"Nah, I want that dress pala. Hindi pala pretty 'yong binigay mo. I don't like it na."
Kinagat ko ang aking ibabang labi at pasimpleng humugot ng malalim na buntong hininga upang ikalma ang aking sarili. Tumalikod ako sa kaniya at kinuha ang damit na itinuro niya. Nang makuha iyon ay saka ako walang ganang humarap sa kaniya.
Magdadalawang oras na yata kami rito sa kuwarto niya dahil papalit-palit siya ng desisyon. Mabuti na lamang talaga at hindi siya mahirap gisingin dahil kung hindi, baka natapos na ang klase ay narito pa rin siya sa bahay at namimili ng damit na isusuot.
Bakit ba kasi walang uniform ang school nila? Ang dami pa nilang arte, ang hirap kayang pumili ng isusuot na damit.
"Ma'am Chantal, mal-late ka na sa school mo. Idaraan pa kita bago ko idaan si Jarvis—"
"Nagrereklamo ka ba?" Ipinagkrus niya ang dalawang braso bago ako tinaasan ng kilay.
Pilit akong ngumiti sa kaniya bago marahang umiling. "Hindi naman, Ma'am. Nag-aalala lang ako kasi baka ma-late ka," kaswal na sagot ko sa kaniya.
Dahil sa ginawa ko ay mukhang mas lalo pa siyang nainis dahil dumilim ang ekspresyon sa kaniyang mukha. Alam ko naman na ginagawa niya lang ang mga ito at iniinis ako. Ngayon na nakikita niyang hindi siya nagtatagumpay sa pang-iinis sa akin, alam na alam kong inis na inis na siya at kaunti na lamang ay magwawala na.
Napailing ako. Hindi ko alam kung bakit ganito niya ituring ang ibang tao—kung bakit niya pinapalayo sa kaniya sa pamamagitan ng pagsusungit. Sigurado naman ako na magugustuhan siya ng lahat kung mabait siyang bata kaso…
Bakit niya itinutulak palayo sa kaniya ang mga taong gusto lang namang magmalasakit sa kaniya? Hindi ko tuloy maiwasang mas lalong mag-alala dahil sa lagay niya. Bata pa siya pero mukhang ang dami nang pinagdaraanan sa buhay.
Tumayo siya sa kama at kinuha ang hawak kong damit. "Change my clothes na," utos niya.
"Hindi ka pa marunong magpalit ng damit mo?"
"I'm lazy," may halong inis na sambit niya kaya't wala akong nagawa kung hindi ang mapailing at sundin ang utos niya. Para namang may iba akong choice, ano. Siyempre susundin ko kung ano man ang inutos niya.
Saktong pagkabihis ko sa kaniya ay may kung sinong kumatok sa pintuan. Tatayo na sana ako para pagbuksan siya ng pinto ngunit agad ko nang narinig ang boses ni Jarvis mula sa labas.
"Mama? Mama, papasok na po ako."
Agad akong tumayo mula sa aking kinauupuan bago ichineck ang itsura ni Ma'am Chantal. Aalukin ko pa sana siya na gusto kong ayusan siya ng buhok pero mukhang bad trip siya at saka kaunti na lamang ay mal-late na sila kaya't hindi na ako nag-abala pang tanungin siya. Nakasuklay na rin naman siya kanina pa kaya't inaya ko na siyang lumabas.
Sabay kaming lumabas ni Ma'am Chantal sa kaniyang silid habang bitbit ko ang kaniyang backpack. Naabutan naman namin si Jarvis sa labas ng kuwarto na dala na rin ang backpack at naka-uniform na.
"'Nak, sabi ko, hintayin mo ako sa kuwarto kasi bibihisan din kita, 'di ba?"
Malapad na gumiti sa akin si Jarvis at marahang umiling. "Big boy na po ako, Mama. Kaya ko na," proud na sambit niya kaya't wala akong nagawa kung hindi ang mapailing at ang guluhin ang kaniyang buhok.
"Liit naman."
Wala sa sarili akong napalingon sa gawi ni Ma'am Chantal nang marinig ang sinabi niya. Sinalubong niya lamang ako ng tingin at pinagtaasan ng isang kilay bago siya nag-iwas ng tingin sa akin na para bang wala siyang pakialam kung narinig ko siya o ano.
Napailing ako bago ko ibinalik ang aking tingin sa gawi ni Jarvis. Tulad ng inaasahan ko, nakasimangot ito habang nakatingin kay Chantal na para bang hindi nito nagustuhan ang sinabi nito sa kaniya.
Umismid si Jarvis. "Mas matangkad kaya ako sa 'yo," mahinang angil niya bago nag-angat ng tingin sa akin. "'Di ba po, Mama?"
