webnovel

Legend of the Bladed Hand

This is a Filipino serialized story about an ordinary teenage girl who learns about her extraordinary lineage when she gets admitted into a secret school for the Maginoo class and falls in love with the top student who holds the alarming truth about the death of her mother - the keeper of the Bladed Hand. ~oOo~ Status: Ongoing Updates weekly Also seen on Wattpad

intimidos · Fantasía
Sin suficientes valoraciones
26 Chs

Nang Magsinungaling si Mapulon (Part IV)

NAGISING SI BLAKE sa amoy ng pinipritong karne mula sa kusina. Sapantaha niya'y nakabalik na si Map at naghahanda na siguro ito ng pananghalian. Dahang-dahang itinukod ni Blake ang siko upang makatayo mula sa pagkakadapa sa kama. Gamit ang garalgal na boses ay tinawag niya ang pangalan ng kaibigan ngunit ang narinig lamang niyang sagot ay ang pag-awit nito.

"Map," ang tawag ni Blake, "bawal daw kumanta habang nagluluto. Hindi ka makakapag-asawa."

Biglang sumilip ang ulo ni Mapulon sa pinto. Nakangiti ito.

"Talaga ba?" ang tanong ni Map na parang nagloloko pa.

"Tulungan mo 'ko," utos ni Blake. Tumalima naman si Map at nagsilbi siyang tukod ni Blake upang makatayo ito.

"Kaya mo na ba?" sabi ni Map habang ang isang kamay ay may hawak na sanse at ang kabila nama'y hawak ang braso ni Blake.

"Ayokong humiga buong araw," sagot ni Blake. Pilit niyang itinatayo ang sarili kahit pa pumipintig ang mga sugat sa likuran. "Nagluluto ka ng tanghalian? Wala pa bang klase?"

"Pang-Recess 'to. Tsaka may sinigang pa, a."

"Oo nga eh, almusal sinigang," pangungutya ni Blake.

"O tapos?" sabi ni Map habang tinutulungang lumakad patungo sa kusina ang kaibigan. "Hanggang hapunan mo 'yon."

"Ano ba 'yang niluluto mo? 'Di ba para sa 'kin 'yan?"

"Ano ka, hilo? Sa akin 'to," ang sagot ni Map.

"Nakikigamit ka lang ng kusina ni Kid."

"Nakikitulog ka lang sa balay ni Kid."

Ngumuso na lang si Blake habang nilalanghap ang niluluto ni Map.

"Bakit mo namang naisipang gumawa ng hamburger? Saan ka kumuha ng bread?"

Hindi sumagot si Mapulon, bagkus ay humuni-huni na lang ito ng isa sa mga awitin niya.

"Talagang single ka na niyan for life," ani Blake sabay buntong hininga. Gusto sana niyang kumain ng hamburger.

TAHIMIK ANG BUONG silid para sa pangalawang klase nina Dian. Damang-dama niya ang lamig ng pakikitungo ng mga kaklase niya pagkat ayaw nilang mapalapit ng upuan sa kanya. At dahil tulad ng sa naunang klase na hindi naman armchair ang gamit kundi mga mahahabang mesa na parang pang Last Supper, halatang-halatang walang may nais tumabi sa kanya. Kahit si Pinuno ay piniling umupo sa kabilang mesa. Naasar yata ito sa kanilang pag-uusap kanina. Kung andito lang si Mapulon, may makakausap sana si Dian, para lang malimutan niya na sa loob ng Linangan ay nag-iisa siya.

Nasaan na nga ba si Mapulon at bakit hindi pa ito dumarating? Magsisimula na ang klase ay wala pa rin ito. May bakanteng isa at kalahating oras kanina at gusto sana niyang libutin ang walog, ngunit dahil sa wala siyang ibang kilala (at dahil natatakot din siya na maligaw sa gubat), tiniis na lang niya ang inip na dala ng paghihintay. Dahil na rin sa sagutan nila kanina ni Kid, malamang ay matatagalan pa bago sila mag-usap ulit – iyon ay kung gusto pa ni Dian na makipag-usap ulit sa kanya.

Ilang sandali pa'y dumating na si Map. May bitbit itong maliit na bag na baunan. Tila bukang liwayway ang dala ng ngiti nito nang pumasok siya sa silid. Tulad nang dati, kinilig ang mga babae sa klase ngunit mabilis din silang gumawa ng mga pekeng usapan upang hindi gaanong mahalata. May reputasyon pa rin ang mga pamilya na dapat isaalang-alang. Kumbaga, idol lang si Map, hindi pa kagalingan.

