"Nasaan na po tayo, manong?" usisa ko habang sinisilip mula sa mga bintana ng jeep ang lugar na kinaroroonan namin. Napansin kong medyo tahimik at may pagkaliblib ang lugar dahil sa dami ng malalagong puno na nakatanim sa magkabilang side ng kalsada. "Manong?" Untag ko nang hindi ko marinig ang sagot nito. At ng lingunin ko ang harapan ng jeep ay saka ko lang napansing nasa labas na pala ito kaya bumaba na rin ako at naglakad palapit dito.
"Isang malaking pagkakamali na dinala kita rito. Hindi ka dapat narito. Hindi ka dapat nakapasok." Sunud-sunod na sabi nito habang seryosong nakatitig sa akin.
"Po?" Hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng kaba dahil sa inaasta nito.
"Ha? Ah… ano… huwag mo na lang intindihin 'yong mga sinabi ko. Hindi lang siguro ako sanay na may tagalabas na nakapasok dito sa amin. At ako pa ang nagdala."
"Ah… Masyado po pa lang tahimik dito sa lugar ninyo. Mukhang tulog na yata ang lahat." Pansin ko habang muling iginagala ang paningin sa paligid.
"Ganito talaga rito. Maagang nagsasara ang mga bahay. Pero gising pa rin ang ilan sa kanila."
Napatangu-tango ako sa sinabi nito habang patuloy sa pagmamasid hanggang sa dumako ang mga mata ko sa arko. Hindi ko napigilan ang mapasinghap ng makita ko iyon at wala sa sariling naglakad papalapit doon dahil sa pagkamangha. Pero nakakailang hakbang pa lang ako nang may humawak sa kanang balikat ko na ikinagulat ko kaya hindi ko na naituloy ang paglapit sa arko.
"Pasensiya na kung nagulat kita. Pero hindi na magandang narito pa tayo sa labas sa ganitong oras ng gabi."
"Ahm, okay lang po. Gano'n po ba? Saan po ba ako pwedeng tumuloy?" Bantulot na tanong ko at tinapunan pa ng huling sulyap ang arko na tila ba kumikinang.
"Halika at sasamahan na kita sa nag-iisang paupahan dito sa lugar namin para makapagpahinga ka na."
"Salamat po. Pasensiya na rin po sa abala. Hindi po ba kayo mapapahamak? Nasa labas pa kayo ng dahil sa akin. Mas maganda siguro kung ituro n'yo na lang po 'yong direksyon ng apartment at ako na lang ang pupunta," sabi ko rito habang naglalakad na kami palayo sa kinapaparadahan ng jeep nito.
"Huwag kang mag-alala may dahilan naman ako at hindi kita maaaring pabayaang mag-isa. Malapit lang naman ang pupuntahan natin. Ako nga pala si Andres."
"Ah, ako po si Liane. Salamat po ulit."
"Wala 'yon."
Matapos naming magpakilala sa isa't isa ay wala na kaming imikan dahil sa wala na akong maisip sabihin. Tanging ang mga yabag na lang ng mga paa namin ang maririnig. At tanging ang sinag na nagmumula sa malaki at bilog na buwan ang nagbibigay ng liwanag sa nilalakaran namin.
Kaya nagawa kong sipatin ang ilang kabahayang nadadaanan namin na halos gawa lahat sa kahoy. At mukhang totoo rin ang sinasabi ni manong Andres na kahit sarado na ang mga bahay ay may ilang nananatili pa ring gising. Dahil ang ilan sa mga bahay na nadaanan namin ay narinig kong mayroong mga nagsasalita.
Pero dahil sa mas nangingibabaw ang katahimikan ay hindi ko mapigilang kilabutan lalo na nang umihip pa ang panggabing hangin. Ramdam ko ang panunuot ng lamig sa bahay himaymay ng kalamnan ko na nagpanginig sa buo kong katawan.
