webnovel

Stock Room

TAWANG-TAWA ang walong naglalaro ng baraha sapagkat ang pinakamaraming talo sa kanila-na sina Hugh at Miko-ay punong-puno na ng mga marka ng pulang lipistik.

"Ang unfair naman! Sabi isang guhit lang e. Kainis... din-rawing-an pa ako ng mga pota ng bigote," naiinis na utal ni Hugh habang tinitingnan ang kanyang mukha sa maliit na salamin ni Eliza.

"Atleast sa'yo bigote lang. E sa'kin? May nag-drawing ng eyeglasses!" pasigaw na sambit ni Miko habang tumitingin kay Xyryl-ang may gawa ng naturang marka.

Pinakita naman ni Xyryl ang kanyang kanang kamao sa binata, simbolo na huwag na itong umangal pa. "Laro lang naman 'yan. Tangina," bulong pa nito.

"Ahh... Chynna? Hindi mo ba napapansin na kanina pa hindi bumabalik si Mayumi?" nanginginig na tanong ni Andrea.

"Hintayin mo na lang. Baka maya-maya andito na 'yun," saad ng dalaga, habang hinuhugasan ang mga kumpol ng preskong mga pechay.

"Pero Chynna... halos 30 minutes na siyang wala," ani Andrea. "B-baka p-patay na rin s-siya."

"Kung nag-aalala ka talaga para sa kanya, sunduin mo na lang siya—na 'di mo naman gagawin dahil walang ilaw do'n ano?" Saglit niya pang tiningnan si Andrea, na naka-upo rin sa kanyang tabi, pinapaaalahanan na huwag itong mag-alala. Tumango naman ito sa kanya nang dahan-dahan bilang tugon.

Walang anu-ano'y bigla na lang lumapit sa kanila si Zaira. "Hello. Ako na lang ang susundo kay Mayumi. Tutal kukuha rin naman ako ng gatas do'n sa stock room," malumanay na saad nito sa kanilang dalawa.

"O siya... sige," saad ni Chynna. "Bilisan mo na lang. Malapit na din 'tong maluto lahat. Mamaya kakain na rin tayo."

Saglit namang nagkatinginan sina Andrea at Zaira. Unang bumawi ng tingin ang unang nabanggit.

Napakadilim na hallway ang bumungad kay Zaira nang tuluyan na siyang makapasok dito. Suminghot siya ng dalawang beses nang may maamoy siyang tila patay na daga. Pagkarating niya sa harap ng pintuan na may nakatatak na [Wet Goods], saglit niyang inayos ang kanyang mga salamin sa mata upang klaruhin ang mga salitang nakasulat dito. Nang mapagtantong nagkamali siya, tumalikod siya at dahan-dahan na lumapit sa pintuan ng [Dry Goods]. Nagtaka siya nang makitang nakaawang ang pintuan, at nahinuhang dito nagmumula ang tila ba baho ng patay na hayop. Marahan niyang binuksan ito at at hindi na isinara pa.

"Mayumi? Andito ka ba?" tawag niya kay Mayumi at sinubukang pindutin ang switch ng ilaw. Nang makitang hindi naman gumagana ang ilaw, marahan niyang binuksan ang nag-iisang jealousie ng silid. "Mayumi? Tara na," dagdag pa niya na halos pabulong na habang nakatingin sa labas ng bintana.

Bigla siyang nangilabot nang tila may naaninag siyang tao sa labas ng bintana. Agad niya namang isinarado ito, dahilan upang mapatingin sa bintana ang misteryosong taong iyon.

"Asan ka na ba, Mayumi?" halos pabulong na utal niya.

Nagpalakad-lakad pa siya sa buong kwarto upang hanapin ang estante ng mga gatas.

Sa kanyang paghahanap, ay may naaninag siyang taong nakahandusay. Mas lumalakas ang kanyang bahong naaamoy habang papalapit siya rito.

