"Ano ba namang klaseng sayaw 'yan, Lyana? Umayos ka nga, para kang poste riyan."
Mas lalong uminit ang ulo ko nang marinig ang sinabi ni Jasrylle kaya't sa halip na humarap sa salamin ay sa kaniya ako tumingin. "Sinabi ko naman sa 'yo na wala akong alam sa mga pagani-paganito, 'di ba? Sabi mo naman sa akin, kaya ko—"
"Ang sabi ko kasi, gumiling-giling ka lang. Eh sa ginagawa mong 'yan, para kang baboy na kinakatay. Kaloka ka, ha! Nahahaggard ang beauty ko sa 'yo," reklamo niya pa at pinaypayan ang kaniyang sarili. "Grabe ka na, 'teh. Grabe ka na. Puwede ka ng maging human poste sa lagay na 'yan. Poste 'yan? Kawayan ka girl?"
Umirap ako dahil sa sinabi niya at hinilot ang aking sintido. Kanina pa kami nagpapractice sumayaw dahil sabi niya, dadalhin niya raw ako mamayang gabi sa bar kung saan siya nagtatrabaho at ipapakilala sa amo niya. Tinuturuan niya ako dahil ayon sa kaniya, nagpapasample raw iyong Mamita niya sa pagsasayaw at hindi ako matatanggap hangga't hindi ako sumasayaw—kasi iyon naman talaga ang aapplyan kong trabaho.
"Paano na 'yan? Hindi nga ako marunong magsayaw. Kita mo naman, 'di ba? Hindi ako nagloloko nang sinabi ko sa 'yong hindi ako marunong at wala akong alam sa mga ganyan-ganyan."
Malakas na bumuntong hininga si Jasrylle at umupo sa kama ko. Napadaing pa siya dahil ibinagsak niya ang puwit niya sa kama dahil sa pagdadabog pero mukhang nakalimutan niya yatang matigas iyon. Napailing naman ako nang tingnan niya ako nang masama.
"Malay ko ba, akala ko naman kasi matuturuan ka kahit papaano. Aba, eh malay ko ba na ganiyan pala katigas 'yang katawan mo, ha? Sa lagay na 'yan, hindi sila maaakit, e. Matatawa na lang sila dahil may nagsasayaw na poste sa harap nila," sagot niya na siyang mas lalo kong ikinasimangot.
Hinilot kong muli ang aking sintido dahil sa inis. "Wala ka na ba talagang ibang mahahanap ng trabaho? Kailangan ko ng trabaho, Jasrylle, alam mo 'yan. Malapit nang maubos ang gamot ni Thirdy. Sa makalawa ay susunduin ko na rin siya kina Tiyang kaya mas madaragdagan ang gastusin ko rito sa bahay. Kung ako, puwede akong magpalipas ng gutom, hindi ko naman puwedeng gutumin si Thirdy pag-uwi niya rito."
"Iwanan mo nalang kaya sa Tiyang mo—"
"Jasrylle," suway ko at sinamaan siya ng tingin. Agad naman niyang itinikom ang bibig at nag-peace sign sa akin kaya't muli akong napailing. "Mabuti na nga lang talaga at kahit papaano ay tinutulungan ako ni Tiyang sa pag-aalaga kay Thirdy kahit na isinasama nalang niya sa pagtitinda sa palengke ang kapatid ko. Alam kong mahirap din para sa kaniya ang magtrabaho at bantayan si Thirdy kaya't ayaw ko namang maging abusado dahil lang sa mabait siya sa amin."
Ipinagkrus niya ang dalawang braso at tinaasan ako ng kilay. "Oh, e 'di paano na nga 'yan ngayon? 'The, pambayad mo lang dito sa renta moa ng sinusweldo mo sa pagiging waitress. Tapos 'yong suweldo mo naman sa pagiging dishwasher, para sa pang-araw-araw mong gastusin. 'Yong suweldo mo sa pagtututor tuwing M-W-F sa anak ni Mrs. Cruz, pambayad naman sa tubig at kuryente. Wala na, sakto na 'yang lahat para sa 'yo. Ayos lang sana kung sarili mo lang pero si may Thirdy kaya…"
"Kaya kailangan kong mas lalong maging masipag," dagdag ko sa sinabi niya at malakas na bumuntong hininga. "Kaya nga tulungan mo na ako. Kung sumasahod ka ng pitong libo isang araw, mas lalo 'yong makakatulong sa aming dalawa ng kapatid ko. Sigurado akong kasyang-kasya na iyon sa aming dalawa saka sa pampagamot niya."
"Alam mo, ako ang nag-aalala sa mga paganyan mo, e. Baka nga mauna ka pang mamatay kay Thirdy dahil sa ginagawa mo. Natutulog ka pa ba, 'te? 'Yong totoo? Ilang hours?" Hindi ako nakasagot sa tanong niya dahil hindi ko rin alam kung ilang oras pa ba akong nakakatulog sa kada-araw. Kung titigil ako, wala namang ibang magpapakain sa aming dalawa ng kapatid ko.
