webnovel

Maiitim na Senyas

Kasalukuyang naglalaba ang kaniyang ina sa kanilang bakuran habang siya naman ay naghuhugas ng mga tasang ginamit nila sa pagkakape kanina sa almusal. Nang isang pamilyar na tinig ang kaniyang narinig.

"Mareng Martha, nandiyan ba si Pareng Hose?" tanong nito.

"Naliligo pa, bakit ba?" tanong ng kanyang ina.

Abala ang kanyang ina sa pagkukusot ng mga damit na nilalabahan nito na nakapuwesto sa labas ng kanilang pinto.

" Ibabalik ko lang itong glabs na hiniram ko kahapon. Nagbitaw kasi kami kina Pareng Ramon ay hiniram ko muna ito."

"Ay ganun ba? Teka, puros bula ang kamay ko, tatawagin ko lang si Ana, …" wika ng kanyang ina. "Ana, pakikuha nga itong glabs kay Pareng Tonying at isabit mo dyan sa lagayan ng tatay mo,..."

Nang marinig niya ang kanyang pangalan ay nag-atubili siyang sumunod. Ayaw niyang makaharap ang lalaki. Kahit pa anino lamang nito ay talagang kinamumuhian niya. Hindi siya tumugon sa tawag ng kanyang ina.

"Nak, Ana, nandyan ka ba?" tawag muli nito sa kanya.

Nakasimangot siyang tumalima. Tinuyo ng tuyong pamunas ang basang kamay at saka nagtungo sa kinaroroonan ng lalaki. Di pa man siya nakalalapit ay maluwang na ang pagkakangiti nito sa kanya. Para bang walang anuman itong ginawang hindi niya nagustuhan. Hindi man lamang ito nakararamdam ng hiya, naiisip ni Ana.

"Pakibigay na lang ito sa tatay mo." Sambit nito habang iniaabot sa kanya ang glabs ng manok.

Iniabot niya ang kamay ng hindi man lamang tinatapunan ng pansin ang lalaki. At sa paglapat ng kamay nito sa kanya ay iginalaw nito ang hintuturong daliri sa palad niya at makadalawang beses itong itinuktok sa gitnang bahagi nito. Sa pagkagulat ay nabitawan niya ang iniabot nito. Nanginginig ang mga kamay na dinampot niya ito sa sahig saka nagmamadaling tinungo ang sariling silid.

Kabadong- kabado siya habang nagpupuyos sa galit. Galit na hindi niya mailabas. Ni hindi man lamang siya nakaimik sa sobrang pagkagulat. Sagad talaga sa buto ang kasamaan ni Tonying, malibog! Nagngingitngit habang nagngangalit ang kanyang mga ngipin. Nagawa pa nitong sumenyas ng isang sekswal na pagnanasa sa harap ng kanyang ina. Hindi marahil napansin ng kanyang inang abala sa pagkukusot ng kanilang mga damit ang ginawi ng lalaki.

Matagal siyang nanatili sa kaniyang silid. Habang kanyang pinagmamasdan ang palad ay waring nag-iwan ng bakas ang daliri ng lalaki sa mga ito. Diring- diri siya at sukdulan ang pagkamuhi sa taong iyon. Ngayon niya napagtanto na talagang may sekswal na intensyon sa kanya ang lalaki. Ang ginawa nito noong pagpapakita sa kanya ng ari ay lumalabas na talagang sinadya nito. Mabuti na lamang at naroon ang kanyang ina, marahil kung wala ito baka mas masahol pa ang inasal nito sa kanya, naisip niya. Baka ninakawan siya nito ng halik o di kaya'y hinapit siyang bigla upang madait sa ipinaglalantaran nitong ari! Napakislot siya ng ilang ulit na para bang diring- diri sa mga pagsasalarawang sumasagi sa kanyang isipan.

"Ang kapal ng mukha mo, Tonying!" bulong niya sa sarili.

Halos parang anak na nga lamang siya nito kung tutuusin. Saka isa pa, may asawa itong tao. Marahil ang mga pangangailangang sekswal naman nito ay natutugunan ng kanyang asawa, naisip niya. Kung bakit ito nagpapakita ng motibong hindi maganda sa kanya.

Hinarap niya ang sarili sa salamin na nakasabit sa dingding ng kanyang silid. Pinagmasdan niya ang sarili. Sa kanyang edad, masasabing malaking bulas siya. May buwanang dalaw na rin siya kaya mapapansin na ang mga pagbabago sa kanyang pangangatawan. Medyo nagkakalaman na ang kanyang dibdib kung kayat nagsusuot na rin siya ng baby bra bago magkamiseta. Nagsisimula na ring umumbok ang kanyang balakang. At ang kanyang mukha, hindi maitatanging maganda siya. Di gasinong matangos ang kanyang ilong ngunit hindi rin naman siya pango. Ang biloy sa kanyang kanang pisngi ay masasabing isa sa kanyang natatanging katangian. Sabi nga ng kanyang isang pinsan, nahahawig daw siya sa artistang si LJ Reyes.

Maya- maya pa'y lumabas na siya ng kuwarto. Tiniyak na lubos ng nakalayo ang mapagsamantalang kumpare ng kanyang ama.

"Huwag ka ng makabalik- balik pa dito Tonying ka,.." imik niya sa sarili.

Iyon na lamang ang kanyang nagawa sapagkat gustuhin man niyang pagsalitaan ito ng harapan ay hindi niya magawa sapagkat inuunahan siya ng takot at nerbiyos.

"Subukan mo lang bumalik pa dito, lintik ka,.." giligit na imik niya. "subukan mo lang…"