"Malayo pa ho ba tayo?" 'Di ko na napigilang itanong habang yakap ang sarili at hinihimas ang magkabilang braso upang mabawasan ang lamig na nararamdaman ko. "Para kasing mas lalo pang lumalamig."
"Malapit na tayo. Mga kalahating oras pa ng lakaran. Pagdating natin sa magkasangang daan kakanan tayo, pagkatapos ikalimang bahay mula sa kanto, doon na iyong paupahan."
"Ah, gano'n po ba?"
"Oo. At tungkol naman sa lamig ng paligid ganito talaga rito habang lumalalim ang gabi palamig ng palamig ang temperatura. Minsan nga may hamog pang kasama. Maswerte na lang tayo at walang hamog ngayon."
"Ah…"
"Siya nga pala, Ineng. Kung hindi mo mamasamain gusto ko lang sanang malaman kung bakit ka naglayas sa inyo?"
"Ha? Ano po kasi…personal na problema."
"Kung hindi mo kayang ikwento, ayos lang sa akin. Naisip ko lang kasi na bakit paglalayas agad ang naisip mong solusyon d'yan sa problema mo? Hindi na ba madadaan sa maayos na pag-uusap?"
Hindi ako nakaimik dahil sa sinabi ni manong pero naisip ko rin na hindi rin masosolusyunan ng pag-uusap ang lahat. At maaaring mas lumala pa ang sitwasyon.
"Ang akin lang, eh, dapat hindi ka nagpadalus-dalos ng desisyon. Hindi mo ba naisip na maaaring mag-alala ang mga magulang mo? Nasasabi ko lang ito dahil isa rin akong ama at kung gagawin ng anak ko ang ginawa mo siguradong mag-aalala ako ng husto."
"Matagal ko rin pong pinag-isipan itong ginawa ko at ito lang ang tanging solusyon na maaari kong gawin para sa problemang meron kami," sagot ko sa mahinang tinig habang nakayuko sa nilalakaran namin.
Matapos ang usapang iyon ay nawalan na kami ng imikan at halos hindi ko na rin napansing nakarating na kami sa tapat ng paupahan.
"Narito na tayo. Ang alam ko mura lang ang bayad sa upa. Ikaw na ang bahalang makipag-usap." Narinig kong sabi nito na nagpaangat sa mukha ko. At tumambad sa akin ang dalawang palapag na bahay.
At sa lahat ng bahay na nadaanan namin ito pa lang ang nakita kong nasa dalawang palapag at nag-iisang gawa sa bato ang ibabang bahagi ng bahay.
"Salamat po."
"Maiwan na kita rito," paalam nito. Bigla akong kinabahan sa isiping maiiwan akong mag-isa roon. Pero nag-alangan na rin akong pigilan ito lalo na nang mag-umpisa na itong maglakad pabalik sa pinanggalingan namin. Dahil naisip ko na medyo may kalayuan pa ang lalakarin nito pauwi.
Napahinga na lang ako ng malalim at akmang hahakbang na palapit sa kahoy na gate nang tawagin ako ni mang Andres kaya napalingon ako rito.
"Bakit po?"
"Mag-iingat ka lalo na at bagong salta ka rito sa lugar namin. Maaaring may mapansin kang 'di pangkaraniwan at kakaiba sa mga nakasanayan mo. Huwag mo na lang masyadong pansinin at huwag ka ring masyadong mausisa."
"Ha? Ano pong ibig n'yong sabihin?"
"Basta. At sinasabi ko na ito sa 'yo ngayon para hindi ka na mabigla. Maaaring mapuna mo rin ang kakaibang tingin ng mga taga-rito. Iyon ay dahil ikaw pa lang ang natatangi at nag-iisang tagalabas na nakapasok dito sa lugar namin sa loob ng napakahabang panahon. Huwag kang agad-agad magtiwala sa kahit na sino."
"O-opo."
