"Thank you, Lord!" Sabay-sabay na sabi ng TOP Team matapos ang sampung oras na operasyong ginawa nila kay Damian. Matagumpay nilang naisagawa ang heart bypass at ang pagtatanggal ng cyst dito. Akala nila ay mahihirapan sila sa ikalawang operasyon pero mukhang maraming prayer warriors ang matanda kaya walang naging problema. "Gen, ikaw na ang bahala dito." Sabi ni Valerie sa Assistant Cardiologist niya. "Okay!" Sagot naman ni Genesis. "Val, okay ka lang?" Tanong ni Archer ng mapansin na hindi ayos ang paglalakad ng dalaga. "I'm..." Napatili sila Abigail at Mia ng bigla na lang nawalan ng malay si Valerie. Mabuti na lang at mabilis ang pagkilos na ginawa ni Archer at nasalo niya ang dalaga bago ito bumagsak ng tuluyan sa sahig.
"Abigail, ikaw muna ang mag-assist kay Genesis. Mia, kumuha ka ng dextrose for dehydartion. Mukhang hindi na naman natulog 'to kagabi." Nagmamadaling sumunod ang dalawang dalaga sa sinabi ni Archer.
.......
Nang matapos si Genesis ay inilipat na nila si Damian sa Recovery Room. Si Valerie naman ay sa recovery na din nila inilagay. Madalas mangyari sa dalaga ang mahimatay pagkatapos ng isang delikadong operasyon dahil sa sobrang pagod na sinamahan pa ng puyat.
"Mababa na naman ang sugar level niya, dehydrated din ang pasaway. Akala ko ba sabi n'yo na-late sila kanina ni Luke dahil nasobrahan ng tulog." Tanong ni Genesis na kila Abigail at Mia nakatingin. "Yun ang sabi niya pero 'di naman ako naniwala dahil kabisado ko na siya. Siguro, habang mahimbing na natutulog si Luke ay sinabayan niya ng pagbabasa. Tiyak na isang oras o baka ng 30 mins lang ang tinulog n'yan." Sabi ni Abigail. "Pasaway talaga!" Sabi ni Archer. "Mabuti pa ay lumabas na kayo. Pinababa na namin si Tita Lucy." Sabi ni Abigail. Sumunod naman ang dalawang doktor para makausap si Lucy sa labas ng Operating Room.
.......
"Good morning po. Dr. Archer Wenceslao po, siya naman po si Dr. Genesis Brillantes." Pagpapakilala ni Archer sa kanilang dalawa ni Genesis. "Good morning, kamusta na ang asawa ko?" Tanong ni Lucy. "Okay naman po siya. Nasa Recovery Room po siya at iniintay na lang namin na magising siya para mailipat na sa kwarto." Nakahinga ng maluwag si Lucy sa nadinig mula kay Genesis. "Mukhang madami po ang nagdasal para kay Dr. Villacorta, successful po ang operation niya." Nakangiting sabi ni Archer. "Maraming salamat sa inyo." Nangingilid ang luhang sabi ni Lucy. "Wala pong anuman." Sagot nila Archer at Genesis. Napalingon sila ng may tumawag kay Lucy.
"Ma!" Sigaw ni Luke. "Tapos na ba?" Baling ni Luke sa dalawang lalaki na kausap ng ina. "Opo, gaya ng sabi namin kay Mrs. Villacorta, successful po ang operation at iniintay na lang namin na magising si Dr. Villacorta." Para namang nabunutan ng tinik si Luke sa nadinig mula kay Genesis. "Nasaan si Valerie?" Tanong ni Luke dahilan para magakatinginan sila Archer at Genesis.
.......
Namimigat ang mga mata ni Valerie pero kailangan niyang gumising dahil may pasyente siya. Naiinis siya sa sarili dahil bumigay na naman ang katawan niya. Halos tumungga na siya ng energy drink at nakadami na din siya ng matapang na kape pero wala ding naging epekto. Pagmulat niya ng mata ay alam niya agad kung nasaan siya. Kahit maliit na lamp lang ang bukas ay kabisado niya na nasa Recovery Room siya. Ayaw niya kasi sa Emergency Room nag-stay kapag nagkakaganito siya dahil makakadagdag lang siya sa aasikusahin ng mga nurses doon.
