webnovel

Desidio na Talaga

Sabado ng umaga.

Dapat ay lalabas si Amihan upang tumakbo sa palibot ng kanilang subdibisyon. Ngunit alas otso na ay hindi pa siya lumalabas ng kanyang silid.

Nagtataka na ang kanyang mga magulang.

Kaninang alas siyete ay sinilip siya ni Ditas. Nakita nito na natutulog pa ang anak ng mahimbing ngunit ang mga gamit sa paaralan ay nakakalat pa sa kanyang mesa. Marahil ay hindi pa natatapos ng anak ang mga takdang aralin. O kaya naman ay hatinggabi na ito natulog upang tapusin ang mga pag-aaralan. Hinayaan na lamang muna ni Ditas ang anak na matulog pa kung ito nga ang mga dahilan ng kanyang pagkakapuyat.

Samantalang habang natutulog si Amihan, naglalakbay na naman ang kanyang diwa. Napapakunot ang noo niya at mahinang pagungol lamang ang lumalabas sa kanyang nakasarang mga labi. Napansin man ito ng ina, inakalang dala lamang ito ng sobrang pagod ng anak.

Sa kanyang panaginip nakita niya ang sarili at si Miguel na kumakain kasama sina Lolo Salvador, mga tiyahin, ang tiyo ni Miguel at mga magulang nito. Tahimik lang si Miguel at paminsan-minsan ay nakikipag-usap sa mga kasama sa hapag-kainan. Pinagmamasdan lamang siya ni Amihan.

Habang sinisipat ng kanyang mga mata ang kabuuan ng mukha ni Miguel, hindi niya inakalang napakaganda ng kanyang mga mata, matangos ang ilong nito at ang bahagyang manipis na labi ay mamula-mula. Mestisuhin ang lalaking ito, kaya pala napakanda niya. Pati ang kanyang buhok ay tila napakalambot, may kaunting kulot ang buhok na nalalaglag sa kanyang noo.

Napakagat ng labi si Amihan ng balingan muli ng kanyang mga mata ang pinggan ng pagkain sa kanyang harapan. Halos mapuno ito. Dahil wala sa loob ang pagsandok niya ng ulam, halos lahat ng putahe ay inilagay na niya sa kanyang pinggan. Dahil sa dami nito ay biglang nawalan ng gana si Amihan. Tila hindi ito magkakasya sa kanyang maliit na sikmura.

"Mauubos mo ba iyang mga pagkain sa pinggan mo, Amihan?" Kumunot ang noo ni Lolo Salvador nang mapansin ang ga-bundok na pagkain sa kanyang pinggan. "Hindi ka makakaalis sa hapag kainan hanggang hindi mo iyan nauubos. Huwag mong aksayahin ang grasya ng Diyos."

Sa sinabi ni Lolo Salvador, napatingin ang lahat kay Amihan. Iba't iba ang reaksyon nila nang makita nila ang pinggan ng dalaga. Ang mga tiyahin niya ay napakunot ang noo. Ang mga magulang ni Miguel at si Mariano Ponce ay nagtaasan ang mga kilay. Tanging si Miguel lamang ang kalmado at may malambot na tingin sa kanya.

Walang nagawa si Amihan kundi simulan ang pagtusok ng tinidor sa gulay at isubo ito habang namumula ito sa hiya. Marahan niyang nginuya ang gulay at kinutsara ang kanin. Paulit ulit niya itong ginagawa habang patuloy sa pag-uusap ang lahat.

"Tila desidido na kayo sa panliligaw ni Miguel kay Amihan?" tanong ng matanda matapos ibaba ang baso ng tubig mula sa kanyang bibig. Baka naman magbago pa ang isip ng mga magulang ni Miguel, walang mawawala sa kanila sapagkat wala namang nangyari pa sa kanilang dalawa. Sa palagay ni Lolo Salvador baka sumuko si Miguel sa maaaring maging pagtrato ni Amihan sa binata. Kilala niya ang apo at kung mag-iba ang timplada nito ay baka maubusan ng pasensya si Miguel.

Tiningnan ng mag-asawa ang anak. Tumango lamang ito saka ngumiti sa lolo ni Amihan.

"Malaki na si Miguel. Napagpasiyahan na niya ito. Kung ako lang ang tatanungin ay hindi ako tututol. Maaga rin akong nag-asawa, beinte anyos, tatlong buwan matapos ang aking pagtatapos sa kolehiyo." Si Miguel Ponce, Sr. ay nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran at nagtapos ng Bachiller en Artes en Economia. Isa siyang negosyante.

"Magka-edad lamang kami ni Elena noong ikasal kami. Masaya naman ang naging buhay namin kasama ang aming dalawang anak. Isang babae at isang lalaki. Kung nakaya namin ang buhay may-asawa tiyak, kaya din nila Miguel." Tiningnan ni Miguel Sr. si Miguel sumunod si Amihan. Subalit may kaunting pagdududa siya kay Amihan. Bata pa talaga ito at tila walang kamuwang-muwang sa buhay. Mahihirapan ang anak niya dito. Dahil kilala niya ang kakayahan ng anak, itinago na lamang niya ang ganitong saloobin.

Habang nagsasalita pa at pinagmamasdan ng ama ni Miguel si Amihan, pinuno ni Amihan ang kanyang bibig ng pagkain upang maubos kaagad ang laman ng pinggan. Nakita rin ng ama na pinipilit ni Amihan na nguyain ang pagkaing nasa loob ng bibig ngunit nahihirapan na itong huminga. Napapapikit si Amihan sa hirap ng paglunok. Napangiti lamang sa sarili ang ama ni Miguel.

