webnovel

AGNOS

Ako si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang dahilan at sinapit ko ang mga bagay na ito. Kaparusahan ba ito? Kaparusahan sa anong kadahilanan? Tunghayan natin ang kuwento mula sa mga mata ni Cateline. Ang kuwento ng pamilya, pag-ibig, poot, inggit, paghihiganti, trahedya -ang kuwento sa loob ng agnos. (WATTY'S STORYSMITHS WINNER)

mjtpadilla · Histoire
Pas assez d’évaluations
18 Chs

KALAYAAN

Isang diskusyon sa loob ng hukuman ang nagaganap tungkol sa kapayapaan ng bansa sa pagitan ng mga nakatataas sa militar. Nakaayos ang hanay ayon sa kanilang mga ranggo mula harap, hanggang likod. Nakahiling sa pinuno ng bansa ang kumandante na magkaroon pa ng karagdagang oras para ihayag niya ang isang napakahalagang balita. Naging napakaingay ng pinagsamasamang mga bulong at hiyawan dahil sa pag-uusap, pagtataka, at paghihinaing ng mga opisyales at sundalo sa loob ng hukuman. Nag-ayos ang kumandanteng si Ravan ng kaniyang uniporme, lumunok ng malalim, at hinawi pakanan ang kaniyang maiksing itim na buhok — paghahanda ng sarili sa pagharap sa pinuno ng bansa. Nagtungo na ang kumandante sa podiyum.

"Magsimula ka na, Kumandante." wika ng pinuno ng bansa, "Ano ang iyong mahalagang balita?" Makikita ang kaba at bahagyang takot sa kaniyang mukha sa kung ano man ang ibubunyag ni Ravan.

"Tulad ng inaasahan," satsat ni Heneral Magath. "Mayroon na namang ibibida ang ating kumandante." ngumisi ito at nag-de kuwatro.

Hindi pa man nakapagsasalita ang kumandante ay napakarami ng mga boses at ingay ang tila nangunguna sa nais niyang ibunyag. Tumikhim ng malakas ang kumandante upang kunin ang atensiyon ng lahat. Nang manahimik, nagsimula na niyang ihayag ang kaniyang impormasyong nakalap.

"Inisaisa nila ang mga probinsya natin noon. Isa na lang ang kapital ng bansang ito sa mga lugar na nananatiling matatag at matatawag na sariling atin." mahinahon niyang sambit. Dahan-dahang nilibot ng kaniyang mga mata ang buong silid. Nagtaas bigla ang kaniyang boses na may buong paninindigan, "Ngunit, may nakalap ang aking intelihente na mga patunay na ang bulaang kapayapaang ito ay nagsisilbi lamang panahon upang mas makapaghanda pa ang kalaban!"

Nagulat ang pinuno at napalunok. Inayos niya ang kaniyang kuwelyo at itinuwid ang katawan sa pagkakaupo.

"Intelihente?" nagtaka ang heneral. "Aba, may mga palihim ka na pala ngayong mga operasiyon, Ravan." Pumalakpak siya tila nangungutya, "Magaling!"

Hindi nagbabagong-tonong giit ng pinuno, "Wala na tayong magagawa. Ikaw na ang nagsabi na kakaunting lugar na lang ang nanatiling matatag sa ating bansa. Wala na tayong kakayahang lumaban. Matagal na natin itong napag-usapan at bilang pinuno ng bansa, mas mabuti pang magpasakop na lamang tayo ng matiwasay kaysa mamatay ang karamihan sa giyera."

Mapang-usisang batikos ng heneral, "Ano ang mayroon, Pinuno? Tila walang sinseridad ang mga sinasabi mo."

Muling umingay ang paligid. Pabulong na nag-uusap at nagsatsatan ang mga nakikinig na sundalo.

