webnovel

Kabanata Walo [3]: Dilim sa Liwanag

"N-NASAAN TAYO 'Riah?" tanong ni Tobias nang makapasok sila sa loob ng abandonadong bahay na nasunog.

"Bahay namin 'to noon, dito kami minsan nagtatago ni Steve," mapait niyang sagot.

Hindi na nagsalita pa si Tobias at piniling manahimik na lang dahil sa alam niyang nasasaktan pa rin ang babae. Sa loob ay sinalubong sila ng purong kadiliman, tanging gabay lamang nila ay ang liwanag na nagmumula sa kalapit na poste at kabahayan. Pinilit na lang nilang aninagin ang paligid at tuloy-tuloy pa rin sila sa paglalakad kahit na paika-ika, hanggang sa ilang saglit pa ay narating nila ang kusina. At sa ibabaw ng sunog na mesa ay naroon ang isang babasagin na baso kasama pa ang ibang mga kasangkapan, tanging baso lang naman ang pakay niya at kinuha ni Kariah ang susi sa loob nito. Muli ay inakay niya si Tobias palabas ng kusina at sabay nilang tinungo ang kabilang pinto na sunog na sunog at magdadala sa kanila sa bakuran, ilang hakbang pa ay muli silang niyakap ng lamig at napansin niyang sumisikat na ang araw dahil sa naaaninagan na niya ang kapaligiran.

Saglit niyang ibinaba si Tobias sa damuhan at saka pinagtuonan ng pansin ang pinapakay. Hindi na siya nahirapan pang hanapin ang markang iniwanan, tinuklap niya kaagad paalis ang malapad na bato rito at saka tumambad sa kaniyang paningin ang kandadong balot na balot ng cellophane. Mabilis naman niyang binaklas ang plastik na bumabalot nito at saka isinilid sa susihan ng kandado ang susi, isang pihit lang ay tuluyan na rin itong bumukas kung kaya't dali-dali niya itong inalis. At gamit ang kaunting bakal na nakalitaw ay buong-lakas niyang hinila ito, inilaan niya ang lahat ng puwersang mayroon upang punitin ang mga damong nakapaligid hanggang sa umangat na rin ang parisukat na takip na balot na balot pa rin ng damo, at saka ilang hila pa ay tuluyan na ring tumambad sa kaniyang paningin ang hagdan pababa sa kanilang basement.

Muli niyang binalikan si Tobias at saka inakay ito pababa, nang saktong nakapasok na sila ay inabot naman niya ang kadenang nakakonekta sa takip at ito'y isinara kasabay ng paghakbang nila pababa. Lumukob ang kadiliman, sa puntong nakababa na rin sila ay mabilis niyang kinapa ang switch ng ilaw sa katabing pader, at isang pindot lang ay tuluyang bumaha ang liwanag sa paligid mula sa emergency lights.

"H-Hindi ko alam na may ganito pala kayo." komento ni Tobias nang makita ang kabuoan ng maliit na silid na sa tingin niya ay parang kusina dahil sa laman nito.

"Pinaggawa ito ni Papa matapos umugong ang giyera rito laban sa mga terorista noong 2007, at dahil sa hindi na ito naganap pa ay nagsilbing tamabakan na lang ng mga lumang gamit namin ito. May daan sana nito mula sa opisina ni Papa, kaso nawala yung susi at natambakan na rin ng sunog na kagamitan kaya ito na lang yung natitirang lagusan." sagot niya at dahan-dahang inupo ang lalake sa maalikabok na upuan, "Pero nang mamatay sina Mama at sinunog din ang bahay namin ay rito ako nagtatago kasama si Steve sa loob ng tatlong buwan; tinuruan niya akong lumaban, gumamit ng baril, at pinalakas din ang loob ko--marami kaming alaala rito." salaysay niya habang pinapasadahan ang paligid at iniisip ang nakaraan, pero imbes na matuwa ay parang dinudurog ang puso niya sa mapait na katotohanan, "Naging bahay namin ito hanggang sa nagtrabaho ako sa mall bilang saleslady at saka napagpasyahan ko na ring kumuha ng boarding house no'ng may sapat na akong pera."

