"STEVE ALAM KO NA KUNG nasaan si Johan, ito na yung tsansa ko." pamimilit niya sa lalakeng nasa kabilang linya habang siya naman ay abala sa pagligpit ng mga gamit na maaari niyang gamitin sa pag-atake.
"Nevada, saan ka ba nakakuha ng impormasyong 'yan? Gaano ka ba kasigurado?" tanong ng lalake na halatang pinagdududahan ang kilos at desisyon niya.
"Alam ko ang facebook account ng lalake at nakita ko ang larawan niya na nakahilata sa sariling higaan at nanlalanta---may sakit siya, kaya paniguradong hindi siya aalis mamaya para sa lamay." pagsisinungaling niya rito upang itago ang tungkol kay Tobias, dahil kung malalaman nito ay paniguradong magagalit ang lalake, "Nakalakip din sa post niya ang lokasyon niya ngayon."
"Sandali," saad nito at biglang natahimik ang kabilang linya habang 'di pa rin tinatapos ang tawag.
Marahan naman niyang inayos ang bluetooth earpiece na nakasabit sa kaniyang tainga at mas diniinan pa ito upang marinig na klaro ang boses ng lalake kung sakaling magsasalita na ito. Hangga't wala pang ingay sa kabila ay natuon din naman siya sa pinagkakaabalahan, nagpatuloy siya sa pagligpit ng gamit at saka isinilid ito sa backpack niyang purong itim at 'di nababasa ang loob kung sakaling uulan man o susuong siya sa tubig. Sunod niyang tinungo ang sarili at lumang cabinet, pagbukas niya nito ay agad siyang napaupo at mula sa sahig sa loob ng kabinet ay hinila niya ang maliit na busol nito na nagbukas sa tinatago niyang compartment. Mula sa loob nito ay hinugot niya ang baril na glock 19 kalakip ang dalawa pang magazine na puno ng bala bilang reserba; tinignan niya muna kung may laman din ba ang magazine ng hawak-hawak na baril at nang mabilang ito ay isinilid niya ang baril sa holster at saka dinala ito sa higaan kung saan naroon din ang backpack niya.
"Nevada bakit wala akong nakikitang larawan dito sa account ni Johan?" tanong ng lalake makalipas ang ilang segundo.
"Baka binura na niya,"
"Papaanong binura?"
"S-Siguro naisip niyang mali pala yung ipaalam niya sa lahat na nasa bahay lang siya kaya binura niya para sa kaligtasan."
"Kung gano'n ay paniguradong 'di na yun mananatili sa kanilang bahay dahil aasahan ka no'n." sabi ng lalake na nagsimula nang mainis, "Baka isa lang itong bitag Nevada at hinihintay ka lang nilang mahulog dito."
"Malabo 'yan Steve, malakas ang kutob ko na mapapaslang ko talaga siya ngayong gabi." tanggi niya rito upang 'di mapawi ang pag-asa at sabik niya, "Pero kung sakaling isa man itong patibong ay iiwasan kong mahulog, paghahandaan ko ito at sisiguraduhin kong malinis na maisasagawa ito. Dadanak muna ang dugo nila, bago sa 'kin." Aniya rito.
"Hindi na ba talaga kita mapipigilan?"
"Hindi na," mabilis niyang sagot at napahiga muna sa sariling higaan, naisip niyang mukhang mahabang usapan at pangungumbinse na ito, kung kaya't nagsisi siya sa kung bakit pa siya nagpaalam.
"Akala ko ba magkasama tayo nito?"
"Sa pagdedesisyon, magkasama tayo. Pero sa gagawin ko ngayon ay 'di na, ayokong madamay ka Steve. Ayokong may mamamatay na naman dahil sa 'kin." Rason niya dahil sa napagtanto niyang si Steve na lang pala itong natitira para sa kaniya, natatakot siya na baka pati rin ito ay mawawala sa kaniya.
"Nevada ano bang problema mo? 'Di ba napag-usapan na natin 'to? Magtutulungan tayo 'di ba?" bulyaw nito at napakagat-labi na lang siya dulot ng pagkasiphayo.
