webnovel

Gusto Mo Bang Ulitin Iyon

Bago dumating ang Sabado kung kailan lilipad patungong Hong Kong si Amihan, nag-abiso na sina Amy at Lyn na hindi sila makakasama. Tanging si Odette lamang ang makakapunta sa pagbubukas ng pagtatanghal ng mga likhang sining ni Amihan. Nalungkot ang dalawang magkaibigan sapagkat hindi na nila makakasama sa kanilang plano ng pamamasyal ang dalawang maiiwang kaibigan.

Noong nasa ikalawang taon nila sa mataas na paaralan, apat silang namasyal sa Hong Kong kasama si Miguel. Ilang araw din nilang nilibot ang Disneyland kaya hindi na sila nakapamasyal sa ibang lugar pa.

"Hayaan mo na kung hindi sila makasama ngayon. Dalawang araw lang naman tayo sa Hong Kong." Sabi ni Amihan sa malungkot na Odette. Sa silid na ni Amihan matutulog si Odette sapagkat bukas ng umaga ay pupunta na sila sa paliparan.

"Sa susunod sa Ocean Park naman tayo pupuntang apat kasama ni Miguel uli," pahiwatig ni Odette sa kaibigan. Napakamot ng ulo si Amihan. Sa Hongkong na naman sila magbabakasyon? Wala na bang ibang lugar. Kahit naroon ang negosyo ng mga magulang, gusto rin niyang makapunta sa ibang mga bansa sa Asya kasama ang mga kaibigan.

"Bakit Hongkong na naman?" tanong ni Amihan.

"Gusto kong ikutin iyon bago tayo lumipat sa Singapore," nakangising sagot ni Odette. "Gusto kong magkaroon ng pagkukumpara sa mga magagandang tanawin sa iba't ibang lugar. Balak ko kasing sumabak sa industriya ng turismo pagkatapos ng aking pag-aaral."

"Kung gayon, ikaw na ang magpapasyal sa amin sa hinaharap," sabi ni Amihan matapos iligpit ang mga gamit sa maleta at umakyat na ito sa kama.

Tumabi sa kanya si Odette, nakatingala sa kisame. "Amihan?" tinawag niya ang kaibigan saka tumingin patagilid sa katabi.

"Hmm," tanging sagot ni Amihan. Nakapikit na ito nang tanungin bigla ni Odette. Napakunot ng noo sapagkat nais na niyang matulog ngunit tila may ibig pang sabihin ang katabi.

"Sinagot mo na ba si Miguel?" Binalingan muli ni Odette ang kisame. Masaya siya para sa kaibigan. Sa tagal ng pagkakaibigan nila simula bata pa, hindi siya magtataka na may mamumuong pagtingin sa kanya ang kababatang lalaki. Maganda ang kaibigan at kaibig-ibig ang kanyang mapagkumbabang ugali.

"Anong pumasok sa isip mo at si Miguel na naman ang bukang-bibig mo?" mahinang sagot ni Amihan na tila inaantok na.

Hindi kaagad nakasagot si Odette. Ano bang problema kung sinagot na o hindi ni Amihan si Miguel. Nasa kanilang dalawa na iyon. Labas na siya doon. "Kasi si G. Abel pupunta din sa iyong pagtatanghal."

Biglang imunulat ni Amihan ang kanyang mga mata. Nawala bigla ang antok nito. Napatingin sa katabi. Nagkatinginan sila ni Odette. "Hindi ako masaya sa pagbanggit mo ng pangalan niya." Halata sa tinig at mukha ni Amihan ang kaunting inis.

"Mukha kasing nagpupursige sa iyo ang lalaking iyon. Kung sasagutin mo na si Miguel, hindi na siya magaaksaya ng oras sa iyo."

"Bakit ka ba nag-aalala kay G. Abel? May gusto ka ba sa kanya?" May pagtutukso sa mga tingin ni Amihan.

Namula si Odette sa sinabi ng kaibigan. Mayroon siyang gusto kay G. Abel noong una pa lamang niya itong makita sa paaralan. Ngunit nang malaman niyang si Amihan ang ibig ni G. Abel, nawala na ang kanyang pagkagusto dito. Hindi niya kayang makipagpaligsahan sa kaibigan.

"Noong una ko siyang makita, pero ayaw ko na ngayon. Nagsasawa na ako sa mukha niya. Sobrang guwapo niya kasi. Parang si James Reid." Napatawa si Odette sa sarili niyang mga pangungusap. Tinitigan tuloy siya ni Amihan ng masama. Anong nakakatawa doon?

"Wala namang pumipigil sa iyon upang gustuhin siya. Huwag kang mag-alala sa akin. Mayroon na akong masugid na mangliligaw." Napangiti si Amihan sa muling pagpasok ng mga alaala ng mga nangyari sa kanila ni Miguel noong mga nakalipas na mga araw.

"Bakit ayaw mo pa siyang sagutin. Baka akala ni G. Abel may pag-asa siya." May tunay na pag-aalala sa tinig ni Odette.

"Gusto ko namang dumaan siya sa panliligaw. Aba, ganoon na lang ba iyon? Paano ko malalaman ang tunay niyang pagkatao? Iba ang dumaan sa hirap, nagpapahalaga sa kanyang tagumpay." Nanliit ang mga mata ni Amihan sa pagiisip sa mga bagay na iyon. Paano nga kung mawalan na ng pasensya sa kanya ang kaibigan. Doon pa lamang malalaman na niya ang tunay na damdamin nito.

