webnovel

The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog)

A three-part trilogy fantasy novel. Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdigan nagkaroon ng kapayapaan sa apat na kontinente ng mundo. Nag-umpisa ang lahat nang iligtas ng batang sirena ang batang prinsipe sa pagkalunod. Sa paglipas ng panahon ang tanging hangad ng prinsesang sirena ay makapiling ang kanyang minamahal na prinsipe. Isang prinsipe na ang tanging nais ay kilalanin ang kanyang kakayahan sa buong mundo. Isang talentadong black wizard na may pilyong pag-uugali ang pilit hahanapin ang kanyang pinagmulan. Ang tatlong buhay nila ay pagbubukludin ng kapalaran. Sa muling pagbangon ng kasamaan dulot ng muling paggising ng Dark Lord na si Hellsing, muli na namang malalagay ang mundo sa panganib. Nasa kamay ng makabaong henerasyon ang kaligtasan ng buong mundo. Magawa nga kaya nila ang kanilang misyon? Marami silang pagsubok na kakaharapin, malalakas na kalabang kakalabanin. Maraming katanungan ang sasagutin. Sa paghahangad ng tatlo ng pag-ibig, katanyagan at kapangyarihan magampanan kaya nila ang itinakdang tungkulin na iginuhit sa palad nila? A journey to a magical world full of mystery, magic and adventure.

Mai_Chii · Fantasía
Sin suficientes valoraciones
42 Chs

Mermaid’s Tale: His Lies

NAPUNTA sina Azurine, Octavio at Seiffer sa isang maliit na isla sakop ng kontinente ng Hilgarth. Ito ang isla ng Luxerto, tatlong isla na hugis tatsulok ang pagkaayos nito sa dagat. Sa unang isla sila napadpad at dito nagpahinga.

Hinihingal pa si Seiffer matapos maubos ang mana niya sa paggamit ng mataas na uri ng magic spell. Habang si Azurine ay hindi mapalagay sa kanyang natuklasan. Lantad ang asul na buntot ni Azurine, yakap siya ng kaibigan niyang si Octavio.

"Maari mo na bang ipagtapat kung bakit nasa sa 'yo ang mahiwagang kabibe na ibinigay ko kay Prinsipe Eldrich?" mariing tanong ni Azurine, sabik na sabik sa sagot ni Seiffer.

Nakatalikod si Seiffer sa kanila malapit siya sa tubig ng baybayin ng isla. Isang malakas na buntong-hininga ang ginawa niya bago lumingon sa kinaroroonan nila.

"Sabihin na nating napulot ko lang?" alanganin niyang sagot.

"Halatang nagsisinungaling ka, Ginoong Seiffer!" mabilis na paratang ni Octavio. "Sa ilang buwan naming pamamalagi rito sa lupa, ang mga katulad mo ay hindi dapat pinagkakatiwalaan. Noon pa ma'y hindi na kita pinagkakatiwalaan!" pagdidiin pa nito.

Nagkibit-balikat si Seiffer. "Wala akong magagawa kung ayaw ninyong maniwala!" Muli siyang humarap sa dagat saka tumayo. "Hindi na mahalaga kung paano napunta sa mga kamay ko ang kabibe. Ang importante sa nga—"

"Nagkakamali ka! Mahalaga 'to para sa akin…" Yakap ni Azurine ang kabibe sa dalawa niyang kamay saka itinapat sa kanyang dibdib malapit sa puso. "Galing pa ito sa aking namayapang ina… ipinagkatiwala ko ito sa batang prinsipeng iniligtas ko dahil alam kong iingatan niya ito at isa ito sa magsisilbing daan upang magkita kaming muli…" May butil ng luha na unti-unting lumalabas sa mga mata ni Azurine.

