webnovel

Dokumento

'May pag-aalinlangan na kaya si Carmen?' Napakitid ang tingin ni Nelson sa asawa habang kinakausap niya ang sarili. 'Hindi maari ito. Papaanong magiging matapang at matatag si Miguel kung hindi rin matatag ang aking asawa sa paniniwala.'

"Miguel, napansin kong pagod ka na. Matulog ka na kaya dahil may pasok ka pa bukas." Winika ni Nelson sa anak na matamlay na ang hitsura. Ipagpapatuloy na lamang nila ang usaping ito kinabukasan.

"Papa, sa tingin mo po ba may gana pa akong matulog? Sa nalaman ko ngayong gabi, mukhang mahihirapan akong pumikit ng mata. Paano kung hindi na ako magising?" May pag-alala at pangungutya sa tono ng pananalita ng binata. Nasaktan na siya sa mga hindi niya maunawaang ipinagagawa sa kanila ni Amihan, sabihin pang inilihim ito ng matagal sa kaniya. Sana noong bata pa siya ay sinabi na nila ang tungkol dito upang naging handa siya. Ito ba ang magiging kapalit ng kanyang pag-ibig kay Amihan? Hindi man lantarang sinabi ng mga magulang, ngunit nagsimula ang lahat ng mga kakaibang pangyayari nang makaramdam siya ng kakaibang damdamin sa kababata.

"Miguel, anak, gusto mo bang samahan ka namin sa iyong pagtulog kung iyon ang ikapapanatag ng iyong kalooban?"

"Papa, tapatin niyo nga ako, may kinalaman din ba ang pagmamahal ko kay Amihan sa lahat ng ito? Dahil noong ipinagtapat ko sa inyo ang aking tunay na damdamin kay Amihan ay hindi rin kayo nagulat. Kasama ba ito sa mga plano ninyo?" Halata ang patama ni Miguel sa kaniyang mga salita. Natumbok ng binata ang katotohanan na nagdulot ng sakit sa kalooban ng ama, ngunit hindi ito ipinahalata ni Nelson. Alam niyang kung nasaktan man siya ng anak sa mga sinabi nito, hindi nito masisisi ang binata. Kasalanan nila na hindi nila sinabi sa kanya ang lahat ng ito bago pa nahulog ang loob niya kay Amihan.

"Sa totoo lang Miguel, hindi ko rin inaasahan na mapupunta sa ganoong direksiyon ang relasyon ninyo ni Amihan. Hindi naman natin alam kung kanino tayo mahuhulog ang loob. Marahil dahil sa madalas ninyong pagsasama at sa pagiging malapit ninyo sa isa't isa kaya napamahal ka na sa kanya. Subalit kung sa iba nabaling ang iyong pagmamahal, marahil ay hindi mo rin mararanasan ang managinip ng katulad ng kay Amihan sapagkat wala kayong kaugnayan sa kasalukuyan, kaya walang dahilan na magkaroon kayo ng kaugnayan sa nakaraan." Paliwanag ni Nelson.

"Kung maipapakita ninyo sa akin ang mga dokumentong iyon, marahil ay mauunawaan ko ang lahat sapagkat hindi ako mapakali, hindi ko kayang matulog na may bumabagabag sa akin, lalo pa't ang lahat ng mga ito ay inilihim ninyo ng matagal sa amin." Napapailing si Miguel sa pagkabigong naramdaman sa mga magulang.

"Patawarin mo kami, Miguel. Hindi rin namin alam ang gagawin. Ang tanging nakikita namin ay ang habilin mula sa dokumentong iyon. Hindi namin binigyang pansin ang iyong nararamdaman lalo-lalo na hindi namin inaasahang mahuhulog ang loob mo kay Amihan. Akala namin ay hindi na matutuloy ang pagsunod sa habilin na iyon subalit nang lahat ay umayon sa nakasaad sa dokumento wala na kaming magawa kundi sundin iyon. May kopya kami ng dokumentong binabanggit namin. Ibibigay ko sa iyo bukas sapagkat dinala namin iyon sa bangko upang maitago ng mabuti at hindi mapunta sa kamay ng iba." Ngayon lang nagpakumbaba si Nelson sa anak. Kahit kailan ay hindi ito sumusuko sa anak lalo na kapag dinidisiplina niya iyon.

Hindi na naituloy ni Nelson ang paggawa ng "sandwich" para sa kanilang tatlo. Minabuti ni Carmen na siya na ang tumapos sa paghahanda ng meryenda sa hatinggabi habang naguusap ang mag-ama. Kumakalam na ang kanyang sikmura dahil sa pagkabahala sa pagkakabunyag na nangyari kani-kanina lamang. Nang matapos niyang gawin ang mga ito, ininit niya ang gatas at isinalin niya iyon sa tatlong baso.

"Magmeryenda sa hatinggabi muna tayo lamang wala ni isa sa atin ang may balak na matulog." Inihain ni Carmen ang mga tinapay na binalot niya sa pamahid na papel.

