webnovel

Si Gabriel Cruz at ang Lupon ng mga Aswang

Palibhasa'y lumaki sa kalsada bilang isang mandurukot, alam ni Gabriel na hindi siya isang pangkaraniwang bata. Ngunit malalaman niya kung gaano talaga siya ka-espesyal ngayong nahanap na siya ng misteryosong si Bagwis, isang matandang lalaki na laging naka-amerikana. Ngayon, para sa kaligtasan ng ating mundo, kailangan niyang harapin ang ibat' ibang uri ng mga engkanto, lamanlupa, at higit sa lahat, ang malupit na Lupon ng mga Aswang. Sapagkat sa kanyang mga ugat dumadaloy ang Dugo ng mga Datu.

MT_See · Fantasía
Sin suficientes valoraciones
24 Chs

Ang Pagpapakilala

Sa loob ng sasakyan, hindi nagkikibuan ang dalawa. Si Bagwis ay nakatuon lamang ang tingin sa kalsada samantalang si Gabriel naman ay naglalaro pa rin ng kanyang tablet. Medyo madilim na sa labas at mababa ang maiitim na ulap sa kalangitan, tanda na malapit ng umulan.

"Woah! 99 wins in a row! Ano kayo, ha?" bulalas ng batang lalaki.

"Ano ka ba? Puro ka na lang laro."

"Oy, hindi lang 'to basta laro," sagot ni Gabriel ng hindi inaalis ang tingin sa kanyang tablet. "Kailangan ng isip dito. Kailangan ng pagpaplano dito. Di ba sabi mo, kailangan din ng isip sa pakikipaglaban."

"Kalokohan. Nagsasayang ka lang ng oras."

"Hay naku. Hindi mo naiintindihan kasi matanda ka na. Napag-iwanan ka na ng panahon. Bago ka magsalita diyan, bakit hindi mo muna subukan. Di ba't may cellphone ka diyan? Laro ka rin nito para clan tayo!"

Hindi sumagot si Bagwis.

Lumipas ang ilang minuto ng wala silang kibuan. Madilim na ng pinihit ni Bagwis ang kanilang sasakyan at pumasok sa isang magarang gate. Nang iparada ni Bagwis ang kotse, tatlong lalaking naka-amerikana ang lumapit sa kanila. Binuksan ng isa ang pinto at bumaba si Bagwis sa kotse.

Binuksan din ni Gabriel ang kanyang pinto at bumaba. "Teka, bakit hindi niyo ako pinagbuksan?" tanong niya sa isang kalbong lalaki na hindi naman siya pinansin.

Tiningnan ni Bagwis ang binata, tila ba sinasabing huwag ng magsalita at sumunod na lamang sa kanya. Si Gabriel naman ay nakatingin lamang sa malaking gusali sa kanilang harapan, kunyari ay hindi nakikita si Bagwis.

Naglakad patungo sa malalaking pintuan ng gusali si Bagwis, sa kanyang likuran ay mabilis na nakasunod si Gabriel.

"Anong ginagawa natin dito sa Manila Pen?"

Hindi siya nilingon ng matanda. "Hindi ba't sabi sa'yo ay may ipapakilala ako sa'yo."

"Sa mga aswang? Wow, sosyal ang mga aswang na 'yan, ha. Mayaman."

Nagtuloy sila sa loob ng hotel. Sinalubong naman sila ng mga lalaki at babae na magagara ang damit, parang mga businessman at businesswoman.

"Welcome, Mr. Bagwis," bati ng lalaking nasa unahan ng grupong sumalubong sa kanila. Napapanot na ito at nakasuot ng salamin sa mata. "Eto ba ang ipapakilala mo sa amin?"

Pinagtinginan ng lahat ng naroroon si Gabriel, dahilan upang mamula ang kanyang mga pisngi. "Oh, bakit para kayong nakakita ng artista?"

Natawa ang lalaking nakasalamin. Nagsipagtawanan na rin ang kanyang mga kasama.

"May pagkakomedyante pala 'tong kasama mo. I like it. I like him. Dapat gayahin mo siya, Bagwis. May sense of humor." Muling tumawa ang lalaki.

"Nandito ba si Darius?" tanong ni Bagwis.

"Dito tayo," wika ng lalaki sabay turo sa kanyang kanan.

Sabay-sabay silang naglakad, nasa unahan sina Bagwis, Gabriel, at ang lalaking nakasalamin. Sa likuran nila ay nakabuntot ang iba pa.

Hindi mapigilan ni Gabriel na hindi mamangha sa mga nakikita niya. Bagamat matagal na niya itong nakikita lalo na kapag tumatambay siya sa Ayala Triangle, ngayon lamang siya nakapasok dito. Totoo ngang napakaganda ng mga kagamitan at muwebles dito. Marami ring mga mamahaling mga pang-dekorasyon at paintings. Kahit ang mga ilaw at chandelier ay para bang kumikinang sa ganda. Para tuloy nangangati ang mga palad ng binatilyo.

