webnovel

Legend of the Bladed Hand

This is a Filipino serialized story about an ordinary teenage girl who learns about her extraordinary lineage when she gets admitted into a secret school for the Maginoo class and falls in love with the top student who holds the alarming truth about the death of her mother - the keeper of the Bladed Hand. ~oOo~ Status: Ongoing Updates weekly Also seen on Wattpad

intimidos · Fantasía
Sin suficientes valoraciones
26 Chs

Balong Malalim (Part III)

NAPAWI ANG USOK sa paligid ng kotse at nakita ni Dian na binabagtas nila ang gubat. Kumbinsido siyang sila ay lumilipad kanina dahil ngayo'y naramdaman na niya ang pag-alog ng sasakyan, tanda na ang kalsadang dinadaanan nila ay hindi sementado.

Pumasok ang kotse sa isang arko ng matatayog na kawayan at narinig ni Dian ang isang pagsabog. Sa gulat ay napasigaw siya ngunit natawa lamang si Map.

"Huwag kang mag-alala," ang pangungumbinsi ng binata, "nakapasok na tayo sa Linangan. Hindi na tayo mahahabol ng Silakbo."

"Ano 'yung sumabog?" tanong ni Dian. Kinakabahan siya na baka may bumaril sa kanila o naghagis ng granada.

"Pader."

Napatingin sa likuran si Dian. Wala namang pader sa arko. Binibiro yata siya ni Map. Mukhang bolero ang taong ito. Sa susunod ay hindi na siya magpapaloko.

Sa wakas ay tumigil ang kanilang sasakyan. Mahaba ang pila ng mga puting kotse. Mula sa mga ito ay nagsisilabasan ang mga kabataan na tulad ni Map ay pusturang pustura. Mukhang mamahalin ang mga suot na long sleeves at itim na pantalon ang mga lalaki. Samantalang parang kuha naman sa mga fashion magazine ang mga suot ng mga babae. Napatingin si Dian sa suot na maong at puting pang-itaas na itinupi pa niya ang sleeves. Mukhang 'di siya nababagay sa lugar na ito.

"Hanggang dito na lang po tayo, sir," sabi ni Mang Basilio.

Nagsuot ng shades si Map saka lumabas. Dali-dali itong pumunta sa pinto ni Dian na noo'y pabukas pa lang. Inihandog ni Map ang kamay kay Dian.

"Let's go," anyaya ni Map.

Itinabig lang ni Dian ang kamay ni Map. Napatawa ang lalaki.

"'Kala mo naman prince charming ka," biro ni Dian.

"Hindi ba?" Kung babanat si Dian, hindi magpapatalo si Map.

"Hindi."

"Akala ko ba crush mo 'ko?" sabi ni Map.

"Maraming namamatay sa maling akala," banat pa rin ni Dian. "Paano tayo papasok?"

"Makikiusap ka sa Tikbalang."

Pusang gala. Hindi pa rin natatapos ang mga hiwaga ngayong araw na ito. Magkasamang naglakad sina Map at Dian habang nakasunod sa kanila si Mang Basilio na bitbit ang dalawang naglalakihang maleta ni Map. Napatigil si Dian.

"Hindi ka ba magbibitbit ng maleta mo?"

"Andyan naman si Mang Basilio."

"Andito naman po ako."

"Hindi ka na naawa. Ano ba'ng laman niyan?" tanong ni Dian.

"Clothes, accessories, among others... May reputation akong inaalagaan," sagot ni Map. "Eh 'yang backpack mo, may damit bang laman 'yan?"

Oo nga naman. Saan siya kukuha ng damit ngayong lahat ay iniwan niya sa dating apartment na tinitirahan? Ibig bang sabihin nito maglalaba siya araw-araw? PUSANG GALA. Ano naman ang isusuot niya habang nagpapatuyo siya ng mga damit?

Napahalakhak si Map. "Ayos lang 'yan. Andyan naman si Mang Basilio. Pwede ka niyang ibili. Bigay mo lang 'yung size."

Napakunot ng mukha si Dian. Si Mang Basilio ang bibili? As in si Mang Basilio?

Mukhang naintindihan naman ni Map ang iniisip ni Dian, kaya sinabing niyang, "Or... Si Aling Basilia."

"Ha?"

Basilio... Basilia... Magkapatid ba sila? Itinuro ni Map ang mga kasamang driver na tumutulong sa pagbubuhat ng mga gamit ng mga kabataang Maginoo. Laking gulat ni Dian na lahat – lalaki man o babae – ay kamukha ni Mang Basilio – iba-iba lang ang suot. May puting polo, may ginto, may Barong Tagalog, may naka-sarong, may naka-bahag – pero lahat ay iisa ang mukha – pati ang mga babae. Sila siguro ang mga Aling Basilia. Napanganga na lamang si Dian.

"Baka mapagsaraduhan tayo ng gate kung lahat papansinin mo," pabirong sabi ni Map.