Binalot ng malungkot na hangin ang paligid. Ang matatayog na puno ng niyog ay nagsimulang pumagaspas ang mga dahon. Maging ang alon ng dagat ay tila nagbago. Dumilim ang kalangitan at nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Nakakatakot at may kasama pa itong kulog at kidlat na siyang nagpapanginig sa katawan ni Azurine.

Ikinakabahala pa ngayon ni Seiffer ang bunot ng sirena. Hindi ito pa bumabalik sa pagiging mga paa ni Azurine.

"Patawad kung hindi ko magawang ipagtapat sa 'yo ang lahat… Azurine."

Namilog ang mga mata ni Azurine sa seryosong tinig ni Seiffer. Nakatayo ang binata nang tuwid sa kanyang harapan. Gustong-gusto niyang malaman ang katotohanang itinatago ng binatang wizard sa kanya. Subalit wala siyang makuhang matinong sagot sa binata.

"Kung ayaw mong magsabi ng totoo, ang mabuti pa iwan mo na lang kami!" Tumayo si Octavio at humarang sa harap ni Seiffer. "Ako nang magtatanggol sa kanya!"

"Ilang beses ko nang narinig 'yan!"

Natahimik si Octavio sa turan ni Seiffer. Lumihis siya ng lakad patungo sa likod. Inabot niya ang kamay niya upang hingiin muli ang kabibe.

"Akin na 'yan at gagamitin ko upang matagpuan tayo nina Eldrich," utos ni Seiffer.

"Ayoko!" suway ni Azurine. "Ayoko sa mga sinungaling! Hindi kita mapagkakatiwalaan!" Tumalim ang mga tingin ni Azurine kay Seiffer.

Walang nagawa si Seiffer kundi ang hawakan sa magkabilang balikat si Azurine at ihiga ito sa mabuhanging lupa. Mabilis niyang inagaw ang kabibe sa kamay ni Azurine nang sumapo sa pisngi niya ang kamao ni Octavio.

Humandusay sa buhangin ang katawan ni Seiffer saka inagaw ni Octavio pabalik ang kabibe. "Hindi ikaw ang masusunod dito!" Ibinalik niya ang kabibe kay Azurine.

Pareparehong basa sa ulan ang tatlo. May bangas ang gilid ng labi ni Seiffer gawa ng suntok ni Octavio.

"Psh! Bahala kayo!" Bumangon si Seiffer, dinura niya ang basang buhanging pumasok sa bibig niya nang masubsob nang bahagya ang mukha niya sa mabuhanging lupa.

"Ako na ang gagamit nito at pagkatapos… itatanong kong muli kay Prinsipe Eldrich ang lahat ng naaalala niya sa nakaraan!" Mahigpit na hinawakan ni Azurine ang mahiwagang kabibe at itinapat sa kanyang bibig.

Bago pa man niya ito hipan isang malakas na tunog ang bumulabog sa kanilang tatlo. Mula sa kawalan ay bumiyak ang espasyo at lumitaw ang tila kumikidlat na hiwa. Nang tuluyan itong bumukas dalawang nilalang ang lumabas dito. Nakalutang sila nang lumabas pagkatapos ay dahan-dahang bumaba sa lupa. Kasabay ng malakas na ulan may kasamang malakas na awra rin ang dalawang ito.

"Kumusta, Seiffer!" bati ng isa.

"Salazar?!" gulat ni Seiffer nang mamukhaan ang lalaking nasa harapan niya.

Si Salazar ang wizard na nakalaban ni Seiffer sa Majestic Academy noong nag-aaral pa sila roon. Isa sa pinakamagaling na wizard at magic user si Salazar Narcius. Lalaking matangkad, may umbok ng muscle sa katawan at dibdib, kulay pula ang buhok at may mga mata na tulad sa nagliliyab na dragon. Siya rin ang nag-cast ng magic spell sa tali ni Seiffer.