Biglang tumahimik ang silid. Mayamaya pa'y narinig na ni Amihan ang mahinang hilik ng kaibigan. Nauna pa itong natulog sa kanya samantalang ito ang gumambala sa kanya nang siya'y inaantok na kanina pa. Napabuntonghininga na lamang ang dalaga saka pumikit.

- - - - -

Tirik na ang araw nang magising si Amihan. Gulong-gulo ang mahabang buhok na pumasok ng palikuran upang magmumog at maligo. Matapos magsuot ng bagong damit ay may narinig ito sa labas na ingay. May mga kahoy na nalalaglag at ingay ng palo ng palakol sa may labas ng kanyang bintana. Hindi pa niya napapatuyo ang buhok nito at tumutulo pa ang tubig dito nang sumilip siya sa labas ng bintana. May nakita siyang isang malapad na likod na punong-puno ng pawis. Inaayos ang mga kahoy na naputol mula sa pagkakaputol nito.

Inilabas ni Amihan ang kanyang ulo hanggang sa lumaylay ang tumutulong buhok nito sa bintana. "Sino iyan?" tanong ni Amihan sa lalaking nagpupulot ng mga kahoy sa gilid ng bahay na tapat sa kanyang bintana.

Tumingala ang lalaki patungo sa boses na nagtatanong ng may bagsik. Sa pagtaas ng kanyang mukha, saka naman tumulo ang mga butil ng tubig mula sa mahabang buhok ni Amihan at tumama sa kanyang mata at mukha. Biglang tinakpin ng lalaki ang mata na tila may nadamang hapdi sa mukha. Nagulat si Amihan sa lalaking hindi kaila sa kanya ang magandang mukha. Si Miguel!

Nanlaki ang mga mata ni Amihan at biglang nagtago ito sa gilid ng bintana sa hiya. Anong ginagawa ng taong ito dito? Maya-maya pa ay may boses sa labas na nagtatawag na sa kanya. Boses ng kanyang Tiya Pacita. Ito lamang ang may matinis na boses sa lahat ng kanyang mga tiya.

"Opo, nariyan na po." Sigaw din ni Amihan sa tumatawag. Palabas ng pinto ay ipinusod ni Amihan ang kanyang basang buhok.

Napansin ni Tiya Pacita ang basang buhok nito. "Ano ba iyan? Hindi mo man lamang pintuyo ang iyong buhok, Magkakauban ka kaagad niyan."

"..."

"Halina't kakain na ng pananghalian. Bakit ba ganitong oras ka na na nagising?" Napakunot ang noo ng Tiya Pacita niya habang inihahain ang isang bandehadong kanin sa hapag-kainan.

Tiningnan ni Amihan ang mga taong nakapalibot sa hapag-kainan. Naroon na ang lahat, ngunit tila may isang tao pa ang wala. Napakunot ng noo ang dalaga.

"May...may tao sa labas na nagsisibak ng kahoy." Patanong na nagsalita si Amihan. Hindi niya sigurado kung kasama si Miguel sa kakain ng pananghalian.

Nabigla ang lahat nang magsalita si Amihan. Napatanga sa sinabi. Nang biglang tumayo si Tiya Pacita na tila may naalala. "Ay, oo nga pala. Si Miguel. Nakalimutan kong tawagin para kumain."

Lahat: "..."

Naupo na si Amihan bago pa dumating si Miguel. May isa pang bakanteng upuan sa tabi niya. Kaya siya nagtataka kung bakit nakaupo na ang lahat. Nakapagplano na sila kung saan pauupuin si Miguel.

Maya-maya pa ay dumating na si Miguel na nakasuot na ng kamiseta at may twalyang nakasampay sa balikat nito. Ipinunas ang twalya sa mukha at leeg nito.

"Halika na Miguel at kumain ka na." Itinuro ni Lolo Salvador ang upuang bakante sa tabi ni Amihan.

Napatingin si Miguel kay Amihan na napatingin din sa kanya. Nang simulang lumapit ni Miguel sa tabing upuan ni Amihan, yumuko ang dalaga. Nanatili siya sa ganoong ayos hanggang sa matapos ang panalangin bago kumain.

Ipinagpasa-pasahan ang bandehadong kanin at ulam sa mga nakaupo sa palibot ng hapag-kainan. Nang makarating ito sa dulo, sa banda nila Miguel at Amihan, si Miguel ang naglagay ng kanin sa pinggan ni Amihan. Sukat sa kalahating takal ng tasa ang inilagay niya dito saka naglagay ng dalawang takal ng tasa sa kanyang pinggan. Napakunot ang noo ni Amihan sa ginawi ng lalaki. Tiningnan niya ito ng matalas. Sumunod naman ay inilagay ni Miguel ang isang pirasong isdang pinaksiw at ampalaya sa tabi ng kanin ni Amihan. Ang lahat ng ito ay napapanood ng mga nakapalibot sa hapag-kainan.

"Bakit kaunting kanin lang ang nasa pinggan ko samantalang dalawang dakot ang nasa pinggan mo?" Hindi naitago ni Amihan ang pakiramdam ng kawalan ng hustisya.

"Kasi hindi mo kayang ubusin ang pagkain mo. Naalala mo pa ba na ako ang umubos ng pagkain mo noong isang beses? Gusto mo bang ulitin iyon?" Matalinong sagot ni Miguel. Napahanga si Lolo Salvador sa tugon nito. Tunay na lalaki na hindi magpapasailalim sa kapritso ng isang babae.