Awkward akong ngumiti at hindi na sumagot dahil baka mas lalo pa silang mag-away ni Ma'am Chantal kapag sumagot at may kinampihan ako sa kanilang dalawa.
Nasa unahan namin si Ma'am Chantal habang bumababa kami ng hagdan. Nakahawak naman sa laylayan ng damit ko si Jarvis dahil hindi siya sanay na bumaba ng ganoong kataas na hagdan samantalang si Ma'am Chantal ay kahit yata nakapikit, kayang bumaba nang mag-isa. Gayunpaman, hindi ko inalis ang aking mga mata sa likod niya dahil baka aksidente siyang mahulog.
Nang makababa sa first floor ay saka humarap sa akin si Ma'am Chantal. "Did you pack my lunch?" tanong niya.
Kumunot ang noo ko. "H-Ha? 'Di ba ano… half day ka?"
"I don't eat lunch here," inis na sambit niya at inirapan ako. Wala sa sarili namang umawang ang aking mga labi at hindi makapaniwalang tumingin sa kaniya dahil sa ginawa niya. "My gosh. Hindi ba sinabi sa 'yo ni Yaya Lerma?"
Ilang beses akong napakurap dahil hindi ko alam kung may nasabi ba sa aking ganoon si Manang Lerma o kaya ang Daddy niya. Hindi ko matandaan pero baka mayroon at hindi ko lamang napagtuunan ng pansin?
"Sabay nalang tayong kumain!"
Nanlalaki ang aking mga matang napatingin kay Jarvis nang marinig kung anong inalok niya kay Ma'am Chantal. Maging si Ma'am Chantal ay bahagyang nanlaki ang mga mata dahil mukhang hindi niya rin inaasahan ang bagay na iyon.
Kapagkuwan ay malakas siyang bumuntong hininga. "Nah. I'll just eat outside," sagot niya kay Jarvis bago humarap sa gawi ko. "Hingi ka kay Daddy ng money, okay?"
"H-Ha?"
Muling umarko ang kilay niya. "We'll eat lunch at the restaurant since you didn't prepare my lunch."
"Pero kasi…" Napatingin ako kay Jarvis na ngayon ay nakasimangot dahil mukhang alam na niya kung anong mangyayari kapag pumayag ako. Malakas akong bumuntong hininga. "D-Dito kasi kami kakain ni Jarvis sa bahay kasi wala rin akong naihandang lunch kay Jarvis. A-Akala ko kasi dito ka sa bahay kakain kaya—"
"Then bring him with you," kaswal na sambit niya at tumalikod na sa amin. Dire-diretso siyang naglakad palabas ng bahay samantalang naiwan naman kami ni Jarvis sa loob at hindi pa rin makapaniwala sa sinabi nito.
"Mama…"
Sumulyap ako kay Jarvis at tipid siyang nginitian. "Sasabay sa 'yong kumain si Mama, okay?" sabi ko. Napalabi siya at marahan na lamang tumango bilang sagot sa akin. Napailing naman ako.
Alam kong gusto akong makasabay ni Jarvis sa pag-kain kaso kapag naman alam niyang sasabay ako kay Ma'am Chantal sa pag-kain, hindi siya makakasabay. Mahal ang bayad sa restaurant na kakainan ni Ma'am Chantal at wala akong pambayad doon kung sakali mang isasama ko si Jarvis—at mukhang alam din iyon ng anak ko kaya't napaismangot siya.
Malakas akong bumuntong hininga. Kukumbinsihin ko na lamang si Ma'am Chantal na sa bahay na lamang kumain mamaya para hindi na ako mamroblema. Hinawakan ko ang kaliwang kamay ni Jarvis bago kami magkahawak-kamay na sumunod kay Ma'am Chantal palabas ng mansion.
Nang makarating kami sa sasakyan ay prenteng nakaupo na roon si Ma'am Chantal at nakasandal ang likod sa upuan ng kotse. "You're so tagal," reklamo niya.
Tipid ko siyang nginitian. Ako ang umupo sa gitna samantalang katabi ko naman si Jarvis sa kaliwang gilid at sa kanan ko naman si Ma'am Chantal.
"Ah, Manong. Si Ma'am Chantal po muna ang ihatid nati—"
"Ayaw ko pang pumunta sa school," pagputol ni Ma'am Chantal sa dapat na sasabihin ko kaya't wala sa sarili akong napalingon sa gawi niya. Nag-iwas siya ng tingin sa akin at sa halip ay tumingin na lamang sa bintana ng sasakyan. "Hatid mo muna 'yang son mo."
Magsasalita pa sana ako para sagutin siya ngunit naunahan na ako ni Jarvis sa pagsasalita.