Nagulat na lang sina Azurine at Octavio nang mapasakamay ni Serarah ang mahiwagang kabibe. Mabilis niya itong inagaw sa kamay ni Azurine. Sina Serarah at Salazar ay mabilis na nakasunod sa kanilang kinalalagyan dahil sa magic na ginamit ni Salazard upang matunton sila.

"Salamat sa awra mo Seiffer, hindi na ako nahirapang hanapin kung nasaan kayo. Alam ko namang malapit lang ang range ng magic spell mong instant transmission. Ilalagay ka lang nito sa pinakamalapit na lugar na maari mong pagbagsakan. Kulang na kulang ka pa sa kakayahan, karibal ko!"

"Tsk! Ang yabang!" singhal ni Seiffer.

Lumapit si Serarah sa likod ni Salazar. "Tama na 'yan! Ngayong nakita ko na sa dalawa kong mata na tunay nga siyang sirena, atin na siyang ibalik sa barko!"

Isang malakas na ugong ang dumagundong. Ang barko ni Serarah sakay ng iba pang mga pirata ay dumaong sa baybayin at nagsitalunan sa lupa.

"Dakpin ang mga 'yan! Ingatan ang sirena, mahal na produkto natin 'yan!" madiing utos ni Serarah.

Dumating pa ang isang barko sakay ni Ashlando. Bumaba rin ito at pinuntahan si Serarah sa pampang ng isla.

"Ang ganda!!!" namamanghang sambit ni Ashlando. Kulang na lang tumulo ang laway nito sa sobrang pananabik sa sirena. "Tunay ngang nakakaakit ang buntot nila! Mabuti na lang at matalino ka, Serarah!" Sabay tingin sa babaeng pirata.

"Ano'ng akala nila maiisahan nila tayo?" Ngumisi ito bago humalakhak nang malakas. "Isang patibong lang ang paghulog ko sa 'yo sa tubig. Alam ko namang ililigtas ka ng binatang wizard na 'yan. Gusto lang naming makasigurong tunay ka ngang sirenenang may buntot! Ayaw naman naming mapahiya sa mga pagbebentahan namin sa 'yo!"

Umalingawngaw ang tawa nilang lahat matapos maigapos muli ang tatlo. Muli silang nabihag at naisakay sa loob ng silid na pinagkulungan sa kanila. Naka-lock sila sa loob habang nakatali ang mga kamay sa likod. Katulad noong naunang ginawa kay Seiffer, magical item ang panaling ginamit sa kanya.

"Balik na naman tayo rito!" galit na usal ni Octavio.

Naramdaman nilang umandar na muli ang barko at naglayag sa karagatan. Hindi nila alam kung saan sila dadalhin ng mga pirata. Ngayon pa na may kasama pang malakas na wizard ang grupo ng mga piratang ito. Walang idea si Seiffer kung bakit umanib si Salazar sa mga ito.

Isang malakas na buntong-hininga ang ginawa ni Seiffer bago tumingin kay Azurine. "Patawad… wala akong masasabi sa inyo kundi ang hingiin ang patawad ninyong dalawa."

"Tsk! Hulina! Kung pinagtapat mo lang kasi kaagad…" Kagad-labing hininto ni Octavio ang sasabihin niya. Paulit-ulit na lang naman sila at wala rin naman siyang mapapala.

Namayani ang katahimikan sa kanilang tatlo sa loob ng maliit na kuwarto. May bilog na bintana sa gilid ni Seiffer. Gawa sa babasaging salamin ito at sa tingin niya ay kasya ang payat na katawan niya rito.

Gumuhit ang malungkot at pilit na ngiti sa labi ni Seiffer. "Alam kong, naguguluhan ka… kasalanan ko… patawad, Azurine…" muling paghingi ng tawad ni Seiffer.

Tumagos sa puso ni Azurine ang tinig ni Seiffer. Biglang nag-flash sa gunita niya ang mga sandaling pinagsamahan nila. Sa ilang buwan nilang magkasama may kakaiba na talaga siyang naramdaman sa binatang wizard. Isang pamilyar na pakiramdam at kahit anong galit niya rito ay hindi niya magawang magtanim ng sama ng loob.

