webnovel

The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog)

A three-part trilogy fantasy novel. Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdigan nagkaroon ng kapayapaan sa apat na kontinente ng mundo. Nag-umpisa ang lahat nang iligtas ng batang sirena ang batang prinsipe sa pagkalunod. Sa paglipas ng panahon ang tanging hangad ng prinsesang sirena ay makapiling ang kanyang minamahal na prinsipe. Isang prinsipe na ang tanging nais ay kilalanin ang kanyang kakayahan sa buong mundo. Isang talentadong black wizard na may pilyong pag-uugali ang pilit hahanapin ang kanyang pinagmulan. Ang tatlong buhay nila ay pagbubukludin ng kapalaran. Sa muling pagbangon ng kasamaan dulot ng muling paggising ng Dark Lord na si Hellsing, muli na namang malalagay ang mundo sa panganib. Nasa kamay ng makabaong henerasyon ang kaligtasan ng buong mundo. Magawa nga kaya nila ang kanilang misyon? Marami silang pagsubok na kakaharapin, malalakas na kalabang kakalabanin. Maraming katanungan ang sasagutin. Sa paghahangad ng tatlo ng pag-ibig, katanyagan at kapangyarihan magampanan kaya nila ang itinakdang tungkulin na iginuhit sa palad nila? A journey to a magical world full of mystery, magic and adventure.

Mai_Chii · Fantasía
Sin suficientes valoraciones
42 Chs

Mermaid’s Tale: Wizard’s Fear

PAYAPA at tahimik ang buhong kapaligiran nang gabing magising si Azurine sa higaan. Nang mga sandaling iyon, gustong-gusto nang yakapin ng sirena ang binatang nasa harapan niya. Nangingilid ang mga luha ng dalaga habang nakatitig sa mukha ng walang iba kundi ang minamahal niyang si Seiffer.

"Ginoong Seiffer…" Hindi makahanap ng sasabihin si Azurine, pilit niyang pinapakalma ang sarili.

Tumayo si Seiffer, lumapit sa kanya't naupo sa tabi ni Azurine. Hawak ni Azurine ang kumot na tumatakip sa kalahati ng kanyang katawan. Inangat ni Azurine ang kumot at itinakip niya sa kanyang dibdib. Tahimik na nagpapakiramdaman ang dalawa. Sa bawat kilos ng isa't isa, hindi maalis ang kakaibang kabang kanilang nadarama.

Lumapit pa nang husto si Seiffer, hindi niya magawang tingnan nang tuwid si Azurine. Nakaupo lang siya sa ibabaw ng kama, nakapatong ang dalawang kamay sa kanyang binti.

Huminga nang malalim si Seiffer. "Bumalik ka na sa palasyo." Bahagyang ibinaba ni Seiffer ang ulo niya't sinulyapan nang may pilit na ngiti si Azurine. "Hindi na kita masasamahan pero dahil gabi na matulog ka na ulit at—"

"Ginoong Seiffer!" sabat na tawag ni Azurine. "Hindi ako babalik sa palasyo, wala nang dahilan para manatili ako roon kung wala ka…" Kagat ni Azurine ang ilalim ng kanyang labi, pinipigilan ang paghikbi, nakayuko't hawak ang dulo ng kumot sa kanyang dibdib.

Nabigla si Azurine nang maramdaman niya ang mabigat na kamay ni Seiffer sa kanyang magkabilang balikat. Nakapaibabaw sa kanya si Seiffer habang si Azurine ay nakasandal sa sandalan ng kama. Nakaliyad ang likod niya't ramdam ni Azurine ang pahigpit ng kapit ng mga kamay ni Seiffer sa kanyang dalawang balikat.

Nagkatinginan ang kanilang mga mata, tila may malumanay na himig sa paligid tanging sila lang ang nakakarinig. Pareho ng himig ang tinitibok ng kanilang mga puso, nang mga sandaling iyon parang na-magnet na sila sa isa't isa.

