webnovel

pang-apat na liham: kasagutan

ikatatlumpo't isang araw ng Marso, 1903

Magandang gabi, Binibini. Natutuwa ako na malaman na ako ang naging rason sa paulit-ulit mong pagpunta sa batis tuwing Sabado. Hindi ko talaga inaasahang makikita kita muli. Simula kasi nang tumigil na akong batiin ka tuwing nakikita mo akong naglalakad ay hindi na kita palaging nasisilayan. At ang akala ko matapos nang una kitang nakita ulit sa batis ay hindi ka na magpapakita muli dahil mahihiya ka na sa akin. Ngunit, patuloy pa rin ang ating pagkikita simula noon.

Ang alam ko nga ay bumalik ka lamang dahil may nakalimutan ka. Ang sinabi mo pa sa akin ay dahil laging gustong magkita ni Eustacio at Socorro kaya ka naroroon. At dahil ayaw mo namang makagambala o panoorin sila ay ginusto mong sa batis na lamang maglagi. Nangako ka rin na hindi mo ako gagambalin.

Inaamin ko ngayon na noong una ginagambala mo ako dahil lamang sa simpleng presensya mo. Hindi ka naman nakatitig sa akin subalit pakiramdam ko ay sa akin ka nakatingin. At bawat galaw mo rin ay aking naririnig, simula sa simpleng paghinga, sa simpleng kaluskos, at sa simpleng paglipat mo ng mga pahina sa iyong binabasang libro. Pati ata ang mahinang pagsipa mo sa tubig ay naririnig ko.

Ngunit, madali lang naman akong masanay dahil hindi nagtagal ay nasanay na rin ako sa iyong presensya. Hindi na ako ginagambala ng iyong simpleng paggalaw at paghinga. Sa katunayan, sabik na sabik akong makita ka tuwing Sabado, mahal. Bukod sa mas ginaganahan akong mag-aral ay mas nagiging payapa ang aking damdamin. Dahil sa'yo, parang wala akong problemang kinakaharap, na parang hindi ko kailangang problemahin kung hanggang kailan ko titiisin ang kaunting pagkain o kung hanggang kailan ko iisipin ang mga bayarin sa eskwelahan. Dahil sa'yo, Manuela, ako lamang si Pole, isang normal na tao sa isang simpleng batis.

Hindi ko rin napagtantong nahuhulog ka na pala sa akin dahil marunong ka pa lang hindi magpahalata. Ako nga ang kinakabahan na baka sakaling mapansin mong may pagsinta na ako sa iyo. Hindi ko naman kasi pinagtiya-tiyagaang itago. Ang alam ko lamang ay lagi mong napapahiya ang sarili sa aking harap o maaring ayaw mo naman talaga sa akin at gusto mo lamang akong maging kaibigan.

Hindi ko alam na ibabalik mo pala sa akin ang mga damdaming pinangangalagaan ko para sa'yo. Hindi naman ako nagrereklamo noon dahil alam ko namang wala kang obligasyon na ako ri'y ibigin. Ngunit, nang nagawa mo akong haranahin ay napagtanto kong hindi pala sapat sa akin ang masilayan o makasama ka lamang ng ilang oras tuwing Sabado. Ang akala ko pa nga noon ay wala namang espesyal na magaganap sa gabing binisita mo ako sa aking tinutuluyan.

[ - ]

KANINA pa pilit iniintindi ni Apolinario ang naturang aralin na kanyang binabasa. Hanggang ngayon kasi ay hindi niya pa rin maintindihan iyon, gayong kanina pa niya iyon tinitigan at paulit-ulit na binabasa. Hindi naman siya makakatulog hangga't hindi niya naiintindihan ang aralin dahil panigurado niyang may ibibigay na eksamin si Padre Malabanan kinabukasan. Ito na lang talaga ang kailangan niyang intindihin dahil nakausad na siya sa iba pa niyang inaaral kanina.

Kung siya naman ang papipiliin ay gusto niya nang magpahinga. Matulog kahit ilang minuto lamang, ngunit alam niya rin na kung natulog siya ay magtutuloy-tuloy lamang iyon. Kaya nagpatuloy na lamang siya sa pilit na pag-iintindi at paulit-ulit na pagbabalik ng pahina sa mga isinulat niya sa papel.

Hindi naglaon ay inatake na siya ng antok at malapit nang bumagsak ang kanyang talukap. Makakatulog na sana siya kung hindi niya lang narandaman ang biglang pagtira ng isang bato sa kanyang balikat. Sa bilis nang pangyayari ay saglit bago nakarandam siya nang sakit.

Gulat ang mga matang napatitig siya sa batong tumama sa kanya. Maliit iyon at hindi niya alam kung saan posibleng manggaling. Napasapo na lamang siya sa kanyang balikat at nagtatakang tumingin sa paligid. Imposible namang may bumato sa kanya sa loob ng kanyang silid dahil wala naman siyang kasama roon.