"Hindi ba kayo nagkakalituhan ng kasama?" tanong ni Dian.

"Confusing ba?" tugon ni Map. "Siya si Mang Basilio. Siya naman," sabay turo sa isa pang driver na nakasuot ng bahag, "si Manong Basilio."

"Ewan," ang nasabi na lang ni Dian.

Napakamot ng ulo si Map; parang sinasabing, hindi ba 'yan obvious?

Sa lahat ng nangyaring kababalaghan kay Dian ngayon, ang pakikipag-usap kay Map ang pinaka-magical. Napansin niyang hindi lang siya ang kinikilig sa presensya ng idolo. Maging ang mga dalagang may magagarang suot ay 'di mapakali sa kakatitig kay Map. Pero ibang kiligin ang mga ito, 'di katulad ng mga best friend ni Dian kapag nakakakita ng pogi sa school ay nagsisipaghiyawan. Ang mga Maginoo, tumitingin lamang, ngumingiti nang mahinhin, at nagbubulungan.

"Pinagtitinginan ka nila," sabi ni Dian kay Map.

"Ikaw rin naman," sagot ni Map habang kumakaway sa ilang dalagang nakilala niya. "Hi!"

At noon nga ay napansin ni Dian na may mga kabataang Maginoo na binibigyan siya ng mapanuring tingin. Iyong tipong mula paa hanggang ulo. Nangingilatis. Nanghuhusga kahit walang sinasabi. Ang mga mayayaman nga naman.

Napabalik ni Map ang lumilipad na diwa ni Dian nang magsalita ito. "Andito na tayo," ang sabi niya.

Sa kanilang harapan ay isang daan patungo sa gubat. Ito ba ang entrance ng Linangan? Sa magkabilang panig ng daan ay may dalawang malaking puno ng narra, at ang mga sanga nila ay magkakasugpong upang gumawa ng isang arko ng mga dahon.

Sa gitna ng arko ay may isang morenong binatang nakatayo. Seryoso ang mukha. May hikaw sa isang butas ng ilong.

"Maligayang pagdating sa inyong lahat. Ako si Datu, ang pangulo ng mga mag-aaral ng Linangan."

Bumaling si Dian kay Map at bumulong, "Akala ko parang si Dumbledore 'yung pinuno."

Umiling si Map at ngumisi. "Excited kang makita?"

"Hindi na makakapasok pa sa arkong ito ang mga kasamahan ninyo," patuloy ni Datu, "kaya kunin ninyo ang mga gamit ninyo at kayo mismo ang magdadala ng mga ito sa loob."

Halos sabay-sabay na dumaing ang mga kabataang Maginoo, maliban kay Dian na isang backpack lang ang dala.

Nagtaas ng kamay si Map. Tinanguan siya ni Datu. Seryoso pa rin ito.

"Medyo marami kasi akong dala," sabi ni Map, " okay lang ba na –"

"Hindi okay," ang mariing tugon ni Datu.

Parang hinataw ng kidlat si Map. Si Dian naman ngayon ang napangisi.

"Niligtas kaya kita sa mga assassin mo," bulong ni Map kay Dian. Parang sinasabi nito na tumanaw naman siya ng utang na loob.

"Isa-isa lang tayong tumungo sa mga puno at ipakita ang mga simbolo ng lahi. Hihintayin ko kayo sa gubat," ang sabi ni Datu saka ito naglakad papasok sa gubat.

Inobserbahan ni Dian ang ginawa ng mga dalagang kinilig kanina kay Map. Inilabas nila ang kanilang mga simbolo: may singsing, may pulseras, mayroon ding katulad niya na kuwintas ang pinapakita, saka pumapasok sa arko at hinahatak ang kanilang mga maleta. Tila tinatamad ang mga ito na magbitbit ng gamit. Bakit ba ang dami nilang dala kung ayaw naman nilang buhatin nang maayos? Masisira lang ang mga maleta. Sayang at mukhang mamahalin pa ang mga ito.

"Save the best for last," ang narinig ni Dian na sinabi ni Map.

Nasa kabilang puno si Map at nakataas ang kamay na may singsing. Tiningnan niya si Dian na parang sinasabing "gayahin mo lang ako."

Lumapit si Dian sa puno at ngayon lang niya napansin na may nakaukit na Tikbalang dito. Inilabas ni Dian ang pendant niyang Bakunawa upang ipakita sa Tikbalang. Kumislap ang mata ng lamang-lupa. Saka dahan-dahang pumasok si Dian sa arko. Naghintay siya kung ano ang mangyayari. Natawa si Map sa hitsura niya na parang ninja.

"Dian, halika na, baka maiwan nila tayo," ang sabi ng lalaki.

Inabutan nila ang kumpulan ng mga kabataan sa harap ni Datu. Sa isip ni Dian, siguro'y may dalawa o tatlong daan sila rito.

"Bago tayo magpatuloy, kailangan lang natin ng sakripisyo," ang paunang salita ni Datu.

