webnovel

25 Mag-aasawa Ka Na

Nang gabing iyon nanaginip si Amihan. Isang kakaibang panaginip...

Nakita niya ang sarili sa loob ng isang silid sa tabi ng isang malaking bintana. Madilim sa buong kapaligiran liban sa may bandang lugar kung saan tinatamaan ng malamlam na ilaw mula sa isang mesa na nakasandal sa isang pader ng silid. Napansin ni Amihan ang mga sinaunang gamit na matatagpuan sa silid katulad ng kama na may nakatalukbong na manipis na linong tela na nagsisilbing magarang kulambo dito. May tokador, upuan at mesa sa pag-aaral. Kahit mahina ang liwanag sa loob ng silid hindi maikakailang luma na ang mga gamit sapagkat kakaiba ang pagkakagawa ng mga ito.

Hindi nakaramdam ng takot o kaba si Amihan. Parang pamilyar sa kanya ang silid na iyon at may ilang taon na siyang natutulog dito.

Napansin niya ang pintuan sa may kanlurang bahagi ng silid na nakabukas na kaunti. Dala ang lampara mula sa mesang pinagpatungan nito, lumabas siya sa pinto at dahang dahang bumaba sa malaking hagdan na gawa sa mapulang punong kahoy.

Napansin niyang mas maliwanag sa unang palapag. Mas maraming lampara ang nakasindi doon at tila may mga tao sa komedor, isang matandang babae, dalawang di-katandaang babae at isang matangkad na matandang lalaki. Sumilip siya sa komedor at napansin siya ng pinakamatanda sa mga babae. Kumaway ito sa kanya.

"O Amihan, gising ka na pala. Napahaba yata at umabot na sa gabi ang iyong siesta," sabi ng matandang babae na mapuputi na ang maikling buhok. Nakadamit siya ng kulay putik na baro't saya.

Nagsitinginan sa may gawi ni Amihan ang iba pang tao sa loob ng komedor nang pansinin siya ng matandang babae. Ngumiti ang mga iyon ng may pagmamahal at kumaway din sa kanya.

"Halika na't maghapunan. Marahil ay gutom ka na," yaya ng matandang lalaki na nakaupo sa kabisera ng isang mahabang mesa. Marami nang pagkain ang nakahain sa mesa.

"Umupo ka na sa tabi ko at nang makapagsimula na tayo sa ating panalangin bago kumain," susog naman ng isa pang babae. Bakante ang upuan sa tabi niyon. Ang iba ay nakaupo na sa kanilang mga upuan.

Lumapit si Amihan sa hapag-kainan at inilapag ang lampara sa dulo nito. Lumiwanag ng husto sa bandang iyon. Nang makaupo si Amihan sa bakanteng upuan, sinimulan ng matandang lalaki ang panalangin bago kumain. Pagkatapos niyon ay isa-isang tiningnan ni Amihan ang mga taong nakapalibot sa mesa.

Tila kilala niya ang mga taong kasama sa silid. Wari niya'y mga lolo at lola niya, at mga tiyahin niya ang dalawa pa. Magkakahawig ang kanilang mga mukha kaya sigurado siyang magkakamag-anak sila.

Ipinasa sa kanya ang isang takoreng gawa sa tanso na may lamang mainit na sabaw ng manok. Nang tanggapin niya ito, nakita niya sa makintab na katawan ng takore ang larawan ng kanyang sarili. Nanlaki ang mga mata niya sapagkat may hawig din siya sa mga babaeng kaharap niya. Kasunod nito ay nakita niya rin ang sarili na maluwag ang pagkakapusod ng kanyang buhok at may mga nalaglag na ilang hibla ng buhok sa gilid ng kanyang mukha, dala marahil ng kanyang pagtulog. Agad niyang inayos ang pagkakapusod ng kanyang buhok matapos niyang ipasa sa kaharap ang takore ng mainit na sabaw.

Alam niyang nag-uusap silang lahat na nakaupo sa harap ng hapag-kainan, ngunit tila ang mga kasama niya lamang ang nagsasalita at nagkakaunawaan pa rin sila.