"Kaya madalas na ninyong makikita si Miguel dito sa inyong tahanan. Mabuti na rin iyon at nang magkapalagayan na sila ng loob ni Amihan," matamis na ngiti ang ginanti ng ina ni Miguel sa anak. Nginitian din niya ang dalaga, ngiting nagpapahiwatig na wala na itong magagawa sa desisyon ng anak.

Kinabahan si Amihan sa pahiwatig ng ina ni Miguel. Lalong hindi na malunok ni Amihan ang pagkain sa kanyang bibig. Tila may nakabara dito kaya itinulak niya ito ng isang basong tubig. Nahirinan ito ng kanin matapos tunggain ang tubig at napaubo ito. Lalong namula ang mukha ni Amihan na tila umakyat lahat ng dugo nito sa kanyang mukha.

"Kung hindi mo na kayang kumain, ipasa mo sa akin ang iyong pinggan at uubusin ko ang pagkain diyan," napatingin sa kanya si Miguel na nakaupo sa harapan niya. Naawa ito sa hisura ng dalaga. Agad itong tumayo at kinuha ang pinggan ni Amihan sa kabilang panig ng mesa. Itinulak niya ng marahan sa tabi ang pinggan niyang simot ang pagkain saka inilagay sa kanyang harapan ang pinggan ni Amihan. Masaya niyang kinain ang pagkain ni Amihan.

Nang mga sandaling iyon, hindi kaagad nakatutol si Amihan. Sa bilis ng kilos nito at desisyon, napanganga na lamang ang dalaga sa bigla. Napangiwi ito nang makitang malugod nitong kinakain ang kanyang pagkain. Hindi ba ito nandidiri sa aking laway o sa tira-tira kong pagkain?

Lahat ay napatanga din sa biglaang kilos ng binata. Ngunit ang mga magulang ni Miguel ay natutuwa sa anak. Nagsisimula na siyang ligawan ang dalaga.

Hindi kaila sa kanila na may malaking impluwensiya ang pamilya ni Amihan sa lipunan. Malaking benepisyo ang matatanggap nila sa pagsasanib ng dalawang pamilya – lalong magiging malaki lalo ang impluwensya nila sa kanilang bayan. Lalo pa't kailangang kalabanin na rin nila ang mga Kastila, mas kailangan nila ang suporta ng mga kababayan. Napahanga sila sa anak, magaling talagang pumili ito ng mapapangasawa.

Maging si Lolo Salvador ay nababasa din ang iniisip ng mag-asawa. Sino ba naman ang papayag na pakasalan ang apo niyang tila bata kung kumilos at walang muwang sa buhay. Nasa loob ang kulo ng apo at may katigasan din ang ulo nito. Nahalata rin niya na hindi tutol ang mga magulang kay Amihan kahit ganito pa ang kinikilos niya. Sabagay, napakaganda nito at mabait, bukod sa matalino pa. Kung impluwensiya ang pag-uusapan, kilala ang kanilang pamilya sa kanilang bayan sa Bulacan hanggang sa Tarlac maging sa Maynila. Kaya walang mag-aatubuli na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya.

Matapos ang pananghalian ay nagpaalam na sina Miguel sa pamilya ni Amihan. Ayaw sanang lumabas ni Amihan upang ihatid sila sa karwaheng nakaparada sa labas ng kanilang tarangkahan ngunit hinawakan ni Miguel ang kanyang siko upang akayin palabas ng pinto. Hindi na nakatutol si Amihan at hinayaan na lamang niyang dalhin siya ni Miguel sa labas.

Bago sumakay sa karwahe, humarap ang lalaki sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay. "Dadalawin kita sa susunod na linggo."

"Wala naman akong sakit, bakit mo ako dadalawin?" Pilit na binabawi ni Amihan ang kanyang kamay ngunit mahigpit itong hinawakan ni Miguel.

"Hindi ba dapat patunayan ko ang aking katapatan sa aking salitang binitiwan?"

"Huh? Huwag mo na munang patunayan. Makapaghihintay pa iyan sa susunod na taon." Pilit na ikinakalas ni Amihan ang mga daliri ni Miguel ngunit ang kabilang kamay naman nito ang humawak sa kanyang kamay.

"Hindi na dapat patagalin. Doon din naman uuwi iyon, sa ating matamis na pagsasama." Isang pilyong ngiti ang isinukli ni Miguel.

"Guni-guni mo lamang na magkakatuluyan tayo. Parang sigurado ka na sa tono ng pananalita mo, ah." Nang hindi pa rin siya makawala sa mahigpit na pagkakahawak ni Miguel, iyinuko niya ang kanyang katawan ay kinagat niya ang kamay ng binata.

Napasigaw sa sakit si Miguel at nabitawan niya ang kamay ni Amihan. Tiningnan nito ang kamay na kinagat. Nang iangat niya ang kanyang ulo upang harapin ang dalaga at pagalitan ito, nakita na lamang niya ang likod ni Amihan na mabilis na nawala sa kanto ng bahay. Napailing na lang ang binata habang hinihimas ang bahagi kung saan siya kinagat ng dalaga.

'Bata pa talaga si Amihan. Ngunit hindi ko matatanggap na mapunta pa siya sa iba.' Napabuntunghina si Miguel nang makaupo na sa loob ng karwahe. Desidido na talaga siya.