"Sige, aalis na ako. Tandaan mo mag-ingat ka."
Halos habol ko ang hininga ng tuluyan na itong makalayo dahil hindi ko napansing pigil-hininga ko nang pinakinggan ang mga sinabi nito.
Magkahalong kaba at takot ang naramdaman ko dahil doon. Muli akong napatingin sa paupahang bahay na para bang anumang oras ay bigla iyong magkakaroon ng malaking bunganga at kakainin ako.
"Sino ka?"
"Ay! Malaking kabayo!" Bulalas ko nang bigla na lang bumukas ang pinto at iniluwa ang isang may katabaang babae. Napaatras pa ako ng isang hakbang habang sapo ang dibdib dahil sa lakas ng kabog niyon. Nakatingin lang ako rito habang naglalakad ito palapit sa gate. Pilit ko namang kinakalma ang sarili ko upang makapagsalita ng maayos.
"Sino ka? Ngayon lang kita nakita rito, ah? Paano ka nakapasok? Paano ka nakarating dito?" Sunud-sunod na tanong nito habang binubuksan ang kahoy na gate. Muli akong napahakbang paatras habang napapalunok dahil sa kaba.
"A-ano po…naisakay po ako ni mang Andres. At dahil wala akong ibang kakilala rito sa lugar ninyo ay nagtanong ako kung saan ako pwedeng tumuloy. At itinuro niya ako rito sa paupahan ninyo. Ma-may bakante pa ho bang kwarto?" Sunud-sunod at halos hindi humihingang sabi ko.
Nakaramdam ako ng pagkailang ng manatili itong tahimik na nakatayo sa harapan ko na nakahalukipkip at seryoso akong tinititigan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa sitwasyong iyon. Kaya nahiling ko na sana ay hindi ko muna pinaalis si Mang Andres para may ibang magpapaliwanag kung bakit ako nasa lugar na iyon. Pigil-hiningang nakipagtitigan ako rito hanggang sa napailing na lang ito kaya nagawa ko na uling huminga ng maayos.
"Three months advance. Two months deposit."
"Po?" Nagulat kong tanong. "Magkano po 'yon? Baka hindi ko po kayanin."
"500. Kasama na doon ang pagkain sa almusal, tanghalian at hapunan. Pati na rin ang tubig at kuryente. Pero minsan walang kuryente dahil nasisira ang generator kaya magtitiis ka sa init at dilim sa gabi." Halos mapanganga ako sa narinig ko dahil hindi ko inaasahan na ganoon kababa ang babayaran ko. Kasama na lahat.
Naisip kong p'wede na siguro ang halagang iyon. Lalo na at halos mahigit isang libo lang ang halaga ng lahat ng pera ko.
"Magkano po ang buwanang bayad?"
"Isang daan."
"Kukunin ko na po." At mabilis kong inilabas ang tamang halaga at ibinayad sa babae.
"Sumunod ka sa 'kin," sabi nito at mabilis na tumalikod at naglakad papasok sa nakabukas na gate. Hinintay ko muna itong matapos sa pagsasara niyon bago nagtuloy papasok sa loob ng bahay. Pagpasok namin ay agad din nitong isinara ang pinto.
Inilibot ko naman ang paningin sa paligid habang hinihintay iyong matapos sa ginagawa. Malawak ang ibabang bahagi ng bahay. Pagpasok pa lang ay bubungad na ang malawak na sala. Unang mapapansin ang malaki pero may kalumaan ng telebisyon. May apat na mahahabang sofa ring naroon ang dalawa ay nakahilera sa tabi ng pader habang ang dalawa pa ay nasa kabilang side ng maliit na parihabang na nasa pagitan ng mga ito.
"Halika." Narinig kong sabi ng babae kaya napatingin ako rito na naglalakad na patungo sa direksyon ng hagdan.
