WALANG IBANG NAGAWA si Dian kundi sundan na lamang si Pinuno kung saan io pupunta. Naramdaman niyang paminsan-minsan ay sinusulyapan siya ng lalaki. Napapatigil siya sa paglalakad kapag nangyayari iyon saka napapaisip siya kung ano ba ang problema ng taong nasa harap niya. Pinagmasdan ni Dian ang sariling suot kung mayroon bang dumi ito. Bakit ba kasi tingin nang tingin si Pinuno? Hindi niya namalayan na tumigil sa paglalakad ang taong nasa harap kaya nauntog ang kanyang ulo sa likod ng lalaki. Sa gulat ay napaatras si Dian.
"Bakit ka sumusunod?" ang narinig niyang tanong ni Pinuno.
Napangisi si Dian habang itinataas ang buhok at itinatali. "Hindi ko kasi alam 'yung papunta sa canteen," ang sagot niya.
"Bakit mo naman inisip na sa canteen ako pupunta?"
Ay naloko na. Paano nga kaya kung walang planong kumain itong lalaking ito? Ibig sabihin ba hindi rin siya makakapag-almusal? Hindi mabasa ni Dian ang mukha ni Pinuno dahil mula kahapon hanggang ngayon, iisang reaksyon ang nakikita niya mula rito: lagi lang parang problemado dahil sa magkasalubong na kilay nito. Hindi pa rin ngumingiti. Kahit kaunting ngisi, wala. Hindi pa rin nagbibiro.
"Pwede bang..." sabi ni Dian. Pati siya ay nakaramdam ng pangamba (o desperasyon?) sa sariling tinig. "Pwede bang... ihatid mo 'ko sa canteen?"
Titig lang ang isinagot ni Pinuno.
"Baka kasi magsimula na 'yung orientation, hindi pa ako nakakapag-breakfast..."
Pahina nang pahina ang boses ni Dian habang nagpapaliwanag. Alam niyang napakahina ng dahilan niya... Lame. Uncool. Pero kahit naman sino, dapat kumain, hindi ba?
"Masyado ka nang malayo sa pupuntahan mo."
Napatingin sa likod si Dian. Nasaan na nga ba sila? Puro puno ng kawayan ang paligid. Bakit biglang nagbago ang gubat? Iniligaw ba siya ni Pinuno?
Siguro'y naintindihan ng lalaki ang biglang pangangamba niya kaya nagsabi ito na, "Kung gusto mo, sumama ka sa akin sa balay."
Mabilis na nag-isip ni Dian. Balay? Bahay 'yon 'di ba? Kaninong bahay? Kay Pinuno? Eh 'di parang dorm niya 'yon? Siya lang mag-isa? Ibig sabihin ba silang dalawa lang ang nasa balay kapag nagkataon?
"Teka," ang sabi ni Dian matapos magkalkula ng kung ano ang gagawin. "Hindi ba pwedeng tulungan mo na lang ako pabalik?"
Tumaas ang isang makapal na kilay ni Pinuno.
"Malayo na nga ang nilakad natin, gusto mo pa kitang ihatid pabalik? Paano ako? Maglalakad na naman ako papunta rito? 'Di ba parang nakakahiya naman sa 'kin?"
Kumunot ang noo ni Dian. Ang lakas talaga ng tama ng lalaking kausap niya. Kung hindi niya madadaan sa usapan, dadaanin niya na lang sa akting.
Ipinatong ni Dian ang dalawang kamay sa kanyang tiyan at nagkunwaring nagugutom. Konting ngawa. Konting aray.
"'Di ka ba naaawa? 'Di ba pinuno ka? Dapat may pagmamalakasakit ka sa mga taong katulad ko..."
"Kaya nga sabi ko sa kanina, sumama ka na lang sa balay. Mas malapit ang lalakarin mo."
"Eh paano nga kung magpatawag ng meeting si Datu? Hindi ako makaka-attend!"
"Sino ba ang nagsabing sumunod ka sa akin?"
"Akala ko kasi—"
"Akala mo lang 'yon."
Napatahimik si Dian. Oo nga naman. Marami ang napapahamak sa maling akala. Katulad ngayon, ano ba ang alam niya sa pagkatao ni Pinuno? Nagkamali ba siya ng akala na matinong tao ang kausap niya? Kung si Map ito, malamang kanina pa siya nakarating sa canteen at nakapag-almusal. Bakit ba ang bilis niyang magtiwala? Kahit siya, hindi siya magtitiwala na kayang iligtas ang sarili kung sakaling maitim pala ang budhi ni Pinuno – kasing itim ng suot nitong damit.
Hindi namalayan ni Dian na napanganga na naman siya sa hitsura ni Pinuno.
"Sasama ka ba o hindi?"
"Magpramis ka muna na hindi mo 'ko sasaktan," ang sabi ni Dian.
"Bakit naman kita sasaktan?" ang inosenteng tanong ni Pinuno.
"Malay ko," tugon ni Dian. "Baka may maitim na balak ka, sinasabi ko lang sa 'yo, marunong akong mag-Arnis."
At sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ni Dian na ngumiti si Pinuno. Ilang saglit lang ay bumalik ito sa pagiging seryoso.
"Nakakatakot ka naman palang kasama," ang sabi niya, sabay bigay ng isang kamay. "Kidlat."
"Ha?" ang sabi ni Dian. Ano raw?
"Kidlat," ang ulit ni Pinuno. Hindi pa rin binabawi ang kamay. Alinlangang kinuha iyon ni Dian.