Para naman kay Dian, ngayong pakiramdam niya'y kilala na niya nang lubos ang idolo, nabawasan na ang kilig at mukhang napapalitan pa ito ng asar.

Unang nilapitan ni Map si Dian at binulungan nito ang dalaga, "may dala akong hamburger."

"Hamburger?" gulat na tanong ni Dian. Napaka-random naman ng taong ito.

"Ayaw mo?" May kaunting panghihinayang sa tono ni Map.

Kumunot lamang ang noo ni Dian. Ngumuso si Map at bago pa man mahatak ni Dian ang dulo ng long sleeves ng lalaki ay nakalayo na agad ito upang tumabi kay Kidlat. Umupo ito sa tabi ng kaibigan at tumingin kay Dian. May ibang kulay na ang ngiti ni Map ngayon. Tipong nang-iinis. Binuksan ni Map ang baunan na dala at ipinakita ito kay Dian. Hamburger nga. Kahit malayo si Dian ay nalanghap niya ang dalang pagkain ni Map. Hindi napigilan ng babae na mapapikit. Kumulo ang kanyang tiyan. Tanghali na ngunit may isang oras pa silang klase. Paano ba siya matututo ng pagpipinta o kung anuman ang ituturo ng guro nila sa klaseng ito kung alanganing oras ang iskedyul? Narinig na lang ni Dian na may isang babaeng nagtanong kay Map kung mamimigay ba siya ng baon. Sumagot si Map na para lahat iyon kay Kid. Si Dian naman ang napanguso. Walang integridad si Map.

Kailangan ni Dian ng ibang pagkakaabalahan kung hindi'y mananalo sa kanya si Map na patuloy pa rin sa paghahasik ng amoy ng kanyang baon habang ngumingisi. Unstan na talaga, ang sumagi sa isip niya. Saan ba siya titingin? Ano ang babalingan ng pansin?

"Sure ka ba?" ang narinig ni Dian na sabi ng isang kaklaseng babae sa katabi nitong lalaki.

"Oo, narinig ko kanina sa office ng Administrator," sagot ng lalaki. Kahit mukhang palihim ang usapan ng dalawa'y dinig pa rin ni Dian ang kanilang mga tinig.

"Baka naman may reason kung bakit andito siya sa Linangan," ang sabi ng babae.

"May naiisip ka bang magandang reason?" sagot ng lalaki. "After niyang umalis seven years ago, saka siya babalik? Tapos ang tuturuan pa niya 'yung class ng dati niyang mentor?"

Bakas sa mukha ng babae na hindi ito makapaniwala.

"Talaga? The audacity..."

"Ang alam ko art class 'to, hindi oral communication."

Natahimik ang lahat nang marinig ang malalim na tinig ng isang malaking lalaki. Nagtatago ang mga mata nito kapag ngumingiti, ngunit kahit pa mukhang masayahin at mahilig kumain ang gurong ito ay nakakakaba ang dagundong ng kanyang tinig. Kinuha ni Dian ang kanyang iskedyul na sabi ni Map ay isinalin na ni Kid mula sa Baybayin. Nakaramdam siya ng kaunting pagsisisi na inaway niya si Kid kahit pa ginawan siya nito ng pabor. Ngunit sa ngayo'y hindi ito mahalaga, dahil kailangan muna niyang malaman kung sino ang guro ngayon. Naramdaman ni Dian na may bahagyang tumapik sa kanyang balikat.

"Sauluhin mo hija ang Baybayin para hindi ka na nagsasalin," ang sabi ng guro sabay turo nito sa kanyang pangalan at binasa bawat baybay. "Ha. Gi. Bis. Hagibis."

Binalingang muli ni Prof. Hagibis ang dalawang magkatabi na nag-uusap kanina. "Kung ako sa inyo, file a complaint about that person. Hindi naman lihim sa inyong lahat kung ano ang position ng faculty tungkol sa issue na 'yan, pero kahit kami, walang magagawa, dahil ito ang pasya ng mga matatanda. Kailangan nating sundin iyon."

Napakunot ng noo si Dian. Kung ayaw nila sa desisyon, bakit kailangan itong sundin? Pakiramdam niya'y bawat oras na itinatagal niya sa Linangan ay unti-unti ring nauubos ang kalayaan niya para sa kanyang sarili.

~oOo~