webnovel

SHE'S A VAMPIRE CHAPTER 5

Ran's POV

HINATID AKO ni Uncle Tommy sa school kinabukasan. Wala pa kasi akong lakas na magpadyak sa bisikleta.

"Salamat sa paghahatid, Uncle," sabi ko rito pagkababa ko sa sasakyan.

"Walang ano man, pamangkin. Basta ba pumayag ka na sa inaalok ko sa'yo na maging vocalist ng banda ko kahit araw-araw pa kitang ihatid kung gusto mo," wika nito.

"Ayoko nga. Wala akong oras para diyan," turan ko bago tuluyang pumasok sa school gate.

Pagkapasok ko sa loob ng campus ay nakita ko agad si Atoz. Napangiti ako dahil doon.

"Atoz!" tawag ko sa kanya.

"Oh, Ran... Ikaw pala," sabi niya nang makalapit ako. "Kumusta na ang pakiramdam mo? Okay ka na ba?" tanong niya sa akin.

Tumango ako habang nakangiti. "Okay na ako, Thank you nga pala, ah?"

"Wala iyon."

"Ano nga palang nangyari sa'yo kahapon? Bakit bigla ka na lang nahimatay?"

Lumingon ako kay Atoz. Halos sabay na kaming naglalakad papunta sa klase namin.

"A-ah, hindi kasi ako kumain ng agahan kaya ako nag-collapse," sabi ko na lang sa kanya.

Tumango siya. "Hindi ka ba naiinitan?" tanong na naman niya sa akin. "Lagi ka kasing naka-jacket, eh ang init-init na nga."

"H-huh?" Iyon na lang ang nasabi ko. Hindi ko naiwasan ang kabahan.

"Tanggalin mo kaya iyan baka mamaya mahimatay ka na naman," turan niya at lumapit sa akin.

"A-ah, huwag na! O-okay lang ako," sabi ko sabay iwas pero lumapit pa rin siya at hinawakan ang aking jacket.

"Teka! Anong gagawin mo?"

"Tutulungang tanggalin iyang jacket mo," kaswal na tugon niya.

"Huwag!" sigaw ko.

"Anong ginagawa mo?" Hindi na naituloy ni Atoz ang pag-alis ng jacket ko nang biglang sumulpot sa likod ko si Perzeus. "Halika nga rito. `Di ba, sabi ko sa'yo na sabay tayong papasok?" Hinila ako nito. Lumingon siya kay Atoz mayamaya. "Bakit mo siya hinuhubaran?" diretsang tanong ni Perzeus kay Atoz.

Nanlaki ang mga ni Atoz, kahit ako sa tanong nito.

"Ano?! Hindi, ah! Tinutulungan ko lang siyang tanggalin iyong jacket niya kasi ang init baka mamaya mahimatay na naman siya," sagot ni Atoz.

"Sa susunod huwag mo na siyang hahawakan." Pagbabanta ni Perzeus. "Halika na, Ranya. Magsisimula na ang klase," sabi nito at nauna na maglakad.

Napatingin naman ako kay Atoz. "Gano'n lang talaga `yung kaibigan ko na iyon," sabi ko rito.

"Sigurado ka bang kaibigan mo lang talaga siya?" tanong sa akin ni Atoz.

"Oo. Bakit mo naman natanong?"

"Kung umasta kasi siya parang kayo, eh," napapailing na saad ni Atoz.

"Pagpasensyahan mo na iyon. Gano'n lang talaga si Perzeus. Mabait naman siya," sabi ko.

Bigla kaming nagulat nang sumigaw si Perzeus, "Ranya! Ano na? `Di ka pa ba susunod?"

"Sige, Atoz. Mauna na kami sa klase. Sunod ka na lang." Paalam ko sa kaniya.

"Sige," tipid niyang tugon habang nakatingin sa akin.

Unti-unti akong humakbang at nang alisin ko ang tingin sa kaniya, sumigaw na ako, "Nandiyan na!" Kaagad na akong tumakbo at humabol rito para sabay kaming pumasok sa klase.

TUWING BREAK time, ako at si Atoz ang laging magkasama na kumakain dahil bago lang siya rito sa school. Inaya niya ako ngayon at agad akong umoo.

Nililigpit ko na ang mga gamit ko nang biglang sumulpot sa aking gili si Perzeus. "Ranya, sabi mo sabay tayong magbe-break time?"

Napakamot ako sa aking batok.

Oo nga pala, nangako ako kay Perzeus kahapon na sasamahan ko siya ngayon dahil bago rin siya rito... Aha! May naisip na ako.

"Atoz, gusto mo bang sumabay na lang sa amin ni Perzeus na magmeryenda?" tanong ko kay Atoz.

"Sige ba!" nakangiting sambit ni Atoz.

"Ako, ayoko," malamig na turan ni Perzes. "Dapat ako at si Ranya lang ang sabay na magmemeryenda ngayon," sabi nito at hinila na ako papunta sa canteen.

"TEKA NGA lang! Iyong kamay ko naman!" sigaw ko kay Perzeus.

Hanggang ngayon kasi hawak-hawak pa rin ako nito kahit nakapila na kami sa counter.