Sumagot si Ravan, "Naririnig niyo po ba ang inyong mga sinambit? Noon pa lang ay wala na akong tiwala sa bansang iyan!" Hinampas ni Ravan ng dalawang kamay ang podiyum. Kasabay nito'y muling nanahimik ang silid. "Hindi mo matatawag na buhay ang ating matatamasa kapag nagpasakop na tayo sa kalaban! Gagawin lang tayong mga alipin ng mga iyon! Walang Mangis ang gustong mabuhay ng gano'n! Kung ayaw niyong sabayan sa pakikidigma, ba't di na lang tayo tum—"

Tumaas ang tono ng boses ng pinuno, "Tigil kumandante! Marami ka nang nababanggit. Ituloy na lang natin ang usapan sa ibang araw." Tumayo ito at umambang lilisanin ang hukuman.

"Gusto ko pa malaman kung ano ang tinutukoy mo." usisa ng heneral kay Ravan. "Ituloy mo lang ang iyong sinasabi, Kumandante. Baka sa pagkakataong ito ay may magawa ka nang mailigtas —" Napatigil ito sa kaniyang sinasabi nang umalingawngaw ang mga alarma sa kulungan na malapit sa hukuman. Mapang-uyam na ngumisi ang heneral. "Itigil na muna natin ang diskusyon na ito, 'di na magbabago ang desisyon ng nakatataas."

Nag-alisan na ang lahat ng dumalo sa naganap na diskusyion. Tinitigan ng pinuno si Ravan bago nito lisanin ang silid.

Nang siyasatin ang bilangguan, isang kriminal na may kahindik-hindik na krimen ang nakatakas kaya't nagmadali na ang ilang opisyal na galugarin ang kapaligiran. Sa hindi malamang paraan, nakatakas ang kriminal na wala man lang iniwang bakas sa loob ng kaniyang selda. Katakataka pa rito, bangkay na ng inabutan ng mga opisyal ang mga naiwang sundalo na nagbabantay sa bilangguan.

* * *

Isang linggo makalipas ang pangyayari, kumalat na ang balitang naganap na pagtakas ng kriminal. Nabalot ng takot at kuro-kuro ang mga mamayaman. Maging sa aming kainan, nangibabaw ang mga usaping tungkol sa nasabing kriminal.

"May kumakalat na balita."

"Nakakatakot na talaga ngayon."

"May nakatakas raw sa kulungan na mamatay-tao?!"

"Ang masama pa ro'n ay isang linggo na pala at 'di pa nila ito nahuhuli."

"Nabalitaan niyo rin ba? May isang bata ang nailigtas ng isang lalaking balot ng itim na tela ng atakihin ito ng isang kriminal!"

Nakikinig ako sa mga pinag-uusapan habang nagsisilbi sa mga parokyano ng aming kainan. Hindi ko namamalayan na ilang beses na pala akong tinatawag ng aking ina. "Cateline!" sigaw ng aking inang si Mara na tila galit na habang hawak ang mga kinitang pera. "Anong tinutunga-tunganga mo riyan! Magtrabaho ka nga. Ang dami nating parokyano at suki na naghihintay. Pagtapos mo riyan, pakilinisin mo na rin ang sahig."

"Patawad po." payuko akong tumugon. "Narinig ko po kasi na may nakatakas na kriminal mula sa kulungan nito lang linggo." Hindi ko na hinintay ang sagot ni ina at agad na akong muling nagtrabaho.

"Napakatamad talaga." pabulong na gatong ni Christine sa aming pag-uusap habang siya ay nakasandal sa tabi ni ina sa likod ng mahabang mesa na tanggapan ng mga parokyano. Hay, itong kapatid ko talaga. Umiling na lang ako at nagpatuloy sa aking ginagawa.

Tinanggal ko sa mga mesa ang mga hugasin at buong ngiti ko ring kinuha ang listahan ng mga nais kainin ng mga parokyano't inihain ang mga iyon. Nang nakaluwagluwag sa trabaho, kinuha ko na rin ang basahan upang linisin ang sementadong sahig. Hindi ko maisip na sa araw-araw ay nagagawa ko ito. Nasanay na nga ata ako.

"Akin na 'yang basahan Lin." Inalok ng isang lalaki ang kaniyang kamay sa akin, "Tulungan na kita. Ako na ang maglilinis ng sahig."