"K-kulog," sabi ni Dian.
Ngumiti ulit si Pinuno. Nabigla si Dian kaya binawi niya ang kanyang kamay. Parang kidlat sa kaloob-looban niya ang dala ng mga maliliit na ngiting iyon ng lalaki.
"Kidlat ang pangalan ko," sabi ni Kid. "Nice to meet you, Kulog. Magkakambal pala tayo."
Nais sanang awayin ni Dian si Kid ngunit ninakaw ng kaluskos sa 'di kalayuan ang atensyon ng lalaki.
"Dito ka lang," utos ni Kid kay Dian.
Dahan-dahang nilapitan ni Kid ang pinanggalingan ng kaluskos: sa mayabong na talahiban na mayroong mga palumpong. Kinabahan si Dian na mag-isa siya sa kinatatayuan kaya sinundan niya si Kid. Nang maramdaman ni Kid na nasa likuran niya si Dian, itinaas niya nang bahagya ang isang kamay na para bang sinasabing, hayaan mo akong mauna at huwag kang aalis sa likuran ko.
Kumuha ng isang natuyong sanga si Kid at ibinigay kay Dian.
"Sabi mo marunong kang mag-Arnis."
Tumango si Dian.
"Kung sakali," sabi ni Kid. "Kung sakali lang naman, gamitin mo 'yan."
Kumuha rin ng isang patpat si Kid at itinutok iyon sa talahiban. Dahan-dahang hinawi ni Kid ang talahib at biglang lumabas mula sa damuhan ang isang baboy ramo. Napahawak nang mahigpit si Dian sa braso ni Kid. Siguro'y nagulat din ang baboy ramo kaya mabilis itong lumayo sa kanila. Marahang tinapik ni Kid ang kamay ni Dian na noo'y nakapisil pa rin sa braso niya.
"Sorry," sabi ni Dian, sabay bitaw kay Kidlat.
Nang hawiin pang muli ni Kid ang mga dahon ay nakita niya kung ano ang inaamoy-amoy ng baboy ramo: isang duguang polo. Gula-gulanit ito.
"Sino'ng may-ari niyan? Kinain ng baboy ramo?"
"Kay Bulalakaw," tugon ni Kid.
"Sino?"
"Bulalakaw, kaibigan ko," sabi ng lalaki, habang tinutusok-tusok ng patpat ang polo.
"Bakit ganon ang mga pangalan ninyo, ang wi-weird? Buti pa si Map—"
"Mapulon," sabad ni Kid.
"Mapulon?"
Huminga muna nang malalim si Pinuno bago nagsalita. Tila napapagod na ito sa pakikipag-usap.
"Kid na lang ang itawag mo sa 'kin, si Mapulon naman, Map. Kay Bulalakaw, kapag nagkita na kayo, pwede mo siyang tawaging Blake. O, weird pa rin ba?"
Umiling si Dian, saka nagbuntong hininga.
"May problema ka pa rin?" tanong ni Kid.
Ibinagsak ni Dian ang mga balikat.
"Hindi pa rin ako nag-aalmusal."
"Pagkain pa rin ang iniisip mo? Hindi ka ba nagtataka kung bakit puno ng dugo 'yung damit ng kaibigan ko?"
"Malay ko ba sa kaibigan mo? Baka nakipaglaban siya akala niya kaya niya pero hindi pala."
Kumunot ang noo ni Kid.
"Sabi naman ni Map, safe tayo sa Linangan. Hindi ba?" tanong ni Dian.
"Depende." Nagsimulang maglakad si Kid palayo.
Naalala ni Dian ang kahihiyan na inabot niya nang sabihan siya ni Kid ng "wala kang pakialam" kahapon sa may balon. Sa asar ay inihagis niya ang hawak na sanga sa likod ni Kid. Tumigil si Kid sa paglalakad saka bumaling kay Dian. Itinaas agad ni Dian ang mga kamay at ginawang krus ang mga braso – handang ipagtanggol ang sarili.
"Siningil lang kita sa ginawa mo sa 'kin kahapon," sabi ni Dian habang sinisilip sa kanyang braso ang reaksyon ni Kid.
"Sumunod ka na lang ulit sa 'kin," ang sagot ni Kid sa panghahampas na ginawa niya.
"Ayoko," pagmamatigas ni Dian.
"Bahala ka. 'Pag bumalik 'yung baboy ramo, lagot ka."
At muling naglakad si Kid palayo kay Dian. Lumingon-lingon si Dian sa paligid, kinilabutan, saka sumunod kay Kid. Ilang minuto pa ay narating nila ang isang mahabang kubo. Mula sa labas ay naamoy ni Dian ang mga pagkain, samantalang dinig naman ang pananalita ni Datu.
"Ibibigay na namin sa inyo ngayon ang mga kakailanganin ninyo sa loob ng isang taon," ang narinig nilang bigkas ni Datu.
Napatingin si Dian kay Kid. "Tapos na ang breakfast?"
Nagkibit-balikat lang si Pinuno. Hahakbang pa lamang sila sa hagdan nang marinig nila ang anunsyo.
"Pero bago ang lahat," ang sabi ni Datu. Umalingawngaw ang tinig nito sa labas ng kubo. "Dumating na pala ang maghuhugas ng mga pinagkainan ninyo. Pakidala lang ang mga pinggan sa tabing lamesa. Bahala na sina Dian at Kidlat."
Nagkatinginan ang dalawa. Napangisi si Dian habang lalong kumunot ang noo ni Kid.
~oOo~