webnovel

Torture

Editor: LiberReverieGroup

Sumakay sina Xinghe at Sam sa isang kotse at ang mga mersenaryo naman sa isa pa. Sa kotse, nagtanong si Wolf, "Hahabulin ba niya si Ryan?"

Tumango si Sam ng nakangisi. "Hindi niya itinago ang katotohanang gagawin niya ito."

Nag-aalalang nagsalita si Ali, "Pupuntiryahin din ba niya tayo?"

"Hindi niya gagawin iyon," sagot ni Xinghe, "Inupahan natin sila sa pamamagitan ng pribadong bangko, kailangan nila ang reputasyon at binayaran ko sila ng malaking halaga para sa kanilang serbisyo."

"Tama iyon, ang mga taong ito ay gagawin ang lahat para sa pera pero hindi nila sisirain ang kanilang reputasyon at kredibilidad dahil iyon ang pinanggagalingan ng kanilang pagkakakitaan," paliwanag ni Sam at nakahinga ng maluwag si Ali sa narinig.

"Ililigtas ba natin si Charlie?" Tanong ni Ali.

Tumango si Xinghe. "Oo, pero kailangan muna nating makakuha ng mga impormasyon bago kumilos."

Nagsimula nang magtrabaho si Xinghe matapos niyang makabalik sa bahay. Ang pag-hack sa military system ni Barron ay napakadali para sa kanya. Ang surveillance sa kampo ay kumpleto kaya naman agad na nakita ni Xinghe ang footage na kailangan niya. Napakaraming camera sa loob at sa paligid ng piitan. Ang bawat kulungan ay may camera dahil marahil ay naglalaman ito ng mga mapanganib na tao. Nakita ni Xinghe si Charlie matapos lamang ang ilang minuto.

"Charlie! Iyan si Charlie!" Hiyaw ni Sam nang makita ang isang duguang lalaki sa loob ng isang kulungan. Sinundan ni Ali at ng iba pa ang direksiyon niya at tinitigan ang screen.

"Si Charlie iyan!" Sabi ni Ali ng may kalungkutan sa kanyang tinig, "Ano ang nangyari sa kanya?"

Ang mga kamay at paa ni Charlie ay nakatali sa mga bakal na kadena. Tila isa itong puppet na nakasabit sa pader. Ang kanyang buhok at balbas ay humaba na para matabingan ang mukha nito pero makikita pa din ang hitsura nito kapag tititigang maigi. Ang katawan nito ay maraming sugat at mga pasa. Ang damit na suot nito ay madumi na at nakukulayan ng pula na may kaitiman. Matagal na nitong iniinda ang pagpapahirap sa kanya…

"Pinapahirapan na siya ni Barron sa nakaraang buwan?!" Galit na sabi ni Cairn.

"Papatayin ko si Barron!" Inilabas ni Wolf ang baril at nagmamadaling lumabas.

"Huwag kang magpadalos-dalos!" Hinila siya pabalik ni Wolf. "Wala kang magagawa ngayon kahit na umalis ka pa ngayon."

Galit si Wolf. "Pero mamamatay na si Charlie dahil sa pagtorture ng mga ito sa kanya! Hindi ko kayang tumayo lang dito at walang gawin habang nangyayari ito sa kanya ngayon!"

"Papasok si Barron!" Hiyaw ni Ali. Ang boses niya ay nakuha ang atensiyon ng lahat agad-agad. Bumaling sila sa screen kung saan nakita nilang pumasok si Barron kasama ang isa sa mga tauhan nito.

Walang sinabi ang mga lalaki at binigyan si Charlie ng dalawang latay ng latigo agad!

Walang tunog ang surveillance pero si Xinghe at ang iba pa ay naririnig ang tunog ng latigo na pumapailanlang sa ere. Ang dalawang latay ay tila tumama din kay Ali at sa katawan ng iba pa; napaigtad sila at ang kanilang mga mata ay naningkit sa galit.

Ang sakit ang gumising kay Charlie mula sa mababaw nitong pagtulog. Kinakausap siya ni Barron pero walang ibinigay na sagot si Charlie dito bagkus ay tahimik na tumingin lamang ito sa kanya. Nagalit si Barron dahil dito. Hinablot nito ang latigo palayo sa tauhan nito at ito na mismo ang nagbigay ng parusa kay Charlie.

Patuloy na lumilipad ang latigo sa ere at ang mukha ni Charlie ay kakikitaan ng sakit, gayunpaman walang salita ang lumabas mula sa nakatangis na mga ngipin nito.

Gayunpaman, habang mas hindi niya iniintindi ito, mas lalong lumalakas ang hagupit ni Barron. Ang bawat latay ay bumukas ng mga luma at bagong sugat sa katawan ni Charlie. Sa screen, nakikita nila na tumitilamsik ang mga bagong dugo sa ere…

Ang mga kamao ni Sam at ng iba pa ay mahigpit na nakakuyom; ang mga mata na nakapako kay Baron ay nag-aalab sa galit.