webnovel

MISS YOU LIKE CRAZY

Nagkakantahan na ang lahat nang bumaba siya sa hagdanan. Nakita pa niya sa may sala si Gab na idinuduldol sa ama ang makapal na pera nito, pero inaayawan iyon ng huli.

"Sensya na, pero di ko matatanggap 'yan. May pera ang anak ko para sa handaan ngayon. Bisita ka namin dito kaya di ka pwedng gumastos. Kami na ang bahala sa lahat," katwiran ng ama habang mariing tinatanggihan ang pera ng binatang walang nagawa kundi ang ibalik iyon sa wallet nito.

"Tatay!" tawag niya.

Nagmamadaling lumapit ang ama sa kanya.

"Anak, nagpaluto uli ako ng mga putahe sa ina mo at kay kumareng Yna. Hindi na tayo kakapusin sa pagkain. Tsaka nagpaorder ako kanina pa ng isang buong litsong baboy At dalawampung litsong manok," malakas na wika ng ama.

Napangiti siya, alam niya kasing nagpaparinig lang ito kay Gab.

"Anak, wag kang mag-alala. Bibigyan ka namin ng bonggang reception dito," anang ama sabay tapik sa kanyang balikat.

"Ha?" maang niyang tanong, lumukot agad ang noo sa sinabi nito.

Ngunit agad na itong tumalikod at lumabas ng bahay.

Nagkibit-balikat na lang siya't lumabas na rin, dumiretso sa bahay kubo kung saan naruruon ang mga kaibigang nagtayuan agad nang makita siyang papalapit.

"Boss Jols! Maligayang pagbabalik!" Nagchorus ang mga ito sabay yukod sa kanya. Na-touched tuloy siya't isa itong nilapitan para bigyan ng friendly hug saka siya tumayo sa baitang ng bahay kubo.

"Maraming salamat sa inyong lahat. Hinding -hindi ko makakalimutan ang moment na to," maluha-luha niyang sambit.

Nilapitan na siya ni Ynalyn at hinila ang kamay paupo sa tabi nitong kanina pa nakaabang sa malapit sa videoke

"Ayeee, ang besty ko. Alam mo bagay na bagay talaga kayo ni Binbin. Ang gwapo-gwapo ng mapapangasawa mo!" kinikilig nitong sambit.

Hindi siya kumibo. Alam niya kasing si Gab ang tinutukoy nito.

"Congrats, Boss Jols," bati ni William, bumakas agad sa mukha ang lungkot ngunit pilit lang na ngumiti nang balingan niya.

Nag-chorus na uli ang lahat para batiin siya. Tipid na lang siyang ngumiti at sa halip na magpasalamat ay kinuha niya ang isang boteng redhorse sa mesa saka nakatatlong lagok duon bago iyon ibinalik sa pagkakalapag.

"Simulan na ang kasiyahan!" hiyaw niya.

Nagsunuran ang mga ito. Sabay-sabay silang nag-cheer habang may hawak na isang boteng alak at sabay-sabay ding uminom hanggang sa maya-maya'y napansin nila ang mga nagpaka-uniform na naglalapag ng mga litsong manom sa ibabaw ng mesa at isang buong litsong baboy.

"Woww! Andaming pulutan!" bulalas ni Charry.

Takang napabaling siya sa isang lalaking kasama sa mga nakaputing uniform, parang mga chef.

"Sino'ng umorder ng mga 'yan? Si tatay ba?" usisa niya.

Alanganing tumango ang tinanong at sumenyas na sa mg kasama para umalis na.

"Can i join you here?"

Napataas ang kanyang kilay pagkarinig sa boses ni Gab.

"Sure!" si Ynalyn ang sumabad at umurong nang kunti palayo sa kanya upang bigyan ng espasyo ang binata sa kanyang tabi pero nakapagtatakang tumayo si William na noo'y katabi ni Merly at lumipat sa kanyang tabi saka hinila palapit sa inalisan nito si Merly, naipit siya sa pagitan ng dalawa.

"Amin muna si Boss Jols ngayon," seryoso nitong sambit ngunit nakatingin sa lamesa't dinampot ang isang boteng redhorse at lumagok ng alak.

Nagtataka man sa ginawa ng kaibigan ay napangiti na rin siya.

Walang nagawa si Gab kundi ang tumabi na lang kay Ynalyn habang ang dalaga nama'y mahinang sinuntok sa braso si William.

"KJ ka talaga William," inis na sambit nito sa binata.

"Salamat," bulong niya kay William.

"Sumusunod lang ako sa utos ni Manong Luis. Bantayan daw kita," pabulong na sagot nito.

Napahagikhik siya. Kung anuman ang iniisip ng ama'y wala na siyang pakialam basta natutuwa siya sa mga pakulo nito. Marahil ay napansin nitong ayaw niya kay Gab kaya ito na ang gumawa ng paraan para di siya malapitan ng binata.

"Gumamit kayo ng baso. Baka mamaya, malasing kayo agad. Mahaba pa ang araw," paalala ni Merly sa mga kasama saka isa-isa silang binigyan ng maliliit na mga baso, tama lang sa isang lagok.

Ilang minuto pa'y hagikhikan na ang maririnig sa kanila habang nagkukwentuhan ng mga buhay nila sa loob ng limang taon at ang hirap ng kanilang mga pinagdaanan.

Nang oras na niya para magkwento ay iniligaw niya sa ibang direksyon ang storya tungkol sa kanyang pag-aaral ng secretarial. Tawanan naman ang mga ito. Liban duo'y wala na siyang nabanggit na iba pa.

