webnovel

AFTER ALL (Tagalog Novel)(Book 1)

Ang pagkawala ng lahat ng kanyang alaala ang naging dahilan ng pagbabago sa kanyang buhay. Hindi man ito sadya at lalong kailanman hindi n'ya ito inasahan. Subalit kailangang yakapin ni Angela ang kasalukuyan. Dahil dito na umiikot ngayon ang kanyang mundo. Simula ng magising siya bilang si Angeline Alquiza. Pero sino nga ba siya talaga? Hanggang kailan ba s'ya mananatili sa katauhan nito? Kung pwede nga lang sana gagawin n'ya ang lahat, h'wag lang mawala ang lahat ng ito sa kanya. Lalo na ang mga taong napamahal na nang husto sa kanya. Subalit alam n'yang ang lahat ay may hangganan. Pero paano kung patuloy siyang habulin ng kanyang nakaraan? May mga panaginip na patuloy na gumugulo sa kanyang isip, alam niya at ramdam niyang maaaring may kaugnayan sa nakaraan n'yang buhay. Hanggang sa makilala niya ang isang babaing sa una pa lamang misteryosa na ang naging dating nito sa kanya. Pero sino nga ba ang babaing ito? Na tila gusto pa yatang agawin ang lahat sa kanya, maging ang kanyang kaligayahan. Ang nakapagtataka pa tila ba may lihim itong galit sa kanya. Gayu'ng hindi naman n'ya ito kilala. Pero hindi nga ba niya ito kilala? Bakit unang narinig pa lang n'ya ang pangalan nito iba na ang pakiramdam n'ya. May nagawa ba s'yang pagkakamali sa babaing ito o sa kanyang nakaraan? Kaya ba walang naghahanap sa kanya. Dahil ba, isa s'yang masamang tao? Until one day she just found out that someone was suffering greatly because of her. After all that happened to her and after forgetting the past. Including the promise not being fulfilled. But how can she fulfill it? If she doesn't remember it, after all. * * * Author's Note: Ano man sa istoryang ito ang may pagkakahawig o pagkakatulad sa iba. Kagaya ng pangalan, karakter, lugar, mga salita man o mga pangyayari at iba pa ay hindi po sinasadya. Ang lahat ng nilalaman ng istoryang ito ay pawang kathang isip lamang. Bunga ng malikot na imahinasyon ng may akda. Hindi rin po ito maaaring gayahin ng sinuman ng walang pahintulot. Ito po ay orihinal na akda ng inyong lingkod. MARAMING SALAMAT!? _____ BY: MG GEMINI @LadyGem25

LadyGem25 · Urbain
Pas assez d’évaluations
131 Chs

C-91: THE REGRETS

Halos isang Linggo na rin ang nakalipas magmula ng makiusap at magkasundo sila ni Liscel. Kahit pa hindi niya gusto na makasama ito wala naman siyang magagawa.

Sadyang hindi na maiiwasan pa na magkasama sila sa ilang pagkakataon. Saka hindi rin naman siya ganu'n kasama para hindi pagbigyan ang kahilingan nito, lalo kung ito na ang huli.

Kahit alang-alang man lang sa kanyang anak handa siyang pagbigyan ito na makasama si VJ. Besides may karapatan naman talaga ito sa bata.

Dahil kahit ano pang tanggi ang  gawin niya hindi naman niya mababago ang katotohanan na ito ang tunay na ina ni VJ. Lalo na at wala na dito si Angela at hindi rin niya maitatanggi na kailangan rin ng kanyang anak ang isang ina.

Sa tingin naman niya malaki na nga ang ipinagbago nito. Sana nga lang totoo ang ipinakikita nito sa kanila.

Pero nilinaw naman niya dito na tanging si VJ na lang ang nag-uugnay sa kanilang dalawa at wala ng iba.

Bukod kay Liscel may isa pang babaing nangungulit sa kanya ngayon si Cloe.