Namangha pa ako ng daanan ko ang inakala kong dingding na may kakaibang disenyo sa bandang kanang bahagi ng bahay. Dahil sa malapitan ay makikitang mga pinto pala iyon. At base sa bilang ko ay mga nasa apat na pinto iyon bago makarating sa malapad na kahoy na hagdan.
"Nasa taas ang bakanteng kwarto," sabi nito pagtuntong sa unang baitang ng hagdan. "Dito ang hapag." Turo nito sa kabilang bahagi ng hagdan at nang silipin ko ay nakita ko ang malaking bilog na mesa na napapalibutan ng maraming upuan. "Ang pintong iyon ang kusina, naroon din ang daan patungo sa likuran kung saan pwedeng maglaba." Turo naman nito sa pinto 'di kalayuan sa mesa. Pag-akyat namin sa ikalawang palapag ay bumungad sa akin ang mas malawak na espasyo. At katulad sa mga kwarto sa ibaba hindi rin agad mapapansin na pinto na ang nasa harapan ko kung hindi pagmamasdang maigi. Na siyang katapat ng hagdan. Sa bandang kanan ay naroon ang napakalaking bintana na sarado na sa mga oras na iyon.
At nang tuluyan na kaming makaakyat ay doon ko lang nabistahang mabuti ang ikalawang palapag. Puro kwarto lang ang naroon. At dahil medyo malayo ako sa mga pinto ay hindi ko mabilang kung ilan lahat mga iyon.
"Dito ang magiging kwarto mo," sabi nito na tinungo ang mga pintong katapat ng malaking bintana at binuksan ang unang pinto sa kanan. At may inabot sa gawing kanan dahilan para bumaha ang malamlam na ilaw sa loob ng kwarto. "Ito ang banyo." Turo nito sa pintong katabi lang ng kwarto ko.
"O, heto ang susi mo. Alas-siete ang almusal, alas-dose ang tanghalian at alas-sais ang hapunan. Kapag oras na ng pagkain kailangang bumaba na dahil walang natitira sa mga nagpapahuli. Kanya-kanyang hugas ng pinagkainan, kanya-kanyang laba. Ang oras ng panonood bahala na kayo basta pagsapit ng alas-siete dapat nasa kwarto na kayo." Mahabang paliwanag nito kaya puro tango na lang ang naisagot ko. "Naiintindihan mo ba lahat ng sinabi ko?"
"Opo. Salamat po."
"Maiwan na kita. Kung may kailangan ka, katapat lang ng dining area ang kwarto ko. Pero h'wag mo akong iistorbohin kapag gabi na at nasa loob na ako ng kwarto."
"Opo."
Pagkababa nito ay saka lang ako tuluyang pumasok ng kwarto ko. Katamtaman lang ang laki niyon para sa pang-isahang kama na nakapwesto sa kanang bahagi at siyang unang bubungad pagbukas ng pinto, isang kabinet para sa mga damit na nasa kanto ng kaliwang panig ng kwarto malapit sa isang maliit at nakasaradong bintana at nasa ibaba naman niyon ang isang maliit at pabilog na mesa at nag-iisang upuang yari sa kahoy na pumapagitna sa kama at kabinet.
At isang maliit na bumbilya sa gitna ng kisame ang nagbibigay ng malamlam na liwanag sa buong kwarto. Bukod sa switch ng ilaw na nakita ko malapit sa pintuan ay wala ng iba pang p'wedeng pagmulan o pagkuhaan ng kuryente.
"Mautak rin, kaya pala malakas ang loob na isama na sa bayad ng upa ang kuryente." Napapailing na bulong ko habang isinasara ang pinto. Kailangan pang bumaba para makagamit ng kuryente. Pagka-lock ko ng pinto ay naglakad ako palapit sa mesa upang doon ilapag ang bag ko bago nahahapong pabagsak na naupo sa gilid ng kama. Pagkatapos ay pabagsak na humiga at wala sa sariling napatitig sa kisame ng kwarto.
