webnovel

Amomongo

Beynte kwatro anyos ako noong nangyari ang kwentong ito, niyaya ako ng mga kaibgan ko na mag-camping sa isang bahagi ng Mount Malilum may apat na taon na ang nakalilipas. Nagkataon na nabigyan ng permiso ang tiyuhin ng kaibigan ko na mag-camping sa paanan ng bundok. Hindi iyon normal na pinapayagan ng gobyerno kung kaya sinamantala na namin ang sitwasyon. Ako, si Jake, si Karlo ang ang Tiyuhin niyang si Herbert, kaming apat lamang ang magka-camping sa bundok nang araw na iyon kung kaya magkahalong kaba at excitment ang naramdaman ko. Maaga pa kaming umalis ng bayan dahil maglalakad lamang kami papunta ng Mount Malilum.

Alas kwatro ng madaling araw nang magsimula kaming maglakad patungo ng bundok at dumating kami roon bandang alas singko ng hapon at dahil malapit na ang takipsilim ay minabuti naming itayo agad ang mga camping tent. Dalawa ito, isa para sa amin ni Jake at ang isa naman ay para kay Karlo at kay Herbert. Nagsimula na rin kami na gumawa ng maliit na apoy na paggagatungan ng kahoy. Ang pagkain namin ay niluto na namin sa bahay upang makatipid sa oras at lakas, ininit na lang namin ito nang makagawa na kami ng apoy.

Malayo pa kami sa lugar na aming pinagplanuhang camp site pero dahil hapon na nang kami ay dumating, minabuti na namin na magtayo kung saan kami abutan ng dilim. Matapos kumain ay nagsimula na kaming magkwentuhan.Nabanggit ng Herbert na minsan na siyang nag-camping dito ngunit mas malayo ang narating ng kaniyang grupo. Napunta sila sa kaloob-looban ng kagubatang pumapalibot sa Malilum. Sa kwento niyang iyon ay nagtaka ako, kung dati na niyang napuntahan ang lugar na ito, bakit pa niya nais na bumalik rito? Natawa siya sa aking tanong. Napabuntong hininga siya at sinabing mayroon siyang kaibigan na nakatira dito mismo sa kagubatan.

Ako naman ang natawa sa kanyang sinabi. Sino naman ang may matinong isipan na gugustuhing tumira sa loob ng kagubatan at malayo sa kabihasnan?

"Isang ermitanyo o diwata?" pangungusisang biro ko kay Herbert na natawa na lamang.

"Hindi. Iba ang kaibigan kong ito. Isa siyang Amomongo." wika ni Herbert.

"Amomongo, ano 'yun?" tanong ni Jake.

"Isa iyong nilalang na mailap. Maihahalintulad ito sa isang Gorilla." tugon ni Herbert.

"So ano 'yun parang Bigfoot, meron bang ganun sa Pilipinas?" pabirong tanong ni Jake.

"Mayroon." wika ni Herbert.

Siniko ko si Jake upang manahimik, palibhasa laking America kaya madaling magduda at paghinalaan ang mga pamahiin at kultura ng mga Pilipino. Inudyok ko na magpatuloy si Herbert sa kanyang pagsasalaysay tungkol sa kanyang kakaibang kaibigan. Ang Amomongo raw ay may pagkakahawig sa isang bakulaw. Kadalasan daw ay itim o kayumanggi ang mga mahahabang balahibo nito ngunit kung minsan ay mayroon ding purong puti. Malalaman mong nasa paligid lamang sila dahil sa masangsang nitong amoy na tila tubig na galing sa imburnal.

Taon-taon niyang binabalikan ang lugar na ito upang makita ang Amomongo. Binibigyan siya nito ng gintong bato na minimina raw nito mula sa Malilum, tuwing binibisita niya ang nilalang sa kagubatan. Ito raw ay parte ng kanilang kasunduan. Isa lang ang hinihiling na kapalit ng Amomongo para sa ginto. Ngunit hindi natapos ni Herbert ang kanyang kwento dahil mula sa kadiliman ng gubat sa aming likuran ang nakarinig kami ng kaluskos na tila may isang malaking hayop na nagkukubli sa mga kakahuyan.

Nagmadaling tumayo si Herbert at huminga ng malalim. Bigla akong kinabahan dahil naamoy ko ang masangsang na hanging sinasabi ni Herbert ay palatandaan na ang Amomongo ay nasa palibot lamang. Dahan-dahang lumapit si Herbet sa kakahuyan at umungol na tila isang unggoy. Tinawag naman siya ni Karlo na kanina pa pala nagtatagosa likod ng isang malaking bato malapit sa aming camping tent.

