webnovel

THE REUNION OF THE APPROACHABLES (2)

Lampas alas tres nang hapon nang matapos ang bahay kubo na ginawa nina William. Kinabitan iyon ni Mang Luis ng ilaw at saksakan para makapag-videoke sila duon, nanghiram na rin ito ng videoke sa kabilang barangay nang masulit ang pagtitipun-tipon ng magkakaibigan.

Ang ina naman ni Marble at ang dalaga'y naging abala sa pagluluto ng putahe para sa gagawing inuman. Tumulong na sina Ynalyn at ang ina nitong di na ntigil sa kapipisil sa kanyang balat sa panggigigil nang ipakilala siya ni Ynalyn dito.

Nakigulo na rin sina Merly, Charry at iba pang kasali sa gang nila noon. Ang simpleng inuman ay tila yata magiging bonggang handaan nang wala sa oras lalo na nang makiusyoso ang ilang mga kapitbahay nila at naghakot na ng mga lamesa't upuan sa harapan naman ng bahay. At ang isang kapitbahay ay umarkila din ng videoke at niyaya si Mang Luis ng kantahan. Nagpuntahan na rin ang mga kapitbahay nila, lahat ay nagpakagayak na tila pupunta sa kasalan.

Kaya napilitan nang lumabas ng bahay si Marble at makiusyoso sa mga ito. Ang alam niya kasi, sila lang ang mag-iinuman, paanong nakisali ang mga kapitbahay sa kanila?

Nagkakamot ng batok na lumapit ang ama sa kanya pagkatapos nitong makipag-usap sa lalaking umarkila ng videoke.

"Anak, pasensya ka na pero di ko mahindian ang mga kaibigan ko. Ngayon lang kasi sila lumapit sakin para makipag-inuman. Alam kasi nilang di ako umiinom ng alak," mahinang sambit ng ama.

Tinapik niya ang balikat nito.

"Okay lang po, tatay. Kaso di ko alam kung magkakasya ang luto natin kung ganito tayo karami. Para na kasing may reception ng kasal dito. Tignan niyo ang mantle ng limang mesang andito, para na ngang reception ng kasal ang atmosphere ngayon," mahina rin niyang sagot sa ama.

Hindi ito nakakibo lalo na nang magsipasukan sa kanilang bakuran ang iba pang kapitbahay at inukupa ang bakanteng mga silyang naruon.

Sa bilang niya'y aabot na sa trenta ang mga naruon. Kung pagbabasehan ang luto nilang para lang sana sa kanilang magkakaibigan, talagang di kakasya ang kanilang handa.

Subalit natigil ang kanyang pagkakalkula nang may biglang humintong sasakyan sa tapat ng kanilang bakuran. Natuon ang lahat ng atensyon sa dumating.

"Anak, may hinihintay ka bang bisita?" usisa ng ama.

"Wala!" Napalakas ang sagot niya pero nagulat siya nang makita si Gab na lumabas ng sasakyan.

"Sir Gab?" bulalas niya, sandaling natigilan sa nakita.

Bakit ito andito? Paano nitong nalaman ang kanilang bahay? Bakit nito alam na andito siya?

Puno ng pagtatakang lumapit siya rito, ito nama'y mabilis din ang mga hakbang na sumalubong sa kanya.

"Marble!" tawag nito sa kanya, nagulat pa siya nang humalik ito sa kanyang pisngi nang makalapit siya, huli na para makailag.

Lumapit na rin ang ama sa kanila.

"Sino siya, anak?" usisa ng ama, di nakilala ang binata.

"Tito, ako po ito. Si Binbin. Yung nagpunta dito noon."

Gulat siyang napatitig sa binata. Paano nitong nalaman ang palayaw ni Vendrick na ang pagkakaalam niya'y pamilya niya lang ang may alam? At si Ynalyn? At ito?

Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa lalaki at sa amang itinuro na ang una.

"Binbin? Ikaw talaga si Binbin?" tuwang paniniyak ng kanyang ama.

Tumawa nang malakas si Gab at niyakap na ang ginoo.

"Ang gwapo mo nang bata ka! Hindi na kita halos makilala," natatawang papuri ni Mang Luis.

Tahimik lang siyang nakikinig sa usapan ng dalawa pero hindi niya nagugustuhang nagkunwari si Gab bilang si Vendrick kaya't napilitan siyang sumabad.

"Sir Gab, ano pong ginagawa niyo dito?" usisa niya sa binatang natahimik bigla at pinaglipat-lipat ang tingin sa kanilang mag-ama pero nakapagtatakang di man lang nagulat ang kanyang tatay nang tawagin niya ang binata sa totoo nitong pangalan.

"I'm here para hingin ang kamay mo sa mga parents mo," nakangiting sagot nito saka tumingin sa kanyang ama.

"What?" gulat niyang sambit.

"Ah--iwan ko muna kayo, anak, Binbin. Aasikasuhin ko lang ang mga bisita ko," paalam ng ama nang mapansing kailangan nila ng privacy.

"Sir Gab, 'wag kayong magbibiro nang ganyan. Alam niyo naman pong kakakasal lang sakin," aniya sa lalaki.

Hinawakan nito ang kanyang magkabilang braso at yumukod nang kunti para magpantay ang kanilang mukha.

"I knew what happened to both of you. Sinabi sakin ni Chelsea na peke nga ang kasal niyo. Sa katunayan ay ikakasal si Vendrick kay Chelsea ngayon. 'Yun ang laman ng halos lahat ng newspaper sa manila," kwento nito.