Humarap ako at sa inaasahan, tumambad nga sa akin si David. "Kanina ka pa pala nandito sa loob David? Ang aga mo yata ngayon." pangangamusta ko.

"Kadarating-rating ko lang. Handa lagi para tulungan ang pinakamamahal kong kaibigan." nakangiting sambit ni David na may laking galak ang tono. Inilapat niya ang kaniyang mga palad sa kaniyang baywang at buong tindig na ngumiti.

Sinuklian ko rin naman ng ngiti ang kaniyang galak. Alam ko naman na hindi ko siya mapipigilan sa nais niyang makatulong, kaya naman iniabot ko na sa kaniya ang basahan. "Ito na."

Itinupi niya paangat ang kaniyang pantalon, inayos ang manggas ng kaniyang damit, at nagsimula ng maglinis. "Lin, ako na bahala rito. Ituloy mo na ang iba mong ginagawa."

"Salamat."

Sumabat pasigaw si Christine, "Bitawan mo nga 'yan David. Hayaan mo na si Cateline diyan!" Kitang-kita ang magkahalong galit at selos mula sa kaniyang mga mata. Napabungisngis ako nang titigan ko ang hitsura ni Christine, dahil noon pa lamang ay alam ko na na may paggiliw siya kay David. Inirapan niya na lamang ako at tumingin sa ibang direksiyon. Madalas ko siyang mahuli noon na tinititigan at sinusulyap-sulyapan si David.

May isang parokyano ang biglang kumalabit sa akin na nagpatigil sa aking pagbubungisngis. Nagtanong ito, "Maayos ka lang ba, iha?"

"Ayos lang naman po ako. Salamat po sa pagtangkilik." payuko at maligaya kong sambit sa estranghero.

Biglang nanahimik ang buong kainan nang binuksan ng isang sundalo ang pintuan. Napahinto ang lahat sa kanilang ginagawa. Maging ako, masama ang aking kutob. Maaga pa, para magkaroon ng sundalong nakauniporme ang pumasok sa aming kainan. Binigyang daan at pagpupugay ng sundalo at maging na rin ng mga parokyano ang pagpasok ng pinakapipitagang heneral ng bansa, si Magath. Mahaba ang kaniyang itim na buhok, may bigote't balbas, katangkaran, malaki ang pangangatawan, at nasa mga apat na pung anyos na. Napapadalas na yata ang pagpasok niya sa aming kainan nitong mga nakaraang araw habang wala ang aking amang si Ravan. Alam ng nakararami ang mga magigiting na tagumpay na iniambag nito sa bansa, maging ang napakaraming kriminal na nahuli dahil sa kaniyang pamumuno. Ang presensiya niya ay sapat upang matakot ang sandamakmak na mananakop papalayo — balitang kay hirap paniwalaan ngunit tila may katotohanan. Alam rin ng nakararami ang pagiging barumbado nito, kayabangan, at kataasan ng tingin sa sarili. Malaki ang takot ng mga mamamayan sa kaniya dahil sa wala itong habas na pumapaslang. Siya ang ngayo'y kanang kamay ng pinuno ng bansa na nakadagdag pa sa mataas nitong pagtingin sa sarili. Ano naman kaya ang gagawin niya rito?

Dahan-dahan at buong tindig na lumapit ang heneral sa kinauupuan ni ina. Kumuha siya ng bangko at naupo sa harap nito. Nakaasta siyang nakaangat ang baba, nakabukaka, ang kanang kamay ay nakapuwesto sa likuran ng kaniyang silyang sinasandalan at ang kaliwa nama'y nakangalumbaba habang ang siko'y nakapatong sa mahabang mesang tanggapan namin ng mga parokyano. Makikita ang inis na bumalot sa hitsura ni ina. Hinubad at pinatong ng heneral sa mesa ang pangmilitar niyang tunikang pinalamutian ng ginintuang epaulet.

"Mara!" mapangunwaring galak at mapangutyang pagbati ng heneral sa aking ina. "Bigyan mo nga ako ng isang alak, magandang binibini." utos niya kay ina.