Mula ng umuwi ito ng Pilipinas at magkita sila. Palagi na itong nangungulit sa kanya, akala yata porke alam nito na wala na sila ni Angela ay p'wede nang maging sila.

Pero wala na siyang interes pa sa mga ito. Ang isip niya ay naka-focus na lang sa kanyang trabaho at sa kanyang anak. Saka mayroon siyang naiisip na ibang plano at dito niya gustong ilaan ang mga libre niyang oras.

Saglit pa siyang napangiti sa naiisip ng mga sandaling iyon.

Tingnan ko lang kung hanggang saan ang galing mo....

TORRES!

______

BUNTIS AKO, TOTOO BA TALAGANG BUNTIS AKO?

Paulit-ulit at tila ume-echo sa kanyang pandinig ang mga kataga. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya sa nangyari? Pilit rin niyang kinukumbinsi ang sarili sa katotohanang ito.

Hindi niya alam kung kakayanin ba niyang maging isang ina? Ah' hindi, nakaya nga niyang maging ina kay VJ hindi ba?

Hindi ba, parang magiging ina lang ulit siya sa ikalawang pagkakataon?

Pero iba ngayon, pagkotra ng kanyang isip. Dahil mag-isa lang siya ngayon, mag-isa na lang...

Paano na ako, paano na kami ng magiging anak ko? Kakayanin ko ba na maging isang ina nang mag-isa? Bulong ng kanyang isip.

Nitong huli kasi, hindi niya nagawang bigyang pansin ang sarili. Dahil sa kaabalahan ng kanyang isip sa ibang bagay.

Hindi na tuloy niya nagawa pang pagtuunan ng pansin ang mga nararamdaman.

Kaya pala nakakaramdam siya ng hilo at naduduwal siya tuwing umaga.

Kaya naman pala sumasakit ang puson niya, ang buong akala niya magkakaroon lang siya ng buwanang dalaw. Kaya hindi na niya ito binigyan pa nang pansin.

Kahit pa alam niya na delayed na siya at ayaw matuloy ng kanyang menstruation. Paano ba naman kasi niya ito malalaman?

Kung ngayon pa lang naman niya naranasan ang magbuntis.

Isa pa hindi naman niya alam na mabubuntis siya. Nang malaman nga niya ito kanina, napuno pa siya ng pagtataka kung paano ito nangyari?

Bakit ba nawala sa isip niya ang nangyari sa kanila ni Joaquin?

Pero minsan lang naman ito nangyari, ganu'n ba siya kadaling mabuntis? Tanong pa ulit niya sa sarili.

Halos nawala na nga sa isip niya na pagtuunan ang mga nangyari sa kanya sa pinanggalingan niya. Dahil sa sobrang dami at gulo ng kanyang iniisip.

Wala siyang iniisip kun'di ang makita ang Mamang niya at si Amara. Pero nalaman niya na wala na ang kanyang ina. Kaya't naging desperado na siya nitong huli.

Dahil ang gusto niya makaganti lang, nang sa ganu'n kahit paano makabawi siya kay Amara.

Kung masisiguro niya ang ganap na kapanatagan nito kapag wala na si Anselmo. Kahit pa ibuwis niya ang sarili niyang buhay.

Hindi naman niya alam na may isang buhay pala na inilalagay rin niya sa panganib. Hindi niya mapapatawad ang sarili sa oras na may masamang nangyari sa kanyang anak ng dahil sa kanyang kapusukan.

Bakit ba hindi siya nag-iisip? Ano na ba ang nangyayari sa kanya at bakit ba inilagay niya ang sarili niya sa ganitong sitwasyon.

Iniwan niya ang lahat, ang buhay niya sa Batangas. Para hanapin ang kanyang nakaraan at ang katotohanan sa buhay niya. Pero ano ba ang kanyang natagpuan?

Wala, wala na ang lahat kaya wala na rin siyang babalikan.

Parang gusto tuloy niyang magsisi kung bakit pa siya bumalik dito?

Paano na siya ngayon paano na siya babalik ulit ng Maynila?

