webnovel

Unang Kabanata

"'Ma, girlfriend ko, si Hera."

Dagli kong inabot ang kamay ng ginang na lumabas mula sa kusina ng bahay nina Grey.

Ngumiti ito sa akin nang mabini. Ngumiti rin ako pabalik.

"Magandang araw po," Wika ko pa.

"Kumain na ba kayo ng tanghalian?" Tanong ng mama ni Grey.

Sabay kaming tumango habang umuupo sa mahabang sofa sa sala.

Limang taon na kami ni Grey at ngayon pa lamang niya ako napakilala nang maayos sa mama nya. We are in an LDR for five years.

Paminsan-minsan kong nasisilip ang mama niya habang magka-video call kami pero hindi ito humaharap sa akin noon.

Matagal na daw ako nais makita ng ginang pero hindi namin ito mapagbigyan dahil na rin na napakabusy kong work schedule as a call center agent.

Isang linggo na ang nakalipas nang mapagdesisyon namin ni Grey na tumira na ako sa kanila para makapaghanap ng bagong field ng trabaho. Puros call center company kasi ang nakapalibot sa siyudad na pinanggalingan ko kaya mahirap maghanap ng bagong oportunidad para sa graduated student katulad ko.

Mag-isang pinalaki ni Tita Lila si Grey. Ang sabi sa akin ni Grey noon, hindi niya nasilayan kahit minsan ang tatay niya. Kahit pa nais niyang hanapin ito, lagi siyang pinipigilan ni Tita Lila dahil patay na raw ang tatay niya. Ang kaso, hindi naman masabi ni Tita kung saan nakalibing ang tatay ni Greg. Animo'y tinatago nito ang kinahihimlayan ng dating asawa sa anak.

Ngayon lamang ako tuluyang nakalipat sa bahay nila dahil na rin sa pahirapang pag-alis sa dati kong tinutuluyan. Nakahanap na rin ako ng bagong mapapasukan bilang isang cashier staff sa restaurant, isang sakay mula sa bahay nina Greg.

"Ito't humigop kayo ng sabaw," Pukaw ni Tita sa amin habang dala ang isang tray na may dalawang mangkok.

Nilingon ko ang bintana sa gilid namin para tignan ang buhos ng ulan kasabay ng ilang kulog.

"Anong oras darating si Kuya Cyan?" Tanong ni Grey sa ina.

Umupo si Tita bago sumagot, "Mamaya pang gabi ang dating ng mga iyon."

Kumunot ang noo ni Grey, "Mga?"

Tumango si Tita habang nagbuntong-hininga.

"Kasama niya ang asawa niya?" Tanong muli ni Grey na may halong pagkairita.

"Anak, Grey. Hindi mo masisisi ang Kuya Cy mo," Sagot ni Tita. "Mahal na mahal niya ang babaeng iyon."

"Ilang beses pa ba siya kailangan lokohin ni Myrna bago siya matauhan?" Maigting na turan ni Grey.

Kasabay ng pagbigkas na iyon ni Grey ay ang malakas na kulog na may kahalong kidlat sa langit.

Batid ko ang hidwaan sa pamilya nila Grey dahil mangilang beses ko na silang naririnig noon sa video call namin. Paminsan-minsan ay biglang papatayin ni Grey ang tawag para hindi ko marinig ang sigawan nila ng kanyang kuya.

Ang naikwento sa akin noon ni Grey, ayaw pa daw hiwalayan ni Kuya Cyan si Myrna dahil buntis daw ito ngunit hanggang ngayon ay hindi naman lumalaki ang tiyan. Kaya ang duda ni Grey, ginagawa lamang iyon na dahilan ni Myrna para hindi siya iwanan ni Kuya Cyan.

Ang pinakamalalang nagawa noon ni Kuya Cyan ay ang pangungutang nito kay Grey ng fifty thousand para daw sa gastusin na kailangan sa pagbubuntis ni Myrna ngunit pinambili lamang pala ito ni Myrna ng mga bag at mumurahing alahas. Dahil doon, lalo kong naintindihan ang galit ni Grey sa magkatipan, kahit pa sa kanyang kuya.

Tahimik kong inubos ang sabaw na binigay sa amin ni Tita.

"Gusto mo pa ba?" Nakangiting tanong sa'kin ni Tita Lila.

Mahinhin akong umiling.

Hinawakan ni Tita ang kamay ko. "Hindi mo kailangang mahiya. Ituring mo ito na parang tunay mong bahay. Maingay lang minsan dahil parang aso at pusa ang dalawang magkapatid pero masaya naman kaming namumuhay kahit papaano."

Inakbayan ako ni Grey, saka sinabihang pumunta na sa kwarto ko.

Dali-dali naman akong tumalima dahil pagod na rin ako sa biyahe.

Nagising ako sa ilang katok sa pinto ng aking kwarto.

Dahan-dahan akong dumilat pero wala akong makita.

"Brown-out?" Tanong ko sa sarili.

Muli kong narinig ang katok sa pinto.

Dagli kong binuksan ito nang sunud-sunod na ang tuktok nito.

Napagbuksan ko ng pinto ang isang ginang kaya malamang na si Tita ito. Ngumiti ako kahit pa hindi ko sigurado kung nakikita niya ito. "Lalabas na ko Tita. Mag-aayos lang."

"Alas nuwebe na."

Teka-- hindi iyon boses ni Tita Lila.

"H-Ha? Ah, mukhang napasarap ang idlip ko," Turan ko habang bumubungisngis.

Akalain mo nga namang hindi ako tinablan ng pamamahay-sickness.

Ikinalito ko ang isinagot ng babae dahil tila hindi naman ito nakinig sa sinabi ko, "Huwag kang matulog pagkatapos mag-alas nuwebe ng gabi."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Kung gusto mo pa abutan ng araw," Sabi ng babae habang naglalakad na palayo.

Nakatulala ako sa kawalan habang tahimik na pinoproseso ang mga sinabi nito sa akin.

Nanginig pa ko nang bahagya dahil sa hangin na nanggaling sa bintana ng kwarto. Nakaramdam ako ng bahagyang kaba dahil na rin sa langitngit na naririnig ko mula sa pinto na iniihip ng hangin.

Gawa sa kahoy ang bahay na ito pero maganda naman ang pagkakagawa kahit pa mababakasan na ng kalumaan dahil alaga nila ito.