"Mayumi?" Nilapitan niya ito at tinapik. "Bakit ka natutulog dito? May killer sa lab-"

Napahinto siya sa pagsasalita nang aksidente niyang matusok ng kanyang kanang hintuturo ang malambot na na laman ng patay na taong ito. Ang kanyang kanina pa pala naamoy na tila ba amoy ng patay na daga ay amoy pala ng nabubulok na bangkay ng tao! Naramdaman niyang umakyat ang libo-libong boltahe ng kuryente sa kanyang katawan. Umatras siya nang umatras at mabilis na tumalikod. Ngunit nang akma na siyang lalabas ng silid, isang puting papel ang kanyang nakitang nakasuksok sa pintuan. Agad niya itong kinuha. Pagkatapos, kumaripas siya ng takbo pabalik sa kantina. Takot na takot.

["Sorry had to go back to the dorms."] Mahinang basa ni Andrea sa piraso ng papel na iniwan daw ni Mayumi, ayon kay Zaira.

"Kanina mo pa binabasa 'yan, Andrea. Ano pa bang ikinatatakot mo?" saad ni Chynna at saka tumingin ng diretso sa dalaga na nasa kanyang harapan.

"'D-di ko nga rin alam, e. B-bsta kinakabahan pa rin ako. P-paano kung..." sambit ng nanginginig na si Andrea. "p-patay na rin siya?"

"No. Hindi pa siya patay. Gumagana na naman 'yang imahinasyon mo, Andrea. 'Di ba sabi nga niya na pupunta muna siya pabalik sa dorm?" paliwanag ng dalaga habang sinasalin na sa isang malaking mangkok ang adobong manok na kanilang naluto.

"Hmm... ang bango naman!" halos pasigaw na na sambit ni Hugh. Sinang-ayunan naman siya ng kanyang ibang mga kaklase.

["Oo nga."]

["Natatakam na tuloy ako."]

["Mukhang adobo a!"]

["Kakain na ba tayo?"]

"Wait lang, mga ma'am at sir. Ihanda niyo na muna 'yang mga lamesa diyan," pabirong sambit ni Chynna sabay bigay ng mangkok kay Rixxtan-na ipinatong naman niya sa ibabaw ng lamesa kung nasa naglalaro ang ilan sa kanyang mga kaklase.

"Pwede patikim?" utal ni Kian sabay tusok sa sabaw ng adobong manok gamit ng kanyang kanang hintuturo. Agad namang nandiri ang ilan sa kanyang mga kaklase.

"Eww... so gross! Kahit kailan talaga, napakaweird mo, Kian!" nandidiri namang untag ni Eliza habang mahinang tinutulak ang kanyang katabing si Kian. Tinawanan naman siya nito.

"P-pero Chynna. 'D-di ba wala namang daan p-palabas doon sa stock room?" pagpapatuloy ni Andrea sa kanyang mga katanungan sa dalaga.

Tumawa saglit ang dalaga. "May pintuan doon sa likod ng mga estante, palabas. Sigurado ako," sambit ni Chynna. "Dating tindera kasi rito ang mama ko." dagdag pa niya sabay bigay ng dalawang bandehado ng mga pansit palabok kina Theo at Rixxtan.

Hindi naman nakaligtas sa paningin ni Andrea ang biglang pagkalungkot ng mukha ni Chynna.

"Kainan na!"

"Wait, picturan ko muna," ani Rioka, bagay na sinimangutan ng halos lahat sa kanila.

•••••

TAPOS nang kumain ang buong seksyon ng Euclid at kasulukuyan na sila ngayong nagpapahinga. Nagboluntaryo naman sina Hazel, Zaira, at Lawrence upang hugasan ang lahat ng kanilang mga pinagkainan. Samantalang, si Eliza ay kanina pa nagtataka sapagkat hindi pa pumupunta si Katheria sa kantina, habang si Mayumi naman ay kanina niya pa hindi mahagilap.

"Hey losers!" tawag ni Eliza habang kumakaway kina Andrea at Chynna na kasalukuyang naglalaro ng baraha. "'Di ba Mayumi's with you kanina? Where is she na ba?"

