webnovel

Saving my Sunshine (tagalog)

(complete) Ghost do fall in love Nararamdaman ko sila. Nakikita ko sila. Nakakausap ko sila. At iniiwasan ko sila. Mga nilalang na hindi makita ng pangkariniwang tao lang. Pero sa pag-iwas ko, dahil sadyang mapagbiro ang tadhana, napunta ako sa lugar na maraming tulad nila - mga multong hindi matahimik. At nakilala ko ang kakaibang multong nakadilaw na aking minahal, si Sunshine. Hindi ko naisip na posibleng tumibok ang puso ko sa babaeng wala nang pulso at di na tumitibok ang puso. At matagal na pala kaming talagang magkakilala, mula pa sa taong 1902, nang una kaming nabuhay at nagmahalan. Para muli siyang mabuhay, kailangan kong harapin ang kamatayan. Ako ang sinag niya. Ako ang buhay niya - at buhay ko siya. Sana'y umayon sa 'min ang tadhana. Ako si Lukas, ang magliligtas kay Sunshine. Saving my Sunshine...

xiunoxki · Integral
Sin suficientes valoraciones
39 Chs

KABANATA 9

NAGPASALAMAT SI SUNSHINE sa ginawa ko. Napakasaya niya na maranasan ang maligo sa ulan. Kaya nga hindi niya napigilang yakapin ako. Iyon lang pala 'yon? Uminom ako ng kape pagkabihis ko matapos naming maligo. Si Sunshine, nawala ang pagiging basa niya nang bitiwan ko siya. Hindi na hiniling pa ni Sunshine na sabayan ako sa pag-inom ng kape. Napansin niya siguro ang panghihinang naging dulot sa katawan ko ng paghawak ng mga kamay namin. Kinagabihan, kahit na nakapagpahinga na ako at nakakain, nakatulog pa rin ako kaagad dahil pagod na pagod pa rin ang pakiramdam ko. Katabi ko si Sunshine pero hindi na niya pinahawakan ang kamay niya. Babantayan na lang daw niya akong matulog. Hindi na lang namin sinilip ang mga multong umuungol sa labas ng bahay.

***

PAGDILAT KO NG aking mga mata, tumambad sa 'kin si Sushine na nakatayo sa may paanan ng kamang hinihigaan ko. Takot na takot siya na nakatingin sa labas ng salaming bintanang may kalawanging rehas na bakal.

"Sunshine?" mahinang tawag ko sa kanya.

Hindi siya sumagot at hindi niya rin ako nilingon. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay at itinuro ang labas ng bintana. Agad akong bumangon at nilapitan siya para tingnan ang tinutukoy niya. Nanlaki nang husto ang mga mata ko sa nakita kong itinuro ni Sunshine. Kinusot-kusot ko pa ang mga mata ko sa 'di pangkaraniwang nasasaksihan ko – isang puno ng mangga ang unti-unting natutuyo. Naglaglagan ang mga dahon nitong mula sa pagiging berde ay naging tuyong-tuyo na. Natuklap ang balat ng puno na tila nasunog na papel hanggang sa tuluyan nang natuyo ang buong puno. Napatulala na lang ako. Hindi ako makahanap ng salitang sasabihin sa nakita ko. Kagigising ko lang, pero pakiramdam ko nananaginip ako.

"Ang babaeng 'yon," takot na usal ni Sunshine. Nakaturo pa rin siya sa puno.

"B-Babae?" pagtataka ko. Dahil puno ng mangga lang ang nakikita ko at ang iba pang mga puno sa likod nito at walang babae.

Gulat na nilingon ako ni Sushine. "Hindi mo siya nakikita?" tanong niya.

Umiling lang ako na puno ng pagtataka. Muli naming hinarap ang labas at mas tumindi ang takot sa mukha ni Sunshine ng sulyapan ko siya.

"Multo siya? Ano'ng hitsura niya?" tanong ko.