Sakripisyo? Teka, hindi kaya kulto itong pinasok ni Dian at siya ang iaaalay? Binatukan ni Dian ang sarili. Nabudol-budol yata siya nitong gwapong lalaki na katabi niya. Bakit ba sama siya nang sama nang walang katiyakan kung ano ang mangyayari sa kanya? 'Yan ang napapala ng bulag sa idolo.

Napansin ni Map na hindi mapakali si Dian.

"Oy, sacrifice daw," sabi ni Map. Plano niyang takutin ang katabi.

Tinitigan nang masama ni Dian si Map. Kinurot lang ni Map ang pisngi ni Dian.

BLAG. BLAG. BLAG.

Napatingin si Dian sa nangyayari. Nakataas ang isang kamay ni Datu at sa ilalim niyon, ay ang gumagalaw na lupa. Sumabay ang pag-ikot nito sa ipo-ipo mula sa palad ng lalaki. Bumubuo ng hukay na bilog. Palalim nang palalim. Yumanig nang marahan ang lupang kinatatayuan ng kabataang Maginoo, ngunit sa kanilang lahat, si Dian lang ang mukhang kinakabahan.

Natapos ang pag-ikot ng lupa. Sa kanilang harapan ay may isang balong malalim. Dito ba nila isasakripisyo si Dian? Inisip ni Dian na kung sakali, paano ba siya makakapaghiganti ala Sadako.

"Ilabas na ninyo," ang sabi ni Datu.

Naisip ni Dian na kung siya man ang ihahagis sa balon, maaari siyang tumakbo at magtago sa mga puno. Mukhang madilim sa bandang kanan. Pero paano siya makakatakbo? Mukhang madali siyang mahuhuli ni Map. Naalala ni Dian na magaling ito sa labanan. Hindi siya magtataka na marunong din itong lumipad – parang 'yung martial arts sa TV. Paano ngayon siya makakapagtago?

"Walang magtatago," anunsyo ni Datu. "Bawal sa Linangan 'yan."

Bawal? Eh bakit ba sinundo siya ni Map para dalhin dito?

Naramdaman na lang niyang may kumurot sa pisngi niya. Si Map. Nagtanggal na ng shades.

"Uy, 'wag ka raw magtago," sabi nito. "Ilabas mo na kung ano'ng meron ka."

"Ano'ng ilalabas?" ang kabadong tanong ni Dian.

"Ano pa eh 'di 'yung weapons mo."

"Ha?"

Inilabas ni Map ang dalawang punyal sa sleeves at ipinakita kay Dian. Nakita rin ni Dian na nagsisipaglabas ng mga espada at kutsilyo at tabak ang mga kabataan. Pati yoyo at pamaypay. Walang pinalampas si Datu. Lahat ay isinasakripisyo sa balon.

"Unfair!" isang magandang dalaga ang sumigaw. Napatingin ang lahat sa kanya, pati si Dian, at nakita niyang nakaturo ang mala-poselanang daliri nito sa kanya. "Wala siyang sacrifice!"

At narinig ni Dian ang samu't saring daing ng mga Maginoo. Kesyo bakit daw ganoon, bakit daw ganyan.

"Ilabas mo na 'yung punyal mo o kaya 'yung sundang mo," bulong ni Map.

"Ano ba'ng pinagsasabi mo?" tanong ni Dian. "Wala akong ganon."

Napilitan si Dian na buksan ang bag upang ipakita na wala siyang kahit na anong armas. Magsisisigaw na sana siya nang biglang natahimik ang lahat.

Napansin ni Dian na iba na ang pokus ng atensyon ng mga Maginoo, lalo na ang mga dalaga. Nakatingin ang lahat sa huling mag-aaral na dumating. Matangkad. Matikas. Maputi. Makapal ang mga kilay na magkasalubong, tila naiingayan sa paligid. Manipis ang mga labi na medyo nanginginig. Gustong magsalita ngunit nagtitimpi. Mukhang importanteng tao ito kahit pa siya ay labimpitong taong gulang pa lang.

Dumaan ang lalaki sa balon. Tumingin. Nilagpasan ang butas. Saka pumunta sa tabi ni Datu.

Hindi napigilan ni Dian ang sarili.

"EH BAKIT SIYA WALANG SACRIFICE?" ang sigaw niya sabay turo sa lalaki.

Tila nawalan ng oxygen ang gubat dahil naimpit ang hininga ng lahat. Hinatak nang marahan ni Map ang dulo ng long sleeves ni Dian saka ito bumulong.

"Siya si Pinuno."

Dahan-dahang ibinaba ni Dian ang kamay dahil sa kahihiyan. Nagtagpo ang mga mata nila ng lalaki. Kasing lalim ng balon ang titig ng gwapong binata. At sa mababang tinig na animo'y malamig na hanging umihip sa gubat, nagsalita ito:

"Wala kang pakialam."

~oOo~