"Sabi ni Archer kailangan mong magpahinga." Napatili si Valerie ng madinig ang boses ni Luke. Binuksan naman ng binata ang ilaw kaya nagliwanag na ang buong paligid. "Ano'ng ginagawa mo dito?" Pinigil ni Luke na tumayo ang dalaga, sa halip ay ini-adjust niya ang higaan nito para nakaupo ang posisyon ni Valerie.
"Ang akala ko si Papa lang ang nakahiga dito, pati pala yung doktorang nag-opera sa kanya mahihiga din sa tabi niya." Seryosong sabi ni Luke. "Kailangan kong puntahan si Tito." Binalak ni Valerie na umalis sa higaan pero mabilis siyang napigil ng binata. "Mahigpit na bilin ng mga kasama mo na huwag kitang hahayaang umalis d'yan." Umikot naman ang mata ni Valerie. "Gising na siya at ng makita ka niya ay tumaas ang blood pressure niya. Gusto mo bang magkaroon siya ng problema ng dahil sa pag-aalala sa'yo?" Bumuntong hininga si Valerie ng malaman ang nangyari kay Damian. "Kung gusto mo agad siyang makita, kumain ka muna at dapat daw ay maubos mo muna ang dextrose na 'yan." Ngumiti ng lihim si Luke ng makitang umayos na ng upo si Valerie.
Bumukas ang pinto ng Recovery Room at pumasok si Abigail na may dalang pagkain.
"Mukhang good girl ka ah." Nakangising sabi ni Abigail, inirapan naman siya ni Valerie. "Bilin ng pasyente mo, 'wag na 'wag ka daw pupunta sa kwarto niya hanggang bukas." Sabi ni Abigail. "Don't worry, malakas pa sa kalabaw yung pasyente mo, daig ka pa!" Natawa si Luke sa nadinig mula kay Abigail. "Luke, ikaw na bahala d'yan sa pasaway na 'yan. Iniintay na ako ni Andre sa parking eh." Kinikilig na sabi ni Abigail. "Abi!" Tawag ni Valerie sa kaibigan. "Byiieee." Sabi ni Abigail sabay kindat sa dalaga.
.......
"Aaahhhh..." Sabi ni Luke na hawak ang kutsara na may lamang kanin at ulam. "Hindi naman ako baldado. Kaya ko namang kumain mag-isa." Pagmamaktol ni Valerie. "Sabi ni Genesis, wag daw kitang masyadong papagalawin. Complete bed rest." Umikot na naman ang mata ni Valerie dahil sa sinabi ni Luke. "Naniwala ka naman sa mga doktor na 'yun? Masyado ng OA ha?" Gustong tawagan ni Valerie sila Archer at Genesis para sabunutan sa mga kalokohan ng mga ito. "Aaahhh..." Ulit ni Luke na inilapit pa sa bibig ng dalaga ang kutsarang hawak. Walang nagawa ang dalaga sa gusto ng binata kaya binuka na lang niya ang bibig para subuan siya nito.
.......
"Very good, Ma'am!" Sabi ni Luke na nakangisi. Hindi siya pumayag na hindi ubusin ni Valerie ang pagkaing dala ni Abigail. Matapos iligpit ang pinagkain ng dalaga ay naupo ang binata sa tabi ng dalaga.
"Ang akala ko kagabi nakatulog ka ng maayos. Dapat pala ikaw ang binantayan ko kagabi." Sabi ni Luke na nakatingin sa dalaga. "Madalang naman mangyari sa akin ito. Sobrang pagod lang siguro." Sabi naman ni Valerie. "Dapat sinabi mo sa amin para nabigyan ka pa namin ng ilang araw. Maiintindihan ni Papa ang sitwasyon kung sinabi mo lang." Sabi ni Luke. "Tulog at pahinga lang 'to, bukas okay na ko." Sabi naman ni Valerie. Biglang tumahimik ang paligid pero maya-maya naman ay nagsalita ulit si Luke.
"Maraming salamat." Ngumiti si Valerie. "Walang anuman." Sagot niya sa sinabi ni Luke.