"A-Ah," tanging nasabi ng lalake nang mablangko siya't walang naiisip tamang salita upang pagaanin ang loob nito.

"Diyan ka lang Tobias at kukunin ko lang yung medkit namin sa baba, kailangan nating linisin at gamutin 'yang mga sugat mo." pahayag ng babae at saka tuluyan naman nitong tinahak ang isa pang hagdanan pababa sa kanilang maliit ding silid.

Apat na hakbang lang sa mumunting hagdan ay nakababa na rin siya at kinapa niya rin ang switch ng ilaw rito, isang pitik lang ay tuluyang nagliwanag ang paligid at tumambad sa harap ng kaniyang paningin ang maliit nilang higaan sa isang sulok, ngunit ang mas nakakakuha ng kaniyang pansin ay ang upuan sa gitna na pinagtalian noon ni Joshua. Mariin na lang siyang napapikit upang iwaksi ito at napabuntong-hininga, saka niya tinungo ang maliit na mesa sa tabi. Binuksan niya ang kauna-unahang drawer nito at kinuha ang nag-iisang bag na namumutok sa laman. At bago pa man siya umalis sa silid ay kinuha niya ang nakatuping tuwalya sa ibabaw ng mesa at ipinulupot ito sa kaniyang bewang nang tambad na tambad pa rin ang kaniyang pang-ibabang panloob.

Dali-dali naman niyang binalikan ang lalake at saka inilapag sa maalikabok niyang mesa ang kagamitang panlunas, saglit naman siyang umalis at tinungo kaagad ang lababo. Kinuha at inabot niya ang bimpong nakasabit sa nakausling pako sa isang tabi at saka itinapat ito sa gripo, nang buhayin niya ito ay bumuhos sa kaniyang kamay ang malamig na tubig at doon lang niya napansin ang namamagang kamay matapos niyang subukan yung itinuro ni Steve sa kaniya kung sakaling kailangan niyang kumawala sa tali. Habang lunod-lunod siya sa pangyayari ay marahan naman niyang hinahaplos at pinapahid paalis ang duming kumakapit sa sariling kamay habang ininnda ang sakit, tahimik lamang siya at lingid sa kaniyang kaalaman ay nakatitig pala si Tobias sa kaniya.

Bitbit ang bimpong basa at kakapiga lang niya ay muli niyang dinaluhan ang lalakeng tahimik lang sa kinauupuan at sinimulang pahirin ang mga duming kumakapit sa mukha nito gamit ang bimpo. Habang marahang pinupunasan ang lalake ay nagtagpo na naman ang kanilang tingin at nakikita niya ang kakaibang kahulugan sa titig nito, upang 'di maguluhan ay pinili na lamang niyang umiwas at saka mas natuon sa noo nitong may sugat, bukol, at pasa pa.

"A-Ako na 'Riah." Saad ng lalake at hinawakan nito ang kaniyang kamay na may-hawak ng bimpo.

"Bakit? Masakit ba? Dadahan-dahanin ko na lang."

"Hindi, y-yung kotse kasi sa labas, baka matunton nila." pahayag ng lalake at tinamaan kaagad siya ng kaba nang maalalang iniwanan niya at ipinarada pala ito sa tabi ng kalsada, "Kaya ko na 'to."

"S-Sige," pagsang-ayon niya nang maging balisa na naman sa takot, "ipaparada ko lang yun dito sa bakuran at saka tatakpan ng trapal. Dito ka lang Tob'. Kung gusto mong maligo, may banyo ako sa baba nang sa gayon ay malamigan din ang katawan mo." Bilin niya at ibinigay sa lalake ang tuwalya niya.

"Sige salamat."