webnovel

Kabanata Pito [1]: Angil ng Sugatang Buwaya

Ika-12 ng Agosto, taong 2024

[Anim na buwan bago ang kasalukuyang kaganapan…]

Hinihingal siyang bumulagta sa maputik at malambot na lupa habang dinadama ang kakaibang uri kalayaan, kahit nanlalabo ang kaniyang mata ay hinarap niya ang malawak na kalangitan, gano'n na rin ang araw na kakasikat pa lamang. Mariin niyang hinawakan ang kumpol ng lupa at dinurog ito upang ilabas ang hinagpis na nadarama niya, kinikimkim ang hapdi at kirot sa kaloob-looban na hindi niya alam kung paano lulunasan gayong wala naman itong sugat. Wala na siyang magawa pa kung hindi ang hayaan ang mga patak ng luha niya na maglandas sa kaniyang marumi at sugatang pisngi habang iniinda ang buong katawan niyang namamanhid dahil sa rami ng sugat at baling natamo.

Kahit mahirap, kahit imposible ay pinilit niya ang sarili na bumangon; ngunit sa tuwing tinutukod naman niya ang sariling braso upang tumayo ay bumibigay talaga ito at bumabagsak lang siya sa lupa at muling nasusubsob sa pinagmulan niyang purong putik. Muli siyang napadaing at naiyak na lang sa matinding siphayo; kahit namamaos ang kaniyang boses ay paulit-ulit niyang sinisigaw ang pangalan ng sariling ina at ama na alam niyang hindi na babalik pa. Parang sinasaksak ng daan-daang patalim ang kaniyang puso sa katotohanang wala na sila, wala nang natira pa sa kaniya at hindi na niya lubos makilala pa ang sarili matapos ang isang gabi; parang gumuho na ang kaniyang mundo at hindi na niya alam pa kung paano bubuoin ulit ito.

Hanggang sa isang anino ang lumukob sa kaniyang mukha na humarang sa sikat ng araw, dahil sa panghihina ay ang maruming sapatos lang nito ang unang kumuha sa kaniyang pansin at sa presensya ng taong ito ay agad siyang tinamaan ng kaba at nagsimulang nangingig sa takot, pero sa kabila nito ay pinilit pa rin niyang maging matatag at tiningala kung sino ito. At hindi niya inaasahang makita ang maamong mukha ng lalakeng estranghero sa kaniyang paningin, lubos itong nag-aalala sa kaniya at namalayan na lang niya na mabilis siya nitong dinaluhan, maingat na inakay at saka sinuportahan. Parang bumagal ang oras sa puntong ito na wala siyang ibang nakikita kung hindi ang mukha ng lalakeng pilit siyang tinatanong kung anong nangyari.

"M-Miss, anong nangyari?"

"Ako nga pala si Steve, h'wag kang matakot."

"Kumapit ka lang, isusugod kita sa ospital."

Unang tingin pa lang ay alam niyang iba ito, kung kaya't naiyak na lang siya at walang masabing salita; purong hikbi at daing lang ang nagagawa niya habang pilit na yumakap sa bisig ng lalakeng bumuhat sa kaniya. Habang buhat-buhat siya nito ay muli siyang napatingin sa malawak na kalangitan, nilulunod ang sarili sa asul na kalawakan, at sa 'di inaasahang pagkakataon ay nakita niya ang sariling pamilya na nakangiting nakadungaw sa kaniya animo'y walang inaalalang problema. Nginitian din naman niya ito pabalik at saka inusal ang salitang nagbigay-buhay at nagpasiklab ng kaniyang lakas-loob.

"Maghihiganti ako…balang araw."

▪▪▪

Ika-4 ng Pebrero, taong 2025.

HUBO'T-HUBAD SIYANG NAKABULAGTA sa loob ng banyo habang dinadama ang lamig ng sahig at buhos ng tubig mula sa dutsa, kasabay ng pag-agos ng tubig sa buong katawan niya ay gano'n na rin ang mga luhang bumubuhos mula sa namamaga niyang mga mata. Hindi na niya ramdam pa ang sariling katawan at marahang pinapawi rin ng lamig ang hapdi ng mga paso niyang natamo sa braso, dibdib, at tiyan, idagdag pa ang mga mumunting sugat niya na natamo kanina sa pagtakas; mga bubog sa paggapang, at ang mumunting sanga ng mga halamang binabangga niya sa kadiliman. Muli siyang napatingin sa natustang bahagi ay nanlumo na lang siya nang makita ang namamaga niyang balat, inaagos ng tubig paalis ang balat niyang nasunog at nanlambot sa iilang oras na pagkababad at gano'n na rin ang mga nanang umaagos pa at natatangay naman ng tubig.