"Nakalutang siya sa hangin. Berde ang kasuotan niya na may bahid ng dugo mula sa laslas niyang leeg. Mahaba ang buhok niya tulad ko. Hawak niya ang puno at siya ang dahilan ng pagkatuyo nito. Itim lang ang mga mata niya at nanlilisik siyang nakatingin sa 'kin. Nararamdaman ko ang galit niya, Lukas..." tuluyan ng dumaloy ang mga luha sa mata ni Sunshine na kanina pa nagbabadya. "Gusto niya akong kunin. Gusto niya akong kunin, Lukas. Natatakot ako. Isa siya sa mga multong nakikita ko na pumupunta rito sa tuwing gabi. At isa talaga siya sa pinakakinatatakutan ko. Wala pang gabi, Lukas, kaya bakit siya narito? Bakit siya nand'yan?!" napaatras si Sushine ngunit nanatili pa rin siyang nakatitig sa labas.

"Huminahon ka, Sushine," pagpapakalma ko sa kanya. Hinawakan ko na siya sa magkabilang-balikat para pakalmahin siya.

"Humihina na ang proteksiyon ng bahay na 'to, 'di ba? Pa'no kung makapasok siya? Pa'no kung kunin na niya ako? Natatakot ako, Lukas. Ayaw ko pang mawala!"

Niyakap ko na si Sunshine at inalalayan ko siya palabas ng kuwarto. Pinaupo ko siya sa sala bago ako bumalik sa kuwarto para isara ang kurtina ng bintana. Pagkapasok ko pa lang sa pinto ng kuwarto, nakatuon na ang tingin ko sa labas ng bintana. Inaasahan kong makikita ko ang tinutukoy ni Sushine na babaeng multo, pero wala akong nakita. Marahil ayaw niyang magpakita sa 'kin. Pero nakararamdam ako ng takot habang papalapit ako sa bintana.

Sakto lang ang sukat ng lumang salaming bintana na kalawangin na rin tulad ng rehas na bakal na kinakapitan nito. Hindi ko na nabuksan ang bintana dahil sa kalumaan nito. At sa pagkakaalala ko, bago ako natulog, ibinaba ko ang kurtina para matakpan ang bintana. Siguro si Sunshine ang nagbukas ng kurtina nang makita niyang maliwanag na sa labas, at doon na tumambad sa kanya ang babaeng multong kinatatakutan niya at ang pagkatuyo ng puno. Hinawakan ko ang mga kurtinang nasa magkabilang gilid ng bintana para isara ito. Muli kong pinagmasdan ang punong natuyo, at mas tumindi ang kabang naramdaman ko. Nararamdaman ko ang multo at ang hinagpis nito. May matinding galit na handang kumitil ng buhay. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko at isinara ko na ang kurtina.

Tumalikod ako para balikan si Sunshine sa sala. Ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko, napahinto ako nang makarinig ako ng langitngit mula sa bintana. Hinarap ko ang bintana. Pagbukas nito ang naririnig kong langitngit. Umihip ang malakas na hangin. Nilipad-lipad nito ang mga kurtina – bukas na nga ang bintanang nahirapan akong buksan dahil sa pagkaluma noong maglinis ako ng bahay. Napaatras ako. Nanlamig ang buong katawan ko at napatulala sa tumambad sa 'kin sa labas ng bintana sa tabi ng puno ng manggang natuyo – babaeng multong kulay berde ang mahabang suot na halos abot na sa kanyang talampakan. Nakayapak lamang ang babae at nakalutang sa hangin. May mahabang laslas sa leeg na nagkalat ang dugo hanggang sa kanyang suot. Nililipad-lipad ang mahaba nitong buhok, nakakuyom ang mga palad at nanlilisik ang mga matang itim lang. Maputlang-maputla ang kulay niya at naglabasan ang ugat sa buo niyang katawan, katulad ni Sunshine kapag nag-aanyong halimaw. Ngunit mas nakakatakot siya kaysa kay Sunshine. Balot ng galit at poot ang anyo niya.

