NAGSISIMULA PA LANG sumilay ang araw sa kagubatan nang marinig ni Dian ang malakas at paulit-ulit na lagatok ng kawayan kasabay ng huni ng mga ibon. Narinig niya ang tinig na Datu na umalingawngaw sa dormitoryo. Inutusan sila nitong gumising at humanda na para sa unang araw ng eskwela. Dahan-dahang iminulat ni Dian ang mga mata. Hinawi niya ang kanyang kumot at inayos ang sando. Nakatulog siyang suot pa rin ang kanyang maong na pantalon.
Parang napakabigat ng kanyang likuran at gusto pa niyang magtagal sa higaan. Kung hindi lang patuloy ang pangangalampag ng kawayan ni Datu sa labas, hindi babangon si Dian. Ngunit walang humpay ang morning alarm ng Student Council president – tipong nang-aasar – at mukhang epektibo naman ito dahil habang naghihilamos si Dian ay narinig niya ang mga kababaihang Maginoo na naghihiyawan sa kani-kanilang balkonahe at pinatitigil si Datu. Lalo lamang nilakasan ni Datu ang pangangalampag at tila tuminis din ang boses nito.
"Magsigising na kayo! Mauubusan na kayo ng almusal!"
Napa-yes si Dian. Libre na ang tuition, pati dorm, libre rin pala ang pagkain. Hindi maiwasan ni Dian na mag-imagine kung ano ang nakahandang almusal. Ano ba ang kinakain ng mga Maginoo? Naalala niya sa kanyang Grade 10 na aralin na kumakain ng nektar ang mga diyos at diyosang Griyego. Ang mga Pilipinong Maginoo kaya? Hindi man sila mga diyos at diyosa, sa yaman siguro nila, kaya nilang bumili ng nektar. Mabuti na lang at libre ang lahat, kung hindi'y siguradong mamumulubi ang kanyang tatay. Nagmamadali siyang kinuha ang pendant na Bakunawa at umikot ang kadena niyon sa kanyang leeg. Hinatak niya ang nakasampay na puting long sleeves sa may balkonahe at dali-daling isinuot iyon. Wala na siyang magawa kundi tanggapin na lamang na paulit-ulit niyang isusuot ang damit na ito. Napaisip tuloy siya na sana'y may libreng uniporme rin ang Linangan. Siguro naman.
Hindi pa rin nagsasawa sa kakalampag si Datu upang gisingin ang lahat kaya napaisip tuloy si Dian na nakarekord ang boses nito at ipine-play na lang sa loud speaker. Pagbukas niya ng pinto sa kwarto ay nakita niya ang mga kasabayan sa paglabas – pupungas-pungas ang ilan sa mga lalaki, ngunit magaganda na agad ang mga damit na suot. Mapoporma ang mga tindig, kahit pa inaantok. Ang mga babae naman, nakapag-ayos na ng sarili, ang iba'y may makeup pa, ngunit lahat ay naggagandahan din ang mga suot. Rarampa ba ang mga ito at halos lahat, maputi man, kayumanggi, o maitim, ay tila mga modelo sa magasin ang mga hitsura? Iba talaga ang nagagawa ng salapi, ang naisip ni Dian. Tanggap na niya sa kanyang sarili na siya lang ang hampaslupa sa Linangan. At dahil mukhang siya lang ang excited sa almusal, siya lang din ang PG.
Kung tama ang kanyang hinala, lahat ng mga kaeskwela niya ay lumaking Maginoo – maaaring may mga kasambahay (sa kanilang Araling Panlipunan, ang mga Maginoo noong unang panahon ay mayroong mga alipin na nasa gilid o may sariling bahay), nakatira sa mga naglalakihang bahay, pampered kumbaga. Hindi maisip ni Dian kung paano nakapagtago ang mga pamilya nila sa ibang tao. Paano mo maitatago ang yaman? Si Map nga, naging artista pa, pero nailihim pa rin ang pagkatao. Iba talaga ang nagagawa ng salapi. At sa karanasan niya kahapon, may mga kapangyarihan din ang mga Maginoo na wala ang ordinaryong Pilipino.
Kung paniniwalaan niya si Map, mayroon din siguro siyang kapangyarihan.
Ngunit wala siyang alam kundi mag-Arnis. At iyong tipong pang-demo lamang sa athletic meet. Mukhang sayaw kumbaga.
Lalo naman wala siyang pera.
Habang bumaba siya ay hinaplos-haplos niya ang kanyang pendant na Bakunawa. Noong naghihirap sila ng kanyang tatay, muntikan na niya itong isangla. Kung nagkataon pala'y hindi siya makakapasok sa Linangan.