Posible kayang may nagmumulto? Ngunit, ang sabi naman ni Ginoong Petran ay walang ligaw na espirito sa pamamahay nito dahil pinadaan nito iyon sa isang pari. Dumungaw na rin siya sa bintana at nagpalinga-linga para hanapin ang salarin. Hindi naglaon ay nakita niya iyon sa katauhan ng dalagang hindi niya nakita ng ilang Sabado sa batis. Agad na lumakas ang kabog ng kanyang dibdib at halos nawala na ang lahat ng kanyang iniisip.

"Binibini," halos hindi niya makapaniwalang sabi. Maari palang biglang gumanda ang pagtingin mo sa mundo basta makita mo ang isang tao. Hindi niya maikakailang nangulila siya sa presensya nito. Naisip niya nga na baka nakahalata ang dalaga sa damdamin niya at nagsimula na itong iwasan siya. "Bakit ka nandito?"

Hindi nagsalita si Manuela, kumaway lamang ito at mukhang nagpipigil na magsabi. Hindi naman nakaalis sa kanyang pagtingin ang gitara na yakap-yakap ng dalaga at awtomatikong kumunot ang kanyang noo. Andaming pumapasok sa kanyang isip, isa na roon ang pagtataka kung papaano nito nalaman kung saan siya nakatira.

Ngunit, bago pa niya mabigyan ng kasagutan ang mga naiisip ay umupo si Manuela sa mahabang kahoy na naroroon at bigla nitong ginamit ang gitara. Hindi naglaon ay pumailanlang sa gabi ang malamyos na boses ng dalaga. Agad siyang napasapo sa sariling dibdib, mas bumilis ang tibok ng kanyang puso.

Para siyang mahihilo at mawawalan ng malay dahil sa ginawa ng dalaga. Maganda ang boses nito at para itong anghel kung umawit. Naramdaman niya ang mabilis na pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi. At ang utak niyang hindi tumigil para sabihin sa kanyang hindi siya gusto ng dalaga ay pinagbibigyan siyang iba ang isipin ngayon. Gusto mo rin ba ako, Manuela?

Hindi na siya nag-isip. Sa halip, umalis siya sa bintana at nagmamadaling kinuha ang iniintinding aralin, ang gasera, at pati na ang kanyang mga kumot. Tahimik at mabilis siyang lumabas sa bahay na kanyang tinutuluyan. Paglabas niya, randam na randam niya ang malamig na samyo ng hangin. Ngunit, hindi siya nilalamig. Mainit ang kanyang puso at ninamnam iyon ng kanyang katawan.

Nakangiti at nagniningning ang mga matang lumakad siya patungo sa kinauupuan ng dalaga. Mukhang hindi rin ito makapaniwalang lumabas pa siya para makita ito. Hindi niya pinakawalan ang mga mata ni Manuela, basta naglakad lamang siya at inilagay ang isang kumot sa mga balikat nito upang hindi ito lamigin saka siya naupo.

Ngumiti naman ang dalaga bago nagsimulang umawit muli. Nakangiti naman niyang ibinalik ang mga mata sa inaaral at sa unang beses sa gabing iyon ay naintindihan na niya ang aralin. Dahil na rin siguro sa nagpapakalmang boses at sa presensya ni Manuela ay mas klumaro ang kanyang isip. Ito ang lagi niyang nararandaman sa tuwing kasama niya ito sa batis. Kaya siguro niya agad naintindihan ang aralin dahil nandito na ulit ito sa kanyang tabi.

Hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa na ito pa ang nangharana sa kanya. Minsan nang sumagi iyon sa kanyang isip, ngunit alam niya naman ang maaring mangyari kung ginawa niya iyon. Kaya kinikitil niya agad ang ideyang iyon sa tuwing kinukulit siya nito. Alam niya rin na kahit anong maisipan niyang gawin ay ito ang nasa langit at siya ang nasa lupa.

Ang mga tao na ang magsasabing hindi sila bagay. Kaya sapat na sana sa kanya na lagi niya itong nakikita. Sapat na sana sa kanya na minsan niya itong nakakausap. Subalit kapag tinanggap lang niya ang mga dahilan na iyon ay nagsisinungaling na siya sa kanyang sarili.

[ - ]

"GUSTO kita, Pole," kahit pabulong na wika ng dalaga ay narinig niya na ikinahurumentado ng kanyang puso. Hindi niya alam kung ano ang gagawin kaya ang una niyang reaksyon ay mapangiti na lang. Nahihiya namang umubo muli ito sa kamao, ang bagay na napapansin niyang ginagawa nito sa tuwing sa tingin nito ay hindi normal sa dapat nitong ikilos ang ginagawa. "Naririto ako upang ligawan ka."

