"May fracture sa kanang braso nya kaya naman kailangan nyang lagyan ng cast. May ilang bruises at cuts ang pinakamalala ay ang sa ulo ng pasyente," paliwanag ng doktor na tumitingin kay Samantha.
Ipinakita nya sa amin ang X-Ray.
"Kinailangan nyang malagyan ng stitches sa ulo. Three stitches to be exact ang kinailangan sa kanya."
"Pero Doc, ano na po ang lagay nya?" tanong ko.
"Ligtas na sya, hindi naman masyadong napuruhan ang ulo nya at mabuti nalang nabigyan mo kaagad sya ng first aid para tumigil ang pagdugo. Sa ngayon hihintayin nalang natin na magising ang pasyente. We'll run some tests para mas makasigurado."
"Gaano po nya katagal kailangan manatili dito sa ospital?" tanong ko.
"One or two weeks maximum, depende rin sa magiging results ng isasagawa naming tests sa oras na magising na sya. By the way kailangan ko rin makausap ang guardian nya. Pwede mo ba silang papuntahin dito?"
"Nasa ibang bansa po ang mga magulang nya, ako lang po ang nagbabantay sa kanya. I'm her fiance."
"Oh I see."
Pagkatapos ko'ng kausapin ang doktor lumabas na ako sa opisina nya para puntahan si Samantha.
"Red ano raw sabi? Bakit hindi pa nagigising si Sammy?" isa sa mga kaibigan ni Samantha na hindi ko matandaan ang pangalan, yung maiksi ang buhok.
"Oo nga! Ano raw? Comatose ba sya? Magigising pa ba sya?! Ano na?!" yung may dalawang buns sa ulo na parang si Chun Li ng Street Fighter.
"Waaaaaaahh!! Sammy!! Hwag mo kaming iwaaaan!!" yung pinaka-isip bata sa kanila.
Nilapitan ko si Samantha at hinawakan ang kamay nya. Nagbalik na ang kulay nya, hindi na sya gaanong namumutla.
"Hwag kayong mag-alala, sabi ng doktor ligtas na raw si Samantha. Hindi rin masyadong napuruhan ang ulo nya kaya magigising sya, hintayin lang natin. Nagpapahinga lang si Samantha ngayon," paliwanag ko.
I better call Lee. Lintek.
"Angelo," tawag ko sa kanya.
Nakaupo sya sa kama, hawak nya ang isang kamay ni Samantha. Nakatitig lang sya sa mukha ng kapatid nya. Hindi na sya umiiyak pero lungkot na lungkot sya. Sigurado in shock parin sya sa mga pangyayari. Noong isang araw lang nalunod sya sa pool ngayon naman naranasan nyang makita si Samantha na nag-aagaw buhay. Dalawang disgrasya, magkasunod na araw pa.
Ano kayang kamalasan ang dumapo sa amin?
"Kayong tatlo," tawag ko sa tatlong kaibigan ni Samantha. "Dito muna kayo, lalabas lang ako saglit. Kayo na rin muna ang bahala kay Angelo."
Tumango naman sila.
Lumabas na ako ng private room ni Samantha. Kinuha ko ang cellphone ko. Kailangan ko 'tong ipaalam kay Lee. Hangga't maaari ayokong kausapin ang taong 'yon, hindi pa rin maganda ang turing namin sa isat isa.
Mula kami sa magkalaban na gang, sila pa ang humaharang sa amin noon para mahanap si Samantha. Ni wala silang kaalam alam noon na matagal ko nang nakita si Samantha sa pamamagitan ni Audrey. Sinakyan ko lang ang trip nila.
Bakit ko nga ba sinakyan ang kagaguhan ng JG at Lee na 'yon? Bakit ko inilihim kay TOP na matagal ko nang nakita si Samantha?
Tss! Isa pa rin akong gago eh.
[Yes?] sagot ni Lee sa kabilang linya.
"Nasa ospital ako."
[The point?] gagong Lee talaga 'to. Nababanas ako kausapin sya.
"Naaksidente si Samantha."
[....]
Tinignan ko kung ibinaba nya ang telepono. Connected parin naman ang tawag ko.
"Nasa Mindanao kami, Bukidnon."
[I'll be there.]
Ibinaba na nya kaagad ang telepono.
"Nakausap mo na ang doktor?"
Tumingin ako sa kaliwa ko. Ang lalaking nakakita sa amin nina Samantha at Angelo. Ano nga pala ang pangalan nito? Ito 'yong lalaking kausap ni Samantha eh. Si... Lucy? Ampupu! Babae 'yon ah.
"Oo, ligtas na raw si Samantha. Papunta na rin dito yung pinsan nya, nga pala nalaman mo na ba kung bakit nagkaganon ang kabayo nyo?" tanong ko sa kanya.
"Hindi pa." Iling nya. Inilagay nya ang kamay sa bulsa ng pantalon. "Mahinahon na kabayo si Sandra kaya naman hindi ko alam kung bakit sya nagwala," umupo sya sa bench na nasa hallway. "May dalawang rason lang naman ang pagwawala ng mga kabayo."
"Ano?" umupo na rin ako.