"Chanty?" pagtawag niya sa pangalan nito kaya't napatingin sa kaniya si Ma'am Chantal. Tulad ng nakasanayan, tinaasan niya ng kilay si Jarvis. Marahil ay naiinis na naman siya sa itinawag nito sa kaniya.
"Oh?"
Sa kabilang banda, nakasimangot naman si Jarvis habang nakatingin kay Ma'am Chantal. "Hindi ba ikaw marunong mag-po?" tanong niya.
Bahagyang nanlaki ang aking mga mata dahil sa itinanong niya. Maging si Manong na nagd-drive ay hindi na rin napigilan pa ang kaniyang sarili at sa halip ay mahinang tumawa. Agad namang sumama ang timpla ng mukha ni Ma'am Chantal at masamang tiningnan si Jarvis.
"Marunong ako mag-po pero kay Daddy lang," pagtatanggol nito sa sarili.
Napalabi si Jarvis. "Bakit sa Daddy mo lang? Tanda na rin naman ang Mama ko saka si Lola Lerma, ah? Bakit 'di mo sila pino-po? 'Di ba dapat nagpo-po dapat sa mga matatanda?"
"Eh sa ayaw ko, e—"
"Dapat mag-po ka na para good girl ka na. Hindi ka cute kapag sungit ikaw," pagputol ni Jarvis sa sasabihin ni Ma'am Chantal kaya't kinagat ko ang aking ibabang labi upang pigilan ang aking sarili sa pagtawa.
Nang sulyapan ko naman si Ma'am Chantal ay masama ang tingin nito sa akin kaya't tipid ko na lamang siyang nginitian. Umismid siya sa akin at nakasimangot na nag-iwas ng tingin.
"Jarvis, 'di ka dapat ganoon kay Ma'am Chantal," mahinang bulong ko sa anak ko.
"Mama, dapat good girl siya para love na siya ng mga tao. Galit sa kaniya mga tao sa bahay, e. Rinig ko sina Yaya Lerma kaninang umaga, pinag-uusapan siya. Bad daw siya kaya siya iniwa—"
Tinakpan ko ang bibig niya at pinanlakihan ng mga mata. Kahit na mahina naman ang pagkakasabi niya, nag-alala pa rin ako dahil baka narinig siya ni Ma'am Chantal. Medyo… medyo nakaka-offend pa naman iyon.
Naging tahimik ang biyahe namin patungo sa eskwelahan ni Jarvis. Nang makarating na kami ay ibinaba ko lamang si Jarvis sa gate at ipinagbilin sa matandang guard ng eskwelahan na naka-close ko na rin dahil binabantayan niya si Jarvis sa tuwing huli ko na siyang nasusundo.
"Bakit ganyan ang school ng anak mo?"
Tumingin ako sa gawi ni Ma'am Chantal nang magtanong siya matapos kong maihatid si Jarvis sa gate ng paaralan. Kumaway muna ako kay Jarvis sa bintana bago ko sinagot si Ma'am Chantal. "Bakit? May problema ba?" takang tanong ko.
"Daming tao… hindi ba siya nawawala diyan?"
Mahina akong tumawa at marahang umiling. "Ganiyan talaga kapag public school. Tara na, ihahatid ka na namin sa school mo. Baka late ka na—"
"Bawal ba ang bad sa school ng son mo?"
Ilang beses akong napakurap at taka siyang tiningnan dahil sa tanong niya sa akin. "H-Ha?"
"Bawal ba ako diyan?" dagdag niya pa na siyang mas lalo kong ikinapagtaka.
Naguguluhan akong tumingin sa kaniya dahil doon. "A-Ano bang ibig mong sabihin? Siyempre, bawal ka rito kasi mayaman ka. Mapapagalitan ka ng Daddy mo kapag diyan ka nag-aral, ano," awkward na sabi ko at awkward ding tumawa upang hindi masiyadong maging seryoso ang mood sa pagitan naming dalawa.
Humaba ang nguso niya habang nakatingin sa pigura ni Jarvis na nakahawak sa bag at naglalakad papasok sa loob ng eskwelahan. "Baka mga good boys lang ang nasa school na 'yan like your son. Baka bawal ako diyan kasi bad girl ako," mahinang sambit niya at nag-iwas na ng tingin sa akin.
Napailing ako at hindi na siya sinagot pa. Mabait naman siya… nang kaunti. Masungit nga lang. Pero bawal pa rin siya sa school ni Jarvis. Baka mamaya, mahimatay ang tatay niya kapag nalaman na dinala ko ang 'mamahalin' niyang anak sa ganoong klaseng lugar.
Malakas akong bumuntong hininga. Hirap talagang maging mayaman—pero mas mahirap pa rin talagang maging mahirap.
----