap na sila ay tutungo sa balkonahe upang mag-usap. Tila nagulat si Amihan sa ginawa ni Miguel. Hindi niya inaasahan na aalisin siya ng binata sa gitna nang pag-uusap nila ng kanyang ama't tiyuhin. Walang nagawa ito kundi sumunod na lamang sa binata sapagkat hinawakan na siya nito sa bisig at pinatayo saka lumabas ng sala.

"Hmp. Akala mo natutuwa ako sa iyo? Di ba sabi ko sa iyo ayaw kitang makita?" inis na sabi ni Amihan. Para sa kanya mas masarap kausap ang mga matatanda dahil sa paningin niya pangiti-ngiti lamang ang binata at pagpapapungay lang ng mga mata ang alam nitong gawin.

"Huwag kang magsalita ng ganyan. Hindi mo pa ako lubusang kilala." Naging seryoso ang mukha ni Miguel. Nawala ang ngiti sa kanyang mukha at walang kurap niyang tiningnan si Amihan.

Nanlamig ang buong katawan ni Amihan sa titig ni Miguel. Sa unang pagkakataon nakadama siya ng takot sa tingin nito na tila kakainin siya ng buhay. Ganito pala si Miguel kapag seryoso. Di kaya galit na siya sa akin? Napayuko ito sa pagkapahiya. Hindi niya dapat ginalit ito. Wala itong ginawang masama sa kanya liban sa nangyari noon sa kanyang kaarawan.

"Kilalanin mo muna ako, Amihan. Hindi ako masamang tao. Dalisay ang hangarin ko sa iyo. Sana ay bigyan mo ako ng pagkakataon." Naging malamya ang tingin nito sa dalaga. Lumambot ang kanyang puso nang tila nag-anyo itong maamong kuting. Maliit at payat lamang na babae si Amihan na parang isang maselang kristal kaya nais niya itong kalingain at kupkupin.

"Ano ba ang nakita mo sa akin at ayaw mo akong tantanan?"

"Nasa iyo ang mga hinahanap ko sa isang babae."

"Naghahanap ka ng sakit ng ulo sa akin."

"Hindi ako naniniwala. Nasasabi mo lang iyan dahil sa iyong pagkapahiya noong araw ng iyong kaarawan. Alam kong mabuti kang tao, mapagmahal at maunawain."

"Baka guni-guni mo lamang iyan. Hindi kaya mataas ang lagnat mo?" Hinipo ni Amihan ang noo ni Miguel. Nagsalubong ang kanilang tingin. Namula ang mukha ni Amihan nang mapagtanto niya ang kanyang ginawa. Bigla niyang ibinaba ang kanyang kamay na para siyang nakuryente sa kanyang pagkakahipo sa noo ni Miguel.

Bigla namang hinawakan iyon ni Miguel at itinapat sa kanyang dibdib. "Hindi mo ba nararamdaman ang tibok ng puso ko?" Hindi nakagalaw si Amihan sapagkat dama ng kanyang kamay ang mabilis na tibok sa dibdib ng binata. Parang nakikilita ang mga daliri niya dahil dito.

Dub dub… dub dub…dub dub.

Inagaw ni Amihan ang kanyang kamay at tumalikod sa lalaki. Dama niya ang init na umakyat sa kanyang mukha. "Eh, di mabuti naman at tumitibok ang puso mo. Nangangahulugan lamang na buhay ka."

"Tama ka. Nananatili akong buhay dahil sa iyo. Ikaw ang nagpapatibok ng puso ko."

"Hay naku! Dinidigahan mo ba ako? Walang bahid ng katapatan ang hungkag mong mga pananalita." Lumipat si Amihan sa kabilang dako ng balkonahe. Sumunod naman si Miguel sa kanya.

"Hayaan mong ipakita ko sa iyo ang aking katapatan. Kung nais mo, liligawan kita sa paraang nararapat."

Hinarap ni Amihan si Miguel at hinalukipkip ang braso sa dibdib. Hinamon niya si Miguel. "Kaya mong mag-igib ng tubig sa balon? Kaya mong magsibak ng kahoy na panggatong? Kaya mong umakyat sa puno ng niyog at kunin ang mga bunga nito?"

Alam ni Miguel ang mga ginagawang paraan ng panliligaw ng mga kalalakihan. Kaya nang marinig niya ang hamon ng dalaga handa na siya sa ipapagawa nito sa kanya. Higit sa paghihirap ng katawan, ang hindi niya makakayanan ay ang hindi pagtanggap ni Amihan sa kanya. Kaya kailangang makuha niya ang tiwala ng dalaga sa kanya.

"Kahit ano, Amihan, gagawin ko para sa iyo…"

Magsasalita pa sana si Miguel nang tawagin na sila upang kumain ng pananghalian.

Dali-daling pumasok si Amihan sa loob ng sala at dumiretso sa komedor. Nakahinga siya nang maluwag nang makalayo siya kay Miguel. Tila nanlalamig ang buo niyang katawan sa nerbiyos. Ngayon lang siya nakaranas ng panliligaw kaya hindi rin niya alam ang gagawin. Kung maaari nga lang ay magtago siya subalit ayaw niya ring magmukhang walang modo o pinag-aralan.

Nang makaupo na siya kasama ang mga panauhin, saka lamang dumating si Miguel na lulugo-lugo.

salamat at may signal na dito.

para sa hindi ko paglabas ng bagong kabanata, may bonus akong isa ngayon.

salamat sa pagsubaybay.

Cancer_0711creators' thoughts