"Maari bang umalis ka na rito?" naalibadbarang pagsagot ni ina.

"Ano ba namang klaseng kainan ito," mapanuyang kumento ng heneral. Tumayo siya sa kinauupuan, "ni hindi man lamang marunong mang-aliw ng parokyano, ng bisita."

Tumayo si ina at tumuro sa pinto, "Umalis ka na nga rito! Ginugulo mo ang matiwasay na pagkain ng aming mga parokyano!"

Kinuha ng heneral ang kamay ni ina na balót ng guwantes, ngunit agad nasagi ang kaniyang kamay. Dinakma naman bigla ng heneral sa bába ang mukha ni ina. Pinilit ni ina na iiling ang kaniyang mukha. "Wala ka paring kupas, kay ganda mo pa rin." sambit ng heneral.

Tinitigan ng masama ni ina ang heneral. "Bitawan mo 'ko, nasasaktan ako!"

Ibinaba ko sandali ang listahan ng nais ng estranghero. Sinubukan kong lumapit ngunit pinigilan ako ni David. Tumingin siya sa aking mga mata, senyas na tila nagsasabing 'wag na akong manghimasok sa nagaganap. Tama nga siguro na 'wag na akong makidagdag, ngunit 'di ko mapigilan ang aking galit.

"Bitawan niyo siya!" nagulat ako nang sumigaw si Christine.

Walang paki-alam na nagpatuloy lang sa pagsasalita ang heneral habang mahigpit pa rin nitong hawak ang mukha ni ina. "Siguro kung sa akin ka lang sumama noon, mas maganda siguro ang buhay mo ngayon."

"Wala ka talagang kuwenta!" dinuraan ni ina ang heneral sa mukha. Nakita ko kung paano na lang magulat, mapaurong, at mapangiwi ang mga parokyano sa kanilang nasilayan. MInabuti ng iba na hindi na lamang tumingin at tahimik na lamang makinig.

Ngumisi ang heneral. Patulak niyang binitawan si ina mula sa mahigpit na pagkakakapit at bigla niya siyang sinampal gamit ang likod ng kaniyang kanang palad. Napakawalang-hiya. Napaluha na lamang si ina sa sinapit na kahihiyan. Maging ako'y nasusuklam na rin sa nagaganap.

Nangatog ang aking laman nang binunot ni Christine ang baril ni ama. Nanginginig ang kaniyang mga kamay sa paghawak sa baril at inasinta ito sa direksiyon ng heneral. "Umalis ka na kung ayaw mong iputok ko 'to!"

"Christine…" kabado kong bulong habang ang aking magkalapat na mga palad ay nasa aking dibdib.

"Ibaba mo na iyan, iha. Wala ka namang alam sa paghawak niyan." pahalakhak na tugon ng heneral. Kaakibat na talaga ng heneral ang nakakainis at mapang-uyam na tono ng kaniyang pananalita. "Aalis na ako, dinadalaw ko lang naman ang iyong ina." Ipinatong ng heneral sa kaniyang balikat ang tunikang pangmilitar, tumalikod, at lumabas na sa aming kainan.

Nakahinga nang maluwag sina ina at Christine matapos ang naganap na tensiyon. Lumapit ako kaagad sa kanila upang tignan ang kanilang kalagayan. Pag-aalala ko, "Maayos po ba kayo ina?" Hinawakan ko ang kaniyang kamay at agad kong tinignan kung may natamo bang mga sugat ang aking ina o kahit pasa man lamang.

"'Wag mo 'kong hawakan." galit at tila pagod na tugon ni ina nang sagiin niya ang aking kamay. Madiin siyang kumapit sa kaniyang ulo habang umiiyak.

"Magpahinga po muna kayo, ako po muna bahala rito ina." mungkahi ko.

Inalalayan ni Christine si ina na umakyat sa kaniyang kuwarto upang magpahinga. Nakayuko lang siyang naglalakad, halata ang pagkapagod at pagkabalisa. Sa tulong ni David, kami muna pansamantala ang nagpatakbo sa kainan.