Natapos na ang araw ng trabaho. Nahugasan ko na ang lahat ng hugasin, naiayos na namin ni David ang mga silya't mesa, nalinis na rin ang sahig. Handa na ang aming kainan para sa muli nitong pagbubukas kinabukasan. Umuwi na siya at ako nama'y umakyat na sa aking kuwarto. Tulad ng ibang araw, tinitigan ko muli ang aming litrato ng tunay kong inang si Helen. Malapit na nga pala ang kaniyang kaarawan. Napangiti na lamang ako dahil sa napakaraming alaala ang nagbabalik. Masasaya, ngunit marami ring malulungkot.
Hinaplos-haplos ko na naman ang iyong mukha, ina. May kirot pa rin talaga sa aking damdamin na hindi ko maiwaksi dahil sa iyong pagkawala. Tuwing nakikita ko ang iyong mukha'y 'di ko talaga mapigilang maiyak. Ngayon, naka-upo ako sa iyong harapan habang inaalala ang aking buhay magmula nang mawalay ka sa aking piling.
Alam mo, ina, salaysay ng aking amang si Ravan, isa ka sa pinakamagandang dalaga noong binata pa lamang siya. 'Di ko mapigilang bumungisngis dahil lagi niyang pinapaalala sa akin na nagiging kamukha raw kita habang mas lalo akong nagdadalaga. Matangkad, Itim at tuwid ang lagpas-balikat na buhok, makinis na animo'y perlas ang kutis ng balat, mapupula ang mga labi, 'di katangusan ang ilong, at mapupungay na itim na mga mata. Napakamabuti mo raw at napakamapagmahal na ina — na akin namang napatunayan sa saglit nating pagsasama. Sabi pa ni ama, may kung anong halina ka raw na tila gayuma sa mga kalalakihan. Hindi talaga katakataka na pinipilahan ka ng mga manliligaw mo noon. Alam mo ba, ina, malaki lagi ang galak sa mga bibig ni ama tuwing inaalala ka niya.
Hinagkan ko ang aming litrato. Nahiga na ako sa aking kama at tumingala na lang sa hangin.
Musmos pa ako nang ako'y naulila. Ang pagkakasalaysay pa sa akin ni ama, binuhay ako ng aking tunay na ina mag-isa simula noong nasa sinapupunan pa lang niya ako. 'Di ko kasi kilala ang aking tunay na ama. Musmos pa lang ako noon ngunit napakarami ko nang pinagdaanan.
Naalala ko pa ang naganap at tila malinaw pa ito sa aking isip. Labingwalong taon na ang nakalilipas. Isang 'di kilalang lalaki na balot na balot ng itim na kasuotan sa kalaliman ng gabi ang pasikretong tumugis sa amin noong tinitirhan sa Kakahuyan ng Kalingag. Malakas na pinaghahampas ng lalaki ang aming pinto gamit ang kaniyang kamao at dalang itak. Tanging ang pulang-pula lang niyang mga mata at ang malakas niyang hingal ang masisilayan at maririnig mula sa mga siwang ng mga nasira't nabaling kahoy. Tila isa siyang hayop na nakapirme ang mata sa kaniyang nais — ang aking ina. Bawat hampas at bawat kampay, pilit niya pang winawasak ang aming pintuan. 'Di ko alam ang gagawin, natatakot ako. Halata rin ang labis na takot at pagkasindak sa mukha ni ina. Unti-unti pang isinusuot ng kriminal ang kaniyang mga daliri sa mga siwang upang mas tungkabin ang mga kahoy. Nilingon ako ni ina't dali-daling pinatungo sa ilalim ng kama sa loob ng aming silid. Isang malakas na kalampag ang umalingawngaw nang tuluyang makapasok ang kriminal sa aming tahanan. Bulag akong nakikinig sa bawat pagsusumamo ni ina. Mga suntok at pagbabalibag ang tanging naisukli ng lalaki sa kaniyang mga daing. Pinipigilan kong humikbi habang naririnig ko ang bawat sigaw ni ina. "Pakiusap! May anak ako. Ma—", ang mga huling salitang aking narinig mula kay ina bago nanatili sa aking tainga ang tunog mula sa pagkampay ng isang itak. At sa isang huling kalampag, nanahimik ang paligid. Agad akong lumabas mula sa aking pinagtataguan. 