webnovel

CHAPTER 7: FALL OF EVIL

MABILIS at halos takbuhin na ni Ashton ang ginawang pagbaba sa hagdanan nang matapos ang dinaluhang private meeting kasama ang Chairman ng Gamara Group of Companies—ang kanyang ama—at ng ilan pa nilang mga kasosyo sa negosyo sa pangunguna ng birthday celebrant na si Mr Reynolds.

Hindi siya palagay sa pag-iwan kay Celina mag-isa at lalo pa ang iwan ito kasama si Jess. At iyon na nga ang kinatatakutan niya. Malayo pa lang ay tanaw na niyang wala ang asawa sa table nila. At wala rin doon ang lalaki.

Mabilis na gumapang ang galit sa kanyang ulo't mahigpit niyang naikuyom ang mga kamay. Iginala rin niya ang paningin sa paligid. Magmula sa dance floor hanggang sa bawat tables na naroon, ngunit bigo siyang makita si Celina.

"Shit! Where the hell on earth did she go?!" palatak niya. Naiisip na rin niyang sinamantala na nitong nalingat siya sandali para tumakas sa kanya. Bagay na hinding-hindi niya hahayaang mangyari. Hindi nito maaaring malaman ang katotohanan.

Agad din niyang tinungo ang mga comfort rooms dahil baka naroon lamang ito. Ngunit bigo pa rin siya. Nagmamadali siyang muling bumalik sa labas at sinuyod naman ngayon ang bawat sulok ng harden kung saan tago na sa ilang mga bisita. Hindi niya maintindihan kung bakit doon niya naisipang maghanap sa halip na sa parking lot muna.

NAPABUNTONG-HININGA na lamang si Jess sa nakikitang pagkalugmok ni Celina. Mabigat din sa loob nito ang makitang nasasaktan ang babae, lalo na ang makita siyang umiiyak.

Sandali itong natigilan sa kinatatayuan at nagkasya na lamang na panoorin siya ng ilang minuto.

"Ahhh! Ang tanga-tanga ko talaga! Bakit ba ako naniwala sa kanya? Dapat sa simula pa lang... alam ko ng mangyayari 'to!" inis na maktol ni Celina. Wala pa rin siyang tigil sa pag-iyak. Ilang ulit din niyang sinampal ang sarili upang matauhan.

At sa tuwing maaalala ang larawan ng kanyang ina ay lalo lamang siyang nagagalit sa sarili—lalong-lalo na kay Ashton. Kailangan niya itong pagbayarin sa lahat ng kasalanan nito sa kanilang pamilya. Gusto niyang ipadama rito ang pait at paghihirap na ipinaranas nito sa kanila. Ngunit, bago iyon, kailangan na muna niyang makawala sa poder nito. Wala na rin naman siyang dahilan para manatili pa. At dapat na siyang lumaban.

Mayamaya pa'y inayos na niya ang kanyang sarili't mabilis na tumayo. Pagpihit niya sa kanyang likuran ay isang imahe ng lalaki ang naroong nakatayo—ilang hakbang lamang ang layo sa kanya. Madilim man sa paligid ay ramdam niyang titig na titig ito sa kanya. At kilala niya iyon.

Sandali siyang napalunok ng sariling laway at pilit na pinatatag ang sarili.

"Ahm, I... I..." aniya.

"I'll take you there," tipid lamang na sagot ng lalaki. Hindi pa man natatapos ni Celina ang nais sabihin ay tila nahulaan na iyon ng lalaki. "Don't worry about your husband. Mananatili ako sa tabi mo hanggat gusto mo. Your mom is waiting for you."

"Maraming salamat, Jess."

PASAKAY pa lamang sina Jess at Celina ng sasakyan nang matanaw sila ni Ashton mula sa 'di kalayuan. At bago pa man sila makalabas ng gate ay nakasakay na rin ito sa kanyang kotse.

Walang kamalay-malay ang dalawa na nakasunod sa kanila si Ashton. Madilim ang mukha nito't kating-kati ng maabutan sila.

Mabilis ang pagmamaneho ni Jess. Alam ng lalaki na hindi magtatagal ay makakarating na sa kaalaman ni Ashton na itinakas niya ang asawa nito. At malaking gulo ang pinasok niya. Ngunit, hindi na siya maaari pang umatras. Wala rin naman siyang pinagsisisihan. Sa umpisa pa lang ay alam na niya ang mga maaaring mangyari o maging kapalit ng lahat ng ito. Hindi lang talaga niya kayang tiisin si Celina.