At dahil nag-iisa na ako at wala ng ibang pwedeng pagtuunan ng pansin ay unti-unting nagbalik sa akin ang mga nangyari sa buong maghapon, maging ang lahat ng dahilan kung bakit nasa ganoong sitwasyon ako ng mga oras na iyon. Isa-isang pumatak ang mga luha ko hanggang sa magtuloy-tuloy na iyon.
Planado ko na ang lahat sa buhay ko kahit nasa elementarya pa lang ako. Magtatapos ng pag-aaral, kukuha ng kursong gusto ko, magtatrabaho para makapag-ipon at matulungan din ang mga magulang ko na nagsisikap na mapag-aral kaming magkakapatid. Hindi man ako kasing talino ng mga kapatid ko ay masasabi kong kaya ko namang makatapos na may matataas na grado. Hanggang makapagtapos ako ng elementarya at tumuntong ng highschool. Maayos naman ang lahat hanggang makatapos ako ng second year. Doon na nagsimula ang lahat ng pagbabago sa buhay ko, sa buhay namin.
Hindi ako natuloy sa pag-eenrol ng third year dahil biglang nagkasakit ang nanay namin at kinailangang i-confine sa ospital, maging ang sumunod sa akin ay nahinto sa pag-aaral upang maging bantay ng nanay namin habang nagtatrabaho si tatay para sa panggastos namin at sa ospital.
Ako naman ang naiwan sa bahay upang bantayan ang dalawa ko pang kapatid na nagpatuloy sa pag-aaral ng elementarya. Dahil isang taon na lang ay ga-graduate na ang pangatlo habang grade three naman ang bunso. Wala kaming ibang magawa kundi ang umasa sa tulong ng ilang mga kapitbahay at magtiis sa kakaunting pagkain at kung minsan ay wala pa. Para kaming mga pulubing namamalimos dahil naghihintay lang kami kung sino ang magbibigay. Kahit ang kapitbahay namin kung saan ako pumasok bilang tagabantay ng tindahan kapalit ng kanin at ulam ay tiniyaga ko na para may makain lang kaming magkakapatid. Gustuhin ko mang humanap ng trabahong may mas malaking sahod ay hindi naman pwede dahil isa pa rin akong minor-de-edad.
Tumagal rin ng halos isang taon ang pagkaka-ospital ng nanay namin kaya hindi ko na inasahang makakapag-aral ulit ako. Kaya naman laking tuwa ko nang malaman kong papasok na ulit ako ng eskwela at doon ko naisip na kapag nakatapos ako kahit highschool ay p'wede na akong pumasok ng trabaho para makaipon ng pampaaral ko sa college. Dahil medyo hirap pa rin kami kahit na nakapagpundar kami ng isang maliit na tindahan para lang maitawid ang pag-aaral naming magkakapatid. Pero habang nasa kalagitnaan ng pasukan noong fourth year ako ay nagkaroon ng isang 'di inaasahang aksidente. Dahil habang bumababa ako ng hagdan mula sa second floor ng school building ay bigla akong nahilo na siyang dahilan ng pagkahulog ko sa hagdan.
At dahil himalang wala akong naging pinsala ay ipinagsawalang-bahala ko na lang ang nangyari sa akin. Pero nang makatapos ako ng highschool at tumuntong sa edad na disi-otso ay doon lumabas ang pinsalang natamo ko.
Naging mahirap para sa akin na tanggapin ang naging lagay ng katawan ko lalo na at naapektuhan din nito ang pang-araw-araw at personal kong buhay. At naging mahirap din sa akin ang makahanap at matanggap sa trabaho lalo na kapag nakikita nila ang paika-ika kong paglalakad. Dahil iyon ang unang napapansin ng mga ina-apply-an ko. Kaya hindi pa man ako nasisimulang interview-hin ay may desisyon na kaagad ang mga ito.