Sumunod lamang sila sa lalaking nakasuot ng salamin hanggang sa pumasok sila sa isang malaking silid. Sa gitna ng silid ay mayroong isang malaki at mahabang mesa na may mga bulaklak sa ibabaw. Napapalibutan din ang mesa ng mga mamahaling upuan. Sa dulo ng mesa ay isang lalaki ang nakaupo. Sa likod niya ay nakatayo ang apat na lalaking nakasuot ng pulos itim. Pati ang ulo nila ay nakabalot ng telang kulay itim.

Ang mga Maskarados.

"Bagwis, long time no see!" bati ng lalake. Tumayo siya at ibinutones ang kanyang suot na amerikana. Hindi naman kumilos ang mga lalaking nasa likuran niya.

"Darius." Tumigil si Bagwis sa harapan ng lalaki at tiningnan ito sa mata. Sa kanyang kanan ay nagmamasid pa rin si Gabriel, halatang namamangha sa mga mamamahaling gamit na nakikita.

"Masaya ako at nagkita tayo, Bagwis."

"Darius," sagot ng matanda, "marami tayong dapat pag-usapan."

"Kaya nga tayo naririto, hindi ba?" sagot ng lalaki sabay tawa. "Maupo tayo. Maupo tayo."

Naupo si Darius sa upuan na nasa dulo ng mesa. Iginiya niya gamit ang kanyang dalawang kamay ang mga upuan, isang imbitasyon upang maupo ang mga bisita niya.

Uupo na sana si Gabriel ngunit biglang nagsalita si Bagwis.

"Salamat, pero tatayo na lang kami. Hindi naman kami magtatagal."

Bagwis, Bagwis. Hindi ka pa rin nagbabago. Napakasungit mo pa rin. Sayang naman ang pagpapareserve ko dito kung hindi kayo magtatagal."

Parang bato ang mukha ng matanda. "Darius, alam ko ang ginawa mo sa mga Matatanda. Alam ko rin kung ano ang tinatawag mo ngayon sa iyong sarili."

"Hari ng mga Aswang," putol ni Darius. "Bakit hindi mo masabi? Ako na ang Hari ng mga Aswang."

"Wala akong pakialam sa pulitika ninyo. Kahit magpatayan kayong mga aswang ay wala akong pakialam. Ang mahalaga lamang sa akin ay ang sumunod kayo sa mga batas. At alam niyo naman kung ano ang batas tungkol sa pagkain ng tao."

"Batas, batas, puro na lang batas ang naririnig ko sa iyo, tanda. Aanhin mo ang batas kung wala na ang tagapagpatupad nito? Wala na ang Datu, Bagwis. Sino pa ang pipigil sa amin? Ikaw?"

Malakas na tawanan ang sumalubong sa tanong na ito.

"Huwag mo sanang mamasamain, Bagwis," pagpapatuloy ni Darius. "Alam kong malakas ka at mayroon kang dugo ng mga maharlika. Pero hindi ikaw ang datu. Wala kang kapangyarihang gumawa ng mga batas. At wala kang kapangyarihang ipatupad ang mga batas."

Hindi pa rin umiimik si Bagwis.

"Kaya nga aalukin kita. Isang beses ko lang gagawin ito, one time offer 'ika nga." Itinukod ni Darius ang kanyang mga siko sa mesa at ikinuyom ang mga palad sa ilalim ng kanyang baba.

"Sumali ka na sa amin, Bagwis. Tayo na ang maghari sa mundong ito."

Umiling ang matanda. "Ang akala ko ay matalino ang tinatawag nilang Hari ng mga Aswang. Yun pala ay isa siyang baliw."

Hinampas ni Darius ang kanyang mga kamao sa lamesa at tumayo. "Bastos kang matanda ka! Ikaw na nga ang inaalok ng buhay at kapangyarihan, ikaw pa ang may ganang tumaggi. Kamatayan ang pinili mo tanda!"

"Mali ka, Darius," sagot ni Bagwis. "Lahat ng sinabi mo ay puro mali."

"Ano?"

"Unang una, hindi kamatayan ang pinili ko. Pangalawa, wala kang karapatang alukin ako ng mga bagay na sinabi mo dahil wala ka namang kapangyarihan at awtoridad sa mundong ito.

"At pangatlo, buhay pa ang Datu."

Malakas na bulung-bulungan ang pumuno sa malaking silid.

Natawa lamang si Darius. "Baliw ka na nga tanda. Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Ano yun, merong zombie?"

"Hindi ka talaga nag-iisip, Darius," sagot ni Bagwis sabay ngiti. "Hindi mo ba naisip na mayroong anak si Leon?"

"A-Anak?" dahan-dahang nilingon ni Darius ang batang nasa tabi ni Bagwis. "Anak ba kamo?"

"Oo. Siya ang anak ni Leon. Taglay niya ang dugo ng mga Datu."

Lahat ng mga mata ay napako kay Gabriel.

"H-Hi," ang tanging nasabi ng batang lalaki habang dahan-dahang kumakaway.

Muling natawa si Darius. Pagkatapos ay mabagal siyang naglakad at tumigil sa harapan ni Gabriel. Nilapit niya ang kanyang mukha sa mukha ng binatilyo at huminga ng malalim.