"Uncle! Uncle, halika dito. Huwag ka na pumariyan."

"Huwag kang matakot Karlo. Narito na siya. Narito na ang kaibigan kong Amomongo."

Muling umungol si Herbert na parang unggoy, tila nakikipagusap siya sa kung anong nilalang ang nagtatago sa kadiliman ng kakahuyan. Ilang sandali pa at biglang tumahimik ang paligid ngunit mula sa kakahuyan ay umusbong ang isang napakalaking talinghaga. Isang pigura na halos sampung talampakan ang taas, may mahahabang braso, napapalibutan ng balahibo na bagama't madilim ang paligid ay nasisigurado kong puti ang kulay nito dahil umaaninag ang mala multong nilalang sa ilalim ng sinag ng buwan ngunit ang nakapagbigay kilabot sa akin ay ang dalawang mata nito sa kulay dugo. Nang tuluyan itong makalabas mula sa kakahuyan ay tumayo ito sa dalawa nitong paa na parang tao at marahang huminga na tila inaamoy ang kanyang palibot. Sa braso nito nakaipit ang isang bagay na kumikinang -ang gintong bato na sinasabi ni Herbert ay totoo nga.

"Dinala ko ang ating napagkasunduan. Kunin mo na at humayo ka." wika ni Herbert.

Napalingon ang Amomongo sa gawing kanan nito kung saan nakatayo si Karlo at nang akto na itong lalapit sa kanya ay muling umungol si Herbert na tila'y nagproprotesta sa gagawin ng nilalang. Sandaling huminto ang Amomongo at inamoy-amoy si Karlo. Dito ko na napagtanto na ang kapalit ng gintong bato ay buhay na tao. Akma na sana akong lilingon kay Jake upang senyasan ito na tumakbo nang ibaling sa akin ng Amomongo ang kanyang paningin. Sumulong ito patungo sa akin subalit biglang napahinto at napatingin sa kanyang tagiliran kung saa'y may mahabang sanga ng kahoy na nakatarak.

Nagulat ako nang makita kong binitawan ni Karlo ang kabilang dulo ng kahoy na naktarak sa bakulaw. Napatingin si Karlo sa akin at sumigaw ng "Takbo!" Nang mga sandaling iyon ay wala na akong naisip kundi ang tumakas mula sa lugar na iyon at laking gulat ko nang makita ko si Jake na nauna pa pala sa akin na tumakbo. Nang lingunin ko ang kinaroroonan ni Karlo at Herbert ay nakita ko ang kagimbalgimbal na sinapit ni Herbert sa kamay ng sinasabi niyang kaibigan. Biglang hinablot ng Amomongo sa binti si Herbert at ibinitin sa isang kamay pagkatapos ay sinakmal naman ng kabila nitong kamay ang leeg ni Herbert at walang sabi-sabi na hinila sa magkabilang direksyon ang itaas at ibabang bahagi ng katawan ng lalaki. Tila papel na pinunit si Herbert. Narinig kong sumigaw ng isang beses si Karlo at pagkatapos ay tumahimik na ang buong paanan ng bundok.

Sa di kalayuan ay narinig kong sinisigaw ni Jake ang ngalan ko, minamadali niya akong sumunod sa kanya upang lisanin ang lugar na iyon. Natakasan namin ni Jake ang sitwasyon na iyon ng dahil na rin sa tulong ni Karlo. Kung hindi niya isinakripisyo ang kanyang sarili, marahil ay wala ako rito ngayon. Apat na taon na rin ang lumipas at walang balita na lumabas tungkol sa pagkawala nina Karlo at Herbert sa Malilum. Sa tingin ko ay pinagtatakpan ito ng lokal na pamahalaan sa kung anumang dahilan na kailanma'y walang makakaalam.

Masasabi ko na ang aking naging karanasan sa bundok na iyon ay isa sa mga di malilimutang pangyayari sa buhay ko, kung minsan ay nakokonsenya ako. Bumalik si Jake sa America at sa ngayon ay may asawa na. Ako naman ay mag-isa pa rin sa buhay at di ko ipagkakaila na dala ito ng mga pangyayari sa bundok na iyon. Sa kaibuturang bahagi ng aking pag-iisip ay tila alam ko, ramdam ko na ang mga pangyayari nang gabing iyon ay konektado na sa aking pagkatao. Minsan kung bibigyan ko ng pansin, sa gabing malamig at madilim kung kailan maliwanag ang buwan, animo'y naririnig ko ang hiyaw ng bakulaw. Tinatawag niya ako, sinasamo niya ako na bumalik sa bundok Malilum.

- WAKAS