"Mamamatay ka rin!" narinig kong nakakikilabot na boses mula sa babaeng multo. Dumagundong ang boses niya sa kabuuan ng kuwarto na nagdulot ng panandaliang pagkabingi ko. Hindi ako nakakilos. Nanginig ang mga paa ko sa takot. Sa ganitong kaagang oras, hindi ko akalaing mararanasan ko ang ganito katinding takot na parang nakalibing na sa hukay ang isa kong paa.

Sinundan ng malakas na sigaw ng multo ang pagbabanta niya sa 'kin. Sigaw ng napunit niyang bibig na kaya na yatang lamunin ang buong tao – sigaw na mas nakakakilabot. Patikim lang pala ang banta niya sa aking buhay kanina. Sinabayan 'yon ng mas malakas na ihip ng hangin na tumagos sa mga buto ko ang lamig. Malakas na nagsara ang bintana at nabasag ang mga salamin. Nagtalsikan sa direksiyon ko ang mga piraso ng nabasag na salamin. Napayuko ako at prinotektahan ko ng aking mga brasong pinag-ekis ko ang aking mukha. Nagbagsakan sa sahig ang mga salamin, doo'y napaatras na ako't napasandal sa pinto at nanghihina sa takot na napaupo sa sahig.

Napatulala na lang ako at naluha. Hindi ko na nararamdaman ang multo, pero naroon pa rin sa dibdib ko ang labis na takot. Ngayon ko lang naranasang atakehin ng isang multo. Naisip kong marahil wala na akong hininga ngayon kung walang proteksiyon ang bahay sa mga multo sa labas. Kung kayang pumasok ng galit na multong 'yon, tiyak kanina pa ako patay. Nang mapatingin ako sa sahig, nakita ko ang mga patak ng dugo. Napansin ko na lang ang dugo sa aking mga kamay na pinansalag ko kanina. Pati sa aking mga paa ay may hiwa rin na nagdurugo sanhi ng pagtama ng piraso ng mga nabasag na salamin na nagtalsikan patungon sa 'kin. Naramdaman ko rin sa kaliwang bahagi ng pisngi ko ang kirot at pagdaloy ng likido mula rito. Marami akong natamong sugat, pero hindi ko gaanong maramdaman ang sakit no'n. Ang takot pa rin na umiikot sa dibdib ko at buong pagkatao ang nararamdaman ko. Takot para sa buhay ko.

"Lukas?"

Lumitaw sa harap ko si Sunshine. Takot pa rin siya at may luha sa mga mata. Nakita ko ang pag-aalala niya.

"D'yan ka lang," mahinang saway ko sa kanya nang lalapitan niya sana ako. Napayukong natigilan si Sunshine. Pinilit kong tumayo sa kabila ng mga sugat ko na bumalot na sa buo kong katawan ang hapdi. Tinalikuran ko si Sunshine at hinarap ko ang pinto para lumabas ng kuwarto. "Gusto ko munang mapag-isa, Sunshine," madiing sambit ko na 'di siya nilingon at binuksan ko na ang pinto.

Tumuloy ako sa banyo pagkalabas ko ng kuwarto at hinugasan ko ang mga sugat ko para maalis na rin ang mga dugo. Wala akong ni isang gamit para sa paunang lunas ng mga natamo kong sugat kaya ang linisin ang mga ito lang ang puwede ko munang magawa. Kahit band aid wala ako para sana mapigilan ang pagdurugo. Mabuti't hindi naman gano'n kalakihan ang mga sugat at halos mga daplis lang maliban sa sugat na malapit sa kanang siko ko. Pinagmasdan ko ang sarili ko sa salamin. Hindi rin gano'n kalaki ang sugat sa kaliwang bahagi ng mukha ko. Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko at humugot ako ng sunod-sunod na malalim na hininga. Nakikita ko pa rin sa isip ko ang hitsura ng nakakatakot na multo kanina pati ang sigaw niya na umaalingawngaw at paulit-ulit kong naririnig sa utak ko.