webnovel

The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog)

A three-part trilogy fantasy novel. Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdigan nagkaroon ng kapayapaan sa apat na kontinente ng mundo. Nag-umpisa ang lahat nang iligtas ng batang sirena ang batang prinsipe sa pagkalunod. Sa paglipas ng panahon ang tanging hangad ng prinsesang sirena ay makapiling ang kanyang minamahal na prinsipe. Isang prinsipe na ang tanging nais ay kilalanin ang kanyang kakayahan sa buong mundo. Isang talentadong black wizard na may pilyong pag-uugali ang pilit hahanapin ang kanyang pinagmulan. Ang tatlong buhay nila ay pagbubukludin ng kapalaran. Sa muling pagbangon ng kasamaan dulot ng muling paggising ng Dark Lord na si Hellsing, muli na namang malalagay ang mundo sa panganib. Nasa kamay ng makabaong henerasyon ang kaligtasan ng buong mundo. Magawa nga kaya nila ang kanilang misyon? Marami silang pagsubok na kakaharapin, malalakas na kalabang kakalabanin. Maraming katanungan ang sasagutin. Sa paghahangad ng tatlo ng pag-ibig, katanyagan at kapangyarihan magampanan kaya nila ang itinakdang tungkulin na iginuhit sa palad nila? A journey to a magical world full of mystery, magic and adventure.

Mai_Chii · Fantasía
Sin suficientes valoraciones
42 Chs

Mermaid’s Tale: Traitory

"GINOONG SEIFFER!" sigaw ni Azurine. "Kung gusto mong manatili rito, bahala ka. May kailangan pa kaming gawin ni Octavio!" Halatang hindi komportable si Azurine sa nangyayari kay Seiffer.

Matapos nilang makarating sa kweba ni Coralla may natuklasan si Azurine tungkol sa nakaraan ni Seiffer. Ang mga magulang ni Seiffer ay lumagda ng kasunduan ngunit ang malalim na kuwentong iyon ay hindi pa maisisiwalat ngayon.

Bumalik sa ulirat si Seiffer matapos makita ang namumugtong mga mata ni Azurine. Ibinaba niya ang dalawang kamay sa magkabilang gilid. Huminga nang malalim saka nilapitan si Azurine.

"P-Patawad," mahinahon nitong paumanhin sa dalaga. "Nadala lang ako dahil matagal ko nang gustong marinig mula sa labi nitong si Coralla ang tungkol sa mga magulang ko." Ipinatong niya ang dalawang braso sa magkabilang balikat ni Azurine habang nakatalikod ang dalaga. "Hindi ngayon ang oras para sa sarili ko. Aalis na tayo at tutuloy sa kaharian ninyo, Azurine."

Ibinaling ni Azurine ang pansin. Nilingon niya si Seiffer. "Kapag natapos na ang lahat bumalik tayo rito para malaman ang tungkol sa mga magulang mo."

Tumango si Seiffer. "Salamat."

"Oh, siya! Tama na 'yan!" singit ni Octavio.

Narinig nila ang halakhak ni Coralla. "Ibang klase talaga kayong mga nilalang!"

"Coralla, hindi pa tayo tapos!" mariing sabi ni Seiffer.

"Oo na! Sige makakaalis na kayo!"

Bago tuluyang umalis ang tatlo. "Sandali," pigil ni Coralla. "Inumin mo ito, Prinsesa Azurine." Inabot niya ang elixir.

Itim na elixir na ngayon lang nakita ni Seiffer.

"Para saan ang elixir na 'yan?" atubiling tanong ni Seiffer.

"Elixir of Errase!" Binuksan ni Coralla ang takip ng bote. "Isa itong elixir na nagtatanggal pansamantala ng anumang klase ng sumpa." Ibinigay niya iyon kay Azurine.

"Teka! Isa lang 'to? Dalawa kami ni Octavio ang may sumpa!" Nag-alangang kunin ni Azurine ang bote.

Lumapit si Octavio. "Hayaan mo na, mas kailangan mo ito Prinsesa."

"Tama siya! Sa nakikita ko, ang sumpa ng binatang pugita ay hindi tulad sa 'yo. Hindi siya babalik sa pagiging pugita kahit mabasa siya ng tubig alat. Iba ang nakikita kong kapalit ng pagkakaroon niya ng anyong tao."

Tumahimik si Octavio, ngumiti siya nang alanganin. "Ayos lang ako, Prinsesa. Magtiwala ka sa akin."