Ano pang mukha ang ihaharap niya sa mga taong iniwan na lang niya basta at hindi man lang nagpaalam. Ngayon niya naisip ang malaki niyang pagkakamali. 

Bakit ba ang tanga tanga niya, nagpadalos dalos na naman siya nang hindi nag-iisip.

Ang gulo gulo kasi ng isip niya at hindi niya alam kung paano pakikitunguan ang sarili.

Noong una ang tanging gusto lang niya ang makita ang kanyang ina at si Amara 'yun lang ang nasa isip niya noong araw na magpasya siyang umalis ng Ospital.

Pero ng mga sumunod na araw bigla na lang siyang nakaramdam ng takot at napuno ng pagkalito.

Hindi na niya gustong madamay pa ang pamilya ni Joaquin sa gulong kinasasangkutan niya at ng kanyang pamilya.

Gusto muna niyang maging maayos bago bumalik pero hindi pala ganu'n kadali ang lahat.

Ano na ang gagawin niya ngayon, paano pa siya babalik ng Batangas?

"Anak, halika na aalis na tayo!" Boses ni Nicanor ang muling nagpabalik sa kanya sa reyalidad sa mahabang itinakbo ng isip niya. Mula pa kaninang umalis ito at nagpaalam na sasaglit sa nurse station.

"Po?!" Bahagya pa siyang nagulat sa biglang pagsulpot nito at pagsasalita.

Habang nanatiling nakaupo pa rin siya sa gilid ng Hospital bed at sadyang hinihintay ito.

Saglit kasi itong nagpaalam sa kanya kanina para asikasuhin ang babayaran nila sa Ospital at kunin na rin ang reseta ng gamot na bibilhin bago sila umalis.

"Okay ka na ba Anak? May nagbayad na daw ng bill natin dito sa Ospital pero nagtataka naman ako may alam ka ba doon?" Bakas ang pagtataka nitong tanong.

"Ano po sino daw po ang nagbayad, may nakakaalam po ba na dinala n'yo ako dito sa Ospital?"

Nagtataka at naguguluhan rin niyang tanong. Ngunit bigla rin niyang naisip...

"Si Gavin?" Medyo napalakas pa niyang bulong.

"Ha' anong sabi mo Anak?"

"Naaalala ko na, 'yun pong mga tauhan ni Anselmo na-nakita n'yo ba at saka paano n'yo pala ako nakuha sa kanila?"

Bigla na lang niyang naalala ang nangyari sa kanya sa may ilog kanina. Bago pa siya mapunta dito sa Ospital.

"Ano ba ang sinasabi mo Amanda Anak, natagpuan ka lang namin sa kakahuyan sa gawing ilog.

'Pero mag-isa ka lang at wala ka namang kasama. A-anong tauhan ni Anselmo ang sinasabi mo?

'H'wag mong sabihing...?

'Sinasabi ko na nga ba, ang tigas ng ulo mo ikapapahamak mo lang ang ginagawa mo!

'Mabuti na lang pala at dumating kami, bago pa may masamang nangyari sa'yo!"

Wika nito na puno ng pag-aalala.

"Pasensya na po Tay, hindi ko na po kasi alam ang gagawin ko! Gusto ko lang namang makaganti sa hayup na 'yun! Kung hindi dahil sa kanya hindi mangyayari ang lahat ng ito.

'Hindi mamamatay ang Papang at hindi gugustuhin ng Mamang na lumayo ako para humingi ng tulong at mag-isang hanapin ang pamilya ng Papang.

'Hindi sana magagalit sa'kin si Amara hindi rin sana kami magkakahiwa-hiwalay at hindi mamamatay ang Mamang.

'Dahil hindi ako papayag na mamatay siya, hindi!"

Hindi na naman niya napigilan ang sariling hindi umiyak ng dahil sa biglang bugso ng damdamin.

Napasubsob na lang siya sa kanyang mga palad.

"Tahan na anak wala na tayong magagawa nangyari na ang lahat. Hindi na natin maibabalik ang mga bagay na nangyari na at hindi na rin natin ito kayang baguhin pa." Malumanay na wika ni Nicanor.