"Nagbago na ang isip ko Steve, napagtanto kong mas mabuting taga-suporta ka lang sa 'kin at hindi na sasama sa kung ano man itong ginagawa ko."
"Hintayin mo 'ko pupuntahan kita riyan at mag-usap tayo."
"Hindi na ako makakahintay pa sa 'yo. Tatawag lang ako mamaya." aniya at tinapos kaagad ang tawag.
Sa katahimikan ng sariling silid ay agad niyang pinatay ang sariling smartphone upang iwasan ang kung ano mang distorbo at saka mabilis na bumangon. Mag-aalas siyete na ng gabi at sapat na ang kadiliman ng paligid para sa kaniyang plano, sapat na ito upang ikubli siya sa liwanag sa puntong aatake na siya. Upang matapos ay dali-dali niyang iniligpit pa ang ibang kagamitan at saka sinara ang sariling backpack, saka isinukbit niya ito sa kaniyang balikat at sunod na tinungo ang salamin upang tignan ang sarili.
Maayos naman ang kaniyang postura at 'di maitatangging na-miss niyang mag-suot ng purong itim, no'ng huli siyang nagsuot nito ay pinatay niya si Jansen. At ngayon, may papasukin na naman siyang bahay at papataying makasalan na tao, pero magiging iba ito sa nauna niyang biktima dahil sa papahirapan niya ito ng lubusan o kaya'y ililibing niya ito ng buhay. Habang titig na titig siya sa sariling repleksyon ay marahan naman niyang sinuklay ang sariling buhok gamit ang kaliwang kamay, kalaunan nang maging maayos ito ay inabot naman niya ang sariling itim na jacket na nakabitin sa pakong nakabaon sa dingding, isinabit niya ito sa sariling balikat at saka napagpasyahan nang umalis.
▪▪▪
PASADO ALAS OTSO Y MEDYA NA at tahimik siyang nagtago sa likod ng puno at nagmasid sa kalapit na bahay na mabibilang lang ang kapit-bahay, purong puno ang nakapaligid dito at naroon din ang kadilimang pabor sa kaniya. Muli niyang inilapit sa sariling mga mata ang binoculars at tinignan ang nag-iisang kuwartong nakailaw tungo sa bintana nito. Pero gaya ng naoobserbahan niya sa nakalipas na oras ay wala talaga siyang nakikitang galaw mula sa loob, ayaw man niyang mawalan ng pag-asa sa gabing ito, ngunit naiisip niya talagang parang walang katao-tao sa loob ng bahay at baka niloloko lang siya ni Tobias.
Muli niyang ibinaba ang binoculars at hinayaan itong bumitin sa leeg niya, mula sa backpack niya ay hinugot niya ang isang bote ng tubig at isang pakete ng droga. Mabilis naman niyang binuksan ang droga at lumunok ng isang piraso nito, saka uminom ng tubig bilang panulak at nang sa gayo'n ay mapawi na rin ang uhaw niya sa iilang oras ng pag-aabang. Nang maubos niya ang laman ng tubig ay wala siyang iniwang bakas sa kinalulugaran; muli niyang ibinalik ang bote at droga sa backpack at saka sinara muna ito bago isinukbit sa kaniyang balikat.
Malalim siyang napabuntong-hininga upang humugot ng lakas-loob, nang maramdamang hindi na siya gaanong kinakabahan, masigla na, at ramdam na pamamanhid ng sariling katawan. Ito na ang naging hudyat para sa kaniya matapos mapagpasyahang sumugod upang suyurin ang loob ng ng bahay, kukumpirmahin niya lang ito at nang masabi niya kung tinatraydor ba siya ng lalakeng pinagkatiwalaan niya, dahil kung gano'n man ay titiyakin niya talagang sa lalake maibubunton ang kaniyang galit at ang pinaghandaan niya ngayon.
Dali-dali siyang tumayo, dala-dala ang bag at mahigpit na nakahawak sa baril, akmang kikilos na sana siya paalis ng kinalulugaran nang sa 'di inaasahang pagkakataon ay may tumakip sa bibig niya't malakas siyang hinila pabalik. Sa bilis ng pangyayari ay bumagsak siya sa lupa at marahas na nagpupumiglas.