'Di ko maialis sa aking isipan ang masamang tanawing tumambad sa akin. Ako'y nanlumo't biglang napaluhod. Nakita ko ang aking inang nakatihaya sa sahig, nag-aagaw buhay, at dumadanak ang dugo mula sa gilit sa kaniyang leeg. Lumuluha siya't ako'y pinalapit. Iniabot niya ang kaniyang kanang kamay, samantalang ang kaliwa nama'y nasa kaniyang dibdib — iniingatan ang isang litrato. Gumagapang ako habang ang aking luha'y 'di mapigilang pumapatak. Inabot ko mula sa kaniya ang larawan namin. Walang lumalabas na tunog sa kaniyang mga bibig, ngunit wari ko na ang nais niyang sabihin sa huling pagbuka ng kaniyang mga labi'y, "Mahal kita". Inihaplos ko sa aking pisngi ang noo'y malamig na na kaniyang palad at inilapat sa aking dibdib ang aming litrato. Sigaw ako ng sigaw, paulit-ulit, ng "Ina!" habang siya'y aking niyuyugyog sa pag-asang muli siyang magising.
Biglang may mga sundalong dumating. Agad akong niyakap ng isa sa kanila. Mula sa kaniya, isang napakagandang ngiti ang bahagyang nag-angat sa mura kong kaisipan mula sa tindi ng aking pagdadalamhati. Ang ngiting iyon ay ngiti ng galak, ngunit halata ang ikinukubli nitong matinding kalungkutan. Sinubukan nila akong kausapin ngunit tila naubusan na ako ng lakas upang makapagsalita. Tinutugis nila ang nasabing kriminal. Nahulí sila sa pagdating sa aming tahanan kaya't nakatakas ito pansamantala, na sa 'di kinalauna'y kanila namang nadakip. Nagpakilala siya bilang si Ravan. Ang kuwento pa ni ama, kasama niya noon ang mas mababang ranggo ng sundalo na kaniyang pinamumunuan, na ngayo'y heneral na na si Magath.
Sinamahan ako noon ni ama na ilibing ng matiwasay si ina. Sa gilid ng Ilog Bakunawa malapit sa aming tahanan siya hinayaang mahimlay. Nag-alay pa kami ng napakagagandang mga bulaklak. Maaring sabihin ng iba na hindi naman kagandahan ang bulaklak ng kalingag, ngunit may kaakibat sa aking mga alaala ang punong iyon — na nagpapaganda rito.
Ini-angat ko ang litrato habang ako'y nakahiga. "Sa mga panahong ito habang wala si ama, tanging ang litrato mo na lamang, ina, ang nagbibigay sa akin ng matinding kagalakan. Gabi-gabi ko itong tinitignan. Kailan kaya kita muling mahahagkan? Maligayang kaarawan." Hinalikan ko ang mukha ni ina sa aming litrato't pinunasan ang biglang pumatak kong luha. Ibinaling ko pakanan ang aking katawan at muling niyakap ang aming litrato.
Sa larawan makikita ang aking ina na nakaupo habang ako'y nakakalong sa kaniyang binti at nakayapos sa kaniyang brasong mahigpit na nakayakap sa akin. Nakatingala ako sa kaniya nang buong galak, na nasuklian naman ng napakatamis at nakahahawa niyang ngiti. Parehong puti ang aming kasuotan. Mga bestida itong gawa sa seda. Tila buhay pa si ina dahil nakararamdam ako ng wagas na pagmamahal kahit na tignan ko lamang ito.
Alam mo ina, sabik na sabik na rin talaga akong maramdaman muli ang pagmamahal ng pangalawa kong inang si Mara. Napakaganda ng ngiti niya sa akin noong una kaming nagtagpo. Tulad kayo, ina, ngunit nagbago ang lahat ng iyon nang malaman niyang ako'y iyong anak.