"Susunduin ko si Dr. Jose Rizal sa araw ng iyong kaarawa, Amihan," pagpapabatid ng matandang lalaki na tawag ay Lolo Salvador. "Hindi niya alam ang pagpunta dito. Sasabihin ko rin sa kanya ang tungkol sa kapangyarihang mayroon ang gubat upang malaman kung ano ang kuro-kuro niya tungkol dito. Alam kong malawak ang kanyang pag-iisip dahil sa kanyang katalinuhan at kaya niyang tanggapin ang ganoong mga klaseng kababalaghan."

Tumango lamang si Amihan sa matanda.

"Darating din ang mga tauhan ng iyong yumaong ina upang tumulong sa paghahanda at pag-gagayak sa bahay. Huwag mong kalimutang sabihan ang iyong mga kaibigan. Gagawin nating pinakamasaya at pinakamagandang kaarawan ito sa buong buhay mo," masayang sabi ng babeng katabi niya na tawag ay Tiya Nene.

Mayaman ang mga magulang ng ina ni Amihan. Isa sila sa mga kinikilalang angkan sa Bulakan.

"Kung buhay ang mga magulang mo, ipagmamalaki ka nila sa lahat ng tao. Napakabait mo, kahit pilya minsan, at napakasipag, matalino pa at matulungin." kita sa mata ng matandang babae na tawag ay Lola Azon ang pagkagiliw sa kanyang nag-iisang apo. Si Nene at Pacita ay mga anak nila ni Salvador na nanatiling mga dalaga hanggang sa pagtanda. Kapatid nila ang ama ni Amihan.

"O kain ka pa. Ang payat-payat mo na." Ipinasa ni Tiya Pacita sa kanya ang isang pinggan ng pritong isda.

"Siyanga pala. Dadalo din sa iyong kaarawan ang kaibigan ng Tiyo Marcelo mo. Isa rin siyang manunulat sa La Solidaridad, si G. Mariano Ponce." sabi ni Lolo Salvador.

"Maalala ko, taga-Bulacan din katulad ni Marcelo si Mariano, hindi ba? At kasama rin nila sa pagtatag ng La Solidarid si Dr. Jose Rizal," pagsasariwa ni Lola Azon. "Kay liit ng mundo, Magkakakilala pala silang tatlo."

"Mahusay ka ring magsulat, Amihan, gusto mo bang mas lalong matuto mula sa Tiyo Marcelo mo at mga kaibigan nila?" Tanong ni Lolo Salvador. Alam niyang bukod sa pagpipinta at pagbabasa, mahilig din si Amihan sa pagsusulat. Kung makakaya lamang nilang tiisin na malayo sa kanila si Amihan ay papag-aralin sana nila ito sa ibang bansa.

"Amihan," tawag ni Lola Azon. Napatingin si Amihan sa direksyon ni Lola Azon habang isinusubo ang kutsarang may kanin. Sasagot sana siya ngunit may laman pa ang bibig niya at inunahan siyang magsalita ni Lola Azon. "Magdi-disiotso ka na sa darating na linggo. Magiging isang engrandeng pasinaya ang magaganap. Marami akong inimbitahang mga kaibigan na may mga sinabi sa lipunan. Isasama nila ang kanilang mga anak o pamangkin na lalaking malapit sa edad mo. Kaya maghanda ka dahil nasa hustong gulang ka na para mag-asawa."

Halos maibuga ni Amihan ang kanin sa bibig niya sa sinabi ni Lola Azon. Nasamid tuloy siya at napaubo. Dali-dali niyang ininom ang isang basong tubig sa tabi niya. Hinimas naman ni Tiya Nene ang kanyang likod. Nang mahimasmasan si Amihan, napatingin siya muli sa kanyang Lola Azon.

"Lola, ang bata-bata ko pa para mag-asawa." Ito ang tanging mga katagang nasabi ni Amihan bago siya nagising mula sa kanyang panaginip.

minsan dumarating din ang "writer's block" lalo't maraming pinagkakaabalahan. kaya ipagpaumanhin ninyo ang kabagalan ko.

Cancer_0711creators' thoughts