Oo. Mali ang ginagawa niyang panghihimasok sa relasyon ng mag-asawa. Magulo na ang mga bagay-bagay para sa mga ito at dumadagdag pa siya. But, he can't help it. Hindi niya kayang hayaan na lang na magdusa si Celina sa piling ng lalaking hindi naman nito mahal, at lalong hindi rin ito mahal. Kaya nga noong una silang magkita sa resort sa Tagaytay ay nakialam na siya.

Matagal na niyang kilala si Celina pero hindi siya kilala ng babae. Magkakasosyo sa negosyo ang kanilang mga pamilya't doon niya ito unang nakilala.

Hanggang tingin, sulyap, at tanaw lang ang kaya niyang gawin noon dahil parati siyang nauunahan ng hiya. Katunayan pa nga'y iisang unibersidad lang ang pinasukan nila. Ahead lang siya ng dalawang taon kay Celina at campus crush noon ang babae.

Halos limang taon na niyang iniingatan ang kanyang nararamdaman para rito. Hindi lang siya magkalakas ng loob dahil natatakot siyang masaktan niya ito. Kaya pinili na muna niyang ayusin ang buhay para sakaling magkaroon na siya ng sapat na tapang na harapin ang babae ay may maipagmamalaki na siya. At hindi nakadepende sa ama.

Kaya naman ganoon na lang kasakit ang naramdaman niya nang mabalitaang kasal na ito. At hindi niya matanggap na kay Ashton Gamara pa ito babagsak. Ang lahat nang pagtitiis niya'y nabale-wala lang nang ito ang mapangasawa ni Celina. Ang isang nakakapagpagalit pa sa kanya'y fixed marriage ang nangyari't minamaltrato pa nito ang babae.

"Are you nervous?" Yumuko lang si Celina bilang tugon.

Sinulyapan niya ang magkasalikop nitong mga kamay. Bahagya iyong nanginginig. Hindi rin ito mapakali sa kinauupuan na marahil ay binabagabag ng takot para sa asawa. "Everything will be fine. Hindi ko hahayaang makalapit sa 'yo si Ashton. At lalo na sa parents mo."

Napabuntong-hininga na lamang muli si Jess sa nakikitang pagkabalisa ni Celina. Hindi na rin nito magawa pang magsalita sa pag-iisip ng kung anu-anong mga bagay. Naiintindihan niya ang takot nito para sa sarili't lalong-lalo na sa mga magulang nito, kaya naman wala siyang balak na pabayaan ito. Heto na siya, e. He is on his second step already to get the woman his longing for. Itutuloy-tuloy na niya ito. Lalo pa't alam niyang kailangan siya nito ngayon.

NGUNIT, mayamaya pa'y bigla na lang silang binulaga ng isang sasakyan sa kanilang likuran.

"Shit!" bulalas niya. Malakas niyong binangga ang likod ng kanyang kotse, na muntik na nilang ikapahamak. Dahil kung hindi siya nakaiwas kaagad ay malamang sumalpok na sila sa nakasalubong na track.

"Si Ashton!" sigaw ni Celina matapos makilala ang sasakyan ng asawa na siyang nasa likuran nila.

"Patay na! Kumapit kang mabuti, Celina!" Pagkuwa'y bigla niyang tinapakan ang silinyador ng kotse. Umabot ang bilis niyon sa 220kph, ngunit mabilis ding nakipaghabulan ang sasakyang minamaneho ni Ashton. Ang pagpapatakbo nilang dalawa ay makakatawag na ng atensyon ng mga pulisya dahil sa hindi normal na bilis.

"C'mon!" anas ni Ashton.

Halatang desperado itong mabawi si Celina mula sa kanya. Kaya mas binilisan pa niya ang pagmamaneho. Ilalaban niya ng patayan ang babae kung kinakailangan. Ganoon niya ito kamahal.

Nagtagal pa ng ilang sandali ang dikit na dikit na paghahabulan nilang iyon. Ngunit, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkaroon ng aberya sa kanyang panig. Biglang na-flat ang isang gulong ng kanyang sasakyan, at sa tulin niyang magpatakbo'y nawalan na siya ng kontrol kaya hindi na niya napigilan pa ang pagbangga nila sa mga naroong plastic barriers. Inararo iyon ng kanilang sasakyan hanggang sa tuluyan itong mapahinto.

"CELINA!" gulat na gulat na sigaw ni Ashton nang makitang naaksidente ang mga ito.