"Totoo nga. Naaamoy ko nga sa'yo si Leon. Ikaw nga!"

Napuno ng tawa ni Darius ang buong silid. Ang iba naman ay hindi kumikibo, hindi sigurado kung maganda o masamang balita ba ang kanilang narinig.

"Ngayon," sabi ni Bagwis, "siguro naman ay ititigil mo na kung ano man 'yang binabalak mo. Sigurado namang hindi ka magtatagumpay."

Hindi tiningnan ni Darius ang matanda. Tumalikod na lamang siya at muling naupo. Makalipas ang ilang minuto, siya ay napangiti.

"Ano nga palang pangalan mo?"

Tiningnan ni Gabriel si Bagwis, na tumango lamang.

"Ako si Gabriel Cruz. Sabi nito," sabay turo sa matanda, "ako daw ang anak ng Datu. At kayong mga aswang ay dapat sumunod sa utos ko."

Pumalakpak si Darius sa narinig. "Magaling! Magaling! Bilib ako sa tapang mo, bata. Ilang taon ka na nga ba?"

"Thirteen. Bakit?"

"Thirteen," sagot ni Darius. "Good! Good! Now, Bagwis. Sa anong edad nga ba nagiging ganap ang kapangyarihan ng isang datu?"

Hindi sumagot si Bagwis.

"C'mon, Bagwis. Huwag mong sabihing hindi mo alam. Di ba't ikaw ang eksperto pagdating sa kahit na anong tungkol sa mga datu? Sabihin mo, anong edad?"

Nakatitig si Bagwis sa nakaupong lalaki, para bang nanlilisik ang kanyang mga mata. "Labing-walong taon."

"Labing-walong taon," sabi ni Darius. "Sabi ko na nga ba. Medyo nakalimutan ko na kasi."

Muling tumayo si Darius.

"Kung gayon, wala pang kapangyarihan ang batang paslit na ito, tama ba ako?"

"Teka, teka. Bakit ba lahat kayo ay tinatawag akong batang paslit?" singit ni Gabriel ngunit wala namang pumansin sa kanya.

"Ano Bagwis? Tama ba ako?"

"Huwag mong kalilimutan na dumadaloy sa kanyang mga ugat ang dugo ng mga Datu. Kahit wala pa siya sa tamang edad, mayroon siyang taglay na pambihirang lakas at kapangyarihan."

"Oo alam ko yun, tanda. Pero, kung pagtutulungan namin siya, sigurado na mapapatay namin siya, hindi ba?"

Hindi sumagot ang matanda.

"Teka, may mas maganda akong ideya. Dahil bata pa siya at hindi pa ganap ang kanyang kapangyarihan, tiyak na pwede ko siyang gawing isang aswang. At kapag naging ganap na datu na ang batang paslit na iyan, magiging sunud-sunuran siya sa akin."

Sa isang mabilis na kilos ay ibinato ni Bagwis ang isang balisong, pinupuntirya ang ulo ni Darius. Ngunit mas mabilis pa sa pagkurap ng mga mata ay nasalo ito ng isa sa mga Maskarados na kanina lamang ay nasa likuran ni Darius.

Humalakhak si Darius. "Ibang klase ka, Bagwis. Parang ngayon ko lang nakita na uminit ang ulo mo, ah. Ang ganda pala ng hitsura mo. Dapat lagi kang nagagalit."

"Huwag mo na ituloy ang mga binabalak mo, Darius. Dahil pipigilan kita," sagot ni Bagwis.

"Pipigilan?" tanong ni Darius. "Sigurado ka bang kaya mo kaming lahat?"

Parang mga asong ulol ay nagsigawan ang mga aswang sa palibot nila. Isa-isa silang nagbago ang kanilang mga anyo. Naglabasan ang kanilang mga matatalas na kuko at ngipin. Ang iba ay nasira pa ang suot-suot na damit.

Agad binunot ni Bagwis ang kanyang kampilan bolo. Si Gabriel naman ay sabay na dinukot ang kanyang dalawang handgun.

"Mukhang wala ito sa mga plano mo, ah," sabi ni Gabriel.

"Huwag kang padalos-dalos ng kilos. Dito ka lamang sa likuran ko, huwag kang lalayo-"

"Pwede ba. Kaya ko na ang sarili ko," sagot ng binatilyo.

Tiningnan lamang ni Bagwis si Gabriel at pagkatapos ay tumango.

"Oh, ano?" tanong ni Darius. "Simulan na natin ang kasiyahan!"

Sabay-sabay sumugod ang mga aswang. Ang iba ay tumalon ng pagkataas-taas na parang mga gutom na leon. Lahat sila ay isa lamang ang tinitingnan. Lahat sila ay isa lamang ang kagustuhan.

Ang pagpira-pirasuhin at kainin ang dalawang taong nakatayo sa gitna nila.

Biglang namatay ang lahat ng ilaw sa silid. Pagkatapos ay niyanig silang lahat ng sunud-sunod na pagsabog.