Piniling matiwala ni Azurine. Ininom niya ang elixir matapos ay nabitiwan niya ang bote.

"Azurine?! Ayos ka lang ba?" alala ni Seiffer.

"Prinsesa, may masakit ba sa 'yo?" Umalalay kaagad si Octavio.

"Anong nangyari sa kanya? Sumagot ka, Coralla!" singhal ni Seiffer.

"Huwag kayong mabahala, mabilis lang talaga ang bisa ng elixir na 'yan."

"Okay lang ako, Ginoong Seiffer, Octavio. Ang mabuti pa umalis na tayo."

"Siya nga pala, kainin ninyo ito." May ibinigay muli si Coralla sa kanila. "Isa 'yang mahiwagang halamang dagat. Ang sinumang kumain niyan ay makakahinga sa ilalim ng dagat sa matagal na araw."

"Aba! May itinatago ka palang ganitong magic food?" Kunot-noo ni Seiffer.

"Kung ayaw ninyo hindi ko kayo pinipilit. Mas makakabuti lang ito para hindi ka na gumamit nang gumamit ng magic spell mo."

Kinuha nilang tatlo iyon bago kinain.

kinarga ni Seiffer si Azurine tulad sa isang prinsesa. Lumabas sila ng kweba hanggang sa madama nilang muli ang tubig. Nakakahinga na nga sila sa ilalim ng karagatan. May magic bubble pa ring ginawa si Seiffer para makababa sila sa kailaliman ng tubig nang mas mabilis.

***

NAKAABANG ang apat na kapatid ni Azurine sa kanilang pagdating sa tarangkahan ng kaharian ng Osiris.

Ang Osiris ay napapalibutan ng mataas na pader paikot. Ang kaharian at mga mamamayan ay nasa loob ng pader na ito. Nasa gitna mismo ang palasyo habang nakapalibot naman ang mga tirahang bato at kabibe sa palibot nito.

"Azurine! Tayo na sa loob," yaya ni Celes.

"Ate Celes, natatakot ako kay Ama." Napahawak si Azurine sa kanyang dibdib. Kinakabahan siya sa magiging sermon sa kanya ng kanyang ama.

"Nandito kami ng mga kapatid mo, hindi ka namin pababayaan." Tinapik naman siya sa baliakt ni Oli.

Lumapit si Celes sa tapat ng mataas na tarangkahan ng pintuan ng kaharian. Umawit siya nang buong puso. Narinig iyon ng kawal mula sa loob at pinagbuksan sila ng pinto.

"Talaga pa lang lahat ng sirena ay may magandang tinig?" manghang tanong ni Seiffer.

"Oo! Pero iilan lang may kakaibang kapangyarihan. Karaniwan ay galing sa maharlikang pamilya ang may natatanging kakayan tulad naming apat," paliwanag ni Emi.

Pumasok sila sa loob. Sinalubong sila ng mga kawal na nagbabantay sa pintuan. Nang tumunog ang malakas na ugong. Dumating ang mga kawal na sireno ng palasyo.

"Kamahalan, kanina pa kayo inaabangan ni Haring Aegaeus sa palasyo," untag ng isang kawal.

"Dalhin mo kami kay Ama ngayon din!" mariing utos ni Celes.

"Masusunod po."

Lumangoy sila patungo sa palasyo. May mga mamamayan sa paligid nila na pinagtitinginan sila lalo na si Azurine, Octavio at Seiffer. May mga paa kasi sila hindi tulad sa mga sirena't sirenong naninirahan sa Osiris.

Nang tuluyang makarating sa loob ng palasyo hinatid ng kawala sina Azurine sa trono ng hari. Doon nagkitang muli ang mag-ama. Hindi nakaimik kaagad ang dalawa. Si Azurine ay may takot na nararamdaman habang tikom-palad sa pagkadismaya ang hari.

"Azurine! Alam mo ba ang ginawa mo?!" sigaw ni Haring Aegaeus.

"A-Ama…" Napakagat-labi si Azurine sa sobrang hiya at takot.

Humarap sa gitna si Seiffer upang tulungan si Azurine. "Ama! Kumusta?"

Kunot-noong napataas ang kilay ng hari. "At sino ka? Ikaw ba ang prinsipeng kinalolokohan ng anak ko?!"

Malokong ngumisi si Seiffer, nagsimula na naman siya sa kapilyuhan niya. "Ahem! Ako lang naman ang lalaking pinili ni Prinsesa Azurine. Ako si Seiffer Wisdom isang black wizard. Dati akong prinsipe ng Alemeth pero hindi talaga ako prinsipe, gets?"