Walang nagawa ang dalawang lalaki kundi paunlakan ang ina na umubos ng oras upang magawa ang mga "chicken clubhouse sandwich."

Nakumbinse ng mag-asawa si Miguel na bukas ay mababasa na niya ang dokumento. Ala una na nang matulog ang mag-anak.

Sa isang tahanan ilang libong kilometro ang layo sa Canada, hindi malaman ni Amihan kung paano sasabihin sa kanyang mga magulang ang tungkol sa kanyang mga panaginip. Alam niyang nagsimula iyon noong mahimatay siya at maospital bago ang kanyang kaarawan.

Pumasok muna siya sa paaralan at sa pag-uwi na lamang niya ito sasabihin.

Tamang-tama ang mga leksiyon nila Amihan ay tungkol sa kasaysayan ng rebolusyon sa Pilipinas. Pinangalanan si Andres Bonifacio na Ama ng Himagsikan. Nabanggit din si Jose Rizal sa kanilang aralin. May naramdamang kabog sa dibdib si Amihan. Alam niyang ang lahat ng mga pangyayaring iyon ay maaari niyang matunghayan sapagkat naroroon din siya sa nakaraan tuwing nananaginip siya. Gabi-gabi na siya nananaginip at nasanay na siya. Noong una ay natatakot siyang matulog sapagkat alam niyang mapupunta na naman siya sa nakaraan.

Ang pagkakakilala nila ni Miguel Ponce sa panaginip ay isang bagay na hindi niya malimutan at isang bagay na nagpatibok sa kanyang puso. Kapag naroroon si Miguel sa panaginip niya tila ayaw na niyang gumising pa. Napakasarap ng pakiramdam na may nagmamahal sa kanya, nag-aaruga, nagbibigay ng atensiyon sa kanya.

Noong mangyari ang pagkakabuhos ng vino sa kanyang barong pangkaarawan, totoong nagulat siya at nagalit sapagkat kahit si Miguel sa kasalukuyan ay hindi nagtangkang hipuan siya. Noong matumba si Miguel at madaganan siya, lalo siyang nagalit sapagkat napakabigat niya at natakot siya na baka siya ay mabaliaan. Noong dumalaw ang mga kamag-anak ni Miguel upang magsabing pananagutan siya nito, natakot siya sa maagang pag-aasawa subalit lumulundag ang kanyang puso sa saya.

Sino ang ayaw magkaroon ng asawa na kasing gandang lalaki ni Miguel, na kasing yaman nila Miguel, na kasing maginoo ni Miguel, na kasing buti ni Miguel, at kasing talino ni Miguel?

Napahinga ng malalim si Amihan sa kanyang pagbabalik-tanaw sa mga nangyari sa kanyang panginip kaugnay kay Miguel. Kaya marahil nahulog na rin ang loob niya sa Miguel sa kasalukuyan. May namuong ngiti sa kanyang mga labi at kislap sa kanyang mga mata. Nang mga sandaling iyon ay napansin ng guro na wala siya sa sarili kaya tinawag siya nito upang sagutin ang kanyang katanungan ukol sa leksiyon. Hindi niya narinig iyon kaya siniko siya ni Odette at may ibinulong. "Sino daw ang mga nagtatag ng La Solidaridad?"

Tumayo si Amihan ng marahan at napansin na lahat ng mga kamag-aral sa loob ng silid at nakatingin sa kanya. Napakagat ng labi sa pagkapahiya si Amihan sabay kamot ng ulo saka nagwika, "Si Jose Rizal, Mariano Ponce at Marcelo H Del Pilar."

"Tama." Sagot ng guro saka pinaupo si Amihan.

Nagkatinginan sina Odette at Amihan. Sabay-sabay na inalis ng mga kamag-aral ang kanilang tingin kay Amihan at binalingan muli ang guro. Nang makaupo na si Amihan, nakakunot ang noo ni Odette sa kanya na nagtanong, "Anong nangyayari sa iyo? Nakalutang yata ang isip mo. Hindi ka nakatuon sa leksyon. Mabuti na lamang at alam mo ang isasagot. Kung hindi…naku, ewan ko na lang kung anong mga salita ang lalabas sa bibig ni Bb. Cordova."

Napapikit lang si Amihan at itinuwid ang pagkakaupo. Hindi na niya hinayaang lumipad pa ang kanyang isipan at itinuon ang lahat ng kanyang pansin sa kanilang aralin.

Sa kantina, nagtipon-tipon ang magkakaibigan. Tahimik lamang si Amihan na kumakain at nakikinig sa mga usapan nina Odette, Amy at Lyn. Nang kalaunan, napansin nilang ni hindi man lamang nagambag ni isang kataga si Amihan sa kanilang usapan.

"Ano bang nangyayari sa iyo? Kanina ka pa natutulala diyan?" Tanong ni Odette.

"Baka naaalala na naman niyan si Miguel." Si Amy naman.