Biglang sumigaw si Datu sa loud speaker.
"ANG MAHUHULI SA INYO, MAGHUHUGAS NG PINAGKAINAN NG LAHAT!"
Magic ang mga salitang iyon dahil biglang nagsigising ang mga mala-Zombie na Maginoo at nag-unahan sa pagbaba. Ang mga lalaki, tumalon na at tila lumipad pababa sa bawat palagpag – tulad ng ginawa ni Map kagabi. Sana'y marunong din si Dian nang ganoon. Kaya pala ang ilang babae, ipinaglaban na sa ibaba ng mga puno ang kanilang kwarto. Ito pala ang dahilan. Bakit ba hindi siya nakipaglaban kagabi? Dahil halos lahat ng kasabayan niya ay marunong tumalon nang mataas (o lumipad – mukhang lumipad sila?) naiwan tuloy siyang tumatakbo pababa.
Pusang gala, siya pa yata ang maghuhugas ng pinggan ngayong araw. First day of classes! Maghuhugas siya ng halos anim na raang pinggan! Ano bang kamalasan ito? Bakit ba puro tulay lang meron sa mga dormitoryong ito? BAKIT WALANG ELEVATOR?
Ilang minuto pa ang lumipas at narating din sa wakas ni Dian ang unang palapag. Nananakit na ang mga kasu-kasuan niya at tingin niya'y wala na rin siyang ganang kumain ng almusal. Nais na lang niyang bumalik sa kwarto at humiga maghapon. Nagsisi siyang hindi niya pinaghandaan ang pagbaba sa matarik na puno.
Wala na ang mga Maginoo. Marahil ay nasa loob na ang lahat ng mga ito at nagsisikain ng almusal. Naamoy ni Dian ang pagkaing nakahain sa loob ng canteen. May pritong isda. Danggit ba ang naamoy niya? Sinangag na may bawang? Bacon? Teka, mayroon ding roasted chicken? May pancakes! Black coffee! Mukhang buffet ang kainan, a. Pero...
NASAAN ANG CANTEEN?
Tumingin siya sa kanan. Sa kaliwa. Sa likuran. Lahat, puno.
Naalala niyang siya ay nasa gubat.
PERO NASAAN ANG CANTEEN?
"Hoy."
Tumaas ang balahibo niya sa batok nang marinig niya ang malalim na boses ng isang lalaki. Naalala niya ang lamig ng tinig na iyon.
Bumaling siya sa kanyang likuran at nakita niya si Pinuno. Napanganga si Dian sa hitsura ng lalaki. Nakahawi nang masinop ang buhok at kitang-kita ang makakapal na kilay nito. Magkasalubong pa rin tulad kahapon. Ang suot niyang itim na long sleeves na may Chinese collar, may burdang Bakunawa sa kaliwa, malapit sa puso. Kumikinang ang gintong sinulid nito kapag tinatamaan ng sinag ng araw.
"'Yan ba ang almusal mo?" ang narinig niyang mga salita na lumabas sa manipis na labi ng kausap.
"Ha?" ang tanong ni Dian. Sa dami ng kanyang iniisip, iyon lang ang nasabi niya.
"Hangin lang ba ang almusal mo? Nakanganga ka," ang sabi ni Pinuno.
At dahil hindi ngumingiti ang kausap, hindi inisip ni Dian na nagbibiro lang ito. At kung biro lang ang sinasabi nito, hindi nakakatawa. Hindi nakakatuwa.
Nagsalubong na rin ang mga kilay ni Dian.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" ang tanong niya.
Tanga, ang naisip ni Dian, ang tanga-tanga niya. Sa dinami-rami ng tanong na pwedeng sabihin, iyon pa ang pinili niya. Ano pa ba ang gagawin ng estudyante sa Linangan? Ang tanga-tanga niya. Nais nang tuktukin ni Dian ang sarili nang sagutin siya ni Pinuno.
"Kinakausap ka."
Ay isa pa rin palang tanga itong kausap niya. Mabuti ngang nagsama sila. Parehong silang tanga.
Nginitian na lang ni Dian ang tangang kausap. Parang nagpapa-cute.
"Hindi ka ba kakain, Pinuno? 'Pag naunahan kita sa canteen, ikaw ang maghuhugas ng pinggan."
Nagsimulang maglakad si Pinuno. Marahang marahan. Saka tumigil at binalingang muli si Dian.
"Tingin mo, paghuhugasin nila ako ng pinagkainan nila? How cute."
~oOo~