Maaga kaming naulila kaya't nang makatapos ng High School ay hindi na ako nakatuloy pa sa kolehiyo at sumabak na kaagad sa pagtatrabaho dahil wala naman akong ibang maaasahan kung hindi ang sarili ko. Idagdag pa na kailangan kong siguruhin na maayos ang lagay ng kapatid kong si Thirdy. May sakit siya sa pag-iisip kaya't hanggang ngayon ay isip-bata pa rin siya. Hindi ko naman siya puwedeng basta-basta na lamang iwan kaya't nagtatrabaho ako para sa sarili ko at para sa kaniya.
Nang makilala ko si Gab, akala ko ay siya na ang mag-aahon sa amin sa kahirapan. Siguro isa sa mga naging dahilan ko kung bakit ko siya nagustuhan ay dahil sa mayaman niya—oo, mukha akong hipokrita dahil doon. Pero kasalanan ko bang doon ko naisipang kumapit noon? Hindi ko naman kasalanan na ipinanganak akong mahirap at kinakailangan kong magtrabaho araw at gabi para lang mabuhay.
Akala ko ay sa wakas, makakaahon na kami sa kahirapan pero mas lalo lang kaming nalubog sa utang. Hindi ako tumigil sa pagtatrabaho noon kahit na buntis ako dahil hindi ako pinanagutan ni Gab. Kailangan ko ng perang magagastos ko sa pang-araw-araw at sa gamot ni Thirdy. Hindi na ako nakapag-ipon kaya naman nang makapanganak ako ay nabaon ako sa utang.
Letseng buhay talaga.
"Ang mahalaga, may pangkain kami," tanging sagot ko at nag-iwas na ng tingin kay Jasrylle.
Umiling si Jasrylle bago muling tumayo at humarap sa salamin. "Oh, siya, heto na. Igiling mo na 'yan, dali. Hapon na, huwag ka ng choosy. Kapag hindi ka natanggap, nako, wala na tayong magagawa," sambit niya at gumiling-giling na sa harap ng salamin.
Wala naman akong nagawa kung hindi ang malakas na bumuntong hininga at gayahin ang ginagawa niya kahit na magkaibang-magkaiba kaming dalawa kung paano gumalaw. Bahala na. Ang mahalaga ay ang matanggap ako sa trabaho at may maipambili ng gamot ni Thirdy. Basta para sa akin at para kay Thirdy… kailangan kong kayanin.
**
"Magsasayaw ka ba rito sa bar o gusto mong maging komedyante?"
Tumigil ako sa pagsasayaw nang marinig ang sinabi ng tinatawag na 'Mamita' ni Jasrylle. Kunot na kunot ang noo niya at halatang hindi nagustuhan ang ginawa ko kaya naman agad akong napaayos ng pagkakatayo.
"Mamita, pagbiyan mo na. Kanina lang natutong sumayaw 'yang sizmars ko, nag-improve na nga, e. Promise, ako ang magt-train diyan araw-araw para mas lalong gumaling." Ipinulupot ni Jasrylle ang kaniyang kamay sa braso ng tinatawag niyang Mamita at malapad itong nginitian.
Hindi ko naman mapigilang mapalunok nang muli akong tingnan ng amo niya at tinaasan ng kilay. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa kaya't mas lalong tumuwid ang pagkakatayo ko. HInila ko pa pababa ang suot kong napaka-iksing short na ipinahiram pa sa akin ni Jasrylle kanina.
"Ang daming nag-aaply na 'di hamak namang mas magaling at mas maganda riyan sa babaeng 'yan, Jasrylle. Mag-isip ka nga. Hindi mo ako madaraan sa mga ganyan-ganyan, ayaw ko," sabi niya kay Jasrylle bago muling ibinalik ang tingin sa akin. "Sa iba ka nalang mag-apply… pero mukhang walang tatanggap sa 'yo kung ganiyan ka magsayaw. Sayang, maganda ka pa naman. Ayaw mo bang magpok—"
"Mamita," mabilis na pagputol ni Jasrylle sa sasabihin nito. "Hindi kasi bet nitong kaibigan ko ng mga ganiyan kaya ano, sayaw-sayaw lang ganon."
Suminghal ang boss niya at ipinagkrus ang dalawang braso habang nakatingin sa akin. "Hindi mapapakain ng dignidad mo ang pamilya mo, hija," tanging sambit niya at tumalikod na.
Sinundan naman siya ni Jasrylle para kulitin kaya't naiwan ako sa loob ng 'opisina' nito. Malakas akong bumuntong hininga at mariing ipinikit ang aking mga mata upang kahit papaano ay maikalma ang aking sarili habang nag-iisip kung saan pa ako maaaring mag-apply ng trabaho dahil halata namang hindi ako natanggap dito.
Nang ilang minuto na ang nakalipas ay hindi pa rin sila bumabalik ay saka ko na napagdesisyunan na lumabas ng opisina para umuwi. Sayang lang pala ang pagpapractice ko kanina. Dapat pala ay nag-extend na lamang ako sa duty ko sa pagdidishwasher.
Hindi pa man ako tuluyang nakakalapit sa may pinto nang bumukas na iyon. Agad namang nanlaki ang aking mga mata nang may makitang isang pamilyar na mukha. Anong ginagawa niya ng isang katulad niya rito? Bakit siya narito sa ganitong klaseng lugar?
"Doctora Vallero?"
---