"Nagsisisi ka bang umakyat ng isang antas ang inyong relasyon?" Nais na naman ni Lyn na ipasok ang kanyang prinsipyo sa pag-ibig. Hindi siya sang-ayon na si Miguel, na dating kababata ni Amihan, ang magiging kasintahan nito. Subalit dahil masaya ang kaibigan sa piling ng lalaki, masaya na rin siya para dito.

Tiningnan lamang ni Amihan ang mga kaibigan. Palipat-lipat ang kanyang mga mata sa mukha ng tatlong mga dalaga na nakasama niya sa lungkot at saya simula noong nasa mababang paaralan pa sila. Hanggang ngayon ay sila pa rin ang magkakasama. Hindi niya maisip kung sa unibersidad ay sila-sila pa rin ang magkakasama. Malamang isa sa mga kaibigan niya ay tutungo rin sa ibang bansa, o lilipat ng ibang lungsod na titirahan. Maraming bagay ang maaaring mangyari bukas o makalawa.

"May bumabagabag lamang sa akin. Isang bagay na matagal ko nang gustong isiwalat kila Papa at Mama ngunit hindi ko alam kung paano ko sisimulan." Bumuntonghininga si Amihan saka ibinaba ang mga mata, pinagmamasdan ang iba't ibang mga kulay sa loob ng baso ng tubig mula sa aninag ng ilaw ng kantina.

"Ano ba iyon? Bakit hindi mo ibahagi sa amin upang gumaan naman ang dinadala mong pasanin." Si Amy ang pinakamaalalahanin sa tatlong kaibigan ni Amihan lalo na pagdating sa mga suliranin. Marami na ring pagsubok na dumaan sa buhay ni Amy kaya alam niya ang pakiramdam na walang mapaghingahan ng problema. Naghiwalay ang kanyang mga magulang kahit maganda naman ang kanilang kabuhayan. Nagluko ang kanyang ama at sumama na sa kalaguyo nito.

"Salamat naman sa inyong pagmamalasakit. Subalit ayaw ko kayong madamay sa aking suliranin." May lungkot sa mga mata ni Amihan nang itaas niya ang mga ito at ngumiti sa mga kaibigan.

"Ano ka ba? Para sa ano ang ating pagkakaibigan, sa saya lang ba? Dati na tayong nagdadamayan, ano pa bang pagkakaiba sa noon at ngayon?" Matamang pinagmasdan ni Odette si Amihan. Hindi naman siguro bagay ng buhay at kamatayan ang problema ng kaibigan.

"Baka kapag sinabi ko sa inyo, isipin ninyong nababaliw na ako." Tanging sagot ni Amihan saka tumayo at iniatras ang upuan sa likod upang makalabas siya sa hapag-kainan. Nagsisunuran na rin ang mga kaibigan niyang tumayo at sabay-sabay silang lumabas ng kantina.

Paglabas nila sa may pintuan, siya namang pasok ni G. Abel. Muntik nang mabunggo ni Amihan si Abel sapagkat nakayuko ang una at ang huli ay nakaharap sa kanyang kausap na kapwa rin niya estudyanteng-guro. Mabuti na lang at napansin iyon ni Odette kaya agad niyang hinila ang braso ni Amihan upang pahintuin ito. Dahil doon napatingin sa kanila si Abel Bonifacio at lumitaw ang isang matamis na ngiti mula dito.

Napatitig kay Abel si Amihan. Iniisip ng dalaga kung pati ba ang lalaking ito ay nakakaranas din ng panaginip na katulad nila ni Miguel sapagkat naroroon din ito sa kanilang panaginip. Kung magkakagayon ay magiging kumplikado ang mga bagay ukol sa kanilang tatlo.

Sa kanyang matamang pagkakatingin kay Abel, tila wala itong kamalay-malay sa mga nararanasan niya at ni Miguel. Walang makita sa mukha ni Abel na ito ay namumuhay din sa nakaraan sa panaginip. Hindi kaya sila lamang ni Miguel ang nakakapunta sa nakaraan?

Nagtaka si Abel sa paraan ng pagkakatitig sa kanya ni Amihan, na tila pinag-aaralan nito ang kanyang mukha. Nahiya tuloy siya sa kanyang sarili nang malaman ito at naisip na marahil ay may dumi ito sa mukha kaya bigla itong nagtanong kay Amihan. "May dumi ba ang mukha ko?"

"Ha?...Ah, eh, wala po. Sige po mauuna na kami." Nagulat si Amihan sa tanong ni Abel kaya natauhan ito. Namula ang pisngi nito nang mamalayang siya ang kinakausap ng lalaki. Bigla itong yumuko at dali-daling nilisan ang lugar na iyon.

This is a work of fiction incorporating the Philippine revolution and the personalities involved thereat. For the sake of writing, the author changed some of the events of the revolution.

Mabuhay po kayo!

Salamat sa pagsubaybay!

Cancer_0711creators' thoughts