"Alam ko naman po 'yun, pero p'wede pa niyang pagbayaran ang mga ginawa niya para hindi na rin siya makapanakit pa ng iba.

'Galit na galit ako sa kanya, kinasusuklaman ko siya.

'Dapat, dapat napatay ko na siya kung hindi lang ako naharangan ng hayup na tauhan niya!"

"A-anong sabi mo, totoo bang sinasabi mo at ang ibig mo bang sabihin, sumugod ka sa Hacienda kanina?"

Tumayo pa ito at tumingin sa labas ng kwarto upang tiyaking wala sa kanilang nakakarinig.

Mabuti na lang sinabihan nito si Lito na hintayin na lang sila sa labas ng Ospital.

"A-ang akala ko po magagawa ko nang makapaghiganti.

'Pero may nauna na sa aking gumawa...

'Alam n'yo po bang may isang buhay na naman ang nawala d-dahil pinagtangkaan rin nito ang buhay ni Anselmo?

'Napakasama niya talaga, dahil nagawa na naman niyang iligtas ang sarili sa kasalanan.

'Kahit kitang-kita pa ng lahat ang kanyang ginawa katulad rin ito ng ginawa niya noon kay Lolo Damian."

Saglit muna siyang humugot ng paghinga.

Dahil sa pakiramdam niya lalo pang sumisikip ang kanyang dibdib sa pagkaalala niya sa mga nangyayari.

"Lakasan mo ang loob mo kung hindi ka naunahan ni Pedring maaaring ikaw na ang nasa kalagayan niya ngayon?

'Hindi ko ito ikinatutuwa na nangyaring sa Manong Pedring mo.

'Pero sigurado ako na marami ang masasaktan kapag may masamang nangyari sa'yo at isa na rin ako doon.

'Lalo na ang kapatid mong si Amara at ang lalaking Ama ng iyong Anak.

'Isipin mo naman sana sila at isipin mo rin ang buhay sa iyong sinapupunan.

'Kaya sana naman, h'wag ka nang bumalik doon. H'wag mo na sanang ituloy ano man ang binabalak mo. Hindi mo siya kakayaning mag-isa masyado siyang malakas.

'Kung nabigo noon ang iyong Ama sana h'wag mo nang ulitin pa ang ginawa niya. Hindi niya ibinigay ang buhay niya para lang mauwi sa wala.

'Ibinigay niya ang buhay niya para sa inyo isa lang naman ang gusto niya ang manatili kayong ligtas at masaya. Naiintindihan mo ba iyon, Anak?"

"Opo tama po kayo, h'wag na kayong mag-alala hindi ko pa rin ititigil ang kagustuhan ko na makapaghiganti.

'Pero titiyakin ko na sa maayos na paraan na at hindi kailangan na malagay ang magiging Anak ko sa panganib.

'Mas mabuti siguro na hanapin ko na lang muna si Amara at tiyakin rin na nasa maayos siya.

'Babalik na rin po ako ng Maynila baka naroon lang si Amara."

"Tama Anak bumalik ka na, nang Maynila. Balikan mo ang Ama ng iyong Anak at mabuhay kayo kasama nila.

'Bumuo ka ng isang pamilya at mabuhay kayo ng masaya. Dahil iyon ang gusto ng iyong ama at ina, noon pa man alam mo 'yan?

'Kalimutan mo na ang iniisip mong paghihiganti. Dahil mas makakabuti iyon para sa iyong kapanatagan. Makinig ka sana sa akin Anak!"

"Susubukan ko po Tatay Kanor kung makakasiguro ako na hindi na kami guguluhin pa ng taong iyon.

'Dahil kapag may isang buhay pa uling nawala. Hindi ko na talaga siya titigilan, kahit kailan!"

Napahinga na lang ng malalim si Nicanor at napailing. Bago ito muling nagsalita.

"Oh' siya halika na umuwi na lang tayo gabing gabi na. Mabuti na lang pala at naisama ko si Lito may maghahatid sa atin pauwi."