Kung gaano siya kasayang makita ito ay ganoon naman ito kakabadong magsalita. Hinarap niya ito at mas lumawak lang ang ngiti sa kanyang mga labi, mukhang mapupunit na ata iyon. Nangingislap ang mga matang sinambit niya ang napakagandang pangalan nito. Ginaya niya ang pagbulong ng dalaga dahil pakiramdam niya ay kung sinabi niya man nang malakas ay masisira ang kapayapaang bumabalot sa kanila.

Inabot niya ang mga kamay ni Manuela. Naramdaman niya ang kalyo at ang pagtigas ng balat sa mga daliri ng dalaga. Sa mga ilang araw na hindi niya ito nakita ay nag-aral pala itong mag-gitara para haranahin siya. Sinubukan na niyang mag-aral noon ngunit hindi niya rin natuloy.

Pumikit siya at inilapit niya ang sarili sa mga daliri nitong nasaktan. Ginawaran niya iyon ng mumunting halik para pasalamatan ang dalaga sa ginawa nito para sa kanya. Pasalamatan ito dahil binigyan siya nito ng kakayahang ibigin ito ng libre. Pasalamatan ito dahil kung hindi ito nagsabi ay malamang hinding-hindi siya magsasabi ng nararamdaman. At pasalamatan ito at ibinigay nito sa kanya ang sariling puso.

Hindi na siya magtatanong kung bakit siya. Hindi na rin siya magtatanong kung maari ba. Sa gabing iyon, hahayaan niya ang sariling maging makasarili. Dahil baka hindi naman masama, wala naman siguro siyang masasagasaan kung tatanggapin niya ang pag-ibig ng dalaga.

Itinaas niya ang tingin kay Manuela. Mukha na itong makopa dahil sa pulang-pula nitong mga pisngi. Nararamdaman niya rin ang mabilis na tibok ng puso ng dalaga mula sa mga kamay nito. Ngumiti siya at lumapit rito upang gawaran ng halik ang noo nito. Masuyo ang ginawa niyang paghalik at nangangakong, "Hindi kita sasaktan. Maraming salamat sa pagtitiwala sa akin ng iyong puso."

Nang lumayo na siya ay nakita naman niyang parang naghihintay itong mahalikan sa mga labi. Kahit na gusto niyang gawin iyon at ngumiti na lamang siya. Lumapit siya sa tainga ng dalaga. "Manuela," sambit niyang muli. Naramdaman niya ang mas paglakas ng kabog ng dibdib ng dalaga. "Umuwi ka na. Gabi na at hindi maaring nasa labas ka pa."

Hindi niya kasi alam kung anong gagawin niya kung hindi niya ito pauuwiin. Nag-uumapaw na ang pag-ibig at tuwa sa kanyang dibdib at baka hindi na niya ito bitawan kung hindi ito aalis. Nagmulat naman ito ng mga mata at akmang magrereklamo ngunit ito na rin mismo ang natahimik. Tumayo ito at dala-dala ang gitara ay dahan-dahang tumango sa kanya. "Paalam, Ginoong Mabini."

"Mag-iingat ka, Binibining Guevarra."

Hinatid niya ito ng tingin at katulad niya'y parang gusto na nitong lumipad dahil sa sobrang tuwa.

[ - ]

Bumalik rin ako sa aking silid na magaan ang aking pakiramdam at may malawak na ngiti sa aking mga labi. Mas maaga ko ring natapos ang aking aralin ngunit hindi ako nakatulog. Iniisip ko ang mga araw na darating. Iniisip ko kung ano ang gagawin ko kung nagkita tayong muli. Iniisip ko kung maari na ba kitang tawaging nobya o mahal. Iniisip ko kung magagawa ko bang sabihin sa'yo kung ano ang laman ng aking damdamin.

Marami akong iniisip na natagalan bago ako tuluyang nakatulog. Matagal na kitang minahal, Manuela. At ang pagharana mo sa akin ang naging daan para magawa kong gustuhing 'wag ka nang bitawan.

Nakakatawa, hindi ba?

Mahal rin kita, Manuela. Mahal na mahal rin kita.

Hindi ko alam kung bakit sa pagsusulat ko lamang mas madaling nasasabi ang mga katagang iyon. Hindi ko rin alam kung bakit sa tuwing naalala ko ito ay hindi na ako nakangiti. Umiiyak na lamang ako at sa bawat luhang pumapatak sa'king mga mata ay gustong-gusto kong hilingin na ibalik ako sa araw na naganap ang gabing ito. Kung makakabalik man ako ay hahalikan na kita at agad kong sasabihin kung ano ang aking nararandaman. Agad akong papayag na maging nobyo mo.

Ngunit... alam nating hindi iyon posible. Dahil marami pang nangyari at hindi ko hawak ang oras. Sa ngayon, dito ka na muna tatapusin ang liham na ito. At ako muna ay mamahinga.

Patuloy na ikaw lamang ang iibigin,

Pole