"Mukha ba ako hanapan ng mga nawawala? Lost and found lang ang peg?" sarkastikong utal ni Chynna, dahilan upang magpantig ang mga tainga ni Eliza.

Dahil sa kanilang ginagawang komosyon, napatingin sa kanila ang ilan sa kanilang mga kaklase.

["Go Miss Campus Queen."]

["Suntukin mo na iyan."]

["Kill her off bitch!]

["Hoy, itigil niyo na nga iyan!"]

"Are you fvcking nuts? Kung sabagay... baliw rin naman 'yung nanay mo. So that perfectly means na may sayad din 'yung anak," halos pabulong na sabi ni Eliza, pero sapat na upang marinig ito ni Chynna.

"'Wag mong madamay-damay ang nanay ko rito ha, kundi kakalbuhin talaga kitang amerikanang hilaw ka!" Akma na sanang lalapitan ni Chynna ang dalaga ngunit mariin na siyang pinigilan ni Andrea.

"S-si Mayumi... p-pumunta daw siya pabalik ng d-dorm," utal-utal na sambit ng dalaga, dahil hindi pa din siya naniniwala na bumalik nga talaga si Mayumi sa kanilang dormitoryo.

"So that settles it. Baka she is with Kath na. You know, friendship goals," saad ni Eliza habang kinumpas-kumpas pa ang kanyang kanang braso sa kawalan. "See you around, losers. Ingat sa killer..." dagdag pa nito at saka tumalikod, dahilan upang magtago si Andrea sa likod ng nagtitiim-bagang na si Chynna.

HABANG naghuhugas ng plato sina Hazel at Lawrence ay hindi sinasadyang mahawakan ng binata ang malambot na palad ng dalaga. Nang akma na sanang babawiin ng babae ang kanyang kaliwang kamay ay pinigilan siya ng lalaki, sapagkat ayaw niyang bitawan ito. Nagkatinginan sila ng ilang saglit ngunit agad namang yumuko si Hazel. Masusi namang pinag-aralan ni Lawrence ang bawat detalye ng mukha ng kaharap niyang binibini. Mula sa mapupungay nitong mga mata na tila ba nangungusap, sa matangos nitong ilong na animo'y hinulma ng isang batikang manlililok, sa makinis nitong balat na animo'y hindi nasikatan ng araw, at sa maninipis nitong mga labi na parang iniimbitahan siyang halikan ang mga iyon. Agad naman siyang napabalik sa reyalidad nang marinig niya ang marahas na pag-ubo ni Zaira.

"Ahem! Ahem!" Pekeng pag-uubo ni Zaira.

"Sorry Hazel. May naaalala lang ako," paghingi ng paumanhin ni Lawrence kay Hazel. Mabilis naman itong tinanggap ng dalaga.

Sa katunayan, habang tinitingnan ni Lawrence si Hazel ng napakalagkit, ay lumakas bigla ang tibok ng kanyang puso. Nagdasal siya na sana hindi iyon narinig ng binata. [Baka kung ano ang kanyang maisip. Mahirap na!]

"Guys! Guys! Listen up! Balik na tayo ng dorm after 7 minutes. Dapat sama-sama tayong lahat ha?" ma-otoridad na sambit ni Winter sa kanyang mga kaklase.

"But Mr. President... how about Kath and Mayumi? Hindi pa sila kumakain," tanong naman sa kanya ni Rioka.

"Dalhan niyo na lang," maikling sambit ng kanilang Student Council President at saka ito bumalik sa pagtitipa sa kanyang laptop.

•••••

KUMALAT ang lamang ulam at kanin na dala nina Rioka at Andrea sa sahig na napupuno ng tubig nang tuluyan na silang makapasok sa kanilang silid.

Isang malakas na palahaw ang narinig sa buong pang-apat na palapag ng naturang gusali matapos na mag-proseso sa utak ni Rioka ang kanyang nakitang karumal-dumal.

Chapitre suivant