"Hindi ho ba nakakahiya sa pamilya niya gabing gabi na rin siyang makakauwi?"

"H'wag kang mag-alala pinasabi ko na sa pamilya niya na gagabihin siya ng uwi ako na lang ang bahalang magpaliwanag sa kanila bukas."

Tumayo na siya at saglit lang na inayos ang sarili.

"Tayo na po!"

Malapit na sila sa entrance ng Ospital ng maalala niya ulit itanong...

"Tatay Kanor, sigurado po ba kayo na walang ibang tao doon noong makita n'yo ako sa kakahuyan?"

"Ha' wala, maaari sigurong nabulahaw sila sa pagdating namin, kaya marahil bigla ka na lang nilang iniwan. Nakilala mo ba sila 'yung mga taong nagdala sa'yo sa ilog?"

"Ah' hindi po, nawalan na po kasi ako ng malay kaya hindi ko na sila nakilala." Pagsisinungaling niya, kahit batid na niya ngayon ang nangyari.

Alam niyang si Gavin ang nagligtas sa kanya sa lalaking iyon. Ang akala pa nga niya ay talagang masama ito.

Ngayon naiintindihan na niya kung bakit nagpanggap ito sa kasama at sinaktan pa siya?

Marahil ginawa lang nito iyon para mailayo ang lalaki sa iba pa nilang kasama.

Pero alam niyang nakilala at natandaan na siya nito noong una pa lang hindi nga lang ito nagpahalata.

Pero isa lang ang alam niyang sigurado tauhan din ito ni Anselmo.

Ngunit isang palaisipan sa kanya kung bakit siya nito iniligtas at mas pinili pa nitong patayin ang kasama upang mailigtas siya?

Sino ka ba talaga Gavin?

"Sandali dito ka muna at hahanapin ko lang si Lito" Nasa labas na sila ng Ospital ng ito ay magpaalam.

"Sige po..."

Ngunit hindi na nito naituloy pa ang pag-alis. Dahil nagsisimula pa lamang itong humakbang ng bigla na lang...

May mga lalaking pumalibot sa kanila sa labas ng Ospital. Hindi nila ito kilala at kahina-hinala rin ang mga kilos at galaw.

Tila ba hinintay lang ng mga ito na malayo sila sa karamihan at sa mismong harap ng Ospital.

Dahil pasimpleng lumapit ang mga ito sa kanila, hindi man lang nila namalayan kung saan ito nanggaling at bigla na lang nagsipagsulputan.

Apat na lalaki ang lumapit sa kanila ang isa ay pasimpleng lumapit kay Tatay Kanor kaya ito napatigil at saglit na napalingon sa kanya.

Ngunit hindi na nagawa pang lumapit. Dahil ang isa naman ay pumuwesto sa kanyang tagiliran.

Bigla tuloy siyang kinabahan at wala nang magawa kun'di makiramdam.

Alam niyang sa oras na magkamali siya maaari siya nitong saktan.

Kaya hindi siya maaaring magkamali kalalabas lang niya ng Ospital hindi pa nga siya nakakalayo dito.

Ayaw na niyang maospital ulit at at baka ikapahamak pa nang kanyang anak. Kaya't kailangan niyang maging mahinahon.

Ang dalawa pa nitong kasama ay tila alerto lang sa paligid.

Nang ibaling niya ang tingin sa ibang direksyon, napansin niya na may dalawa pang umaaligid sa kanila sa 'di kalayuan.

"Sumama na lang kayo ng maayos nang sa ganu'n ay hindi tayo magkaproblema." Bulong nito sa kanya.

Si Lito na palapit na sana sa kanila ng pigilan ito ng isa sa grupo.

Kaya't hindi na ito natuloy pa sa paglapit.

Nakita niyang pasimple itong tinutukan ng baril ng lalaking biglang humarang dito at hindi na ito hinayaan na makalapit pa sa amin ni Tatay Kanor.

