webnovel

Pareidolia

HINAYAANG dumaloy ni Katheria ang tubig galing sa shower papunta sa iba't ibang bahagi ng kanyang hubo't hubad na katawan. Pinipilit niyang kalimutan ang kanyang mga nakita kaninang umaga pero tila ba naka-imprinta na sa kanyang utak ang imahe ng mga nakakadiring bangkay nina Vanessa at Krystall. Natatakot siyang baka bukas o samakalawa ay isa na rin siyang malamig na bangkay na pinagluluksaan na ng kanyang mga kaanak. Muntik pa nga siyang maakusahan na siya ang pumatay sa dalawa. Pati tuloy pagkakaibigan nila ni Mayumi ay parang nagkaroon na ng lamat nang dahil lang sa maling mga bintang laban sa kanya.

Bigla na lang niyang narinig na kumalam ang kanyang sikmura. Naalala niya bigla na hindi pa pala siya naghahapunan dahil nagpa-iwan muna siya mag-isa para makaligo. Nanlalagkit na kasi ang pakiramdam niya. Pati kasi mga tagapagluto ng kanilang kantina ay hindi rin pinalampas ng pumapatay. Nagtiim-bagang na lamang siya dahil sa inis.

"I'll [kill] them talaga 'pag hindi nila ako tinirahan ng pagkain," aniya at saka humuni ng kanta na Di Na Muli ng The Itchyworms.

Wari-wari ay narinig niya ang paglangitngit ng pintuan ng kanilang paliguan, kung saan siya naroroon. Sandali siyang napatigil sa kanyang ginagawa at binuksan ang shower curtain.

"Sino 'yan? May tao ba diyan? Rioka? Eliza?" usal nito habang nagpalinga-linga pa. "Is that you losers?" dagdag pa nito patungkol sa iba pa niyang mga kasama sa kanilang kwarto na sina Chynna at Andrea.

Nabigla siya nang makitang kanina pa pala bumubulwak ang dalawang mga gripo sa lababo, malapit sa pintuan ng paliguan. Agad siyang nagtaka nang makitang sira na ang mga ito. Kailangan niyang makahingi ng tulong sa kanyang mga kasama baka kasi wala silang matulugan ngayong gabi kapag napuno na ng tubig ang buong kwarto. Akma na sana niyang bubuksan ang pintuan para makaalis pero naalala niyang baligtad pala ang pagkakalagay ng doorknob. Ang masaklap pa, naka-lock ito sa kabila! Pinilit niyang buksan at itulak ito pero hindi sapat ang ibinibigay niyang lakas dahil hindi naman kalakihan ang kanyang katawan. At isa pa, hindi siya sanay sa ganitong mga gawain.

Nahintakutan siya nang maramdamang nagsisimula na ring tumaas ang tubig sa comfort room. Nasa may baywang na niya ito! Walang anu-ano'y bigla siyang napatingin sa salamin ng paliguan. Nanlumo siya sa kanyang nakita sa salamin. Pulang mga letra na tila lipistik ang ipinansulat sa nakakagimbal na babalang ito.

[DADALHIN KITA PABALIK SA IMPYERNO!]

Bigla siyang napasigaw. Napuno ng nakakakilabot na paghingi ng tulong niya ang buong kwarto. Pilit niyang kinakalampag ang sirang pintuan, umaasang makakalabas pa siya ng buhay. Sinusubukan niya ring pigilan ang malakas na pagtagas ng mga gripo kahit na nasa dibdib na niya ang taas ng tubig, ngunit hindi siya nagtagumpay sa kanyang mga layunin.

Nahagip ng kanyang mga mata ang mga nakasulat sa salamin. Naghihiyaw siya sa galit.

"P-putangina mo! P-papatayin kitang h-hayop ka! Putangina! P-palabasin mo ako dito!" garalgal niyang sigaw dahil sa nasa may bibig na niya ang taas ng tubig.

Agad siyang tumungtong sa gilid ng bath tub nang maalala niya ito. Ngunit bigla siyang nadulas at natamaan ang buto na nasa harapan ng kanyang mga hita.

Napadaing siya dahil sa sakit, pero pinilit niya pa ring makatayo. Ngunit hindi na niya abot ang taas ng tubig. Lampas-tao na ito!

Sa kanyang huling mga paghihingalo ay saglit niyang naalala ang kanyang mga kaibigan. Ang tanging mga tao na tumanggap at nagmahal sa kanya ng totoo at lubusan.