"K-Kakaiba kang nilalang!" utal na sambit ng hari. "Ah! Nawawala ako sa sinasabi ko!" Tumayo si Haring Aegaeus, nilapitan si Seiffer. "Hindi ko alam kung ano'ng nangyari sa inyo sa lupa pero…" Napapikit ang hari. "Mabuti pang lisanin n'yo na ang kahariang ito!!!" sigaw na pautos ng hari.

Umiling-iling ng ulo si Seiffer, tiningnan niya nang nakakaloko ang hari. "Pasensya na Papa, hindi ko magagawa!" biro niyang turan.

"Papa? Niloloko mo ba ako?"

"Hindi, a. Seryoso ako!" Nilapitan niya si Azurine at inakbayan. "Nagmamahalan kaming dalawa ni Azurine, kaya hindi n'yo ako basta-basta mapapaalis lalo't alam kong ihaharap ninyo siya sa fiancée niyang shokoy!" malokong pahayag ni Seiffer.

"G-Ginoong Seiffer, isa siyang prinsipeng sireno," pagtatama ni Azurine.

"Ah! Kahit na! Hindi niya maaaring kunin ang babaeng mahal ko!" Matikas siyang humarap sa hari. "Kaya nga ako narito para ipaalam sa inyo na kukunin ko na si Azurine at hindi na ibabalik dito!"

"Mayabang kang lalaki ka!" Sa sobrang inis ng hari mahigpit niyang hinawakan ang tungkod at tinapat kay Seiffer. "Mga kawal arestuhin ninyo ang lalaking 'yan!"

Mabilis na lumapit ang mga kawal, bago pa man nila malapitan si Seiffer humarang kaagad ang apat na prinsesa.

"Itigil n'yo 'yan!" sigaw ni Celes na nagpahinto sa mga kawal.

"Celes! Ano'ng ginagawa mo? Huwag mong sabihing pumapanig ka sa nilalang ng lupa?!" galit na litanya ng hari.

"Ama, makinig ka muna. Narito sila hindi para gumawa ng gulo. Tutulungan nila tayo para maiwasan ang labanan sa ating kaharian. Kung mapag-uusapan naman nang maayos ang lahat hindi na natin kailangan makipaglaban sa kaharian ni Prinsipe Rollo."

"Paano kung hindi siya pumayag at gustuhin pa rin niyang makasal kay Azurine?"

Natahimik sandali si Celes. "Kung gano'n wala na tayong magagawa kundi…" Lumangoy si Celes at ang tatlo sa kabilang panig. Humelera sila sa kanilang amang hari. "Pasensya ka na, Azurine." Itinaas ni Celes ang kamay niya. "Dakpin si Azurine, ikulong siya at si Octavio sa malaking silid. Ikulong ninyo naman ang lalaki sa ilalim ng itim na silid para wala siyang makitang liwanag at hindi siya makatakas habang ibibigay natin si Azurine kay Prinsipe Rollo."

"T-Teka, Ate Celes! A-Ano'ng ibig sabihin nito?!" naguguluhang tanong ni Azurine.

"Sinasabi ko na nga ba, isa itong patibong, Azurine." Napaluhod si Seiffer nang igapos ang mga kamay niya ng mga kawal na sireno.

"Ginoong Seiffer!!!" sigaw ni Azurine matapos silang paghiwalayin ng mga kawal.

Bago tuluyang ilayo si Seiffer. "Huwag kang mag-alala, babawiin kita!" Ngumiti siya.

Pilit namang inabot ng kamay ni Azurine si Seiffer. Hindi na nagawang masilayan ng sirena ang kanyang minamahal. Umiiyak si Azurine habang walang magawa si Octavio. Tinutukan sila ng triden saka pinasunod patungo sa pagkukulungan nilang silid.

"Pasensya ka na kapatid," sabi ni Emi.

"Hindi namin kagustuhan ito pero kinakailangan," dugtong ni Oli.

"Ayaw naming mapahamak ang mga mamamayan ng Osiris," si Ada.

"Magpakasal ka na lang kay Prinsipe Rollo para matapos na ang lahat. Pangako ibabalik namin nang ligtas ang minamahal mo sa lupa," paniniguro ni Celes.

Hindi sumagot si Azurine, pansin sa mga mata niya ang lungkot. Hindi niya akalaing gagawin iyong sa kanya ng mga kapatid niya.