"Pare' sige na, kami na ang bahalang maghatid sa kanila pauwe. Mauna ka na mag-uusap lang kami, nagkakaintindihan naman tayo hindi ba?" Wika ng lalaking lumapit dito.

Tila itinaboy pa ito ng lalaki palayo, sinenyasan naman ito ni Tatay Kanor na sumunod na lang tila alanganin naman ito.

"Sige na Lito umuwi ka na h'wag mo na kaming alalahanin!"

Sigaw na lang ni Tatay Nicanor ng hindi pa rin ito tuminag.

Hanggang isang Van ang biglang huminto sa harap nila at kusang bumukas ang pintuan nito. Dahil may tao na pala sa loob ng Van at mabilis na iginiya sila ng grupo papasok sa loob nito.

Hindi na nila nagawa pang makapagprotesta. Malalim na ang gabi, kaya halos wala na rin tao sa labas ng Ospital.

Kung bakit nagkataon pa na wala ring gwardiya sa labas ng Ospital ng mga oras na iyon. Hindi rin niya maintindihan?

Sobrang bilis din ng pangyayari, wala pa yatang limang minuto. Mula ng lumabas sila ng Ospital, na-corner na sila at mabilis na naisakay ng sasakyan.

Hindi niya alam kung ano ba ang motibo at bigla na lang silang kinuha at isinakay ng Van. Dahil wala rin siyang ideya kung sino ang grupong ito?

Sino lang ba ang nakakaalam na narito siya at anong dahilan at bakit bigla na lang silang kikidnapin?

Talaga yatang malapit siya sa digrasya. Kung kailan naman nagpasya na siyang bumalik ng Maynila saka pa ito nangyari.

____

Tahimik lang ang grupo wala isa man ang nagsasalita. Magkalayo pa sila ni Tatay Kanor kaya hindi rin sila makapag-usap.

Nasa gitna ito ng dalawang lalaki sa grupo kaya marahil alanganin itong lumingon sa kanya.

Sa bandang likuran naman siya nito nakaupo. Katabi niya sa upuan ang lalaki ring tumabi sa kanya kanina.

Ngunit bahagyang nakadistansya ito sa kanya. Tila ba iniiwasan pa nitong madikit sa kanya.

Habang nasa biyahe sila sobrang nakabibingi ang katahimikan.

Alam naman niya na ang sobrang katahimikan ay posibleng may kaakibat na panganib.

Kaya wala siyang choice kun'di ang manahimik na lang rin at makiramdam. Kung saan man sila dadalhin ng mga ito ay hindi naman nila alam.

Ngunit batid niya na hindi sa Baryo o sa Hacienda ang punta nila kaya naman napuno siya ng pagtataka.

Gusto man niyang magtanong ngunit paano?

Ilang saglit pa ang lumipas isang lalaki sa kanilang harapan ang nagtangka pang magsindi ng sigarilyo.

Ngunit bigla itong sinipa ng lalaking katabi niya na ikinagulat niya kaya lalo siyang natahimik.

"Tang*** itigil mo nga 'yan!"

"Sorry Boss, nakalimutan ko!" Napakamot sa ulong paghingi nito ng paumanhin.

Lalo naman siyang natahimik at napuno ng kaba.

Sigurado na siya ngayon na ang katabi niya ang pinaka-leader ng grupo.

Ano naman kaya ang mangyayari sa kanya, o sa kanila ngayon sa pagkakataong ito? Mga tanong na hindi rin niya kayang sagutin.

*****

By: LadyGem25

Hello Buddies,

Narito na po ulit ang ating updated at sana magustuhan n'yo ulit ito.

Maraming salamat sa inyong suporta at pagtangkilik sa story na ito.

And don't forget to...

VOTES, COMMENTS, REVIEWS AND PLEASE RATES MY STORY GUYS!

UNTIL NEXT CHAPTERS!

BE SAFE EVERYONE AND GOD BLESS PO SA ATING LAHAT...

MG'25 (01-27-21)

LadyGem25creators' thoughts