Ngunit si Seiffer ay pilit pa ring ipinagtatabuyan si Azurine. "Wala kang lugar sa tulad ko. Maging ang sarili kong pagkatao pilit kong hinahanap! Wala akong maibibigay sa 'yo na kahit ano! Hindi ka magiging masaya sa piling ko! Naintindihan mo ba?!

May kung anong kirot na naramdaman si Azyrine, napailing siya't napasigaw, "Ang hindi ko maintindihan ay ikaw! Mahina ba ang tingin mo sa akin? Hindi ko kailangan ng proteksyon! Kaya kong lumaban gamit ang sarili kong kapangyarihan! Handa akong masaktan basta't kasama kita! Hindi ako magiging masaya kung hindi lang din ikaw ang aking kasama!" Kumikislap ang mga butil ng luha ni Azurine na lumalandas sa kanyang pisngi. Matapang niyang tinitigan si Seiffer, hindi siya nagpatinag sa binata. Pinahiran ni Azurine ang mga luha sa kanyang mga mata gamit ang kanyang malambot na palad.

"A-Azurine…" Parang natalong sundalo si Seiffer nang ibaba niya ang dalawang kamay mula sa magkabilang braso ni Azurine. Para siyang nanghina't nawalan ng lakas ang dalawang tuhod niya't tuluyan nang bumagsak si Seiffer sa ibabaw ni Azurine.

"G-Ginoong Seiffer?!" nabiglang tawag ni Azurine, nang maramdaman niya ang bigat ng katawan ni Seiffer sa ibabaw niya.

Bahagyang inangat ni Seiffe ang katawan niya, nakasuporta ang dalawang kamay sa kama. Kanyang tinitigan nang malalim sa mga mata ang babaeng nagbibigay kaba sa kanyang dibdib. Parehong dama ng isa't isa ang init ng kanilang hiningang pumapandalas sa pagbuga sa kanilang bibig.

Kagat-labing pumikit si Seiffer, iniyuko niya ang kanyang ulo sa bandang leeg ni Azurine. "Natatakot ako… natatakot akong makasama ka. Natatakot akong baka dumating ang araw na… iiwan mo lang din ako."

Ipinatong ni Azurine ang kanyang dalawang kamay sa likod ni Seiffer. Yakap-yakap ang binata, binigyan niya ito ng kapanatagan ng loob habang hinihimas-himas ang likod.

Lalong uminit ang sandaling iyon, punong-puno ng samu't-saring emosyon. Tila maraming paruparong kumikiliti sa kanilang mga tiyan. Damang-dama ni Azurine ang bigat na dinadala ni Seiffer sa kabila ng masayahing ugali nito.

"Ginoong Seiffer, huwag kang matakot. Hinding-hindi kita iiwan…"

"Sigurado ka bang gusto mong makasama ang tulad ko?"

"Wala na akong nanaisin sa mundo kundi ang makasama ka." Malambing na hinimas ni Azurine ang pisngi ni Seiffer, pinisil-pisil niya ang laman sa pisngi nito. Halatang kulang sa tulog ang binata, siguradong pagod na pagod si Seiffer sa sobrang pag-iisip.

Habang si Seiffer nama'y nilalaro ang mahabang buhok ni Azurine. Kanyang hinawi ang nakalaylay na buhok sa harap at inipit sa likod ng tainga ng dalaga. Dumulas ang palad ni Seiffer pababa sa leeg ni Azurine patungo sa batok ng sirena. Inangat nang bahagya ni Seiffer ang ulo ni Azurine saka inilapat ang kanyang labi sa labi ng dalaga. Isang matamis na halik ang lalong nagpainit sa gabing iyon.

Sandaling bumitiw si Seiffer. "Mahal kita, Azurine…" nanunuksong bulong ni Seiffer, bago muling inangkin ang labi ni Azurine.