Agad niyang tinapakan ang break ng sasakyan. Sa tulin niyang magpatakbo'y halos mangudngod siya sa manebela nang huminto ito. Ngunit, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at mabilis na tumakbo upang dumulog sa naaksidenteng sasakyan. Una niyang hinanap si Celina sa passenger seat.

"Celina! Celina, are you okay?" Nadatnan niyang may malay pa ang asawa. Hindi ito napuruhan, at tanging ilang galos lamang sa mukha at braso ang natamo. Ngunit, si Jess ay wala ng malay at duguan ang ulo habang nakasubsob sa manebela nito.

"Damn it!" bulong-bulong niya. Pinuwersa na rin niyang buksan ang pintuan nito upang kunin si Celina.

"J-jess… Jess!" Pilit na ginigising ni Celina ang lalaki ngunit nananatili itong walang malay kahit pa yugyugin na niya ang balikat nito. "Diyos ko po! B-bakit ba nangyari 'to?"  

"Halika na, Celina. Umalis na tayo!" Hinawakan niya ang braso nito upang alalayang lumabas. Pero mabilis nitong iwinaksi iyon kasabay ng matatalim na titig na ipinukol sa kanya.

Alam niyang sa loob-loob nito'y isinusumpa siya ni Celina dahil sa mga nangyari. Pero hindi niya ito maaaring isuko ng gano'n-gano'n na lang. Hindi pa siya tapos sa kanyang mga plano. Kung tutuusin ay nag-uumpisa pa lamang siya. Kaya hinding-hindi niya mapapayagang basta na lang itong mawala sa kanyang mga kamay.

"Let me go!" bulyaw sa kanya ni Celina. Pilit itong nanlalaban at binabawi ang kamay mula sa kanyang pagkakahawak. "Hindi ako sasama sa 'yo!"

"'Wag ng matigas ang ulo! Gusto mo bang mamatay dito kasama ang lalaking kalaguyo mo, ha? Iyan ba talaga ang gusto mong mangyari? Baka nakakalimutan mong asawa kita! Huwag kang malandi!"  

"Hindi kita asawa! Ni minsan ba… ipinaramdam mo sa'kin na asawa mo 'ko? Ashton, baka nakakalimutan mong impyerno ang buhay ko sa piling mo! At ako pa ngayon ang malandi? Kung malandi na sa paningin mo ang sumama ako sa isang lalaki para tumakas mula sa 'yo… E, ano pa ang tawag mo sa pakikipag-sex mo sa iba't ibang babae sa harapan ko? Sabihin mo nga!"

"This is not the right time para pagtalunan natin 'yan! Umalis na tayo!" Muli niyang hinawakan ang braso nito. At sa pagkakataong ito'y halos kargahin na niya si Celina palabas ng sasakyan para hindi na makapanlaban.

"Hindi! Hindi! Diyos ko po… Iiwan mo na lang ba si Jess dito ng ganyan ang kalagayan? Kailangan niyang madala kaagad sa ospital, Ashton! Parang awa mo na…" Patuloy pa rin sa pagpalag ang babae.

"Why would I do that? Itinakas ka niya! At malamang pinaniwala ka niya sa kanyang mga kasinungalingan kaya ka sumama. Alalahanin mo, Celina… hawak ko ang medical support ng mommy mo!" aniya. Ngunit isang malakas na sampal ang ipinadapo nito sa kanyang pisngi—na labis niyang ikinagulat. Nakita rin niya ang sunod-sunod na pagpatak ng mga luha sa namumula nitong mga mata. Puno ang mga iyon ng pait at galit.

"'Wag na 'wag mo na uling mababanggit ang mommy ko sa mga kasinungalingan mo, Ashton! Alam ko na ang lahat... Lahat-lahat!"

Kung gayon ay alam na nga nitong hindi siya tumupad sa kanilang usapan kaya ito tumakas. Pero hindi pa rin niya ito puweding pakawalan.

"Umalis ka na, Ashton… Iwan mo na lang ako dito. Tigilan mo na ako!" naghuhuramintadong bulyaw nito.

Ngunit, sa halip sa sundin ang gusto nito'y sarkastiko siyang napangiti. Ang lagay ba ay matatapos na lang ang lahat dito? Ng gano'n-gano'n na lang? Pagkuwa'y kinuha niya sa bulsa ng suot na pantalon ang kanyang cellphone. And dialed 911. Ini-report niya ang detalye ng nangyaring aksidente; maging ang kalagayan ni Jess.