Nasa tapat lang naman kami ng private room ni Samantha.
"Una kapag natatakot sila, sensitive ang mga kabayo. Takot sila sa mga maliliit na bagay, daga, ahas etcetera. Wala ka bang napansin sa paligid nyo noon?"
Inisip ko. Nagtatalo kami ni Samantha non. Pero kung may nakita man ang kabayo nya at natakot ibig sabihin natural lang na pati kabayo ko magwala. Pero hindi nagwala ang kabayo ko.
"Wala, magkatabi lang ang mga kabayo namin ni Samantha. Kung may nakita man ang kabayo nya, dapat sabay sila ng kabayo ko na nagwala."
"Mm..." tumango tango sya. "Kung ganon yung pangalawang rason siguro ang dahilan."
"Ano naman 'yon?"
"Kapag nasasaktan sila."
Bago pa ako muling makapagsalita biglang bumukas ang pinto ng kwarto ni Samantha.
"GISING NA SYA!!" anunsyo ni Chun Li.
Mabilis akong tumayo at pumasok sa kwarto ni Samantha.
"Samantha," lumapit ako sa kanya.
Ngumiti sya.
"H-Hi Red."
Bumuhos sa akin ang relief. Ayos lang sya. May biglang tumulak sa akin. Napalayo ako nang kaunti sa kama ni Samantha.
"SAMMY!! Kilala mo ba ako?!!"
"OO NGA!! AKO BA KILALA MO RIN?!!"
"Ano ba kayo Crazy Trios? Syempre kilala ko kayo," nakangiting sabi ni Samantha.
Napatingin sya kay Angelo.
"Angelo..." tawag nya.
Napatingin kaming lahat kay Angelo. Nagpipigil ng iyak.
"Angelo baby, ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?"
"Mommy!! Huk!! Mommy..." at nagtuloy tuloy na ang patak ng luha ni Angelo.
"Baby ko Angelo, sshhh... Okay na..."
Tumalikod sandali si Angelo. Pinunasan ang luha nya. Batang 'to.
"Mommy did it hurt?" naiiyak na naman na tanong nya.
"No, I'm okay na Angelo," ngumiti si Samantha. "Eh ikaw baby? Nasaktan ka ba?"
Papatak na... Papatak na... Biglang pinunasan ulit ni Angelo ang luha nya.
"Mm!" tumango sya. "I'm okay Mommy. Because you're okay. I'm okay too."
Tumawa si Samantha.
"Very good baby."
"Sammy."
"Michie isa ka pang iyakin, daig ka ni Angelo oh hindi na sya naiyak," biro ni Samantha.
"Eeeeehh! Sammy naman eh!" sabi ni Michie. Ang pinaka-isip bata sa mga kaibigan ni Sam.
Aahhh. 'Yon pala ang pangalan nya. Akala ko Calacuchi. Pero malapit naman, ayos na 'yon.
"Bakit nyo ba ako tinatanong kanina kung kilala ko kayo para kayong mga sira. Hahaha!"
"Eh kasi bakla kung anu-ano kasing napasok sa isip namin. Akala nga namin comatose ka na teh. Na-stress ang buns ko sa'yo," saad ni Chun Li sabay hawak sa dalawang buns sa ulo nya.
"Mga kakapanood nyo ng koreanovela. Jareeeeddd!!" tawag nya sa'kin.
"Oh?"
"Gutom na ako, bili mo naman akong siomai."
"Siomai?"
"Nakakagutom kasi yung buhok ni China eh, gusto ko ng siomai," nag-puppy eyes pa sya sa akin.
China pala ang pangalan nung isa. Akala ko Shanghai. Pero malapit na rin naman, nasan ba ang Shanghai?
"Amp. Sige sige. Teka, wala ba'ng sumasakit sa'yo? Gusto mo tawagin ko ang doktor?" tanong ko.
"Wala. Hindi ko nga maramdaman yung ulo ko eh, para akong lumulutang."
"Hala, nasobrahan yata yung gamot na ibinigay sa'yo," sabi nung maiksi ang buhok.
"Hehe! Maggie ganito siguro ang pakiramdam ng mga naka-shabu no?" sabi ni Samantha na tuwang tuwa pa. Anak ng...
"Bakit mo tinatanong sakin? Ano ako nagsha-shabu?" depensa ni Maggie. Ang Magpie.
"Hehehe! JAREEEED! Yung siomai ko daliiiiii naaaaa..."
"Parang bata. Oo na po," naglakad na ako palapit sa pinto.
Mabuti nama at mukhang ayos lang sya. Nakahinga ako nang maluwag. Kailangan ko nalang tawagin ang doktor at ipaalam na nagising na si Samantha.
"Grabeh Sammy, akala namin nagka-amnesia ek-ek ka na."
"Oo nga hahaha! Akala namin makakalimutan mo na kami katulad nung kay Jun Pyo."
"Haaayy! Akala ko chance ko nang maagaw si Fafa TOP mo! Hahaha!!"
Napangiti ako.
"HAHAHA! Mga sira talaga kayo... Uhhmm pero... China."
Binuksan ko na ang pinto para lumabas.
"Ano?"
"Hmm... Sino si TOP?"