Bigla niyang inilayo ang katawan sa binata kasabay ng pagtapik niya sa mga kamay na nakahawak sa kanyang magkabilang balikat at naikamot niya ang kamay sa batok ngunit umiwas ng tingin dito.

"Marble, babe..." malambing nitong tawag sa kanya.

"Besty! May bisita ka?" malakas na hiyaw ni Ynalyn habang papalapit sa kanila mula sa loob ng bahay. Napako ang tingin nito sa binata.

"Hi, long time no see. Ikaw si Ynalyn di ba?" bati ni Gab sa kaibigan.

"At ikaw si Binbin, di ba?" bulalas nito pagkuwan sabay hagikhik at agad na nakipagkamay sa binata.

"Ano'ng ginagawa mo dito? Asan ang alalay mong si Drick?" usisa agad ni Ynalyn, palihim pang tiningnan ang loob ng saasakyan nito kung may ibang tao duon.

"Ah, hindi ko siya kasama. Narito ako para mamanhikan sa mga parents ni Marble," walang gatol na sagot ng tinanong.

Bumaling sa kanya ang kaibigan.

"Siya ba ang ama ng dala mong bata, besty?" bulong sa kanya ng kaibigan.

Sasagot na sana siya nang biglang sumabad si Gab ng, "Oo, ako nga."

Salubong ang kilay na bumaling siya sa lalaki. Inis na sinimangutan niya ito. Bakit nagsisinungaling ito sa mga taong malalapit sa kanya? Pero ayaw niya itong ipahiya kaya tumalikod na lang siya't iniwan ang dalawang tila di naapketuhan sa kanyang ginawa, para talagang matagal nang magkakilala ang mga ito, nagbidahan agad.

"Bakit di mo papuntahin dito si Drick, namimiss ko na kasi siya," narinig niyang usisa ni Ynalyn.

Lalo niyang binilisan ang paglalakad para makalayo sa mga ito.

Ang mga kapitbahay nila'y nagbubulungan na habang nakamasid sa dalawa.

Dumiretso siya sa likod-bahay, sa bahay kubo na ginawa nina William upang suriin iyon kung kasya silang lahat na magbabarkada duon.

Wala iyong dingding, bubong lang at sa tantya niya'y limang metro kuwadrado ang luwang nun, maluwang kesa sa iniisip niya kanina. May isang baitang hagdan iyon bago makapasok sa loob na gawa sa kawayan ang sahig at mahahaba ang tatlong bench at malalapad ang sandigan ng mga iyon, lahat ay gawa sa kawayan. Sa gitna niyon ay naruon ang malapad na kuwadradong mesa at isang dipa lang yata mula sa kubo ay ang naka-standby na videoke. Napangiti siya sa nakikita ngunit bigla ring napabuntunghininga.

Naisip niya si William. Seguradong kilala din nito si Gab. Naiinis talaga siya sa huli. Ano ba'ng nangyari nung magpunta ito at si Vendrick dito? Bakit kilala ito ng lahat yata bilang si Binbin? At si Ynalyn ay Drick ang tawag kay Vendrick gayung iisa lang naman ang may-ari ng pangalang iyon?

Subalit mas tumatak sa utak niya ang sinabi ni Gab na ikakasal ngayong araw sina Vendrick at Chelsea, na nakalathala ang kasal ng mga ito sa halos lahat ng pahayagan. Tiyak na mapapanood din iyon sa TV. Manood kaya siya ngayon? Pero bumigat na lang basta ang kanyang dibdib, uminit bigla ang kanyang mga talukap.

Bwisit talaga! Peke daw ang kanilang kasal, yung marriage contract na pinirmahan niya kagabi. Sobra na ang ginagawa sa kanyang 'to ni Vendrick. Sumusobra na! May usapan silang mag-asawa sila for three months, bakit hindi ito sumunod sa kasunduan? Sabagay, yung kasunduan nga nilang dalawa bago sila makasal ay di nito sinunod kaya walang nakapagtataka duon kung ikasal man ito kay Chelsea ngayon.

Inihilig niya ang ulo. Hindi! Hindi siya pwedeng magpaapekto sa nalaman. Masaya siya dapat ngayon kasi makaka-bonding niya ang kanyang mga barkada noon kasama na si Ynalyn. Wala siyang dapat ikalungkot kasi nasa mismong bahay nila siya. Pakialam ba niya sa dalawang 'yun.

Pumihit na uli siya paharap sa kanilang bahay at nagsimula na uling maglakad papasok sa loob nang makasalubong ang inang nakahawak sa kamay ni Gab, hila-hila nito ang kamay ng binata habang papalit sa kanya.

"Marble, anak. Bakit di mo sinabing sinundan ka pala ni Binbin? Ikaw na bata ka? Kayo pala ang nagkatuluyan eh wala ka man lang sinasabi samin ng ama mo!" paninisi ng ina sa kanya na lalong ikinagalit niya sa lalaki.

Ngunit umiwas ng tingin si Gab sa kanya habang di inaalis ang ngiti sa mga labi.

Naipameywang niya ang kamay upang sawayin na ang ginagawa nito ngunit nahila na ito ng ina papasok sa loob ng bahay.

Lalo siyang nanggigil sa galit subalit agad ding napangiti nang makita ang mga barkadang sabay-sabay na nagpasukan, halatang mga bagong ligo, ready na lahat para sa inuman. Ang mga lalaki'y tig-iisang buhat ng case ng red horse at beer.

"Boss Jols. Ano na, sisimulan na ba natin ang tagayan?" ata na tanong ni William na nangunguna sa grupo.

"Oo bah!" mabilis niyang tugon. "Teka lang, maliligo lang din muna ako."

Chapitre suivant