Matapos tanggalin nilang pareho ang kanilang mga labi, gumuhit ang parehong ngiti sa kanilang mukha.

"Talo talaga ako sa lakas ng loob mo, Azurine," malokong turan ni Seiffer.

Masayang ngumiti si Azurine. "Syempre naman, isa yata akong pilyang prisesang sirena! Matigas ang ulo ko kung minsan at parang bata kung umasta. Magkagano'n man, malakas ang loob ko at hindi ako natatakot harapin ang mga pagsubok. Nakarating nga ako rito sa ibabaw ng lupa dahil sa katigasan ng ulo ko, 'di ba?" pabiro niyang turan.

Umayos nang higa si Seiffer, kanyang tinabihan si Azurine. Isinandal ni Azurine ang kanyang ulo sa bandang dibdib ni Seiffer, habang ginawa niyang unan ang braso ng binata.

Nakagapos sa dalawang kamay ni Seiffer si Azurine habang nakahalik ang labi ng binata sa buhok ng dalaga.

"Wala akong maipapangako sa 'yo… pero hindi na ako tatakas at haharapin ko na ang lahat nang kasama ka. Huwag mo lang akong iiwang nag-iisa, Azurine…" malambing na bulong ni Seiffer.

"Pangako, hinding-hindi kita iiwan, Ginoong Seiffer…" inaantok na litanya ni Azurine.

Pareho silang nakatulog sa gano'ng posisyon nang magkatabi. Payapa at magaan ang kanilang pakiramdam kaya mabilis silang nakatulog kaagad. Nakangiti silang pareho, magkadikit ang kanilang katawan. Hindi nila ramdam ang lamig ng panahon dahil sa nag-iinit nilang damdamin sa isa't isa.

***

KINABUKASAN…

"Ginoong Seiffer! Gising na! Ginoong Seiffer!" makailang ulit na tawag ni Azurine sa tulo-laway na nakahiga sa kama.

Nakabalot ng kumot si Seiffer, nang imulat niya ang kanyang mga mata. Isang mabangong amoy ang tuluyang nagpagising sa kanya.

"Teka, amoy tinapay?" Mabilis siyang napabangon sa higaan.

Nagulat si Seiffer nang makitang may nakahandang almusal sa ibabaw ng mesa. "N-Niluto mo ba 'yan?" taka niyang tanong.

Nakangiti si Azurine, nakasuot siya ng apron na nakita niyang nakasabit sa sabitan ng mga damit. "Niluto ko lang kung anong mayroon sa lagayan ng mga pagkain mo. Mukhang namili ka ng maraming tinapay at keso?" alanganing sabi ni Azurine.

"Hahaha! Dapat kasi ibabaon ko 'yan ngayon." Bumaba sa kama si Seiffer, kamot-kamot ang labas tiyan niyang katawan. Humikab siya nang malalim bago nilapitan si Azurine. "Good morning," malambing niyang bati sa sirena.

Namula ang pisngi ni Azurine sa mapanuksong tingin ni Seiffer sa kanya. "G-Good morning din," bati ni Azurine. Kahit late na silang nagbatian sa umaga, kinikilig pa rin siya sa simpleng paglalambing na 'yon.

Naupo silang dalawa sa mesa, nilagyan ni Azurine ng tsaa ang tasa ni Seiffer. Pinagsaluhan nilang dalawa ang simpleng agahang hinanda ni Azurine.

"Siya nga pala, saan ba tayo pupunta?" usisa ng prinsesang sirena.

"Hmmm…" sandaling napaisip si Seiffer, nang bigla niyang maalala ang isang napakahalagang bagay.

Nanlaki ang mga mata ni Seiffer, nakatitig siya sa kumakain na dalaga. "A-Ano'ng petsa na ba ngayon?" Nagmadali siyang nagtungo sa dingding upang tingnan ang kalendaryong gawa sa papel na kulay abo.