Hanggang sa muling magkasakit at ilang ulit na nagpabalik-balik sa ospital ang nanay namin. At tuluyan ng napabayaan ang kalagayan ko dahil mas prayoridad namin ang sakit ni nanay kaya hindi na nagawang mapatingnan sa doctor ang kondisyon ng katawan ko. Pero wala lang naman sa akin iyon dahil mas importanteng gumaling ang nanay namin at maging maayos na itong muli.
Na hindi na pala mangyayari dahil isang araw ay tuluyan ng bumigay ang katawan ni nanay. Hindi na niya kinaya ang hirap at pagod. At doon tuluyang gumuho ang lahat sa akin. Nawala si nanay isang linggo bago sumapit ang ika-dalawampung kaarawan ko at inilibing siya sa mismong araw ng birthday ko. Naging mahirap para sa akin ang lahat dahil halos ako na lang ang naiiwan sa bahay sa tuwing nasa trabaho si tatay at nasa eskwelahan ang mga kapatid ko. Dahil paulit-ulit kong naaalala ang sakit nang pagkawala ni nanay lalo na at inakala kong magaling na ito dahil pinayagan na ito ng doctor na umuwi. Pero iyon na pala ang huling araw na makakasama namin ito.
Wala na akong nakakahalubilong ibang tao dahil halos hindi naman na ako umaalis ng bahay. Wala akong ibang nakikita kundi ang apat na sulok ng bahay namin hanggang sa hindi ko na lang mapigilan ang tahimik na pag-iyak kapag naaalala ko si nanay. At para malibang ay kumukuha na lang ako sa kapitbahay namin ng mga retaso para sa paggawa ng maliliit na basahan. At sa pamamagitan niyon ay panandalian kong nawawaglit sa isip ang mga nangyari ay kumikita pa ako kahit na maliit na halaga lang iyon.
Hanggang sa isang araw ibinalita ni tatay na mag-aasawa na siya ulit. Naisip kong okay lang iyon para may katuwang pa rin siya at para gumaan ang buhay niya. Pero para sa akin walang ibang makakapalit sa puso ko sa papel ng isang ina kung hindi si nanay lang dahil hindi ko kayang palitan si nanay.
Pero isa pala iyong malaking pagkakamali dahil sa halip na gumaan ang lahat ay naging mas mahirap pa ang sitwasyon. Lalo na nang lumabas ang tunay nitong ugali, mabunganga, kwentahan, palamura, at marumi ang pag-iisip. At dahil nga wala akong ibang makausap at mapaghingahan ng aking mga nararamdaman ay naging napakahirap sa akin ng lahat. Lahat ng nararamdaman ko ay sinasarili ko lang, ang takot, kaba, saya, lungkot at sakit. Ipinapakita kong hindi ako apektado kaya madalas akong masabihang wala akong pakialam sa nangyayari sa paligid ko. Kung alam lang nilang parang sasabog na ang dibdib ko at nabibingi na ako sa malakas at walang tigil na pagsigaw ng utak ko.
Pakiramdam ko ay dalawang katauhan ang nasa loob ng akingkatawan. Ang isang bahagi ay tila manhid at walang pakialam habang ang isa naman ay tila nakagapos at gustong-gustong kumawala at ipagsigawan sa lahat kung gaano na siya nasasaktan at nahihirapan. Gustuhin ko mang palayain ang bahaging iyon ng pagkatao ko ay hindi ko magawa dahil wala namang makikinig o makakarinig. Kaya mahirap man kailangan ko itong ikulong at kahit ngayong malayo na ako at literal na mag-isa ay hindi ko pa rin siya kayang palayain. At sa edad na bente-sais ay saka ko pa lang masusubukang mamuhay ng mag-isa at walang ibang inaasahan kundi ang sarili ko. Hanggang sa hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako dahil sa pagod ng katawan at sa pag-iyak.