**Damian's POV**
Habang papalapit ako sa apartment ni Lara, hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting kaba. Masaya ako na sa wakas, makikita ko siya ulit pagkatapos ng ilang araw na magkalayo kami. Pero sa kabila ng kasiyahan, nandun pa rin ang tanong na paulit-ulit kong tinatakbuhan: *Kailan ko ba masasabi sa kanya ang nararamdaman ko?*
Pagdating ko sa pintuan niya, dahan-dahan akong kumatok. Ilang segundo lang, bumukas ito, at bumungad si Lara. Kahit medyo namumutla pa siya, ang ngiti niya ang unang sumalubong sa akin.
"Damian," mahina niyang sambit. "Anong ginagawa mo dito? Hindi ba dapat nagpapahinga ka pagkatapos ng flight mo?"
"Dapat ikaw ang nagpapahinga," sagot ko, pilit na pinapakalma ang sarili. "Franco told me everything. Hindi ako mapakali kaya nandito ako."
Nagbukas siya ng pinto nang mas malaki para papasukin ako. "Pasensya na, Damian. Hindi ko na sinabi. Ayokong maabala ka."
"Lara," sagot ko habang iniabot sa kanya ang dala kong supot na may laman na mga prutas at gamot, "huwag mo nang isipin na abala ka. Kung alam mo lang kung paano ako nag-alala."
Ngumiti siya nang bahagya. "Salamat, Damian. Ang bait mo talaga."
Umupo kami sa maliit niyang sofa, at habang nag-uusap kami tungkol sa kung anu-ano, hindi ko maiwasang mapansin ang simpleng ganda niya. Walang make-up, nakasuot lang ng pambahay, pero para sa akin, siya pa rin ang pinakamaganda.
Habang nagkukuwento siya tungkol sa trabaho at kung paano siya nagkasakit, nararamdaman kong unti-unti akong kumakalma. Masaya ako dahil kahit papaano, nasa tabi Kuna sya at naaalagaan.
---
Pagkatapos ng halos dalawang oras na kwentuhan, nakatulog si Lara sa sofa. Dahan-dahan akong tumayo, para kumuha ng kumot, at maingat na itinakip iyon sa kanya. Tumitig ako sa kanya ng ilang segundo, pinag-iisipan kung dapat ko na bang sabihin ang matagal ko nang gustong sabihin.
Pero sa huli, napailing ako at tumalikod. *Hindi pa ngayon. Hindi ko pa kaya.*
Bago ako umalis, nag-iwan ako ng maliit na sulat sa lamesa niya:
**"Lara, magpagaling ka. Huwag kang masyadong magpagod. Nandito lang ako lagi para sa'yo. – Damian"**
Habang bumababa ako sa hagdan ng apartment niya, isang bagay ang malinaw sa akin: masaya ako dahil naalagaan ko siya. Pero alam kong hindi pa rin sapat iyon. Kailangan ko nang mag-ipon ng lakas ng loob para sabihin sa kanya ang totoo. Dahil kung hindi ngayon, kailan pa?
Pag-uwi ko sa bahay, agad akong bumagsak sa kama. Sa sobrang pagod, dapat nakatulog na ako agad, pero hindi ko maalis sa isip si Lara. Ang simpleng ngiti niya, ang paraan ng pagngiti ng mga mata niya kahit na pagod siya, at kung paano niya ako tinawag na "mabait" — lahat ng iyon ay paulit-ulit na tumatakbo sa utak ko.
*Bakit ba ang hirap umamin?* tanong ko sa sarili ko. *Bakit hindi ko masabi na mahal na mahal kita, Lara?*
---
Kinabukasan, maaga akong nagising. Hindi dahil sa kailangan, kundi dahil gusto kong kamustahin ulit si Lara. Tinext ko siya:
**"Good morning, Lara. Kumusta ang pakiramdam mo? Nakapagpahinga ka ba nang maayos?"**
Ilang minuto lang, nag-reply siya.
**"Good morning, Damian. Mas okay na ako ngayon. Salamat sa pagpunta kahapon. Ang dami mong naitulong sa akin."**
Ngumiti ako habang binabasa iyon. At kahit wala ako sa harapan niya, parang naririnig ko ang malambing niyang boses.
---
Pagpasok ko sa opisina, agad kong hinanap si Franco. Nakaupo siya sa workstation niya, abala sa pag-check ng mga papeles.
"Franco," tawag ko habang tinatapik ang balikat niya.
Napatingin siya sa akin, sabay ngiti. "Uy, Damian! Kumusta? Nakapunta ka ba kagabi kay Lara?"
Tumango ako. "Oo, pero…" Tumigil ako sandali, pinag-iisipan kung paano ko sasabihin ang iniisip ko. "Franco, hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Ang hirap umamin sa kanya. Paano kung hindi niya ako gusto?"
Napabuntong-hininga siya at tumingin sa akin nang seryoso. "Damian, ilang beses na kitang sinasabihan. Kung gusto mo talaga si Lara, sabihin mo na. Hindi mo malalaman kung anong nararamdaman niya kung hindi ka magsasabi."
"Alam ko, pero…" Napakamot ako sa ulo. "Paano kung masaktan ako? Hindi ko alam kung kaya ko 'yun."
Natawa siya nang bahagya. "Pare, kaya nga risk 'yan, eh. Pero tingnan mo naman kung paano mo siya inaalagaan. Kung hindi ka man niya gusto ngayon, hindi niya iyon mapapansin?"
Hindi ako sumagot. Tama siya, pero hindi ibig sabihin na mas madali na ang lahat.
---
Bago matapos ang araw, napagpasyahan kong dalhan si Lara ng paborito niyang pagkain bilang pasasalamat sa ngiti na binigay niya sa akin kagabi.
Pagdating ko sa apartment niya, kumatok ako nang mahina. Binuksan niya ang pinto, at sa sandaling iyon, parang nawala lahat ng kaba ko. Nakangiti siya, mas mukhang maayos na ngayon kumpara kahapon.
"Damian? Ano na naman 'to?" tanong niya habang tinitingnan ang dala kong supot na puno ng pagkain.
"Wala lang. Gusto ko lang siguruhin na kumakain ka nang maayos," sagot ko, pilit na itinatago ang mabilis na tibok ng puso ko.
Ngumiti siya nang malambing, at sa sandaling iyon, halos gusto ko nang sabihin ang lahat.
Pero tulad ng dati, hindi ko magawa.
*Hindi pa ngayon. Pero malapit na.*