Tinatawag nila itong 'Moon Calendar' tanging kontinente ng Sallaria lamang ang gumagamit nito dahil iba ang kalendaryo sa ibang kontinente.

"Waahh!!! Bukas na ang huling araw ng taon?!" bulalas na sigaw ni Seiffer.

Nang umihip ang malakas na hangin at bumukas ang bintana, pumasok sa loob si Knowledge. Bumaba sa gilid ang kwago't hinataw-hataw nito ang ulo ni Seiffer.

"T-Teka! Ano bang ginagawa mo?!" sigaw ni Seiffer sa kanyang familiar.

"Baliw! Oh, ano naalala mo na ang dapat mong sabihin sa kanya?!" Kumislap ang mga mata ni Knowledge sabay tingin nang matalim kay Azurine.

"A-Ano bang dapat mong sabihin sa akin, Ginoong Seiffer?" nagtatakang tanong ng walang kamuwang-muwang na sirena.

"Ah, eh… nakilala kasi namin ang mga ate mo. Hinabilinan nila kami na sabihan sa 'yo na makipagkita ka sa kanila sa kabilugan ng buwan. Bukas na iyon at bukas ang huling araw ng taon, magtatapos na ang taon na ito." Napakamot sa batok si Seiffer matapos niyang makalimutan ang importanteng habilin ng mga ate ni Azurine.

Lumipad si Knowledge sa ibabaw ng mesa. "Ayon sa Ate Celes mo na siyang nagligtas dito kay Seiffer, nasa panganib daw ang kaharian ninyo. Ang prinsipe na dapat pakakasalan mo ay nagbabanta ng kaguluhan kapag hindi ka pa nagpakita sa kanya," pagpapatuloy ni Knowledge.

"S-Si Ate Celes? Ang mga kapatid ko? Ang kaharian namin ay nasa panganib?" Halata ang pag-aalala sa mga mata ni Azurine. Hindi na niya nagawang tapusin ang kinakain niya. "Si Ama, ano na kayang ginagawang hakbang nila ngayon?" Napatayo si Azurine.

"Ginoong Seiffer! A-Ano'ng gagawin ko?"

Isang mabilis na pagkabig ang ginawa ni Seiffer matapos niyang makita ang pag-aalala sa mukha ni Azurine. Inilapit niya ito sa kanyang dibdib. "Huwag kang mag-alala, pupunta tayo sa kaharian n'yo. Doon tayo tutungo!"

"H-Ha? P-Paano? Hindi ako makakalangoy, hindi na ako isang sirena na kayang mabuhay sa ilalim ng karagatan. May sumpa ako!"

"Alam ko…" Himas-himas ni Seiffer ang buhok ni Azurine sa likod. "Babalik tayo kay Coralla! Siya lang ang may alam kung paano matatanggal ang sumpa."

"Huwag kang mag-alala Azurine, may nakahanda na kaming magic para sa ganitong paglalakbay sa ilalim ng dagat," litanya pa ng kwago.

"Pero bago 'yon, kailangan muna nating bumalik sa palasyo." Hinawakan ni Seiffer sa magkabilang braso si Azurine. "Magpaalam tayo nang maayos sa kanila." Ngiti niya sa dalaga.

Tumango si Azurine. "Tama! Hindi ko rin maaaring iwan si Octavio, siguradong nag-aalala na siya sa akin."

Kinuskos ni Seiffer ang buhok ni Azurine na parang bata. Malinaw na ang kanilang tatahaking landas. Ang pagbabalik ng panglimang prinsesa ng kaharian ng Osiris. Ang pag-uwi ni Prinsesa Azurine sa kanyang pamilya. Maisaayos nga kaya nila ang kaguluhan sa ilalim ng karagatan?

Sa kanilang pagbabalik sa palasyo isang nakaabang na pagtutuos ang nakatakdang maganap sa pagitan ng prinsipe at dating prinsipe ng Alemeth.