Samantalang wala namang kaalam-alam ang mga magkaklase na may nalagas na naman sa kanila habang masaya nilang nilalamutak ang mga pagkaing handa ni Chynna, maliban sa isa.

Nang wala na siyang marinig na ingay sa loob ng paliguan ay napahalakhak siya ng mahina sapagkat nagtagumpay na naman siya. Pagkatapos noon ay mabilis siyang bumalik patungo sa kanyang mga kasama. Bitbit niya sa kanyang pandinig ang mga huling halinghing ng malditang si Katheria.

•••

"MATAGAL pa ba 'yan, Chynna?" tanong ni Miko at saka niya ipinatong ang kanyang mukha sa kaliwang kamay niya na nakatukod sa lamesa.

"Ikaw talaga Miko, Napakapatay-gutom mo talaga," natatawang sambit ni Hugh sabay tulak sa kanyang katabi, dahilan upang muntikan nang tumilapon si Miko sa kanyang kinauupuan.

"Sa nagugutom na nga ako e," saad ng lalaki sabay balik sa dating ayos nito. Napailing naman si Hugh sa tinuran nito.

"It's so boring na talaga. Ang tagal kasing magluto ng dalawang nerd," matamlay na utal ni Eliza dahilan upang bumaling ang atensyon ni Chynna sa kanya mula sa kanyang niluluto.

"Dapat ka pa ngang magpasalamat e kasi nilulutuan pa kita, [Señiorita]," sarkastikong sambit ni Chynna kay Eliza—na umirap naman sa kanya bilang tugon nito.

"Boring ba kamo? O eto. May dala akong baraha. Laro tayo unggoy-unggoyan," nasasabik na sabi ni Xyryl sabay labas ng baraha mula sa bulsa ng dyaket nito.

Sumang-ayon naman sina Agustus, Eliza, Hugh, Kian, Miko, Rioka, at Theo sa imbitasyon ni Xyryl upang maglaro. Niyaya pa nga nila si Rixxtan na sumali sa kanila ngunit hindi sila pinansin nito. Nagtaka tuloy sila sa malalagkit na titig nito kina Andrea, Chynna, at Mayumi na kasulukuyang nagluluto ng kanilang hapunan.

Dahil sa si Xyryl naman ang may-ari ng baraha ay ito na ang nagbahagi ng mga baraha sa kanilang walo. Kumuha siya ng isang piraso ng baraha at itinago ito sapagkat isa ito sa mechanics ng laro. Sisilipin pa sana niya ang harapan ng baraha ngunit nakita niya na nakatingin pala sa kanya sina Eliza at Kian. Natawa tuloy siya sa ginawang paninigurado ng dalawa.

"Para mas exciting ang laro, let us mark the losing person with this... " saad ni Eliza at saka niya inilabas ang isang pulang lipistik mula sa kanyang [Louis Vitton] na shoulder bag, na sinang-ayunan naman ng iba pa.

Habang masayang naglalaro ang walo ay tahimik namang kinukunan ng litrato ni Hazel ang kanyang mga kaklase. Napatingin siya sa gawi nina Winter at Zaira. Seryosong-seryoso ang dalawa habang nagtitipa sa laptop nito ang lalaki, habang ang babae naman ay nagsusulat ng kuwento sa kwaderno nito. Dahan-dahan niyang kinunan ng litrato ang dalawa. Napangiti siya sa nakita. Para sa kanya, bagay silang dalawa. Papasang [love team].

Sa kabilang lamesa naman ay naroon si Lawrence na nasa malalim na pag-iisip habang may hawak-hawak ito na isang piraso ng papel. Sandali niyang kinunan ng litrato ang binata, baka kasi mahuli na naman siya nito gaya noong una. Napangisi siya nang tingnan ang litrato. Lantad na lantad kasi dito ang kakisigan ng binata. Agad niyang ibinaling ang kanyang mga mata kina Chynna nang makitang titignan na siya ni Lawrence. Bumilis bigla ang tibok ng kanyang dibdib.

Tanaw na tanaw ni Hazel ang masasayang mga pagmumukha nina Andrea, Chynna, at Mayumi habang nagluluto ito. Tila ba nabibilang lang sila sa iisang grupo kung umasta. Hindi naman kasi lingid sa kanya ang parating bangayan nina Chynna at ng mga kabarkada ni Mayumi—na sina Eliza at Katheria. Nakita pa nga niyang umismid si Eliza dahil sa tawanan nina Mayumi at Chynna. Marahan niyang ipinukos ang lente ng kanyang kamera sa tawanan ng mga nagluluto. Ngumiti siya nang bahagya, ngunit maya-maya'y bigla siyang nangilabot nang wari-wari ay may naaninag siyang tao sa madilim na hallway patungo sa stock room ng kantina, mula sa kanyang kuhang litrato. Nagkipit-balikat na lamang siya sapagkat baka bunga lang ito ng kanyang pareidolia (1).