Isang katok ang narinig niya mula sa labas at napantig ang kaniyang tainga dahil dito. Walang kameo-emosyon siyang bumangon mula sa pagkakahiga at pinatay na ang dutsa, hindi naman siya nag-abala pang magbihis at magpunas ng sariling katawan, sa halip ay agad niyang hinablot mula sa lagayan ng sabon ang baril niyang hindi man lang nagamit sa binabalak kanina; mabilis niya itong kinasa at saka lumabas ng banyo upang harapin ang sinumang taong nasa likod nito. Maingat naman siya sa kaniyang balanse at iniiwasang madulas dahil sa basang-basa pa talaga siya nang tunguhin niya ang pintuan, itinutok naman niya sa gawi nito ang baril at saka marahas na pinagbuksan ang sinumang kumakatok ngayong alas tres na ng madaling araw.

At sa pagbukas niya ay bumungad sa kaniyang paningin ang nag-aalalang mukha ng lalake, ngunit agad naman itong napawi sa kaniyang mukha at nagulat sa nasaksihan. Halatang hindi mapalagay ang lalake nang makita ang hubad niyang katawan at ang baril na nakatutok sa ulo nito, namutla na lang ito at saka nauutal na nagsimulang magpahayag ng saloobin bago pa man niya makalabit ang baril.

"N-Nevada, i-ibaba mo ang baril." mahinahon na utos nito, ngunit nang mapako ang tingin nito sa kaniyang dibdib at braso na nasunog ay muling nagbalik ang pag-aalala sa mukha ng lalake, "Nevada---."

"Hindi ko ito iaalis sa ulo mo kung hindi ka magsisimulang magsalita." may-diing sagot niya at mas inilapit pa ang baril sa noo ng lalake, hinila niya rin ang safety catch ng baril upang ipakitang babarilin niya talaga ito sa akto, "Pumasok ka Tobias at kailangan nating mag-usap, sa puntong ito ay nararapat lang na sabihin mo sa 'kin ang totoo at h'wag na h'wag kang magsisinungaling dahil hindi na ako magdadalawang-isip pa na kalabitin ang gatilyo nito." banta niya na agad namang sinunod ng lalakeng takot na takot sa babaeng kaharap niya..

Mabilis itong pumasok at tinungo ang duguan niyang higaan, habang sinasara niya ang pintuan at nakita niya ang labis na hinanakit sa mata ng lalake nang pagmasdan nito ang bed sheet na namantsahan ng preskong dugo---dugo niya, saka muli itong napatingin sa sugat niya sa sariling hubad na katawan.

"Anong ginawa mo Tobias?!" iyak niya na hindi alintana kung maririnig ng kapit-bagay.

"Tashia wala akong kaalam-alam na ganon ang gagawin nila---."

"Pero alam mong bitag yun! Gago ka! Tangina mo!" asik niya at akmang kakalabitin ang gatilyo.

"M-Makinig ka muna sa 'kin, pakiusap Tashia." Bigla itong lumuhod sa kaniyang harapan at puno ng senseridad ang mga mata nito habang nagmamakaawa, "H-Hayaan mo 'kong magpaliwanag at ikaw na ang bahala sa gagawin mo sa 'kin pagkatapos, basta Tashia, pakiusap pakinggan mo muna ako." iyak nito habang nakataas ang magkabilang kamay.

Para namang pinipilipit ang kaniyang puso sa nakita, pero hindi pa rin niya ibinababa ang baril dahil napakahirap na para sa kaniya ang pagkatiwalaan ito, "Alam mo ba Tobias na no'ng una kaming nagkatagpo ni Steve ay sinaklolohan niya ako nang ako'y makalabas sa hukay? Mahigpit niya akong niyakap habang hinang-hina at walang-wala ako sa sarili, at napakasakit lang isipin at damhin na gano'n din no'ng huli kaming nagkasama! Sa tingin mo, gaano kaya kasakit itong ginawa mo sa 'kin?" bulyaw niya rito na inilalabas ang sakit sa kaloob-looban, "Hindi mo yun alam kasi wala kang puso."

"Hindi ko inaasahang gano'n ang mangyayari Tashia. Iba ito sa hinangad ko."

"Bibigyan kita ng dalawampung-segundo upang magpaliwanag at bigyang-linaw itong ginawa mo. Kung hindi mo ako makukumbinse ay bubulagta ka sa kinalalagyan mo Tobias."