Hanggang sa di nila namamalayang gabi na pala.

"Basta ako, pupunta akong manila at hahanapin ko duon ang aking future husband na si Drick!" sambulat ni Ynalyn, halatang may tama na sa nainom na alak.

Ewan ba niya kung bakit biglang kumulo ang kanyang dugo at wala sa sariling natungga ang laman ng hawak na boteng redhorse.

"I can give you his number if you like," ani Gab sa dalaga.

Biglang humagikhik ang matalik na kaibigan.

"Sige! Sige! Gusto ko siyang kausapin ngayon." Excited agad si Ynalyn.

Nahablot niya kay William ang hawak nitong bote ng beer at iyon naman ang kanyang tinungga.

"Boss Jols, dahan-dahan lang, baka malasing ka agad," saway ng binata.

Itinaas niya lang ang isang kamay saka tinusok ng tinidor ang hita ng litsong manok sa kanyang harapan at parang gutom iyong nilantakan habang nakikinig sa usapan ng dalawa sa tabi ni William.

"Ayyy! Nagriring!!!" bulalas ni Ynalyn, pumalakpak na.

Tumayo na siya't gigil na kumuha uli ng isang boteng redhorse sa gitna ng mesa habang ang ibang mga kasama'y hinawakan na ang microphone at nagsimulang kumanta sa videoke.

"Boss Jols, baka malasing ka na niyan," sita uli ni William.

Tumawa siya nang pagak saka tinapik ang balikat nito.

"Don't worry, i can handle myself," sagot niya't muling umupo habang hawak ang bote ng alak.

Pumailanlang sa ere ang kantang "A Man without Love." Bumirit ng kanta si Roland.

"Boss Jols, Alas syete pa lang pero namumula na ang pisngi mo. Lasing ka na ata eh," pansin ni Charry sa kanya, nakaupo ito sa katapat nilang bench.

"Hindi ako basta malalasing," pumipiyok niyang sagot at isiniksik ang sarili sa kunting espasyo para lang makaalis sa kinauupuan at mapuntahan ang videoke.

Nagkatinginan ang magbabarkada, pansin ng mga itong nalasing agad siya kaya tumayo na si William para alalayan siya lalo na nang pasuray-suray siyang lumapit kay Roland at kinuha ang mic mula sa binata.

"Ako muna ang kakanta, Roland. Matagal na din akong di nakakahawak ng microphone," pumipiyok na uli niyang sambit.

Sinenyasan ni William ang matalik na kaibigan para ibigay sa kanya ang mic.

"Hanapin mo dyan ang 'I Miss You Like Crazy, William," utos niya sa kaibigan nang damputin nito ang song book para sana ibigay sa kanya habang siya nama'y binigyan ni Merly ng silya ngunit humawak lang siya sa head board niyon at nanatiling nakatayong nakaharap sa videoke patalikod sa mg kaibigan.

Dahil alam ni William ang mga paborito niyang kanta noon, agad itong namindot ng numero sa keyboard, maya-maya'y pumapailanlang na sa ere ang intro ng binanggit niyang kanta.

Tumahimik ang lahat, sumeryoso ang mga mukha habang nakatingin sa videoke.

Nagsimula siyang kumanta, malamig ang boses, mas maganda kesa sa orihinal na umawit niyon.

Subalit sa bawat pagbigkas ng lytics ng kanta ay tila may kung anong dumadagan sa kanyang dibdib. Iyon ang madalas niyang pakinggan sa youtube pag namimiss si Vendrick noon na agad naman niyang pinapatay 'pag lumalapit sa kanya si Erland.

Kaya seguro di niya lubusang nakalimutan ang asawa dahil walang sandaling hindi niya ito naaalala.

Pumiyok bigla ang kanyang boses pero tuloy pa rin sa pagkanta. Nagkatinginan ang magbabarkada, si Ynalyn ma'y kunut-noong napatingin sa kanyang likuran pagkuwa'y bumaling kay Gab.

"Iyon ang madalas kantahin ni Marble nung wala ako," nakangiting sambit ng binata.

"Bakit? Saan ka ba nagpunta?" usisa ni Ynalyn.

"Sa Canada. Duon kami nag-aral ni Drick," sagot nito.

Napanganga si Ynalyn, lalong kinilig nang malamang sa Canada nag-aral ang pinapangarap na lalaki.

Habang siya'y di mapigilang pumatak ang luha sa mga mata habang umaawit ngunit sa isip ay naruon ang mukha ni Vendrick, pinagtatawanan siya habang nakayakap kay Chelsea at ang babae nama'y nakahalik sa mga labi nito.

Bakit? Bakit kailangan pang magsanga ang kanilang landas ng lalaki kung sa huli'y siya lang din ang masasaktan? Bakit kailangan pa siya nitong gantihan sa nangyari sa kanila noon kung siya man ay isang biktima lang din sa ginawa ng ama nito?

Gumaralgal na ang kanyang boses habang patuloy sa pagpatak ang luha sa kanyang mga mata kaya itinigil na niya ang pagkanta't napahigpit ang hawak sa dulo ng silyang nabigatan yata sa kanya kaya nabuwal at muntik na siyang mapasubsob sa lupa kung hindi siya nahawakan sa beywang ng akala niya'y si William at nahila siya patayo.

"Kaya ko pa, William. Don't worry," humahagikhik niyang sambit.

"No! You're already drunk." Pabulong lang ang boses na 'yun subalit malamig at puno ng awtoridad.

Napanganga siya lalo na nang maamoy ang pamilyar na pabangong 'yon.

'It can't be!' hiyaw ng kanyang isip.

Chapitre suivant