"What can you tell about the taste, Andrea?" mahinhing tanong ni Mayumi habang kasalukuyan nitong ipinapatikim sa dalaga ang kanyang ginawang pagtimpla sa kanilang niluluto.

"Sa totoo lang Mayumi ha, matabang pa siya... kulang pa siguro sa toyo. Pero hindi naman sa sinasaktan ko ang damdam—" ani Andrea ngunit agad naman siyang pinigilan ng babae.

"Ano ka ba? It's okay lang kaya for me," ngiting sambit ni Mayumi sabay hanap sa lalagyan ng toyo.

"Wala nang toyo diyan. Kumuha ka muna sa stock room, Andrea," kalmadong utos ni Chynna sa dalaga ngunit hindi ito gumalaw man lang.

"O ano?" aniya. "Ahh... oo nga pala." Sandali siyang napatigil dahil sa may napagtanto siya. "Takot ka nga pala sa dilim."

"I'll do it na lang for Andrea, Chynna," pursigidong sambit ni Mayumi na tila ba sasabak sa isang labanan.

"Sige, Mayumi. Ingat lang ha, baka madapa ka. Sira pa naman 'yung ilaw doon," utal ni Chynna habang naghahalo ng kanyang niluluto, nang hindi tumitingin sa dalaga.

Sa katunayan, nasa gilid lamang ng kusina ang daan patungo sa stock room. Ngunit isa munang hallway ang dadaanan bago makarating sa mismong stock room ng naturang kantina. Sa dulo naman ng naturang hallway ay dalawang pintuan ang makikita. Isa sa kaliwa—kung saan matatagpuan ang [dry goods]—at isa naman sa kanan—kung saan naman naroroon ang [wet goods].

Malamig na simoy ng hangin ang agad na sumalubong sa dalaga nang tuluyan na itong makadaan sa makipot na hallway. Muntikan pa nga siyang madulas dahil sa likido na nakakalat sa sementadong sahig.

Bumaling siya pakaliwa upang makita ang pintuan na may nakatatak na [Dry Goods]—at dahan-dahan itong binuksan.

Nakakasulasok na amoy na tila nabubulok na karne ang agad na nasinghot ng dalaga nang makapasok na ito ng silid. Mariin niyang tinakpan ng kanyang maputing palad ang kanyang matangos na ilong. Kinapa niya ang switch ng ilaw sa may pintuan ngunit naalala niyang sira pala ito. Mabuti na lamang at maliwanag ang sinag ng buwan ng mga sandali na iyon, na sumisilip sa bukas na jealousie ng silid.

Hinagilap niya ang lalagyan ng mga toyo, at matagumpay niya namang nahanap ang kinalalagyan nito. Ngunit bigla siyang nadapa!

Tila ba nakuryente ang kanyang katawan nang makita ang dahilan ng kanyang pagkadapa.

Isa itong patay na tao—na inuuod na. Mariin niyang ipinahid sa kanyang palda ang nahawakan niyang dugo nito. Amoy na amoy niya dito ang nabubulok nitong laman. Gusto niyang magmura, dahil para sa kanya, hindi na siya dapat nagboluntaryo pa na pumunta sa mismong stock room.

Sinipa niya gamit ng kanyang kanang paa ang bangkay nang tuluyan na siyang makatayo. Natusok pa tuloy ng kanyang suot na takong ang malambot na tadyang nito. Nandiri siya sa piraso ng laman na sumama pa sa kanyang daliri sa paa. Agad naman niya itong ipinagpag sa kawalan.

Inabot niya ang lalagyan ng mga toyo na nasa isa sa mga estante, malayo sa pintuan ng silid.

Walang anu-ano'y bigla na lamang nandilim ang kanyang paningin, nang may tumakip sa kanyang ilong gamit ang isang panyo na may halong nakakahilong kemikal.

•••

Footnotes:

(1) Pareidolia

— it is the human ability to see shapes or make pictures out of randomness.

— the tendency to perceive a specific, often meaningful image in a random or ambiguous visual pattern.

©Merriam-Webster Dictionary, 2019

Chapitre suivant