"Sorry. Sinisigurado ko lang na hindi ka aalis," wika nito at saka binitawan ang aking kamay.

"Ano sa inyo?" tanong ng tindera sa amin.

"Dugo sa akin," ani ni Perzeus.

Kitang-kita ko kung paano rumehistro ang gulat sa mukha ng babaeng tindera sa sinabi ni Perzeus.

Tumawa ako nang malakas at peke. "Ang ibig niya pong sabihin ay dinuguan," sabi ko.

Sana kagatin mo ang dahilan ko, `te!

"Ah, akala ko naman kung ano na," sabi ng tindera na tumawa rin. "Ilang dinuguan?"

"Isang order lang po," sagot ko.

Pagkakuha namin sa order ni Perzeus ay umupo kami sa hindi gaanong pinupuntahan ng mga estudyante.

"Pahamak ka talaga!" Kinurot ko siya sa tagiliran.

"Aray! Sorry na, okay?" sabi nito bago sumubo sa pagkain.

"Sa susunod, iisipin mo muna ang mga sasabihin mo bago ka sumatsat nang sumatsat," wika ko saka ito inirapan.

"Sungit naman nito."

"Huwag mo akong kakausapin," inis na wika ko sabay halukipkip ng mga braso.

"Siya nga pala, para sa'yo."

Lumingon ako sa hawak-hawak nitong plastic bag. Nagtataka ko itong tiningnan.

"Happy 998th birthday," nakangiting bati nito sa akin.

Oo nga pala! Birthday ko pala ngayon. Bakit, nakalimutan ko? Noong isang araw lang pinapaalala ko lang kay Papa na malapit na ang kaarawan ko.

"Sorry kung pinilit kitang sumama sa akin ngayon kahit na alam kong si Atoz dapat ang sasamahan mo sa pagkain. Ginawa ko lang naman iyon kasi gusto kong ibigay sa'yo itong munting regalo ko at mabati ka ng happy birthday," sabi ni Perzeus.

Naiiyak ako. Nag-iinit ang sulok ng aking mga mata. "S-salamat, Perzeus," wika ko sabay kuha ng plastic bag na inaabot nito. "Ano naman ito?" tanong ko habang pinupunasan ang aking luha.

"Buksan mo. For sure magugustuhan mo iyan," nakangiting saad ni Perzeus.

Sinunod ko ang sinabi niya at pagkabukas ay tumambad sa akin ang ilang mga plastic ng sariwang dugo.

"Perzeus!" Hindi ko na napigilan ang aking sarili nang mapasigaw. Lahat ng tao sa canteen ay napatingin na sa amin.

"Bakit? Hindi mo ba nagustuhan?" tanong nito. "A-akala ko pa naman magugustuhan mo iyan."

"Humanda ka sa akin! Hayop ka!" sigaw ko at hinabol ito palabas ng canteen.

"Bakit, ayaw mo ba? Akala ko favorite mo iyan?" sigaw nito.

"Hoy! Bumalik ka rito!" Inis na sigaw ko habang panay ang habol rito.

"RANYA, SORRY na. Promise, hindi ko na uulitin iyon," sabi ni Perzeus na ngayon ay nasa likod ko na at nakabuntot.

"Sa susunod na gawin mo pa talaga sa akin iyon, makikita mo. Tatanggalan talaga kita ng pangil," nanggigigil na sabi ko.

Nginitian lang ako nito. Naglalakad na kami pauwi ng bahay.

"Nandito na kami!" sabi ko pagkarating namin. Mukhang walang tao roon. "Bakit, nasaan si Papa?" bulong ko. "Perzeus" Biglang nawala na ito sa tabi ko. "Saan nagpunta iyon?"

Nagkibit-balikat na lang ako at pumasok na sa loob. Naisip kong baka umuwi na ito

"Hindi talaga marunong mag paalam," iiling-iling kong bulong.

Naglakad ako sa loob ng bahay. "May pinuntahan lang siguro si Pa"

"Happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy happy happy birthday, happy birthday to you!"

Nanlalaki ang mga mata kong tiningnan ang mga kumanta.

"Happy birthday, anak!"

Lumingon ako kay Papa na may hawak na cake pagkalabas nito sa kusina kasama sina Uncle Tommy at Perzeus.

"Happy birthday, pamangkin!"

"Maligayang kaarawan, Ranya."

"Papa! Ano ito?" Naiiyak na saad ko. Hindi ako makapaniwala.

Lumapit si Papa at gamit ang isang kamay, pinunasan nito ang mga luha ko. "Tahan na," anito. "Birthday na birthday mo umiiyak ka," sabi nito at niyakap ako gamit ang isang braso.

Niyakap ko rin siya pabalik. "Thank you po. Ito na yata ang pinaka-masayang kaarawan ko," wika ko sa kanila.

Iyong araw na iyon, sa mismong kaarawan ko. Doon ko na-realize na hindi ko kailangang maging isang normal kagaya ng isang tao dahil kahit bampira ako, alam kong may mga tao pa ring nandiyan para mahalin ako at intindihin bilang kung sino talaga ako.