Hanggang sa kumidlat sa utak niya at nagtagpi-tagpi na parang puzzle pieces ang ilang alaala.

"Ang memory potion na ipinainom ko kay Prinsipe Eldrich…?" bulong ni Azurine.

"A-Ano? Ano'ng sinasabi mo, Prinsesa?" naguguluhang tanong ni Octavio.

Lalong lumaki ang ngiti ni Seiffer sa kanyang labi nang maramdamang…

"Hindi niya memorya 'yon… hindi kanya 'yon!!!" sigaw ni Azurine na may kasamang luhang pumatak sa sahig. Kagat niya ang ibabang labi at namumugto ang mga mata. Ayaw paawat ng mga luhang lumalandas sa kanyang pisngi.

"Hindi sa kanya ang mga alaalang iyon! Tama ba?!" sigaw pang muli ni Azurine. "Hindi siya ang batang prinsipe… hindi siya ang iniligtas ko kundi—"

"Shhh!!!" sabat ni Seiffer. "Patawad… hindi ako prinsipe…"

Isang malakas na bagay ang tumama sa salalim at nagbigay daan upang makalusot dito si Seiffer. Nang marinig ng mga pirata ang malakas na pagbasag na iyon nagmadali silang nagtungo sa kinaroroonan nilang silid. Ngunit si Seiffer ay nagawa nang lumusot at magpahulog dito.

"Ginoo!!!" takot na sigaw ni Azurine.

Nang bumukas ang pinto at pumasok ang mga pirata sa loob wala na si Seiffer. Sinilip pa nila ang tubig sa dagat ngunit walang bakas ng pagbagsak ng katawan dito.

"Ginoong Seiffer!!!" sinigaw muli ni Azurine ang pangalan ng binatang wizard. Nanlumo si Azurine sa sobrang hinagpis. May kirot sa puso niya na parang kinukurot ito. Tinakpan ng bareles ng isa sa mga pirata ang butas at lumabas ito upang mag-ulat. Naiwan ang dalawa sa loob. Nasandal si Azurine sa balikat ni Octavio.

"Prinsesa…"

"Octavio, ang memory potion na ibinigay ni Ginoong Seiffer ay naglalaman ng mga alaala niya. Alaala na nagsimula nang lusubin ng mga pirata ang sinasakyan nilang barko. Sinunog ito at nahiwalay ang batang prinsipe nalunod siya at binawian ng buhay. Niligtas ko siya at ibinigay ang mahiwagang kabibe…"

"A-Alam ko, naroon ako hindi ba?"

"Oo! Pero si Ginoong Seiffer 'yon! Hindi si Prinsipe Eldrich!" Sinubsob ni Azurine ang mukha niya sa balikat ni Octavio habang umiiyak. "Paano niya nagawang magsinungaling? Bakit? Bakit inilagay niya ang memorya niya sa isip ni Prinsipe Eldrich at paniwalain tayo na si Prinsipe Eldrich ang batang iyon? Bakit?"

"Ibig sabihin pati si Prinsipe Eldrich, nilinlang niya at ginamitan ng magic potion niya?"

Tumango si Azurine.

"Kaya walang maalala sa akin si Prinsipe Eldrich dahil hindi siya 'yon! Kasama man siya nang manyari ang pagsalakay sa barko nila pero ligtas siya! Hindi siya ang batang inalayan ko ng awit upang muling mabuhay!"

"Tsk! Sinungaling siya!!!" galit at hindi mabigkas ni Octavio ang pangalan ni Seiffer. "Isa siyang manlilinlang!"

"Octavio! Gusto ko na lang umuwi! Ayoko na! Ayoko na sa lupa!!!" Patuloy sa pag-iyak ni Azurine.