"Are you relieved now? Let's go!" mariin niyang turan. At walang pasabing binuhat ang asawa papunta sa kanyang kotse.

"Ano ba! Ibaba mo 'ko, Ashton! Ayoko ng sumama sa 'yo!" Masakit ang mga palo nito sa kanyang balikat at likod. Pero hindi lang niya iyon pinansin, at patuloy na nagbingi-bingihan.

Puwersa niya itong ipinasok sa loob at matuling pinaandar ang sasakyan.

LABIS ang pag-aalala ng mga kasambahay—lalo na si Aling Martha—nang dumating sina Ashton at Celina sa bahay na nagtatalo.

"Ibaba mo 'ko, Ashton! Ano ba!" Buhat-buhat pa rin siya ni Ashton hanggang paakyat sa kanilang silid. "I said, let me go!"

'Nag-aaway na naman sila!

Ano na naman kaya ang nangyari?'

Bulong-bulungan ng ilan sa mga kasambahay, habang nakasilip mula sa may dining area. Tanaw kasi mula rito ang hagdanan paakyat sa ikalawang palapag.

"Ahhh! Let me go!" Pilit pa ring nanlalaban si Celina. Ngunit, para lamang siyang batang pasalit kumpara sa lakas nito.

Marahas siya nitong ibinagsak sa kama at dinambahan para hindi na makatayo. Pagkuwa'y kinuha nito ang isang lubid sa naroong drawer at mahigpit na itinali ang magkabila niyang kamay.

"Anong ginagawa mo?!"

"Dapat kang itali hanggang sa magtanda ka!"

"H-hindi! Hindi mo puweding gawin 'to sa'kin, Ashton! Ano ba!" Lalo pa siyang nagwala. Hindi siya makakapayag na ikulong siya nito't itali na parang hayop. Ngunit, kahit anong palag ang gawin niya'y matagumpay pa rin siya nitong naitali sa kama.

Magwala man siya't paulit-ulit na hilahin ang mga kamay ay sakit lamang sa braso ang natatamo niya. Nagdudulot din iyon ng mga galos sa kanyang balat.

"Ashton… parang awa mo na. Pakawalan mo 'ko dito!"

"Huwag na huwag mo 'kong kakalabanin, Celina! Hindi mo pa alam ang kaya kong gawin," anito't tinalikuran na siya. Hawak din nito ang susi at narinig pa niya ang pag-lock nito ng pinto mula sa labas. Seryoso nga talaga ito sa pagkulong sa kanya.

Tinungo ni Ashton ang isang silid sa tabi lamang niyon at doon nagpakalango ng alak. Hindi na ito nag-abala pang buksan ang ilaw sa loob, at nanatili sa dilim na tanging ang liwanag lamang na nagmumula sa buwan ang nagsisilbi nitong ilaw upang makita ang isang bote ng alak.

Tulala ito roon. Malalim ang iniisip. Naririnig pa rin ni Ashton ang mga sigaw ni Celina sa kabilang silid. Ngunit, nanatili itong matigas ang puso hanggang sa kusa na itong tumigil. Marahil ay napagod na sa kasisigaw o nakatulugan na lamang ang pagwawala.

Mula sa isang bote ng alak, hanggang sa makaubos si Ashton ng tatlo pang Whisky. Ngunit, tila wala pa rin itong balak na tumigil sa pag-inom.

Nakasalampak na ito ng upo sa ibaba ng kama, katabi ang mga basyo ng alak. At ikinukubli sa dilim ang mga luhang hindi na nito napigilan pang manulay sa kanyang mga pisngi.

Ngunit, para saan ba ang mga luhang iyon? He's good at hiding emotions.

Mayamaya pa'y susuray-suray na tinungo ni Ashton ang banyo. Lango na ito sa alak at hirap nang lumakad ng tuwid. Gayunpaman ay hindi pa rin nito magawang bitawan ang bote ng alak na halos kaunti na sa kalahati ang laman.

Pilit nitong kinakapa ang switch ng ilaw sa banyo pero hindi nito mahanap. "Lintik! 'Asan na ba ang pesteng switch na 'yon?!" palatak nito.

Ngunit, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkamali ng galaw si Ashton dahil sa sobrang kalasingan at pagkahilo. Bumagsak ito sa sahig. At ang masama pa'y nabagok ang ulo nito sa tiles na naging dahilan ng agarang pagkawala ng ulirat nito.

...to be continued